Ang Paghahanap Ko ng Mas Mabuting Daigdig
Ang Paghahanap Ko ng Mas Mabuting Daigdig
Gaya ng inilahad ng isang dating madreng Katoliko
ISANG mas mabuting daigdig—posible ba? Tiyak ang isang daigdig na lipos ng kapootan, karahasan, kasakiman, kabulukan, kawalan ng katarungan, at pagdurusa ay hindi ang daigdig na nilayon ng Diyos nang kaniyang lalangin ito. Tiyak na mayroong mas mabuting daigdig. Kung posible iyan, kung gayon ay determinado akong tumulong upang magkaroon nito.
Ako ay isinilang at lumaki sa lalawigan ng Corrientes, Argentina, isang lugar na kilala sa pagsamba nito sa Birhen ng Itatí. Ang mga tao ay Katoliko, lubhang relihiyoso, at sila ay nagsasagawa ng maraming peregrinasyon bawat taon para sambahin ang birhen na iyon. Ako ay isa sa kanila. Mula sa pagkabata hangad kong makilala ang Diyos na ito na tungkol sa kaniya’y maraming sinasabi, subalit ako’y pinagbawalan ng tatay ko sa pagdalo sa mga klase ng katekismo. Nang maglaon, noong panahon ng aking pagdadalaga, dahil sa kaniyang maling mga pakikisama, ang aking ama ay naging lasenggo. Lahat kami ay nagdusa lalo na ang aking ina, na nagbata ng kaniyang berbal at pisikal na pang-aabuso. Bilang resulta, ako ay namuhi sa mga lalaki, itinuturing na lahat ng lalaki ay masasama at mapanikis.
Ang Tunguhin Ko—Isang Baril Upang Pumatay
Gayunman, ang paaralan ay nagpangyari na linangin ko ang aking mas maiinam na katangian. Ako’y nagsikap at puspusang nag-aral, tumanggap ako ng mga diploma sa pananahi at sa komersiyal na mga asignatura at nang maglaon ay nagtapos ako na may pinakamataas na marka bilang isang guro. Ngayon ang mga pangarap ko ay nagsisimula nang matupad: ang pagkuha ng mga titulo at diploma na magpapalaya sa akin sa pamatok ng aking ama. Kasabay nito, nagplano ako na magtrabaho nang husto upang aking mapabuti ang kalagayan ng aking ina at pagkatapos ay—bumili ng baril upang patayin ang aking ama!
Ito, mangyari pa, ay hindi nagdulot sa akin ng kagalakan, lalong hindi ng kapayapaan at kaligayahan. Bagkus, para akong nakakulong na hayop. Ako ay 20 anyos at nasumpungan ko ang aking sarili na nasa pasikut-sikot na daan na walang labasan.
Relihiyosong Buhay—Mga Inaasahan Laban sa Katotohanan
Nang panahong ito ako’y nagsimulang makisama sa mga madre at pati na rin sa mga komunista. Ang magkabilang panig ay nagsisikap na tanggapin ko ang kanilang mga idea. Ngunit ang idea na tulungan ang mahihirap sa malalayong lupain tulad ng Aprika at Asia ang nagpangyari sa akin na magpasiya na pabor sa kumbento.
Sa loob ng 14 na taon ako ay tumira sa kumbento. Ang buhay ko sa kumbento ay maginhawa, tahimik, at payapa. Noon lamang magsimula akong magtrabaho sa mga pari na may pilosopyang nakasentro sa nagpapaunlad na mga bansa saka ko nabatid ang pagkakaiba sa pagitan ng daigdig na kinabubuhayan naming mga madre at ng daigdig ng natitira pang sangkatauhan—ang daigdig na iyon ng kirot at kawalang katarungan kung saan ang mga tao ay nagdurusa sa ilalim ng mapang-aping pamatok ng mga arogante.
Sa aking relihiyosong orden, ang Theresian Carmelite Missionaries, maraming usap-usapan tungkol sa katarungan, ngunit wari bang lubusang
hindi ito iniintindi ng mga nakatataas sa akin sa kanilang pakikitungo sa iba. Ang mga miyembro ng kawani sa pagtuturo ay tumatanggap ng sahod na napakababa sa itinakdang pasuweldo ng gobyerno, na walang mga karagdagang pakinabang para sa kanilang sarili at sa kanilang mga pamilya, at maaari silang alisin nang walang paunang-sabi at walang bayad-pinsala. Masahol pa ang kalagayan ng katulong; pagkatapos magtrabaho mula 10 hanggang 12 oras sa paaralan, sila ay kailangang humanap ng karagdagang trabaho upang mabuhay at mapakain ang kanilang mga pamilya. Nais kong ituwid ang walang-katarungang kalagayang iyon.Nang banggitin ko ito sa madre superyora, sinabi niya sa akin na machine gun na lamang ang kailangan ko upang maging isang ekstremista! Sa sandaling iyon naisip ko na gugustuhin ko pa na maging ekstremista kaysa maging walang-awa na tulad nila. Kaya nga, aking ipinasiya na humingi ng dispensasyon mula sa habang-buhay na panata ng kalinisan, kahirapan, at pagsunod na aking ginawa. Nais kong tumulong sa simbahan sa mas malawak na larangan. Ang dispensasyon ay agad na ipinagkaloob.
Ang Aking Gawaing Pulitikal
Noon ko nalaman kung ano ang katulad ng maging mahirap. Maraming beses na ako ay wala ni kapirasong tinapay kung hindi dahil sa mga taong maganda ang loob na nakapaligid sa akin. Sa unang pagkakataon, natuklasan ko kung paano namumuhay ang pangkaraniwang tao. Ako ay nagpagal na kasama ng lokal na simbahan sa lahat ng larangan—relihiyoso, sosyal, at pulitikal. Bilang isang guro ng mga adulto, ako’y nagkaroon ng maraming pagkakataon na makipag-usap sa kanila tungkol sa saunahing mga kalagayan na ipinipilit sa kanila ng lipunan, ang mga dahilan nito, at ang posibleng mga solusyon. Ano ang mga solusyong ito? Una, ang pagtatrabaho sa mapayapang paraan at mga protesta; pagkatapos, kung kinakailangan, ang paggamit ng karahasan upang makamit ang ninanais na tunguhin, ang katarungan.
Ang relihiyoso-pulitikal na kilusan na kinauugnayan ko, inorganisa ng mga paring Katoliko at itinaguyod ng mga miyembro ng karaniwang tao, ay itinutuon ang mga gawain nito sa mahihirap na mga lugar sa Aprika, Asia, at Latin Amerika. Iminumungkahi nito ang kagyat, radikal na pagbabago sa lipunan at kabuhayan sa pamamagitan ng rebolusyonaryong paraan, na tinatanggihan ang lahat ng uri ng pangkabuhayan, pulitikal, at kultural na imperyalismo. Ang layunin nito ay magtatag ng isang Latin-Amerikanong sosyalismo na magtataguyod sa paglikha ng hombre nuevo (bagong tao), malaya sa pagkaalipin na ipinapataw ng banyagang pulitikal na mga sistema.
Ipinangako namin sa aming sarili na higit at higit na pumasok sa mga ranggo ng mahihirap, tinutularan ang kanilang kalagayan sa buhay. Taglay ang mga ulirang ito sa isip, puspusan akong nagsikap na tulungan ang bawat isa—bata at matanda, kabataan at adulto.
Ang Pribado Kong Buhay—Ang Pinakamalaking Kabiguan
Sa aking pakikipagbaka upang mapabuti ang kalagayan ng mahihirap, nakalimutan ko na ang puso ay maaaring maging mapandaya. Ako’y umibig sa aking amo, isang pari, na nakasama ko sa loob ng dalawang taon. Nang maglaon ako ay nagbuntis. Nang matuklasan ito ng pari, gusto niya na ipalaglag ko ito, na aking tinanggihan, dahil iyon ay isang pagpatay. Upang mailigtas ang bata, kinailangan kong magbitiw sa trabaho sa pari at lisanin ang siyudad sa pangambang matuklasan na ako ang kaniyang kerida.
Nilisan ko ang siyudad na labis na nasaktan at naisip kong magpakamatay sa pagpapasagasa sa tren, ngunit may pumigil sa akin. Ako ay nagtiis. Ang mga kaibigan, miyembro ng pamilya, at mababait na tao sa aking sariling bayan ang nagpakita ng pag-ibig, pakikiramay, at pag-unawa—isang bagay na hindi nagawa ng kaisa-isang lalaking minahal ko. Nang isilang ko ang aking anak na lalaki, sila ang nag-aruga sa amin. Nais kong lumaki ang aking anak na malakas, dinamikong tao, tapat sa kaniyang paniniwala at handang mamatay sa kaniyang mga adhikain. Bilang tanda ng kagustuhang ito, pinanganlan ko siyang Ernesto bilang alaala kay Ernesto Che Guevara (kilalang gerilya sa Argentina), na labis kong hinangaan.
Nang ang gobyerno ng Argentina ay ibagsak ng mga militar, ang mga pangkat na maka-kaliwa ay pinag-usig. Marami sa mga kasamahan ko ang inaresto. Maraming beses na ang aking tahanan ay pinasok ng mga encapuchado (mga nakatalukbong), na hinalughog ang lahat at ninakaw ang
lahat halos ng aking pag-aari. Maraming beses na ako ay ipinatawag ng mga awtoridad upang isiwalat ko ang kinaroroonan ng aking mga kasamahan, subalit ako ay nanatiling tapat sa aking mga kaibigan, mamatamisin ko pa ang kamatayan kaysa maging traidor.Mahalagang Pagbabago
Namumuhay sa ilalim ng ganitong panggigipit, kailangan ko ng isang makakausap, isa na puwedeng mapagkatiwalaan at maaasahan bilang isang tunay na kaibigan. Noong pagkakataong iyon dumalaw sa akin ang dalawang Saksi ni Jehova. Tinanggap ko sila na masaya; nakaakit sa akin ang kapanatagan at pagkapalakaibigan na napansin ko sa kanila. Nais ko silang bumalik upang aralan ako sa Bibliya. Nang sila’y bumalik, aking ipinaliwanag ang mahirap na kalagayan na kinasasadlakan ko at tahasang sinabi ko sa kanila na ayoko silang masangkot bilang mga kasabwat. Tiniyak nila sa akin na wala silang dapat ikatakot, dahil kilala sila ng mga awtoridad.
Ang aming pag-aaral sa Bibliya ay punô ng mga balakid sa simula. Yamang ako’y nawalan ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos, napakahirap para sa akin na tanggapin ang mga doktrina sa pantulong sa pag-aaral sa Bibliya na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Halos ihinto ko na ang pag-aaral, palibhasa’y itinuturing ko ang Bibliya na isang alamat at na tama si Marx nang sabihin niya na ang relihiyon “ang opyo ng bayan.” Nang sabihin ko sa mga Saksi ang aking damdamin at sabihin sa kanila na huwag na silang mag-aksaya ng panahon sa akin, sila ay sumagot na hindi nila itinuturing na pag-aaksaya ng panahon ang pagtulong sa mga taong nangangailangan.
Nagkaroon ako ng ibang impresyon nang ako ay imbitahang magtungo sa Kingdom Hall. Suya na ako sa mga pulong na walang pagpapalitan ng mga idea, paggalang sa isa’t isa, at pagkakaibigan. Gayunman, ang mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ay ibang-iba. Ang mga ito ay salig-Bibliya at nagpapalakas-pananampalataya, at inuudyukan kami na ibigin ang isa’t isa at ibigin pati na ang aming mga kaaway.
Pinalitan ng Bagong Pagkataong Kristiyano ang Karahasan
Sa wakas ay nasumpungan ko ang daan tungo sa mas mabuting daigdig. Noong Hunyo 8, 1982, aking sinagisagan ang pag-aalay ko sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig, at higit kailanman ay naging hangarin ko na hubarin ang lumang pagkatao, ang pulitikal na hombre nuevo ng karahasan, at magbihis ng bagong pagkatao, taglay ang maiinam na bunga nito, na inilalarawan sa Galacia 5:22, 23. Ngayon ako ay nakikibahagi sa ibang uri ng pakikipagbaka, isang Kristiyanong pakikipagbaka, ipinangangaral ang mabuting balita ng Kaharian at inilalaan ang aking panahon at pagsisikap upang turuan ang iba ng katotohanan ng Kaharian tungkol sa isang mas mabuting daigdig na darating.
Anong laking pagpapala na maturuan ang aking munting anak na lalaki na imbes na tularan si Ernesto Che Guevara, maaari niyang sundan ang mga yapak ni Kristo Jesus, ang ating Lider at Huwaran! Idinadalangin ko na kami ng anak ko, kasama ang lahat ng mga umiibig sa katuwiran, pati na rin ang dati kong mga kasama at mga kamag-anak, ay makapasok sa walang-hanggang mas mabuting daigdig na iyon, isang paraisong lupa na lipos ng kagalakan, kapayapaan, kaligayahan, at katarungan. Ang karahasan ay walang naidudulot na kapakinabangan sa kaninuman; pinasisidhi lamang nito ang pagkapoot, pagkakabaha-bahagi, pagkabigo, at mga kaguluhan na walang katapusan. Ako’y nagsasalita mula sa karanasan, sapagkat naranasan ko ang gayong buhay.—Inilahad ni Eugenia María Monzón.
[Larawan sa pahina 22]
Pangangaral sa bahay-bahay sa Argentina