Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ayaw Nang Mabuhay ng Ilang Kabataan

Ayaw Nang Mabuhay ng Ilang Kabataan

Ayaw Nang Mabuhay ng Ilang Kabataan

ANG pagpapatiwakal ng mga kabataan ay isang nakababahalang kausuhan sa India. Tinataya ng mga mananaliksik sa bansang iyan na sa bawat dalawang minuto ay may nagtatangkang magpatiwakal, at sa bawat sampung minuto ay may isang nagtatagumpay.

Noong 1990 mga 60,000 katao ang nagpatiwakal sa India, at “halos kalahati sa kanila ay sa pagitan ng edad na 18 at 35,” sabi ng magasing India Today. Ang ilang biktima ng pagpapatiwakal ay kasimbata ng sampung taóng gulang. Ang tunay na bilang ng mga taong nagpatiwakal sa India ay hindi alam sapagkat mas gusto ng maraming pamilya na iulat ang mga pagpapatiwakal bilang mga aksidente upang maiwasan ang kahihiyan.

Sinasabi ng India Today na noong 1990 “mahigit na 2,500 kabataan ay nagpakamatay dahil sa hindi maligayang pag-iibigan.” Sang-ayon sa mga saykayatris, ang isa pang dahilan sa tumataas na bilang ng mga pagpapatiwakal sa mga kabataan ay ang panggigipit ng kompetisyon at gawain sa paaralan, na nagpapasimula sa napakaagang edad.

Isinusog pa ng magasin na “ang mga saykayatris ay naniniwala na ang pagkawasak ng pamilya ay malaki ang kaugnayan sa pagkabalisa at kalungkutan na maaaring magpasiklab sa damdamin ng pagpapatiwakal” sa mga bata. Isang saykayatris, si Dr. S. G. Dastoor, ay nagsabi: “Kung ang mga magulang ay nababahala lamang na gumugol ng higit na panahon kasama ng kanilang mga anak at alamin kung ano ang gumugulo sa kanila, ang kanilang mga buhay ay maaaring mailigtas. Malimit na naiisip ko na ang mga magulang ang nangangailangan ng pagpapayo.”

Ang Bibliya ay humihimok sa Kristiyanong mga magulang na gumugol ng panahon kasama ng kanilang mga anak at itimo sa kanila ang maka-Diyos na mga simulain. (Deuteronomio 6:4-9) Ang Kasulatan ay nagpapayo rin sa mga magulang na huwag inisin ang kanilang mga anak kundi palakihin sila “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”​—Efeso 6:4.

Isa pa, maaaring madaig ng mga kabataang Kristiyano ang mga panggigipit sa ngayon sa pamamagitan ng pagkakapit ng matalinong payo na matatagpuan sa Bibliya sa Filipos 4:6, 7, na nagsasabi: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat ng inyong mga puso at ng inyong mga pag-iisip kay Kristo Jesus.”