Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lapis Lazuli—Ang Bughaw na Hiyas ng Andes

Lapis Lazuli—Ang Bughaw na Hiyas ng Andes

Lapis Lazuli​—Ang Bughaw na Hiyas ng Andes

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Chile

MGA diyamante, esmeralda, rubi, sapiro​—ang napakaririkit na hiyas na ito ay kilala nating lahat. Subalit narinig mo na ba ang lapis lazuli? Bagaman ang pangalan ay maaaring kakaiba, iyon ay nangangahulugan lamang ng bughaw (lazuli, mula sa Arabiko) na bato (lapis, mula sa Latin). Dahilan sa matingkad, magulang na kulay bughaw, kadalasang batik-batik ng kumikinang na gintong pirita, iyon ay itinulad sa kalangitan kung gabi na sinabuyan ng nagniningning na mga bituin.

Isang Mahabang Kasaysayan

Ang kagandahan ng lapis lazuli ay unang naiulat sa Kanlurang daigdig ni Marco Polo noong 1271. Subalit ang hiyas ay ginagamit na sa sinaunang Mesopotamia at Ehipto bago pa noon. Halimbawa, isang kuwintas sa Sumaria na yari sa batong ito ay nahukay kasama ng mga labí ng Ur. Sa gintong maskara ng patay nang si Faraon Tutankhamen, ang mga mata at kilay ay yari sa lapis lazuli. Pinupulbos din ng sinaunang mga Ehipsiyo ang bughaw na batong ito at ginagamit na pangulay sa mga pintura at sa eye shadow. Sa Tsina ang maharlikang mga tatak at maraming uri ng mga ukit ay yari sa batong ito.

Sa nakalipas, ang lapis lazuli ay pangunahin nang hinuhukay sa Afghanistan at sa Siberia malapit sa Lawa ng Baikal. Gayunman, sa nakaraang mga taon, ang Chile ang naging pangunahing tagatustos ng kaakit-akit na batong ito. Kung ikaw ay makapamamasyal sa Chile, makikita mo ang pangalan sa maraming tindahan ng subenir at magagandang tindahan ng alahas. Subalit bakit hindi subukang mamasyal upang makita kung saan nanggagaling ang suplay ng batong ito?

Sa Isang Minahan sa Andes

Ang isa sa pangunahing mga minahan ay maaari lamang maabot sa pamamagitan ng mga mula na binabagtas ang isang makitid at mapanganib na daan na tumatalunton paitaas hanggang sa tigang at tiwangwang na kanlungan ng mga buwitre, 3,600 metro ang taas mula sa dagat.

Sa taas na ito, ang pagsakit ng ulo at pagkahilo ay maaaring magpahirap sa isang baguhan. Ang lupa ay natatakpan ng yelo halos pitong buwan sa loob ng isang taon. Sa gayon, sa maikling tag-araw, naroon ang pagmamadali na mailabas mula sa bukas na hukay sa minahan ang pinakamarami hangga’t maaari na kagamitang hilaw. Mahaba ang araw ng pagtatrabaho, at ang kalagayan sa trabaho ay mabigat. Ang kagamitan, sa pamantayan sa ngayon, ay makaluma​—mga piko, pala, karetilya, at isang barena para sa paglalagay ng dinamita. Ang labis na nakahahapong gawain ay nangangailangan ng malakas na katawan at pagtitiis.

Sa pagtatapos ng maghapon, ang ingay ng mga pagsabog at ng kalatong ng mga piko at pala ay nawawala na. Ang gabi ay napakatahimik. Ang tanging maririnig ng isa ay hugong ng hangin sa matarik na libis at ng dagundong ng nahuhulog na mga bato sa malayo. Subalit walang anuman iyon sa pagód na pagód na mga manggagawa. Sila’y madaling nakakatulog sa ilalim ng mabituing kalangitan.

Dahilan sa walang makabagong transportasyon na makuha, ang kutsero ng mga mula ay may mahalagang papel na ginagampanan. Sa kanilang kaalaman sa baku-bakong bulubundukin at paliku-likong mga daan, kanilang inaakay ang kanilang matatatag na hayop, na nakakargahan ng mga sako ng piling mga bato, tungo sa libis sa ibaba. Mula roon ang mga bato ay dinadala sa Santiago o ang mga ito ay inieksport. Sa ganitong paraan mga 20 tonelada sa isang taon ang hinuhukay at ipinagbibili sa mga artisano at mga mag-aalahas sa buong mundo.

Isang Pagdalaw sa Isang Artisano

Ang mga artisano sa Chile ay nakagagawa mula sa 30 hanggang 40 porsiyento ng mga batong kanilang nakukuha sa mga minahan ng magagandang hikaw, kuwintas, pulseras at singsing. Ang pinakamataas na uri ng mga bato ay inienggaste sa ginto at inieksport. Ang ikalawa sa pinakamataas na uring mga piraso ay ginagamit sa mga alahas na inienggaste sa pilak, at ang mas mabababang uri ng bato ay ginagawang mga pigurin, gaya ng mga elepante, leon, o pagong, mga hawakan ng pambukas ng sulat, at maging maliliit na pang-ibabaw sa mesa.

Si Don José ay isang mahusay na artisano. Bagaman nagambala namin ang kaniyang pagpapahinga nang kami ay mapadaan, siya’y nagbigay ng mainit na pagtanggap sa amin at ipinakita sa amin ang kaniyang taller (pagawaan) sa patyo.

“Maaari po ba kayong magdemonstrasyon, Don José?” tanong namin.

“Perfecto!”

Una isang malaking bato na tumitimbang ng 2 o 3 kilo ang kailangang putulin ng isang pabilog na diyamanteng gulong o lagari. Kaniyang ipinaliwanag na ang el artesano ay dapat na alam ang kaniyang bato at marunong kumilatis upang makagawa ng eksaktong putol upang maalis ang mapuputing hilatsa habang iniingatan ang pinakamataas na halaga ng kalidad ng bato.

“Bakit ninyo binabasâ ang bato?” isang tao ang nagtanong.

“Upang mapalabas ang higit na pagkakaiba sa pagitan ng puting hilatsa at ng lapis na nais kong ingatan,” sagot ng aming palakaibigang artesano habang kaniyang pinuputol ang bato sa mas maliliit na piraso.

Pagkatapos ay kaniyang ipinakita ang sumunod na hakbang. Sa pamamagitan ng mas maliit na pabilog na gulong, kaniyang hinugis ang mas maliliit na bato sa nais niyang anyo. Dahil sa kahusayan mabilis niyang naihugis ang mga piraso sa mga butil, mga half moon para sa hikaw, at cabochons (pabilog, o maumbok na mga piraso).

Sumunod, kaniyang nilinis at pinakintab ang mga piraso sa pamamagitan ng isang pabilog, sintetik na iskoba. Pagkatapos, nang madampian ng pasta, kaniyang kinuskos ang mga ito hanggang sa kumintab. Ngayon ay handa na itong gawing singsing o pagkawing-kawingin upang gawing kuwintas. Ang pangkatapusan ay ang pagsisiyampu at pagbanlaw sa maligamgam na tubig na ginagamitan ng sipilyo sa ngipin. Sa katunayan, inirekomenda ni Don José ang panghuling pamamaraang ito para mapanatili ang kagandahan ng hiyas na lapis lazuli.

Oo, sa mga kamay ng bihasa at mahuhusay na artisano gaya ni Don José, ang mga kayamanan ng lupa ay maaaring maging gawa ng sining na magbibigay kaluguran at kaligayahan sa mga makakakita o makagagamit ng mga iyon. Ang lapis lazuli, ang magandang bughaw na bato na matatagpuan sa mataas na Bundok ng Andes, ay isa sa maraming gayong kayamanan na inilaan ng ating maibiging Maylikha para sa ating kasiyahan at kaluguran.