Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Ehersisyo at Kalusugan
Ang mga siyentipiko ay patuloy na humahanap ng mga pakinabang sa katamtamang ehersisyo. Ang magasing American Health ay nag-ulat kamakailan hinggil sa isang 30-taóng pagsusuri sa 17,000 lalaki. Waring kalahati lamang niyaong mga nagsunog ng mahigit na 1,000 calorie sa isang linggo sa pamamagitan ng ehersisyo ang madaling-tablan ng kanser sa colon kaysa roon sa mga hindi nag-eehersisyo. Nasumpungan sa isang 19-na-taóng pagsusuri sa mahigit na isang milyong lalaking taga-Sweden na yaong mga nakaupo na mahigit sa kalahati ng oras sa kanilang pagtatrabaho ay 30-porsiyentong malamang na magkaroon ng kanser sa colon kaysa roon sa mga nakaupo na wala pang 20 porsiyento sa kanilang oras ng pagtatrabaho. Nasumpungan sa isang pagsusuri ng Harvard University sa 5,400 babae na kalahati lamang niyaong mga nag-eehersisyo nang katamtaman samantalang nasa kolehiyo pa ang nagkaroon ng kanser sa suso kaysa sa kanilang di-gaanong aktibong mga kaklase, na, 2.5 ulit na nagkaroon ng kanser sa mga bahagi sa pag-aanak. May ilang ebidensiya pa man din na ang katamtamang ehersisyo ay nagpapasigla sa sistemang imunidad, tumutulong upang mas mabilis na labanan ang mga virus. Subalit, ang labis na ehersisyo—gaya ng pagtakbo sa marathon—ay waring may kabaligtarang epekto, pansamantalang pinipigil ang imunidad.
Isang Lumalagong Salot
Isa sa mas di-kanais-nais na mga bunga ng epidemya ng AIDS ay ang paglago ng prostitusyon sa bata. Na, sang-ayon sa ulat ng Associated Press mula sa Geneva, Switzerland, ay ang konklusyon ng isang bagong ulat ng UN sa karapatang pantao. Sinasabi ng awtor ng ulat, ang propesor sa batas na si Vitit Muntarbhorn ng Thailand, na ang bilang ng mga bata na siyam o sampung taóng gulang na ibinubuyo sa prostitusyon ay “lumalago araw-araw.” Waring higit at higit na mga parokyano ang naghahanap ng mga batang nagbibili ng aliw, lalo na ang mga walang karanasan sa sekso, sapagkat kanilang inaakala na ito’y makapag-iingat sa kanila mula sa AIDS. Gayunman, balintunang sinabi ng propesor na sa ilang bansa sa Asia, marami sa mga batang nagbibili ng aliw ay nagtataglay ng virus ng AIDS. Pinupuwersa ng mga magulang kapuwa ang mga batang lalaki at babae sa ganitong nakasisirang-puri na negosyo subalit lalo na ang mga batang babae.
“Mga Paring Pedophile”
“Ang gulo sa mga iskandalo ng pag-aabuso sa sekso sa bata ay humila sa Iglesya Katolika Romana sa isang matagalang imbestigasyon sa mga paring pedophile—isang pangyayari na sinasabi ng mga kritiko na matagal nang itinatago ng herarkiya ng simbahan,” ulat ng The Herald-News ng Joliet, Illinois, E.U.A. “Sa nakalipas na siyam na buwan, pitong pari sa lugar ng Chicago ay inalis sa mga parokya at isa ang inihabla dahil sa mga reklamo ng seksuwal na masamang pagtrato na nagsasangkot ng mga bata.” Isang tatluhang-miyembro na lupon ang inatasan ng kardinal na si Joseph Bernardin upang magpasiya kung paano pakikitunguhan ang suliraning iyan na, ayon sa isang tagapagsalita ng simbahan, “ay mas malubha kaysa inaakala ng sinuman” at iyan ay tinatayang nagsasangkot ng daan-daang pari sa buong bansa. Ang mga pagsisikap ay isinasagawa sa ngayon upang alisin ang mga paring nagkasala, na dating inilipat sa ibang parokya. Gayunman, ang ilang tao ay may mga pag-aalinlangan pa rin. “Hindi nila maunawaan ang sikolohikal na tindi ng pinsala pagka ang mga tao ay sinaktan ng isa na kumakatawan sa iglesya, na ating inaakala na bumalangkas ng ating mga pamantayan, moral at mga simulain,” sabi ng ina ng inabusong anak.
Sinalakay ng Tsina ang Negosyo ng Droga
Nag-uulat ang China Today na hinigpitan ng pamahalaan ng Tsina ang kalakalan ng droga sa nakalipas na mga taon. Bagaman halos napawi na ng bansa ang problema nito sa opium noong dekada ng 1950, ang kalapitan nito sa ilang lugar na pinakamalakas gumawa ng droga ay umakay sa paglitaw-muli ng kalakalan sa droga. Sa nakaraang tatlong taon, nagkaroon ng mahigit sa kalahating milyong pag-aresto sa Tsina sa mga habla na may kaugnayan sa droga. Noong 1990 lamang, nilansag ng mga ahensiya ng tagapagpatupad-batas ng Tsina ang mga 40 malalaking kaso sa pangangalakal ng droga, bawat isa ay nagsasangkot ng 9 na kilo ng heroin. Iyan ay doble ang dami sa nakaraang taon. Noong Okture 26, 1991, sa harap ng maraming tagapakinig, 35 mangangalakal ng droga ang sinintensiyahan ng kamatayan, at 5,000 kilo ng nakumpiskang mga droga ang sinunog.
Isang Paglalakbay sa Ibang Planeta
Wala pang tao ang nakagawa ng paglalakbay sa ibang planeta; subalit inakala ni Sergei Krikalev na para bang nagawa na niya iyon. Nang siya’y lumunsad sa orbit, siya’y isang kosmonot ng Unyong Sobyet, buhat sa Leningrad. Sa panahon ng kaniyang pagbalik, wala nang Unyong Sobyet at ang Leningrad ay naging St. Petersburg. Si Krikalev ay naatasang manatili sa pangkalawakang istasyon na Mir sa loob lamang ng anim na buwan, subalit dahilan sa pinansiyal at pulitikal na panggigipit sa gitna ng lahat ng kaligaligan sa lupa na kaniyang bayan, siya’y nanatiling lumilipad sa loob ng 313 araw.
Kard ng mga Mámamatay-tao
Matagal nang ginawang libangan ng mga bata sa Estados Unidos ang pangongolekta ng mga kard ng baseball, na may mga larawan at estadistika ng kanilang paboritong mga manlalaro. Subalit ang bagong uri ng kard ay lumitaw kamakailan sa tanawin. Ang mga kard na ito ay nagtatampok,
hindi ng mga manlalaro, kundi ng kilalang mga kriminal—mga sira ang ulo, manghahalay, mga mamamatay-tao na sunud-sunod ang pinatay, mga cannibal, at mga necrophiliac (sumisiping sa patay). Sa likod ng larawan ng mámamatay-tao, itinatampok ng bawat kard ang karima-rimarim na mga detalye ng kanilang ginawang mga krimen. Sang-ayon sa isang editoryal sa Daily News ng New York, ang pagbebenta ng mga kard ng mga mámamatay-tao ay naging popular sa mga tindahan ng kendi at mga tindahan ng comic-book. Maliwanag, ang pangunahin nang bumibili ay mga bata.Huwad na mga Himala
Isang doktor sa Inglatera ay gumugol ng mga 20 taon sa pag-iimbestiga sa sinasabing mga himalang isinagawa ng karismatik at ebanghelikong mga iglesya sa bansang iyan. Ang kaniyang konklusyon, ayon sa Daily Telegraph ng London: “Ang mga ulat ng karismatik tungkol sa makahimalang pagpapagaling ay hindi sinuportahan ng kahit isa man lamang katibayan ng paggagamot.” Sa harap ng sinodo ng Iglesya Anglicano, inilarawan ni Dr. Peter May ang kaniyang paulit-ulit na mga pagsisikap sa maraming taon upang makakuha ng katibayan buhat sa “mga nagpapagaling” sa sarisaring mga himala na kanilang inaangking isinagawa. Sabi niya, “karaniwan nang sila’y walang maiharap, at ang mga kaso naman na inihaharap pagkatapos masuri ay hindi naman gaya ng kanilang sinabi.” Kaniyang binatikos ang mga magasin at video na nakikinabang buhat sa nasabing mga himala na maliwanag na hindi kailanman nangyari. Sang-ayon sa Telegraph, inihambing ni Dr. May ang kaniyang mga natuklasan sa pagsisiyasat na ginawa ng maraming kasamahan. “Walang sinuman sa kanila,” sabi niya, “ang nakapagpatunay ng isang kaso na maitutulad sa mga himala ni Kristo.”
Taggutom sa Aprika
Ang salot at gera sibil ay pumipilit sa sampu-sampung libong taga-Somalia at taga-Ethiopia na tumakas sa kanilang mga bayan at humanap ng pagkain at tirahan sa mga kampo ng takas sa Kenya. Sang-ayon sa isang opisyal ng UN, sinipi sa The Star ng Timog Aprika, “karamihan ay hinihimatay pagdating, yamang sila’y naglakad ng halos 600 kilometro na may kaunting pagkain at tubig. Sila’y nasa kalunus-lunos na kalagayan, ang ilan ay buto’t balat na at marami ang may mga sugat dahil sa tama ng baril.” Sa isang siksikang kampo, ang katamtamang 15 katao ang namamatay araw-araw. Karamihan sa kanila ay mga babae at mga bata. Samantala, sa timog ng Kenya sa Zimbabwe, ang tagtuyot ay umakay sa pagdami ng pagnanakaw ng pagkain, ulat ng Sunday Times ng Harare, Zimbabwe. Ang ilang magnanakaw ay talagang wala nang pag-asa anupat sila’y humihiwa na lamang ng pira-pirasong laman sa buháy na baka, iniiwang naghihirap ang mga hayop hanggang sa ang mga ito’y patayin nang may pagkaawa ng mga may-ari nito.
Maigting na mga Kriminal
Sa loob ng 30 taon, si Propesor Francesco Aragona ng Institute of Legal Medicine sa Messina University, sa Sicily, ay nagsagawa ng awtopsiya sa mga miyembro ng mafia. “Sang-ayon sa propesor, sa likod ng arogante at maytiwala-sa-sarili na anyo, ang miyembro ng mafia ay may malulubhang suliranin sa kalusugan: Ang kaniyang maligalig na pang-araw-araw na buhay ay nakaaapekto sa kaniyang puso, sa utak, sa mga glandula ng adrenal, at maging sa mga ari ng lalaki o sa mga obaryo, depende sa kasarian, sa isang kapansin-pansing paraan,” banggit ng magasin sa Brazil na Superinteressante. “Nasumpungan ko ang malulubhang suliranin sa puso sa mga kabataang lalaki sa pagitan ng edad na 18 at 20, . . . na para bang sila’y nabuhay nang maraming dekada na may mataas na presyon ng dugo, dahil sa kaigtingan,” ang pagsipi ng magasin sa sinabi ni Dr. Aragona. Kaniyang isinusog pa: “Kung sila’y hindi napatay, malamang na sila’y namatay dahil sa sakit sa puso sa maikling panahon,” at “masasabi natin, na maging sa kalusugan, sila’y sinisingil.”
Demonismo sa Roma
Sinasabi ni Gabriele Amorth na siya’y humawak na ng 12,000 kaso ng inaalihan ng demonyo sa lungsod ng Roma lamang simula ng kaniyang pagkahirang bilang isang Katolikong exorcist noong 1986. “Bakit napakarami?” tanong ng isang manunulat sa pahayagang Il Tempo sa Italya. “Lahat ng karaniwang mga bansang Katoliko,” sabi ng pari, “ay nakalubog sa dagat na pinamumugaran ng demonyo. Ang mga pagsalakay ng demonyo ay hindi na masusugpo.” May masasakit na salita si Amorth para sa Roma: “Ang lungsod ng papa ang pinaka-inaalihan ng demonyo sa buong mundo. Mahigit sa isandaang satanikong kulto ang gumagana roon . . . Dapat mabatid ng lahat na maraming bata ang naglalaho sa Roma at ginagamit sa satanikong mga ritwal.”
Hinihimok ang Magagastos na Kasal
Sa mahihirap na kalagayang ito sa ekonomiya, ang halaga ng mga kasal sa Estados Unidos ay pabigat nang pabigat. Sa isang tantiya ang katamtamang pormal na kasalan doon ay nagkakahalaga ng $16,000. Ang mga damit pangkasal sa katamtaman ay halos $800, bagaman ang marami, ayon sa The Wall Street Journal, ay nagkakahalaga ng mahigit sa $2,000. Ang ilang magasin sa bansa ay pantanging nakatuon sa ikakasal na mga babae at sa kanilang mga plano sa kasal, at ang mga pahayagan kamakailan ay tinuligsa dahil sa panunulsol sa industriya ng kasal at sa paghimok sa pagtaas ng halaga. Halimbawa, ang mga magasin ay pangkalahatang nagbabawal ng anumang mga anunsiyo sa pagpapaupa ng mga damit pangkasal sa pangambang masaktan ang pinakamalalaking nagpapaanunsiyo sa kanila, ang industriya na nagtitinda ng damit pangkasal—kung saan, waring, ikinagalit ng mga gumagawa ng damit pangkasal ang pagpapaupa ng mga damit pangkasal sa halip na bilhin iyon.