“Ang Pamalong Disiplina”—Lipas Na Ba?
Ang Pangmalas ng Bibliya
“Ang Pamalong Disiplina”—Lipas Na Ba?
“Ang kamangmangan ay nababalot sa puso ng bata; ngunit aalisin iyon sa kaniya ng pamalong disiplina.”—Kawikaan 22:15.
“Ang anumang pisikal na parusa ay pag-abuso sa damdamin at hindi dapat ipahintulot.”—Parents Anonymous.
ANG pagbanggit ng Bibliya tungkol sa “pamalong disiplina” ay pumupukaw ng mainit na pagtatalo. Ito’y mauunawaan, sapagkat sa bawat taon libu-libong bata ang namamatay bunga ng pisikal na pag-abuso ng isang magulang. Marahil ito ang dahilan kung bakit maling kinakatawan ng isang komentaryo sa Bibliya ang pagpapahintulot ng Bibliya ng pisikal na parusa bilang isa lamang “opinyon na batay sa nakaugaliang paniwala ng mga taong nabubuhay noong panahon ng Bibliya.”
Subalit ang mga opinyong pangkultura ay hindi siyang nagkasi sa Bibliya—ang Diyos ang nagkasi sa Bibliya. (2 Timoteo 3:16) Hindi ba makatuwiran ang mga komento nito tungkol sa “pamalong disiplina”? Mahalaga na suriin natin “ang pamalo” sa konteksto nito. Upang ilarawan: Ang bawat piraso ng isang jigsaw puzzle ay may kaunting halaga. Pagkatapos lamang na pagsama-samahin at mabuo ito na makikita ng isa ang buong larawan. Sa kahawig na paraan, “ang pamalo” ay isa lamang piraso ng puzzle. Upang makita ang buong larawan, dapat nating isama “ang pamalo” sa iba pang mga simulain ng Bibliya na nauugnay sa disiplina.
Isang Timbang na Pangmalas
Pisikal na parusa ba lamang ang iminumungkahi ng Bibliya? Isaalang-alang ang sumusunod na payo:
• “Huwag ninyong ibuyo sa galit ang inyong mga anak.”
• “Huwag ninyong ituwid nang labis ang inyong mga anak, pagkat baka masiraan sila ng loob.”
‘Mas makatuwiran iyan kaysa payo ng Bibliya,’ maaaring sabihin ng ilan. Subalit ito nga ang payo ng Bibliya. Ito’y nakatala sa Efeso 6:4 (The New Jerusalem Bible) at Colosas 3:21 (Phillips).
Oo, ang pangmalas ng Bibliya ay makatuwiran. Kinikilala nito na ang pisikal na parusa ay karaniwang hindi ang pinakamabisang paraan ng pagtuturo. Ang Kawikaan 8:33 ay nagsasabi: “Makinig kayo sa disiplina” hindi, ‘Damhin ninyo ang disiplina.’ At binabanggit ng Kawikaan 17:10 na “ang saway ay bumabaon nang mas malalim sa isa na may unawa kaysa isang daang hampas sa mangmang.” At, iminumungkahi ng Deuteronomio 11:19 ang pangontrang disiplina, sinasamantala ang di-pormal na mga sandali upang ikintal ang mga pamantayang moral sa mga anak. Sa gayon, ang pangmalas ng Bibliya sa disiplina ay timbang.
Kumusta Naman “ang Pamalo”?
Gayunman, binabanggit ng Bibliya “ang pamalo” ng disiplina. (Kawikaan 13:24; 22:15; 23:13, 14; 29:15) Paano ito dapat unawain?
Ang salitang “pamalo” ay isinalin buhat sa salitang Hebreo na sheʹvet. Sa mga Hebreo, ang sheʹvet ay nangangahulugang isang patpat o isang tungkod, gaya ng ginagamit ng isang pastol. Sa kontekstong ito ang pamalo ng awtoridad ay nangangahulugan ng maibiging patnubay, hindi isang kalupitan.—Awit 23:4.
Ang sheʹvet ay kadalasang ginagamit sa makasagisag na paraan sa Bibliya, na kumakatawan sa awtoridad. (2 Samuel 7:14; Isaias 14:5) Kapag binabanggit ang awtoridad ng mga magulang, “ang pamalo” ay hindi natatanging tumutukoy sa pisikal na parusa. Saklaw nito ang lahat ng anyo ng disiplina, na kadalasa’y hindi naman kinakailangang maging pisikal. At kung pisikal na disiplina ang gagamitin, ito ay karaniwan nang dahilan sa ang iba pang mga paraan ay hindi mabisa. Ang Kawikaan 22:15 ay nagsasabi na ang kamangmangan ay “nababalot” (“nakadaong,” NJB; “nakaugat nang malalim,” The New English Bible) sa puso ng isa na tumatanggap ng pisikal na disiplina. Higit pa sa kapilyuhan ng bata ang nasasangkot.
Paano Dapat Ilapat ang Disiplina?
Sa Bibliya, ang disiplina ay laging iniuugnay sa pag-ibig at kahinahunan, hindi sa galit at kalupitan. Ang bihasang tagapayo ay dapat na maging “malumanay sa lahat, . . . nagtitimpi laban sa kasamaan, mahinahong nagtuturo sa mga sumasalansang.”—2 Timoteo 2:24, 25.
Samakatuwid, ang disiplina ay hindi isang palabasan ng emosyon para sa magulang. Bagkus, ito ay isang paraan ng pagtuturo. Bilang gayon, dapat na turuan nito ang batang nagkakamali. Kapag inilalapat sa galit, maling leksiyon ang itinuturo ng pisikal na disiplina. Nagsisilbi ito sa pangangailangan ng magulang, hindi sa pangangailangan ng bata.
Isa pa, ang mabisang disiplina ay may mga hangganan. “Sasawayin kita sa tamang antas,” sabi ni Jehova sa kaniyang bayan sa Jeremias 46:28. Mahalagang tandaan ito lalo na kapag naglalapat ng pisikal na disiplina. Ang paghampas o pag-alog sa isang sanggol ay maaaring humantong sa pinsala sa utak o sa kamatayan pa nga. a Ang paglampas sa layon ng disiplina—magtuwid at magturo—ay maaaring humantong sa pag-abuso sa bata. b
Hindi Itinataguyod ng Bibliya ang Pag-abuso
Bago ituwid ang kaniyang bayan, sabi ni Jehova: “Huwag kayong matakot, . . . sapagkat ako’y sumasainyo.” (Jeremias 46:28) Hindi dapat iwan ng disiplina ang bata na nakadarama na siya’y pinabayaan. Bagkus, dapat madama ng bata na ang magulang ay ‘sumasakaniya’ bilang isang maibigin, umaalalay na pampatibay-loob. Kung ipinalalagay na kinakailangan ang pisikal na disiplina, dapat maunawaan ng bata ang dahilan. Ang Kawikaan 29:15 ay nagsasabi na “ang pamalo at saway ay nagbibigay karunungan.”
Nakalulungkot na bagay nga na sa ngayon marami ang abusadong ginagamit “ang pamalo” ng awtoridad ng magulang. Gayunman, wala tayong masusumpungang mali sa timbang na mga simulain ng Bibliya. (Ihambing ang Deuteronomio 32:5.) Kung isasaalang-alang natin “ang pamalo” sa konteksto nito, mauunawaan natin na ang layon nito’y turuan ang mga bata, hindi abusuhin sila. Katulad sa iba pang mga bagay, ang Bibliya ay tunay na “mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran.”—2 Timoteo 3:16.
[Mga talababa]
a Ang aklat na Outgrowing the Pain: A Book for and About Adults Abused as Children ay nagbababala: “Ang pagpalo ay maaaring maging pag-abuso sa bata kapag ito ay ginagawa nang walang pagpipigil, nang malakas na nag-iiwan ng pinsala. Ang paggamit ng mga instrumento sa pagpalo, pagpalo na nakasara ang kamao, paghampas sa musmos na mga bata, at pagpalo sa mahihinang dako (mukha, ulo, sikmura, likod, mga ari) na pagpaparusa ay malamang na mauwi sa pag-abuso sa bata.”
b Ang aklat na Father Power, nina Dr. Henry Biller at Dennis Meredith, ay nagsasabi: “Ang pisikal na parusa ay dapat na kainaman lamang upang maging mabisa. Kung ito ay galing sa isa na minamahal niya at batid niyang nagmamahal sa kaniya, ang emosyonal na epekto nito ay sapat na upang pag-isipan ng bata ang kaniyang ginawa.”
[Picture Credit Line sa pahina 26]
The Bettmann Archive