Isang Alkoholikong Magulang—Paano Ko Makakayanan?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Isang Alkoholikong Magulang—Paano Ko Makakayanan?
“Ayaw na ayaw kong umuwi. Hindi ko tiyak kung madaratnan ko si Inay, at kung naroon man siya, baka siya’y lasing at magsimulang magdadaldal tungkol sa pagkawalang-halaga kong anak.”—Robert.
“Hiyang-hiya akong magdala ng ibang tao sa amin . . . Labis kong ikinahihiya ang aking pamilya.”—Patricia.
MILYUN-MILYONG kabataan ang nagtitiis sa pang-araw-araw na kaguluhan ng paninirahan kasama ng isang alkoholikong magulang. Sinasabi ng aklat na Teen Troubles: “Ang manirahan kasama ang isang alkoholikong magulang ay nangangahulugan ng pagdaranas ng panggigipit—panggigipit na dumarating sa iyo mula sa iba’t ibang kadahilanan.
Karamihan sa alkoholikong mga magulang ay umaabuso sa kanilang mga anak sa pisikal o sa seksuwal. a At kahit na kung ang kalagayan ay hindi gaanong masidhi, ang aklat na Options ay nagpapahayag na kung ang pag-inom ay nagpapangyari na [ang alkoholikong magulang] ay mahirap unawain, iresponsable, walang-ingat, o sumpungin, ito’y nakasasamâ na rin.”
Kung gayon, walang alinlangan na ikaw ay maaaring magalit, mahiya, o mabigo sa pana-panahon. Gayunman, habang ang paninirahan na kasama ang isang alkoholikong magulang ay mahirap, matututuhan mong makayanan ito.
Pag-unawa sa Problema
Una sa lahat, makatutulong kung aalamin mo muna kung bakit ang iyong magulang ay umiinom. b “Ang taong may unawa ay siyang kumukuha ng magaling na patnubay,” sinasabi sa Kawikaan 1:5.
Ang isang alkoholiko ay hindi lamang isang taong nalalasing paminsan-minsan, ni ang isang alkoholiko ay kailangang isa ring lasenggo. Ang mga dalubhasa ay nagpapaliwanag sa alkoholismo bilang isang talamak na sakit sa pag-inom na nagdudulot ng mabibigat na problema na umaapekto sa buhay, trabaho, at kalusugan. Ang isang alkoholiko ay totoong okupado—lulong-na-lulong—sa alkohol at hindi na niya kayang mapigil ang pag-inom. Ang karamihan sa mga dalubhasa ay sumasang-ayon na ang alkoholismo ay maaaring mapigil sa pamamagitan lamang ng lubusang pag-iwas sa alkohol. c
Samantalang ang alkoholismo ay maaaring magdulot ng kakaibang epekto sa katawan na nagpapangyari sa ilang mga tao na lalong maging sugapa sa alkohol, ang emosyonal na mga salik ay tila nasasangkot din. Halimbawa, ang labis na pagkasuklam-sa-sarili ay madalas na nakatago sa ilalim ng panlabas na anyo ng alkoholiko. (Ihambing ang Kawikaan 14:13.) “Sa aking karanasan,” wika ni Dr. Abraham Twerski, “Hindi pa ako nakatatagpo ng isang alkoholiko na nagkaroon ng positibong pangmalas sa pagpapahalaga-sa-sarili, damdamin ng pagka maykakayahan at pagtitiwala-sa-sarili, bago mapahilig sa alak.” Tunay, maraming alkoholiko ang lumaki sa mga pamilyang alkoholiko. Ang pag-inom ay maaaring magpamanhid sa hapdi ng sugat sa kanilang damdamin noong kanilang kabataan.
Gayunman, ang pag-inom ay nagdaragdag lamang sa mga problema ng isang alkoholiko. Ayon sa aklat na Under the Influence, ang kaniyang “mga pagkilos, pag-iisip, at damdamin ay nababago ng alkohol.” Ang isang alkoholiko kung gayon ay may higit pang problema bukod sa pag-inom; siya ay may problema rin sa pag-iisip. Maaaring kailanganin niya ang malaking tulong, marahil mula sa isang dalubhasa, upang huminto sa pag-inom. Kaya sa pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa alkoholismo, ay maaaring mapasisimulan mong malasin ang iyong magulang na may pagkahabag.—Kawikaan 19:11.
Kung Paano Ka Naaapektuhan
Kapag ang magulang ay isang alkoholiko, ang bawat miyembro ng pamilya ay apektado. (Ihambing ang 1 Corinto 12:26.) Ang iyong buhay ay maaaring lipos ng kawalang-katiyakan. Ang iyo kayang magulang ay uuwing matino o lasing? Ikaw kaya ay yayakapin o sasaktan? Oo, ang alkoholikong mga magulang ay madalas na mag-alanganin sa sukdulang magkaibang damdamin. “Sila’y mapagmahal at responsable kung sila’y matino, marahas at nananakit nang wala sa katuwiran kung lasing,” komento ni Dr. James P. Comer. Ang gayong walang-katiyakan ay nagpapangyari sa iyong buhay na magkaroon ng pabagu-bagong emosyon. Minsan mahal mo ang iyong alkoholikong magulang, maya-maya naman ay galit ka na sa kaniya. “May mga pagkakataon na iniisip kong mabuti pang patay na siya,” pagtatapat ng isang kabataang babae.
Kung minsan ang mga epekto ng paglaki sa loob ng isang alkoholikong sambahayan ay hindi mapapansin kahit bumilang man ng mga taon. Ang mga anak ng mga alkoholiko ay madalas na nagiging alkoholiko rin—o nakapag-aasawa ng isa ring alkoholiko. Isang kabataang Kristiyanong babae nang magkagayon ay nagkaroon ng emosyonal na kaugnayan sa isang lalaki na inilarawan niya bilang isang “baguhang alkoholiko.” Kahit na may kakilala siyang mahusay at matatag na Kristiyanong mga lalaki, hindi siya naging interesado sa kanila. Bakit gayon na lamang ang pagkaakit niya sa alkoholiko? Nagsasalita para na rin sa mga kagaya niya, kaniyang sinasabi: “Sila lamang ang mga lalaking nakakasama namin at nakauunawa.”
Isang Kristiyanong elder ang nakatulong upang mabago ang kaniyang maling kaisipan tungkol dito, sa gayon pinuputol ang nakapipinsalang siklo ng alkoholismo. Kung gayon, malinaw na ikaw ay hindi itinalaga sa kalungkutan dahil lamang sa paninirahan mo sa isang alkoholikong sambahayan. Posible na mapaunti ang maidudulot na mga kapinsalaan at baka matulungan pa ang alkoholikong magulang.
Kung Paano Makakayanan
Si Dr. Stanton E. Samenow ay nag-uulat: “Ang kapaligiran na pinanggagalingan ng isang tao ay hindi gaanong mahalaga kaysa pagpiling ginagawa ng isa habang tumutugon sa kapaligirang iyon.” Oo, kahit na ang mga kalagayan sa iyong tahanan ay waring walang kaayusan, ikaw ang makapamamahala sa iyong buhay. Paano?
Huwag mong akuin ang pananagutan sa pag-inom ng iyong magulang. “Sabi sa akin ng aking mga magulang ako raw ang may kasalanan,” sabi ng 13-anyos na si Beth. Isinisi nila ang kanilang pag-inom sa kaniyang katigasan ng ulo. “Sinisi ko ang aking sarili sa mga pangyayari,” inamin niya. Gayunman, ang iyong magulang—at tanging siya lamang–ang mananagot sa kaniyang pagiging alkoholiko. “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan,” sinasabi ng Galacia 6:5.
Samakatuwid hindi mo kayang pagalingin ang iyong alkoholikong magulang. Ang paghuhumiyaw, pagsigaw, pag-iyak, at pakikipagtalo sa kaniya ay walang gaanong magagawa. Sa kabilang dako, ikaw ay hindi obligado na pagtakpan siya buhat sa mga resulta ng kaniyang paglalasing sa pamamagitan ng pagsisinungaling para sa kaniya o ang pagkaladkad sa kaniya mula sa inyong balkonahe kung siya’y mawalan ng malay roon dahil sa kalasingan.
Himukin siyang humingi ng tulong. Ito’y karaniwan nang humihiling sa pakikipagtulungan ng iyong di-alkoholikong magulang at mga kapatid. d Ang Gumising! ng Mayo 8, 1983, ay nagbibigay ng espesipikong mga mungkahi kung paanong ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring (1) tulungan ang alkoholiko na harapin ang mga resulta ng kaniyang paglalasing at (2) kausapin siya nang tuwiran tungkol sa kaniyang paglalasing. Ang pag-aasikaso sa mga bagay sa ganitong paraan ay makatutulong sa kaniya na makita ang pangangailangan na humingi ng tulong.
Lumayo sa pinangyayarihan ng gulo. Ang Kawikaan 17:14 ay nagsasabi: “Kaya iwan ninyo ang pagtatalo, bago mag-init sa pagkakaalit.” Huwag isapanganib ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagiging naroroon sa pagitan ng pag-aaway ng mga magulang. (Kawikaan 26:17) Kung maaari, manahimik ka na lamang sa iyong kuwarto, o di-kaya’y pumunta sa bahay ng isang kaibigan. Kung may banta ng karahasan, baka kailanganin ang tulong mula sa iba.
Tanggapin ang iyong nararamdaman. Ang ibang mga kabataan ay nakadarama na sila’y may kasalanan dahil paminsan-minsan ay nagagalit sila sa kanilang ama. Ngunit normal lamang na makadama ng ganito, lalo na kung ang kaniyang pag-inom ay humahadlang sa kaniya sa paglalaan sa iyo ng kalinga at tulong na iyong kailangan. Totoo, inuubliga ka ng Bibliya na igalang ang iyong magulang. (Efeso 6:2, 3) Ngunit ang “paggalang” ay nangangahulugan na igalang ang kaniyang autoridad bilang magulang kung paanong iginagalang mo ang isang pulis o hukom. Hindi nangangahulugan na sinasang-ayunan mo ang kaniyang pag-inom. (Roma 12:9) O isa kang masamang tao dahil sa umaayaw ka sa kaniyang pag-inom; ang pagkalasing ay nakasusuklam! (Tingnan ang Kawikaan 23:29-35.) Gayunman, marahil ay mapag-aaralan mong ituon ang iyong galit sa kaniyang pagiging alkoholiko sa halip na sa kaniya mismo.—Ihambing ang Judas 23.
Humanap ng nakapagpapatibay na mga kasama: Kung ang buhay sa inyong tahanan ay magulo, maaaring mawalan ka na ng idea sa kung ano ang normal. Kaya mahalaga na masiyahan ka sa pakikisama sa mga tao na malusog sa espirituwal at emosyonal. Ang Kristiyanong kongregasyon ay isang pinagmumulan ng “mga kapatid na lalaki at babae at mga ina” na makapaglalaan sa iyo ng lubos na pangangalaga at pagtulong. (Marcos 10:30) Sila’y makapagbibigay rin sa iyo ng paminsan-minsang kaginhawahan mula sa mahirap na kalagayan sa loob ng pamilya. Ang pakikisama sa Kristiyanong mga pamilya ay higit na makapagbibigay sa iyo ng isang mahusay na huwaran ng isang buhay pampamilya, isa na makapagpapabago sa hindi magandang huwaran na iyong nakikita sa iyong tahanan.
Humingi ng tulong. Ang pagkakaroon ng isang maygulang, mapagkakatiwalaang adulto na mapaghihingahan mo ng iyong nararamdaman ay nakatutulong nang malaki. Ang mga elder sa kongregasyon ay madalas na nakapaglilingkod sa ganitong bahagi. “Gaano mang kasamâ ang iyong nadarama,” ipinaaalaala ni Dr. Timmen Cermak, “tandaan na hindi kailangang magdusa nang nag-iisa.”
Hindi, hindi mo maaaring baguhin ang situwasyon sa iyong tahanan. Ngunit gaya ng isinulat ni Dr. Claudia Black: “Ang mga miyembro ng pamilya ay makapagbabago sa pamamaraan na kung saan ang buhay nila ay apektado.” Sa halip na subuking pigilin ang alkoholiko, ituon ang iyong pansin sa isang tao na kaya mong pigilin—ikaw. Ingatan ang iyong espirituwal na mga pangangailangan. (Mateo 5:3; 24:14; Hebreo 10:24, 25) “Patuloy na gumawa kayo ukol sa inyong sariling ikaliligtas,” isinasaad ng Bibliya sa Filipos 2:12. Ang paggawa ng gayon ay tutulong sa iyo na magkaroon ng positibong pangmalas, at baka maudyukan pa nito ang iyong magulang na humanap ng tulong para sa kaniyang problema.
[Mga talababa]
a Kung ikaw ay inaabuso ng isang alkoholikong magulang, kailangan mo ng tulong. Magtapat sa isang may-edad na iyong pinagkakatiwalaan. Halimbawa, sa mga Saksi ni Jehova, ang mga kabataan ay malayang makalalapit sa mga elder sa kongregasyon o sa ibang maygulang na mga Kristiyano. Ang mahalagang tagubilin tungkol sa pagtulong sa mga biktima ng pang-aabuso ay matatagpuan sa Gumising! Oktubre 8, 1991.
b Upang maging madali, tutukuyin namin dito ang alkoholiko bilang isang lalaki. Ngunit ang mga simulain dito ay kumakapit din sa mga babaing alkoholiko.
c Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa alkoholismo, tingnan ang Mayo 22, 1992, at Disyembre 8, 1982, mga labas ng Gumising! Tingnan din ang Oktubre 15, 1983, labas ng Ang Bantayan.
d Kung ang alkoholikong magulang ay nag-aangking isang Kristiyano, ang iyong pamilya ay maaaring humingi rin ng tulong sa mga elder sa kongregasyon.
[Larawan sa pahina 17]
Ipakipag-usap nang tapatan ang iyong damdamin sa isang pinagkakatiwalaang adulto