Ang Bagong Panahon ng Pagtuklas
Ang Bagong Panahon ng Pagtuklas
Ng isang manunulat ng Gumising!
NAPANOOD mo na ba ang paglulunsad ng isang space-shuttle sa TV? Naisip mo ba kung gaano kalaki ang mga rocket na iyon? At gaano kalaking espasyo mayroon ang mga astronot sa loob ng space shuttle mismo? Nagkaroon ako ng pagkakataon na makita ito nang dumalaw ako sa Spaceport USA sa Cape Canaveral, kilala rin bilang Kennedy Space Center, sa Florida, E.U.A.
Palibhasa’y napanood ko ang lahat ng uri ng mga paglunsad sa kalawakan sa TV at tuwang-tuwa ako sa unang paglipad ng Apollo sa buwan noong 1969, isang pambihirang karanasan na masumpungan ang aking sarili sa sentro mismo ng gawaing ito, isang oras lamang na biyahe sakay ng kotse sa silangan ng Orlando. Pagpasok namin sa paradahan, nakita ko sa malayo ang isang displey ng mga rocket na ginamit noon upang ipadala ang mga tao at mga instrumento sa kalawakan. At doon, nakaparada sa tarmac na kasunod ng Rocket Garden, ay isa na kawangis ng mga shuttle orbiter na ginamit sa mga operasyon ng pag-ikot sa lupa. Ang tawag dito’y Ambassador, at bagaman isang kopya lamang, kahanga-hanga itong makita, madalaw, at malitratuhan. Ito ay 17 metro ang taas sa pinaka-buntot at 37 metro ang haba, na may 24 metro na lapad ng pakpak.
Biyernes noon, Nobyembre 22, nang nakaraang taon, at ako ay sabik na sabik na makalapit sa isang launching pad (platapormang pinaglulunsaran), lalo na ang isa kung saan ang shuttle na Atlantis ay naghihintay na ilunsad sa Linggo, Nobyembre 24. May ilang tulad niyaon na plataporma, subalit ang mga ito ay ilang kilometro ang layo mula sa dako ng eksibisyon. Kaya ako’y nakisama sa opisyal na paglilibot sakay ng bus sa pangunahing gusali ng rocket at sa mga pasilidad ng paglulunsad.
Ang aming unang hinto ay sa Flight Crew Training Building, kung saan nakita namin ang kahawig na mga kopya ng service at lunar module na ginamit sa makasaysayang paglalakbay sa buwan noong 1969. Ang lunar module ay hindi kagandahang aparato—wala itong makinis na parte at hugis ng karaniwang sasakyang pangkalawakan. Sa unang tingin ay para itong kalipunan ng mga hugis kubo at piramide na may nakakabit na animo’y paa ng gagamba. Gayunman, ang kakambal nito ay naghatid sa dalawang lalaki sa buwan.
Noong Hulyo 1971, ang Apollo 15 ay lumapag sa buwan, ibinaba rin ng mga astronot na sina Scott at Irwin ang lunar rover, o moon buggy. Sa halagang $15 milyon, iyon marahil ang pinakamahal na jeep na kailanma’y nagawa. At kung gusto mong paandarin ito, magtungo ka lamang sa buwan—iniwan ito roon kasama ng entablado sa paglapag ng lunar module! Ngunit huwag mong kalimutang magdala ng bagong batirya. Ang batirya ng jeep ay malaon nang ubos.
Ang susunod kong hinto sa paglibot ay ang VAB (Vehicle Assembly Building). Kailangang masanay ka sa acronyms (unang titik ng mga salita) sa sentrong pangkalawakan—ito ang gamit sa lahat ng bagay. Si Chris, dating inhinyero sa proyekto ng Apollo na nakilala ko noong dakong huli, ay nagsabi sa akin: “Ako’y nalipat sa ibang pangkat, at sa loob ng ilang buwan ay hindi ko maunawaan ang maraming bagay na sinasabi sapagkat ang kanilang mga acronym ay ibang-iba sa akin!” Ano ba ang natatangi sa VAB? Sa taas na mahigit 160 metro (katumbas ng isang 52-palapag na gusali) at 158 metro ang luwang at 218 metro ang haba, ito marahil ang pinakamalaking gusali sa cubic capacity, sa daigdig. Ito’y sumasaklaw ng tatlong ektarya. Kailangang napakalaki nito sapagkat dito binubuo ang mga sasakyang inilulunsad bago ito
itulak palabas sa kanilang mabagal, mahirap na paglalakbay tungo sa platapormang pinaglulunsaran. Ngunit mamaya na natin pag-usapan iyan.Kami’y sinabihan na ang VAB ay napakalaki anupat apat na Saturn V na mga rocket ay maaaring buuin doon nang sabay-sabay. At ang mga ito ay may taas na 111 metro, idinisenyo upang dalhin ang sasakyang pangkalawakan na Apollo. Ang aklat na The Illustrated History of NASA ay nagpapaliwanag: “Ang kabuuang timbang sa pagtaas ay kagila-gilalas na 3200 tonelada (2900 tonnes). Gayunman ang mga makina ng mga Saturn V, gumagawa ng halos 3800 tonelada (3500 tonnes) na lakas ng pagtulak, ay kayang-kayang iangat ang pagkalaki-laking lulan nito.”
Habang tinitingala ko ang tuktok ng pagkalaki-laking gusaling ito, namataan ko ang umaali-aligid na mga buzzard (isang uri ng ibon), sinasamantala ang pataas na ihip ng hangin sa bubong. Ipinagunita rin nito sa akin na ang sentrong pangkalawakan ay nasa gitna ng isang malawak na pambansang kanlungan ng mga buhay-ilang na pinagkakanlungan ng dose-dosenang ibon, hayop, at mga reptilya. Sa aming paglalakbay sakay ng bus, nadaanan namin ang isang pagkalaki-laking pugad ng agila, dalawang metro ang luwang, mataas na nakadapo sa isang puno. Wari ngang angkop na ang mga agila ay lumipad sa dako kung saan nagawa ng tao ang ilan sa kanilang pinakadakilang nagawa sa paglipad sa kalawakan.
Ang aming susunod na hinto ay isang dako para sa pagmamasid kung saan maaari naming matanaw sa malayo ang dalawang platapormang pinaglulunsaran. Gayunman, isang malaking katanungan pa rin ang nananatili. Paano nila inilululan ang pagkalaki-laking mga rocket na iyon tungo sa mga platapormang pinaglulunsaran na lima at kalahating kilometro ang layo? Ginagamit nila ang pinakamalaking mga traktora na kailanma’y nakita ko! Ang mga ito’y tinatawag na crawler transporter at kaya nitong buhatin ang 6.6 milyong kilo. Ang bawat isa sa mga transporter na ito ay kasinlaki ng kalahati ng isang soccer field at bawat isa’y tumitimbang ng 2.7 milyong kilo. Subalit huwag mong asahan na ang mga dambuhalang ito ay mabilis. Kapag may lulan, ang pinakamabilis na takbo nito ay 1.6 kilometro sa isang oras; kung walang lulan, 3.2 kilometro sa isang oras! Ang plataporma ay isinasakay sa apat na pagkalalaking two-track na traktora, isa sa bawat kanto. Ang bawat track ay may 57 cleat (mga pirasong metal na humahawak nang mahigpit sa lupa habang umaandar ang track); at bawat cleat ay tumitimbang ng isang tonelada.
Gunigunihin ngayon ang pantanging haywey na kailangang gawin sa bawat plataporma na pinaglulunsaran, na makakaya ang matinding bigat ng nakikilos na plataporma at ng rocket at ng sasakyang pangkalawakan.
Kumusta naman ang tungkol sa paglalakbay pabalik sa lupa ng shuttle? Ang pumaimbulog ay nangangailangan ng isang lugar na lalapagan—at dito sa Cape Canaveral, ang “lugar na lalapagan” na iyan ay hindi isang karaniwang patakbuhan sa paliparan, sapagkat ito’y halos doble ang haba at lawak ng isang karaniwang patakbuhan sa paliparan. Ito ay 4,600 metro ang haba, na may 300 metrong pasobra sa bawat dulo. Kung ang mga kalagayan ay hindi tama para sa paglapag, kung gayon ang shuttle ay inililihis tungo sa Edwards Air Base sa disyerto ng California, mahigit na 3,200 kilometro sa kanluran.
Ang laki ng buong proyekto ay nakalulula. At ito’y nagbangon ng mga katanungan sa isipan. Ano na ang nagawa ng tao sa paggagalugad sa kalawakan? Ano ba ang mga pakinabang? At anong maaasahang mga paglipad tungo sa mga planeta sa hinaharap? Makarating kaya ang tao sa Mars?