Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Masama sa Aming Pag-uusap?

Ano ang Masama sa Aming Pag-uusap?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Ano ang Masama sa Aming Pag-uusap?

‘HINDI naman kami nagde-date, nag-uusap lamang kami.’ Iyan ang paglalarawan ng 17-taóng-gulang na si Denny sa relasyon nila ni Tina. a Sila’y nagkakilala sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, at mula noon ay palagi na silang nag-uusap nang matagal sa telepono. Inaamin ni Denny na napakabata pa nila upang itaguyod ang isang seryosong pagliligawan. Subalit wala naman siyang nakikitang masama sa ginagawa nilang pag-uusap.

Maraming kabataan na hindi pinapayagan ng kanilang mga magulang na makipag-date ay hinahayaan na ipagpatuloy ang kanilang pakikipagkaibigan sa di-kasekso sa pamamagitan ng madalas na pag-uusap at pagtatawagan sa telepono. Isang katuwaan ba lamang? Marahil. Subalit ang ilang mga magulang ay nababahala. “Tila may problema rito sa pagkakaroon ng kaugnayan ng napakabatang mga tin-edyer sa ibang napakabatang mga tin-edyer,” sulat ng isang nag-aalalang magulang. “Hindi sila nagde-date, ngunit itinuturing nila ang isa’t isa na magkasintahan.”

Ang ibang mga kabataan ay nagpapaunlad ng lalaki-babae na ugnayan sa pamamagitan ng pagsusulatan. Ang mga sulat na ito ay maaaring wala kundi malinis na mga kapahayagan ng pagkakaibigan. Gayunman, madalas na iyon ay nagiging romantiko sa pandinig. Maaari ring magkaroon ng romantikong ugnayan kung ang mga kabataan ay makikipagsulatan sa mga indibiduwal na kilala sa pagpapakita ng di-mabuting mga halimbawa bilang mga Kristiyano. Maaaring angkinin na ang pagsusulatan ay nagsimula bilang isang tapat na pagsisikap na patibayin ang mga ito.

Pakikipag-usap o Pakikipag-date?

Ang Bibliya ay hindi humahatol sa pakikipag-usap o pakikipagsulatan sa mga di-kasekso. Ang mga Kristiyano ay inaasahan na “magkaroon ng pag-ibig para sa buong kapatiran,” at kabilang na riyan ang mga kasamang lalaki’t babae. (1 Pedro 2:17) Ang Bibliya ay nagsasabi pa sa mga kabataang lalaki na ituring ang “nakababatang mga babae tulad sa mga kapatid na babae sa buong kalinisang-puri.” (1 Timoteo 5:2) Pagka ikinapit ang mga simulaing ito, ang mga kabataang lalaki at babae ay magtatamasa ng malinis, mabuting ugnayan​—oo, pagkakaibigan!

Gayunman, ang mga kabataang Kristiyano ay karaniwan nang nasisiyahan sa gayong pakikipagkaibigan sa mga grupo. Kaya nga pagka ibinukod ng dalawang kabataan ang kanilang mga sarili para sa pantanging atensiyon, ang relasyon ay nagsisimulang magmukhang pag-iibigan, pagliligawan. Ito ba’y gaya na rin ng pagde-date? Karamihan sa mga kabataan ay marahil magsasabi na hindi. Gayunman, ang mga tin-edyer ay hindi palaging nakatitiyak kung ano ang ibig sabihin ng mga adulto sa pagde-date.

Nang isang grupo ng mga kabataan ang tanungin kung ano ang kahulugan ng pakikipag-date, mahigit sa kalahati ang nagsabi na ito ay nangangahulugang ‘paglabas kasama ang isang di-kasekso.’ Ang pangangahulugan ng ilan dito ay ‘upang makilala nang higit ang isa.’ Isang impormal na surbey sa isang grupo ng mga kabataang Kristiyano ay nagbigay ng katulad na mga resulta. Isang 13-taóng-gulang na lalaki ay nagsabi: “Ang date ay pagka magsasama ka ng isang babae sa sinehan at magpapagabi at pagkatapos ay ihahatid siya sa bahay.”

Ipinaliliwanag ng isang diksyunaryo ang salitang Ingles na “date” bilang “isang sosyal na tipanan sa pagitan ng dalawang tao na di-magkasekso.” Hindi ba’t kasali rito ang pagkakaroon ng regular na pakikipag-usap sa isa? At kumusta naman ang gayong pakikipag-usap, o sosyal na mga tipanan, sa telepono? Isang kabataang lalaki na nagngangalang Ivan ay nagsasabi: “Ito ay isang anyo ng pagde-date, lalo na kung ikaw ay may patiunang isinaayos na araw at oras upang tawagan ang taong ito at ang pag-uusap ay umiikot sa personal na mga bagay.”

Ang aklat na The Family Handbook of Adolescence ay nagsasabi: “Ang lalaki-sa-babaing pakikipag-ugnayan . . . ay madalas na ginagawa sa pamamagitan ng maiikling sulat, ng mga liham, at ng telepono. Ang bawat isa sa mga uring ito ng pakikipagtalastasan ay pinahahalagahan [sa mga kabataan] sapagkat hinahayaan nito ang malapit na ugnayan kahit magkalayo.” Gayumpaman, gaya ng anumang anyo ng pagde-date, maaaring mauwi ito sa isang seryosong ugnayan. Isaalang-alang ang isang kabataang lalaki na nagngangalang Jack. Nang siya’y maging interesado sa isang kabataang babae bilang isang maaaring mapangasawa, gumugol siya ng napakaraming panahon sa pakikipag-usap sa kaniya sa telepono. “Maaaring makilala ang isang tao sa pamamagitan ng mga pag-uusap sa telepono,” sabi ni Jack. “Maaari mong ipakipag-usap ang iyong mga kaisipan at maging ang iyong mga damdamin sa pamamagitan ng telepono.” Si Jack at ang kaniyang kasintahan ay napakasal. Dahil sa magkalayo, ipinagpapatuloy ng maraming magkapareha ang karamihan ng kanilang pagde-date sa pamamagitan ng mga tawag sa telepono at mga sulat!

Kung gayon, ang isyu ay hindi kung ang isang magkapareha ay basta nag-uusap, nagkikita, o nagde-date, kundi kung anong uri ng ugnayan ang kanilang pinauunlad. At pagka ang isang lalaki at isang babae ay nagbukod ng kanilang sarili, sa paano man ito’y magbibigay ng anyo ng isang sumisibol na pag-iibigan. At kalimitan na ito’y higit sa basta anyo lamang. Gaya ng ipinaliliwanag ng isang tin-edyer na manunulat na si Jane Rinzler sa kaniyang aklat na Teens Speak Out: “Kung ang dalawang tao ay nagkakagustuhan . . . sila’y magsisimulang magkita. Malamang na ito’y magsimula sa kanilang pag-uusap sa telepono marahil nang minsan, marahil nang ilang beses.”

Ang mga Panganib ng Maagang Pagde-date

Ngayon maaaring hindi masama na ang dalawang tao ay magpasimula ng isang romantikong ugnayan kung sila ay nasa kalagayan na magpatuloy sa pag-aasawa. Subalit kaunti lamang sa mga magkaparehang tin-edyer na nakikipag-date ang nagsasaalang-alang sa pag-aasawa. Sang-ayon sa aklat na Adolescent Development, nina Barbara at Philip Newman, ang pagde-date ng mga tin-edyer ay kadalasang nagsisilbing isa lamang “anyo ng paglilibang,” isang paraan upang ‘maging kilala’ sa gitna ng mga kabataan, at isang paraan upang “makaalam tungkol sa mga di-kasekso.”

Ngunit para sa mga Kristiyano, ang pag-aasawa ay banal, marangal. (Hebreo 13:4) Ang pagliligawan sa anumang anyo kung magkagayon ay isang seryosong bagay​—hindi isang laro. At pagka ang isa ay napakabata pa upang mag-asawa, ang malapit na ugnayan sa isang di-kasekso ay madaling humantong sa samâ ng loob at dalamhati. Ganito ang pagkasabi ng Bibliya: “Makakukuha ba ng apoy ang tao upang ilagay iyon sa kaniyang sinapupunan at hindi masusunog ang kaniya mismong mga kasuutan?”​—Kawikaan 6:27.

Nang si Maria ay 13 taóng gulang, nagsimula siyang mag-eksperimento sa mga pagde-date sa telepono. Iyon ay kasiya-siya sumandali. Subalit yamang siya ay wala pa sa hustong gulang upang mag-asawa, ang gayong pakikipag-date ay iniwan lamang siyang malungkot at bigo. “Ang pag-asa na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso,” sabi ng Kawikaan 13:12. Kinailangan din niyang harapin ang kaigtingan ng patuloy na paglilihim sa kaniyang mga magulang hinggil sa kaniyang pakikipag-date. “Sa tuwing tutunog ang telepono, nag-aalala ako na baka iba ang makasagot​—lalo na ang aking ina. Nakakahiya pagka siya’y nagtatanong, ‘Sino ito?’ at pagkatapos ay ibinababa iyon sapagkat wala nang sumasagot.”

Maging ang pakikipagsulatan ay may panganib din. Si Charlene, halimbawa, ay nagkaroon ng masidhing damdamin para sa isang di-mananampalataya. Siya’y nagtapat: “Sinimulan kong sulatan siya, at kami ay naging higit pa sa basta magkaibigan. Siya ay isang alkoholiko, ngunit pinagsisikapan kong matulungan siya. Sa palagay mo ba’y may anumang pag-asa upang mabawasan ang kaniyang pag-inom?” Gayunman, ang pagtatangka ni Charlene na maging tagapayo sa isang alkoholiko ay hindi matalino at walang-katiyakang magtatagumpay. Siya ay maaaring mapasuong sa isang kapaha-pahamak na pag-aasawa. b​—2 Corinto 6:14.

Ingatan ang Iyong Sarili na May Kakayahang Mag-isip

Mabuting payo ang ibinigay sa Kawikaan 2:10, 11: “Pagka ang karunungan ay pumasok sa iyong puso at ang kaalaman mismo ay naging ligaya sa iyong kaluluwa, ang kakayahang mag-isip mismo ay nagbabantay sa iyo, ang pagkaunawa mismo ay mag-iingat sa iyo.” Malimit na hinahayaan ng mga kabataan ang kanilang damdamin ang umakay sa kanilang mga desisyon. Ngunit sa paggamit ng kakayahang mag-isip at pag-unawa, malaki ang iyong magagawa upang “ilayo ang alalahanin sa iyong puso, at ilagan ang kasakunaan sa iyong katawan.”​—Eclesiastes 11:10.

Ang kaunawaan ay tumutulong sa iyo na kilalanin na ikaw ay nasa “kasariwaan ng kabataan,” isang panahon kung kailan ang seksuwal na damdamin at romantikong emosyon ay masidhi. (1 Corinto 7:36) Ang malapít na pakikisama sa isang di-kasekso​—maging ito man ay sa personal, sa telepono, o maging sa sulat—​ay lalo lamang magpapasigla sa pagkahumaling. Bakit kung gayon ibubukod ang isa para sa pantanging atensiyon? Totoo, maaaring nais mong matuto kung paano makikitungo sa di-kasekso. Subalit karaniwan nang magagawa mo ang gayon sa masayang pakikisama sa di-kasekso sa mga grupo. Maging gayon man, iwasan mong limitahan ang iyong sarili sa isang maliit na grupo ng mga kaibigan. “Palawakin” ang iyong pakikisama. (2 Corinto 6:13) Ang paggawa ng gayon ay magbabawas sa malamang na pagkakaroon ng romantikong ugnayan.

Ito ba’y nangangahulugan na hindi ka na maaaring makipag-usap sa telepono o sumulat sa isang di-kasekso? Hindi. Ang panganib ay masusumpungan sa pagpapaunlad ng isang emosyonal na pagkagiliw sa isang tao. Subalit mag-ingat na huwag kang makasakit sa isa o masaktan ang iyong sarili mismo. At kung sa kabila ng iyong pinakamabuting hangarin ay nagsisimulang magkaroon ng romantikong damdamin, kinakailangan mong lumayo sa pakikipagkaibigang iyon.

Makatutulong din na ipakipag-usap ang mga bagay-bagay sa isang pinagkakatiwalaang adulto, gaya ng isa sa iyong mga magulang. (Kawikaan 23:26) Sa una ay maaaring mag-atubili ka o mahiya na ipagtapat ang iyong damdamin. Subalit ang iyong mga magulang ay makauunawa sa iyong damdamin nang higit sa iyong inaakala.

Maaaring mga taon pa bago ka maging handa na paunlarin ang isang romantikong interes sa isang di-kasekso. Samantala, sa pagpapakita ng pag-iingat at di-mapag-imbot na interes sa iba, ikaw ay makapagtatamasa ng timbang na pakikipag-ugnayan sa di-kasekso.

[Mga talababa]

a Ang ilan sa mga pangalan ay pinalitan.

b Tingnan ang kabanata 30 ng Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, nilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Mga larawan sa pahina 18]

Ang pag-uusap ba sa telepono ay maituturing na pagde-date?