Kinilala ang Isang Misteryosong Karamdaman
Kinilala ang Isang Misteryosong Karamdaman
Ang CFS (chronic fatigue syndrome) ay “isang malaking banta sa kalusugan at ekonomiya, pangalawa lamang sa AIDS.”
IYAN ang sinabi ni Dr. Byron Hyde ng Canada sa kauna-unahang simposyum ng CFS sa daigdig, sa Cambridge, Inglatera, noong Abril 1990. Sa katunayan, tinawag ni Dr. Jay Levy, isang mananaliksik sa AIDS sa San Francisco, ang CFS na “ang sakit ng dekada ’90.”
Nagpaliwanag ang Emergency Medicine na ang CFS ay “isang sakit na nagsasangkot ng higit sa isang sistema ng katawan na nakaaapekto sa mga sistemang sentral ng nerbiyo at ng imunidad at kadalasan ang sistema ng kalamnan at buto.” Ang pagkabahala sa sakit ay naging matindi. Nang ang magasing Newsweek ng E.U. ay naglabas ng isang salaysay sa pabalat nito noong Nobyembre 1990, ang labas ng magasin ang naging pinakamabiling lathalain ng taon.
Ang CDC (U.S. Centers for Disease Control) sa Atlanta ay nagpalagay na ang karamdaman ay malubha. Noong 1988 ang pangunahing ahensiyang ito ng kalusugan sa E.U. ay opisyal na kinilala ang misteryosong karamdaman na ito sa pamamagitan ng paglalaan sa mga manggagamot ng mga panuntunan, o kalipunan ng mga palatandaan at mga sintoma, para sa pagrerekunusi. Tinawag ng ahensiya ang sakit na chronic fatigue syndrome sapagkat ang karaniwan, pangunahing sintoma ay pagkahapo.
Ang Suliranin sa Pangalan
Gayunman, marami ang nag-aakala na ang pangalan ay hindi angkop. Sinasabi nila na pinagagaan nito ang karamdaman, yamang ang pagkahapo na nakikilala sa CFS ay iba sa pangkaraniwang pagod. “Ang aming pagkahapo,” sabi ng isang maysakit, “kung ihahambing sa ordinaryong pagod ay gaya ng kidlat kung ihahambing sa isang kislap.”
Si Dr. Paul Cheney, nakapanggamot na ng daan-daang pasyente ng CFS, ay nagsasabi na ang pagtawag dito na matinding pagkahapo (chronic fatigue) ay “gaya ng pagtawag sa pulmunya na ‘chronic cough syndrome.’ ” Si Dr. J. Van Aerde, na siya mismo ay nakaranas ng CFS, ay sumang-ayon. Di pa natatagalan, ang doktor na ito ay nagkaroon ng dalawang buong-panahong trabaho—siya ay isang manggagamot sa gabi at isang siyentipiko sa araw, liban pa sa pagiging isang asawa at ama. Noong nakaraang taon inilahad niya ang kaniyang karanasan sa pagkakaroon ng CFS, at inilathala ng Medical Post ng Canada ang kaniyang paglalahad:
“Isip-isipin ang isang sakit na umuubos ng iyong buong lakas, ginagawang napakahirap ang pag-aalis ng kumot sa pagbangon sa kama. Ang paglalakad sa palibot ng bloke, kahit napakabagal, ay naging isang malaking pagsisikap, ang pagbubuhat sa iyong anak ay nakahihingal na karanasan. Iniiwasan mo ang silid sa silong kung saan ka nag-aaral sapagkat hindi mo kayang umakyat sa hagdan nang hindi nauupo at nagpapahinga sa kalagitnaan. Isip-isipin, kaya mong basahin ang mga salita at pangungusap ng isang artikulo sa pahayagan, subalit hindi mo iyon maunawaan . . .
“Isip-isipin ang pagkadama na para kang iniiniksiyunan nang pagkarami-rami nang sabay-sabay sa lahat ng iyong kalamnan, na nagpapangyaring napakasakit ang pag-upo, di-posible ang pagkilos, ginagawang di na kasiya-siya ang pagyapos. . . . Isip-isipin ang madalas na pangingiki, malamig na pawis, kadalasang may kasamang sinat. Pagsama-samahin ang lahat ng sintoma at ihambing ito sa pinakamalubhang trangkaso na iyong napaglabanan,
maliban sa ito’y mas malala at tumatagal sa buong taon, marahil mas matagal pa.“Isip-isipin ang hapis at di-maunawaang pagkabigo pagka ikaw ay mabinat nang paulit-ulit, pagka sa akala mo’y napagtagumpayan mo na ang bagay na ito. Isip-isiping ikaw ay takot, gulung-gulo sapagkat ikaw ay nakadarama na nakakulong sa isang katawan na di-karaniwan sa iyo, at hindi mo alam kung kailan o kung iyon man ay matatapos.”—Setyembre 3, 1991.
Ang pangalang ibinigay ng United Kingdom at Canada sa karamdaman ay nagbigay-diin sa kalubhaan ng sakit. Doon ito’y tinatawag na myalgic encephalomyelitis, o ME sa maikli. Ang “myalgic” ay umaakay ng pansin sa pananakit ng kalamnan, at ang “encephalomyelitis” ay sa epekto na dulot ng sakit sa utak at sa mga nerbiyo.
Yamang ang sakit ay nakaaapekto sa sistemang imunidad, ang mga grupong sumusuporta sa pasyente sa Estados Unidos, na kung saan may daan-daan na nito ngayon, ay tinawag itong CFIDS (chronic fatigue immune dysfunction syndrome).
Ito ba talaga ay isang bagong marerekunusing suliranin? Paano ito nakilala ng madla?
Pagrerepaso sa Kasaysayan
Maaaring ang CFS ay hindi na isang bagong karamdaman. Ang ilan ay kinilala ito kaugnay ng isang kalipunan ng mga sintoma na sa nagdaang siglo ay tinawag na neurasthenia, isang pangalang hango sa Griego na nangangahulugang “kawalan ng lakas ng nerbiyo.” Ang mga sintoma ng CFS ay katulad niyaong sa fibromyalgia, na kilala rin bilang fibrositis. Ang ilan ay naniniwala pa man din na ang CFS at fibromyalgia ay maaaring iisang syndrome.
Ang maraming biglang paglitaw ng tulad-CFS na mga karamdaman ay naiulat na sa nakalipas na mga dekada, karamihan sa mga ito ay sa Estados Unidos. Subalit ang mga ito ay lumitaw rin sa Inglatera, Iceland, Denmark, Alemanya, Australia, at Gresya. Ang mga pangalan upang ilarawan ang syndrome ay sakit ng Iceland, sakit na Akureyri, sakit na Royal Free, at iba pa.
Kamakailan lamang, noong 1984 halos 200 katao sa maliit na bayan ng Incline Village, malapit sa hangganan ng California-Nevada, ay dumanas ng tulad-trangkasong sakit na tumagal. “Kilala namin sila bilang kapaki-pakinabang, masaya, malakas na mga adulto,” sabi ni Dr. Cheney, na gumamot na nang marami sa kanila. “Bigla na lamang silang nagkasakit at hindi gumagaling. Sa ilang kaso sila’y pinagpapawisan nang husto sa gabi anupat ang kani-kanilang asawa ay kailangang bumangon at palitan ang mga sapin sa kama.”
May paghamak na itinawag ng ilan ang biglang paglitaw ng sakit na ito na trangkaso ng Incline Village Yuppie, yamang ang mga taong nakaririwasa, nakaaangat na mga kabataan ay kapansin-pansing apektado. Inakala na ang mga pasyente ay maaaring dumaranas ng malalang infectious mononucleosis (lagnat-kulani), subalit ang mga pagsusuri sa sakit na iyan ay negatibo sa karamihan nila. Gayunman, ang mga pagsusuri sa dugo ay talagang nagsiwalat ng mataas na antas ng mga antibody sa virus na Epstein-Barr, isang uri ng herpesvirus. Kaya naman, sa isang yugto ng panahon, ang sakit ay karaniwan nang kilala bilang chronic Epstein-Barr.
Nagtamo ng Pagkilala ang Karamdaman
Nang mag-ulat si Dr. Cheney sa CDC kung ano ang nagaganap sa Incline Village, sa una ay nagbigay ng bahagyang paniniwala sa kaniyang ulat. Subalit sa palibot ng bansa, di-nagtagal ang mga ulat ng gayunding mga suliranin sa kalusugan ay natanggap.
Di-nagluwat, ipinakita ng mga pagsusuri na ang
Epstein-Barr virus ay hindi isang sanhing salik sa karamihan ng kaso. Sa katunayan, ang virus na ito ay nasa halos 95 porsiyento ng populasyon ng adulto. Ito’y matatagpuang tulog sa loob ng katawan ng mga tao. “Pagka ito’y nagising,” sabi ng isang doktor na nagsasagawa ng pananaliksik sa CFS, “maaaring ito’y maging dahilan ng sakit.” Subalit hindi kinakailangang maging gayon.Marami nang pagsasaliksik ang isinagawa upang masumpungan ang mga sanhi ng CFS. Bilang resulta, parami nang paraming mga doktor ay kumikilala na ang isang tunay na problema sa panggagamot ay marahil nakaaapekto sa milyun-milyong tao. Si Dr. Walter Wilson, patnugot ng mga sakit na nakahahawa sa Mayo Clinic sa Rochester, Minnesota, E.U.A., ay nagsabi na siya’y nagbago sa kaniyang saloobin. Ang pagkakita sa napakaraming humihingi ng tulong sa napakalaking gastos, sabi niya, “kailangan silang pakitunguhan nang may paggalang sa kung ano ang kanilang nararanasan.”
Maliwanag, maraming buhay ang sinisira ng karamdaman na may karaniwang mga sintoma. Nakatatanggap ng libu-libong tawag sa telepono ang CDC tungkol sa kalagayan bawat buwan, at ang AIDS lamang ang nauunang may higit na mga pagsisiyasat sa U.S. National Institutes of Health. “May nagaganap,” sabi ni Dr. Walter Gunn, na siyang nangangasiwa sa pananaliksik sa CFS sa CDC bago ng kaniyang kamakailang pagreretiro. “Subalit ito man ay isang sakit o ilan pa, may isang sanhi o higit pa, ay hindi maliwanag.”
Inaakala ng iba na ang CFS ay pangunahin nang isang problema sa isip. Nagsabi ang American Journal of Psychiatry ng Disyembre 1991: “Ang mga awtor ay nangangatuwiran na ang chronic fatigue syndrome ay magkakaroon ng gayunding karanasan gaya ng neurasthenia—na mawawala sa uso gaya ng ipinakita na ang karamihan sa mga nagdurusa nito ay nakararanas ng panimulang mga sakit sa isip.” At isang bagong aklat, From Paralysis to Fatigue, ay kinikilala ang CFS bilang “isang usong sakit,” nagpapahiwatig na ito’y hindi magiging isang malubhang sakit.
Ang CFS ba ay pangunahin nang problema sa isip? Ang mga sintoma ba ay karaniwang dahil sa panlulumo? Ang CFS ba ay totoong isang sakit?