Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagharap sa Hamon ng CFS

Pagharap sa Hamon ng CFS

Pagharap sa Hamon ng CFS

TINATALAKAY ng mga doktor sa isang simposyum ang paggamot ng CFS (chronic fatigue syndrome) sa isang brodkast sa telebisyon nang isa sa kanila ay nagsabi: “Ang lahat ng mga maysakit na ito ay mukhang malusog gaya ng lahat sa grupong ito.” Dahil sa ang gayong mga maysakit ay hindi mukhang may-sakit, kalimitan na silang pinakikitunguhan sa paraan na nagpapatindi sa kanilang paghihirap.

Si Patricia, isang nagdaranas ng CFS na taga-Texas, ay nagsabi: “Kung minsan ako ay nakadarama na gaya ni Job, na ang mga kasama ay hindi palaging matulungin.” Halimbawa, isang dumadalaw minsan ay nagsabi sa kaniya: “Ang tingin ko’y mabuti ka naman! Akala ko’y talagang maysakit ka. Ikaw at ang aking biyenang babae ay parehung-pareho. Nababahala rin siya sa mga pisikal na karamdaman na nasa isip lamang.”

Ang gayong mga komento ay nakasisira ng loob, at ang mga ito’y lumilikha ng malaking hamon ng CFS. “Ang sakit sa damdamin na hinahamak sapagkat hindi ‘nagsisikap’ ay hindi maipaliwanag,” sabi ni Betty, isang maysakit ng CFS na taga-Utah, “at ang pinakamasamang bahagi sa pagdurusa na dulot ng CFS.”

Kailangan ang Pang-unawa at Pag-ibig

Marahil ipinahayag ni Betty ang damdamin ng bawat nagdurusa sa CFS nang kaniyang sabihin: “Hindi namin kailangan ang awa. Hindi namin kailangan ang simpatiya. Pero, talaga namang kakailanganin namin ang kaunting pang-unawa! Batid ng Diyos ang aming mga kahirapan at dalamhati, at iyan ang pinakamahalaga. Subalit mahalaga rin na kami’y nakakukuha ng emosyonal na tulong buhat sa aming Kristiyanong mga kapatid.”

Gayunman, kung para sa maraming tao ang CFS ay nananatiling mahirap maunawaan, gaya ng sabi kamakailan ng isang kabataang nagdaranas ng CFS mula sa Washington State. “Ang isang bagay na aking hinihiling na sana’y sagana sa mga tao ay empatiya,” sabi niya, “hindi simpatiya, kundi empatiya.” At iyan ay imposible sapagkat maraming tao ang hindi kailanman nakitungo sa isang karamdaman na gaya nito.”

Subalit, hindi dapat maging imposible upang maunawaan ang mga nagdaranas ng CFS. Totoo, ang kanilang pisikal na kalagayan ay maaaring hindi abot ng ating karanasan. Subalit tayo’y maaaring makaalam tungkol sa kanilang karamdaman hanggang sa ating maunawaan kung gaano nga sila talaga kalubha. Di-gaya ng AIDS, na pumapatay, ang paliwanag ng isang maysakit, na ang CFS “ay magpapahiling sa iyo na sana’y mamatay ka na lamang.” Si Deborah, na nagkasakit noong 1986, ay nagtapat: “Sa napakahabang panahon, ako’y nanalangin gabi-gabi sa Diyos na pahintulutan na akong mamatay.”​—Ihambing ang Job 14:13.

Mangyari pa, nais nating magpalakas ng loob, tulungan ang mga nagdurusa na harapin ang hamon ng CFS, subalit sa kasamaang-palad ang ating mga komento ay maaaring kabaligtaran ang gawin. Halimbawa, ang isang may mabuting intensiyon na dumadalaw ay nagmungkahi sa isang nagdaranas ng CFS: “Ang kailangan mo lamang ay uminom ng mainit na gatas sa gabi. Ito’y tutulong sa iyo na makatulog, at ikaw ay bubuti sa loob ng ilang araw.” Ang komentong iyan ay nagsisiwalat ng isang lubusang maling pagkaunawa ng CFS. Sinaktan nito nang higit ang nagdaranas ng CFS kaysa nakatulong.

Ang mga maysakit ay kalimitang nakadarama na hindi makagawa ng mga bagay gaya ng pagdalo sa Kristiyanong mga pagpupulong. Pagka sila’y dumalo, ang pagsisikap na kasangkot ay maaaring malayo sa abot ng ating nauunawaan. Kaya sa halip na umakay ng pansin sa kanilang mga nakaraang di-pagdalo, maaari na lamang nating sabihin: “Nakatutuwang makita ka. Alam kong hindi palaging madali para sa iyo na naririto, subalit natutuwa kaming makita ka ngayong gabi.”​—Tingnan ang kasamang kahon.

Ang sistemang nerbiyo ng mga nagdaranas ng CFS ay kadalasang apektado, pinapangyari na maging ang karaniwang interaksiyon sa mga tao ay mahirap. “Kailangan nating maging tagapagsanggalang sa pagitan nila at ng iba,” paliwanag ni Jennifer, na ang asawa ay may CFS. “Kailangan natin silang tulungan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagsasarili, ng hindi kailanman nayayamot sa kanila, at ng pagtulong sa kanila na iwasan ang anumang uri ng di-kanais-nais na paghaharap.”

Inamin ni Jennifer na ang karamdaman ng nagdaranas ay maaaring maging pabigat sa mga miyembro ng pamilya, na baka nanghihinawa na ng paggawa ng lahat ng bagay para sa kanila. Subalit gaya ng kaniyang sinabi, kung hindi tutulutan na makapagpahinga ang mga maysakit, malamang na maantala ang kanilang paggaling, at kaya naman ang lahat sa wakas ay magdurusa. Nakatutuwa, waring ang karamdaman ay bihira kung nakahahawa man ito, bagaman tila may namamanang pagkamadaling-tablan sa karamdamang ito.

Si Tottie, isang nagdaranas ng CFS at asawa ng isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova, ay nagsabi na sa maraming taon tinulungan siya ng kaniyang asawa na harapin ang hamon ng karamdaman. Ipinaaalam niya sa kaniyang asawa ang kaniyang pagpapahalaga subalit nagsabi: “Kalimitang nagtatanong ang mga kaibigan tungkol sa akin at sa aking kapakanan, subalit kailangan din ni Ken ang pampalakas ng loob.”

Positibong Palatandaan​—Subalit Panganib

Ang CFS ay bihira kung nakamamatay man ito. Ang kaalamang iyan ay makatutulong sa iyo upang harapin ang hamon. Karamihan ay bumubuti sa tamang panahon, at marami ang gumagaling. Si Dr. Anthony Komaroff ay nagsabi: “Wala ni isa mang maysakit na aming nakita mula sa daan-daan na aming sinuri ang nagkaroon ng malubha, progresibong pasama nang pasamang landas na kung saan sila’y palubha nang palubha sa paglipas ng panahon. Wala pang nagkaganiyan. Kaya naman di-tulad ng ibang mga karamdaman na patuloy na hindi naglulubag, ang karamdamang ito ay totoong naiiba.”

Sa pagpapatunay, nagsabi si Dr. Andrew Lloyd, isang nangungunang mananaliksik ng CFS sa Australia: “Pagka naganap ang paggaling, at kami’y naniniwala na karaniwan nang nangyayari iyan, ang paggaling na iyan ay ganap. . . . Samakatuwid, iyan ay nagpapahiwatig na anuman ang prosesong ito na lumilikha ng kalagayang ito ng pagkahapo ay lubusan na maaaring baligtarin.” Maliwanag na sa mga maysakit ay walang nakikitang pinsala sa mga sangkap ng kanilang katawan pagkatapos gumaling.

Si Deborah, noo’y palaging nananalangin upang mamatay na sapagkat nadama niyang siya’y lubhang maysakit, sa wakas ay bumuti. Kaniyang nadama na siya’y gaya nang dati at kamakailan ay nagsabi na siya’y nagbabalak na sumama muli sa kaniyang asawa sa buong-panahong ministeryo. Ang iba ay nagtamasa ng gayunding mga paggaling. Subalit, may pangangailangang mag-ingat. Bakit?

Si Keith, na nakaranas ng binat, ay nagbabala: “Napakahalaga na huwag maliitin ang problemang ito, hindi napakabilis mag-isip na ito’y lumipas na.” Nang nakadamang bumuti muli, si Keith ay pumasok muli sa buong-panahong pagmiministeryo at ipinagpatuloy muli ang kaniyang gawaing pampalakasan, regular na tumatakbo at nagbubuhat ng barbel. Subalit, kalunus-lunos, bumalik ang karamdaman, at siya’y naratay muli!

Ito’y mapandayang katangian ng karamdaman; ang binat ay karaniwan. Subalit, ang mga ito’y mahirap iwasan. Gaya ng paliwanag ni Elizabeth: “Napakahirap na huwag magsikap na bumawi sa nasayang na panahon pagka nakadama ka ng pagbuti. Kaya talagang nais mong kalimutan ang tungkol sa sakit​—nais mong gumawa ng mga bagay-bagay.”

Sa dahilang iyan ito’y nangangailangan ng matinding pagsisikap at pagtitiis na harapin ang hamon ng CFS.

Kung Ano ang Magagawa ng mga Nagdurusa

Mahalaga na ibagay ng mga nagdaranas ang isipan sa isang nagtatagal na karamdaman na may di-mahulaang takbo. Si Beverly, isang matagal nang nagdurusa, ay nagpaliwang: “Kung ako’y nagsisimulang maniwala na ako’y talagang magaling na sa panahon ng aking mabubuting linggo at buwan, ako’y karaniwan nang nakararanas ng mas seryosong paghina sa pisikal. Kaya naman patuloy akong nagsisikap na tanggapin ang aking mga limitasyon.” Sabi ni Keith: “Ang pagtitiis ay malamang na pinakamahalagang salik.”

Kailangang tipunin ng mga nagdaranas ng CFS ang kanilang lakas at hayaan na magpagaling ang kanilang katawan. Kaya, yaong mga matagumpay na nadaraig ang CFS ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng tinatawag na terapi ng agresibong pamamahinga. Ito’y nangangahulugan ng agresibong paghahanda sa darating na mga pangyayari sa pamamagitan ng patiunang pagkuha ng karagdagang pahinga. Bilang resulta, ang mga nagdaranas ng CFS ay maaaring makadalo sa mga Kristiyanong asamblea o iba pang pantanging mga okasyon nang hindi kinakailangang magdusa pagkatapos dahil sa pagpapagal.

Mahalaga rin ang pananatiling payapa, mahinahong espiritu, yamang ang mental o emosyonal na kaigtingan ay maaaring magpadali sa binat na kasimbilis ng labis-labis na pisikal na pagpapagal. Kaya ang mabuting payo ay: “Huwag sayangin ang iyong lakas sa pagtatanggol sa iyong sarili.” Oo, iwasan na magsikap na ipaliwanag ang iyong kalagayan sa mga nag-aalinlangan na hindi nakauunawa.

Kung ikaw ay nagdurusa dahil sa CFS, kailangan mong tandaan na ang mahalaga ay hindi kung ano ang iniisip ng iba sa iyo kundi kung ano ang iniisip ng ating Maylikha, ang Diyos na Jehova. At siya’y nagpapahalaga sa iyong kalagayan at tunay na nagmamahal sa iyo sa anuman na iyong ginagawa upang paglingkuran siya. Ikaw ay makapagtitiwala na si Jehova at ang mga anghel ay nagmamasid, hindi sa dami ng iyong gawa, kundi, gaya ni Job, sa iyong saloobin, pagtitiis, at katapatan.

Si Susan, na naratay na may CFS nang halos dalawang taon, ay nagsabi na isa sa mga sumisirang katangian ng CFS ay na nakadarama ang isa na para bang walang layunin ang buhay. Kaya naman siya’y nagpayo: “Humanap ng mga bagay na magdudulot sa iyo ng kaligayahan o tagumpay. Ako’y may tatlong halamang African violet, at aking pinagmamasdan ang mga ito araw-araw kung may bagong usbong.” Subalit ang pinakamahalaga, ang sabi niya, ay ang “bumaling kay Jehova sa panalangin at gawing pangunahin ang iyong espirituwalidad.”

Marami sa mga nagdurusa ay nagsasabi na kanilang nasumpungan na nakatutulong na makinig sa mga tape recording ng Bibliya at ng mga magasing Ang Bantayan at Gumising! Kapansin-pansin, si Priscilla, nabanggit sa ikalawang artikulo, ay nagkomento na minsang ang isang tao ay umabot sa punto na siya’y huminto na sa pag-iisip sa kung ano ang nasayang, “ang CFS ay hindi na gaanong mananaig.” Sabi niya: “Upang maiwasan kong mag-isip na ang kalagayang ito ay magtatagal magpakailanman, ako’y naglagay ng nakapagpapatibay na mga kasulatan sa mga lugar na madaling makita sa paligid ng aking silid.”

Kumusta Naman ang Paggamot?

Sa kasalukuyan bahagya pa ang maaaring magawa sa medikal kundi ang gamutin ay ang mga sintoma. Nagkaroon ng malaking pag-asa sa eksperimentong droga na Ampligen. Ang marami sa uminom ay waring bumuti, subalit ang mapanganib na mga epekto na naranasan ng ilan ay nagpangyari sa U.S. Food and Drug Administration na ihinto ang higit pang paggamit nito.

Ang mga di-pagkatulog, lakip na ang insomnia, ay karaniwan sa CFS. Kawili-wili, ang anti-depressant na mga gamot​—kung minsan ay ikasandaan ng isang dosis na iniinom para sa panlulumo—​ay nakatutulong sa ilan, subalit hindi sa lahat, sa mga maysakit upang makatulog nang mabuti at gayo’y bumuti. Iniwasan ni Beverly ang gayong mga droga sa maraming taon subalit sumubok ng isa. “Ako’y lubhang natulungan,” sabi niya, “sana’y mas maaga ko pang nasimulan.”

“Ang maraming iba pang pamamaraan [kasama na ang “alternatibo” na mga paggamot na nasumpungan ng ilang maysakit na kapaki-pakinabang pagka ang mga karaniwang mga hakbang ay nagmintis] ay sinubukan sa paggamot ng CFS.” sabi ng The Female Patient. “Kalakip dito ang iba’t ibang mga gamot, pisikal terapi, . . . acupuncture, homeopathy, naturopathy, terapi na laban sa candida, at ayurvedism, kabilang sa iba.”

Ang magasing medikal na ito ay nagsabi: “Anuman ang personal na paniniwala ng manggagamot, ang manggagamot ay dapat na may kaalaman sa gayong [mga paggamot] upang higit na maunawaan at mapayuhan ang maysakit. Maraming maysakit ay nagpapasalamat na makasumpong kahit lamang ng isang manggagamot na nakikinig sa kanila at taimtim na naniniwala sa kanilang mga daing. . . . Marami sa mga maysakit na may CFS ay maaaring matulungang mas bumuti ang pakiramdam​—kahit na sila’y bigyan ng katiyakan man lamang na may katulong silang manggagamot—​at marami ay maaaring lubusang bumuti.”

Yamang walang lunas, ang ilan ay nag-aalinlangan sa kapakinabangan ng pagpunta sa isang manggagamot. Ang pinakamahalagang pakinabang sa paghahanap ng gayong tulong ay na ang mga pagsusuri ay maaaring di-ilakip ang ibang mga sakit na maaaring may gayunding mga sintoma, gaya ng kanser, multiple sclerosis, lupus, at sakit na Lyme. Kung ang mga ito ay makilala sa maagang yugto, ang kapaki-pakinabang na paggamot ay maaaring maibigay. Nagrerekomenda ang Emergency Medicine sa mga manggagamot: “Minsang inyong nagawa ang pagrekunusi, ang inyong pinakamagaling na magagawa ay isangguni ang maysakit sa isang sentro ng pagsusuri ng chronic fatigue syndrome.”

Ang pahinga ay kinilala na siyang pinakamagaling na paggamot, subalit dapat na mapanatili ang isang maingat na pagkatimbang. Kaya ang pinakamahusay na payo ay: Matutong umalalay sa iyong sarili. Kilalanin ang iyong mga limitasyon, at pagsikapan ang mga iyon, araw-araw, linggu-linggo, buwan-buwan. Ang banayad na mga ehersisyo, gaya ng paglalakad o paglangoy sa isang maligamgam na languyan, ay maaaring maging kapaki-pakinabang hangga’t ang mga ito’y hindi humahantong alinman sa pisikal o mental na pagkahapo. Ang isang masustansiyang diyeta na tumutulong sa pagpapalakas ng sistemang imunidad ay mahalaga rin.

Ang pagkawalang pag-asa ay maaaring makalakip sa karamdamang ito, gaya ng kalunus-lunos na inilarawan ng isang nagdaranas na nagngangalang Tracy na nawalan ng pag-asa at nagpatiwakal. Subalit ang kamatayan ay hindi ang kasagutan. Gaya ng sinabi ng isang naulilang kaibigan: “Alam ko kung ano ang talagang nais ni Tracy. Ayaw niyang mamatay. Nais niyang mabuhay​—subalit mabuhay na ligtas sa pagdurusa. At iyan ang dapat na ating tunguhin.” Oo, ito ay isang napakahusay na tunguhin. Kaya ituon ang iyong mga pag-asa, hindi sa pagkamatay, kundi sa pananatiling buháy upang maabot ang tunguhing iyan, kailanma’t ito’y dumating.

Ang CFS ay isa sa maraming kakaibang sakit kung idaragdag pa sa talaan ng mga salot na nagpahirap sa modernong sangkatauhan. Anuman ang pag-unlad na magagawa ng siyensiya sa panggagamot, higit pa kaysa kasanayan lamang sa panggagamot ang kailangan upang malunasan ang lahat ng ito. Ang Dakilang Manggagamot, ang Diyos na Jehova, ay walang ibang nasa isip​—isang pambuong-daigdig na lunas sa lahat ng mga sakit—​sa pamamagitan ng maibiging pamamanihala ng kaniyang pamahalaang Kaharian. Sa panahong iyan “walang naninirahan ang magsasabing: “Ako’y maysakit.’ ” Iyan ang tiyak na pangako ng Diyos!​—Isaias 33:24.

[Kahon sa pahina 12, 13]

Kung Paano Makatutulong ang Iba

Kung Ano ang Hindi Dapat Sabihin at Gawin

“Mukhang mahusay naman ang kalagayan mo” o, “Hindi ka naman mukhang maysakit.” Ang pagsasabi ng gayong mga bagay ay nagpapangyari sa nagdurusa na madamang para bang hindi ka naniniwala sa kalubhaan ng kaniyang mga sintoma.

“Ako’y napapagod din.” Minamaliit ng komentong ito ang paghihirap. Ang CFS ay nagsasangkot ng higit pa sa pagiging pagod lamang. Ito ay isang masakit, nakapanghihinang karamdaman.

“Ako’y pagod. Sa aking palagay ako’y mayroon ding CFS.” Ito’y maaaring sabihing pabiro, subalit wala namang nakakatuwa tungkol sa CFS.

“Sana’y maaari akong makapagbakasyon ng ilang araw upang makabawi sa aking pagpapahinga.” Walang bakasyon kung para sa mga maysakit ng CFS.

“Ikaw ay masyadong pagod sa trabaho. Kaya ka nagkasakit.” Maaaring ito’y magpahiwatig sa nagdurusa na siya ang dapat sisihin sa kung ano ang nangyari.

◆ “Kumusta ka na?” Huwag magtanong maliban kung talagang nais mong makaalam. Sa totoo, karaniwan nang nahihirapan ang nagdurusa subalit ayaw dumaing.

“Si ganito’t ganoon ay nagkaroon ng CFS, at siya’y nagkasakit ng isang taon lamang.” Ang bawat kaso ng CFS ay nagkakaiba sa panahong itinatagal at sa kalubhaan, at ang pagturo sa maagang paggaling ng iba ay nakasisira ng loob sa isang nagdurusa nang mas matagal.

Huwag mag-alok ng payo sa panggagamot maliban na ikaw ay hingan niyaon at karapat-dapat na magbigay niyaon.

◆ Huwag ipahiwatig sa maysakit ng CFS na kung sa kanila’y may hadlang, iyon ay dahilan sa isang bagay na kanilang ginawa.

Kung Ano ang Dapat Sabihin at Gawin

Ipakita na ikaw ay naniniwalang sila’y totoong maysakit.

Tawagan sa telepono, o bumisita. Karaniwan nang ang patiunang pagtawag ay isang mabuting idea.

Igalang ang anumang mga paghihigpit sa mga bisita o tawag sa telepono.

Kung hindi maaaring magkabisita ang isang tao, magpadala ng kard o sulat. Malimit na ang maysakit ay umaasam-asam na magbukas ng sulat bawat araw.

Maging madamayin. Kung minsan ito’y basta pagkilala sa nararanasan ng maysakit.

Magkusang mag-alok ng tulong, pamimili ng kanilang groseri, pagdala sa kanila sa doktor, at iba pa.

Maaari mo lamang sabihin: “Nakatutuwang makita ka. Si Jehova ay talagang nagpapahalaga sa iyong tapat na pagtitiis.”