Mga Karagatan ng Kapahamakan
Mga Karagatan ng Kapahamakan
SA ISANG katamtamang taon, nagtatapon ang mga tao ng mga 130 milyong litro ng langis sa mga karagatan ng daigdig. Sa daming iyan, na totoong nakagugulat, ay hindi pa kasali ang paminsan-minsang malawakang mga pagtatapon, gaya niyaong kapahamakan ng 1989 Exxon Valdez sa baybay ng Alaska, E.U.A., o ang kapahamakan sa Persian Gulf noong nakaraang taon, na nakitaan ng mga 160 milyong litro ng langis sa isang araw na umaagos tungo sa dagat!
Subalit ang tao ay nagtatapon sa dagat nang higit pa kaysa mga langis. Sa baybay ng Hilagang Dagat sa Alemanya, ang mga kemikal ng industriya ay umaabot sa mga antas na sinasabi ng mga eksperto na nakalalason. Samantalang sa layong 200 kilometro palaot, isang nakamamatay na sangkap ng pintura na ginagamit upang ingatan ang mga labas ng barko ay lumalason sa tinatawag ng mga oseanograpo na microlayer. Ang mahalagang pang-ibabaw na suson ng karagatan na ito ay isang punlaan ng mga itlog ng isda, gayundin bilang tirahan ng mikroskopyong mga organismo na pangunahing pinagkukunan ng pagkain para sa maraming nilikha sa karagatan.
Sa timog ng Europa, natagpuan ng mga siyentipiko na ang microlayer ng Dagat Mediteraneo ay nakalatan din ng mga nagpaparuming kemikal, langis, at dumi. Ang mga mamal sa dagat, gaya ng mga balyena, ay lalo nang napipinsala sa maruming microlayer, yamang kailangan nilang pumaibabaw nang palagian upang huminga. Sa gayon, mga 6,000 mamal sa dagat ang namamatay sa Mediteraneo taun-taon, karamihan ay dahil sa polusyon. Sa isang pagkakataon, daan-daang mga dolphin (lampasut) ang inanod sa tabing-dagat ng Mediteraneo—hanggang sa 50 bawat linggo sa baybay-dagat ng Pransiya lamang. Isang virus ang sumalakay sa makikinis, magagandang nilikha. Ang polusyon ang nagdadala ng sakit na siyang nagpapahina ng resistensiya ng mga dolphin. Kalagim-lagim, ang oseanograpong si Jean-Michel Cousteau ay sumulat: “Kung ang mga dolphin ay maaaring mamamatay sa polusyon, gayundin tayo.”
Maaaring ang gayong hula ay nakatatakot. Subalit ang katotohanan ay, isinasapanganib na ng polusyon ang sangkatauhan sa napakaraming paraan. Halimbawa, nasumpungan ng mga manggagawang nagliligtas sa baybay ng Newfoundland na ang polusyon ang humadlang sa kanilang pagsisikap na makasumpong ng mga nakaligtas sa bumagsak na eruplano. Sa pagkakataong ito ang dahilan ay ang basurang plastik. Kalat-kalat iyon sa karagatan anupat hindi malaman ng mga pangkat ng nagliligtas kung ang kanilang nakikita ay mga piraso ng pagbagsak o mga piraso ng basura. Hindi sila kailanman nakasumpong ng mga nakaligtas.
Isang nakalulungkot na balita, hindi ba? Subalit isip-isipin: Kung ang krisis ng polusyon ay nagpapabigat sa damdamin ng mga tao, gaano pa kaya ito sa Isa na lumikha “ng mga dagat at ng lahat na naroroon”? (Nehemias 9:6) Tiyak, ang panahon ay dumarating na kaniyang “ipahahamak ang mga nagpapahamak ng lupa.”—Apocalipsis 11:18.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Mike Baytoff/Black Star