Pagkatuto Mula sa mga Gagamba
Pagkatuto Mula sa mga Gagamba
IKAW ba ay napapaurong sa pagkakita ng isang gagamba? Kahit na yaong mga ilan sa atin na gayon ay marahil napahanga, bagaman ayaw natin, sa napakagandang simetriya ng sapot ng gagamba. Karamihan din naman sa atin ay nakarinig na, na ang sapot ay isang kamangha-manghang disenyo. Subalit kumusta naman ang materyales na kung saan gawa ang sapot—ang seda?
Matagal nang nagtataka ang mga siyentipiko at mga inhinyero sa mga seda na ginawa ng ilang gagamba, uod, at langaw. Si Christopher Viney, isang katulong na propesor ng bioengineering at isang metalurgo sa University of Washington, E.U.A., ay gumawa ng isang pantanging pagsusuri sa gagambang orb-weaving. Sang-ayon sa pahayagang The Globe and Mail ng Toronto, Canada, kaniyang nasumpungan na isa sa limang uri ng seda na ginagawa ng gagamba ay mas matibay kaysa bakal—sa katunayan, sampung beses na mas matibay kaysa Kevlar, ang artipisyal na hibla na ginamit sa kasuutan na di-tinatablan ng bala, mga panlabas ng barko, at mga armadong sasakyan!
Ang mga siyentipiko ng U.S. Army ay nagawang gayahin ang kayarian ng fibroin, ang protina kung saan ang seda ay yari. Subalit, nasumpungan ng mga siyentipiko na hindi lamang ang kemikal na kayarian ng seda ang mahalaga sa kahanga-hangang katangian nito; mahalaga rin ang paraan ng gagamba sa pag-ikid sa kemikal na ito. Sa spinneret ng gagamba, ang seda ay nagtitinging isang likidong kristal na anyo. Ang mga molekula nito ay nakahilera sa mahahabang kawing na tinatawag na mga polymer, na may napakatibay na lakas sa paghatak. Gayunman, si Viney ay nakadarama ng pagtitiwala na sa pamamagitan ng pantanging kagamitan sa pagpoproseso ng hibla, sa wakas ay matututuhan ding gayahin ng mga siyentipiko ang kamangha-manghang gawang ito.
“Ang mga gagamba ay nakauulos pa rin sa atin,” sinabi ni Viney sa The Globe and Mail, subalit kaniyang isinusog, “Sino ang nakaaalam? Marahil ay maaari tayong sumulong sa kanila.” Maaaring oo; maaaring hindi. Sa paano man, ang kapurihan sa orihinal na disenyo ay palaging mapupunta lamang sa iisang Pinagmulan—ang Isa na lumikha ng lahat ng mga bagay, si Jehova.—Apocalipsis 4:11.