Ang mga Celt—Nadarama Pa Rin ang Kanilang Impluwensiya
Ang mga Celt—Nadarama Pa Rin ang Kanilang Impluwensiya
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Italya
BAGAMAN bihira nang mabalitaan ang tungkol sa kanila ngayon, sila’y nag-iwan ng di-mapapawing mga bakas sa Kanluraning daigdig. Sila’y nakilala mahigit nang 2,500 taon ang nakalipas. Naimpluwensiyahan nila ang kasaysayan, sining, at relihiyosong mga kaugalian sa Europa. At waring kakatwa nga, apektado rin nila ang ating araw-araw na buhay. Sila’y may Indo-Europeong pinagmulan, at sa tugatog ng kanilang kaluwalhatian, sinakop nila ang malaking bahagi ng sinaunang daigdig mula sa Atlantiko hanggang sa Asia Minor, mula sa hilagang Europa hanggang sa Baybayin ng Mediteraneo. Sino sila? Ang mga Celt.
Hindi natatalos ito, nakikita natin ang mga bakas ng mga Celt sa araw-araw. Halimbawa, sila ang nagpalaganap sa paggamit ng mga pantalon sa Kanluraning daigdig; sila rin ang nag-imbento ng mga bariles. Mayroon pang ibang nakikitang mga katibayan ng kanilang pag-iral sa kasaysayan. Sa mga dako sa Europa, makikita mo pa ang daan-daang nakukutaang burol, o mga tanggulang burol, at mga bunton ng libing, o mga tambak, na tumatakip sa sinaunang mga libingan—pawang iniwan ng mga Celt. Maraming lunsod o mga rehiyon ngayon ang may pangalang galing sa mga Celt, halimbawa, Lyons at Bohemia. Kung ang inyong pamayanan ay may kaugalian na pag-alaala sa mga patay sa katapusan ng Oktubre o sa pasimula ng Nobyembre, makatitiyak ka na noong nakalipas na mga dantaon gayundin ang ginawa ng mga Celt. At, kung nalalaman mo ang mga kuwento tungkol kay Haring Arthur ng Inglatera o ang kilalang mga pabula na gaya ng Little Red Riding Hood at Cinderella, kung gayon ay nalalaman mo humigit-kumulang ang tuwirang mga pamana ng sibilisasyong iyon ng mga Celt.
Gaya ng maraming ibang tao, ang mga Celt, nang maglaon, ay nakilala sa iba’t ibang paraan depende sa kung sino ang naglalarawan sa kanila. Inilarawan sila ni Plato (Griego, ikaapat na siglo B.C.E.), bilang mga mahilig-uminom, mga taong manunulsol ng digmaan. Sa paningin ni Aristotle (Griego, ikaapat na siglo B.C.E.), sila’y mga taong lumalaban sa panganib. Sang-ayon sa heograpong Griego-Ehipsiyo na si Ptolemy (ikalawang siglo C.E.), isang bagay lamang ang kinatatakutan ng mga Celt—na ang langit ay bumagsak sa kanilang ulo! Karaniwan nang inilalarawan sila ng kanilang mga kaaway bilang malulupit, hindi sibilisadong mga barbaro. Ngayon, dahil sa pagsulong na nagawa sa mga pag-aaral tungkol sa mga Celt, “mailalarawan natin ang kakaibang larawan ng mga Celt sa kung ano ang maaaring nagawa natin mga dalawampung taon lamang ang
nakalipas,” sabi ni Venceslas Kruta, isa sa pinakaawtoritibong iskolar sa larangang ito.Ang Kanilang Pagbangon at Pagbagsak
Ang mga Celt ay aktuwal na isang kalipunan ng mga tribong pinagsama-sama “ng isang karaniwang wika at istilo ng trabaho, kayariang militar, at relihiyosong mga paniwala na nakikitang magkakatulad.” (I Celti, suplemento ng La Stampa, Marso 23, 1991) Kaya nga mas wastong banggitin ang mga Celt bilang isang kultura kaysa isang etnikong grupo. Ang mga Gaul, Iberiano, Celt, Senones, Cenomani, Insubres, at Boii ay mga pangalan ng ilang tribo na nanirahan sa ngayo’y nakikilala natin na Pransiya, Espanya, Austria, at hilagang Italya. Sa paglakad ng panahon, ang iba pa ay nanirahan sa British Isles.
Waring ang orihinal na nukleo ng mga Celt ay kumalat mula sa gitnang Europa. Walang binabanggit tungkol sa kanila sa makasaysayang mga akda bago ang ikaanim na siglo B.C.E. Ang Griegong mananalaysay na si Herodotus ang unang bumanggit tungkol sa kanila, inilalarawan sila bilang “ang pinakamalayong mga maninirahan ng kanlurang Europa.” Higit sa anupamang bagay ay nagugunita ng sinaunang mga mananalaysay ang kanilang militar na mga tagumpay. Iba’t ibang tribo ng mga Celt ay lumusob laban sa mga Etruscano sa hilagang Italya at pagkatapos ay laban sa Roma noong pasimula ng ikaapat na siglo B.C.E., sinasakop ito. Sang-ayon sa mga mananalaysay na Latin, gaya ni Livy, ang mga Celt ay umalis lamang pagkatapos na mabayaran ng angkop na pantubos at pagkatapos na mabigkas ni Brennus, ang lider ng mga Celt, ang katagang vae victis, “sa aba ng mga nalupig.” Kahit sa modernong panahon, ang mga Celt ay nagugunita niyaong mga nagbabasa ng mga pakikipagsapalaran ng bungang-isip na mga mandirigmang Gaul na sina Asterix at Obelix, na itinatampok sa mga komiks sa maraming wika.
Nakilala ng mga Griego ang mga Celt noong 280 B.C.E., nang marating ng isa pang Brennus na Celt ang mga pinto ng kilalang kublihang Delphi, gayunman, ay hindi siya nagtagumpay sa pagsakop nito. Kasabay nito, ang ilang tribo ng mga Celt, na tinatawag ng mga Griego bilang Galatai, ay tumawid sa Bosporus at nanirahan sa gawing hilaga ng Asia Minor, sa rehiyon na noong dakong huli’y tinawag na Galacia. Noong 50-52 C.E., ang ilang unang Kristiyano ay nanirahan sa dakong iyon.—Galacia 1:1, 2.
Ang mga Celt ay kilala noong unang panahon bilang matatapang na mandirigma, pinagkalooban ng malakas na pangangatawan. Hindi lamang
sila nagtataglay ng kahanga-hangang pangangatawan kundi, upang sindakin ang kanilang mga kaaway, binabasa nila ang kanilang buhok ng pinaghalong yeso at tubig na, kapag natuyo, ay nagbibigay sa kanila ng mabagsik na hitsura. At ganiyan nga ang pagkakalarawan sa kanila sa sinaunang mga istatuwa, na may “matigas na buhok dahil sa argamasa.” Ang kanilang pangangatawan, ang kanilang sigasig sa pakikipagbaka, ang kanilang mga sandata, ang paraan ng pag-aayos nila ng kanilang buhok, at ang kanilang karaniwan nang mahahabang bigote ay pawang nakatulong upang likhain ang larawan ng matinding Galikong galit na lubhang kinatatakutan ng kanilang mga kaaway at inilalarawan sa mga kuwento ni Asterix. Ito marahil ang dahilan kung bakit inilista bilang sundalo ng maraming hukbo noon, pati na yaong isa na pinangunahan ng Cartagong kumander na si Hannibal, ang mukhang-perang mga Celt.Gayunman, sa pagtatapos ng unang siglo B.C.E. ang kapangyarihan ng mga Celt ay nagsimulang humina. Ang kampaniyang Gaul ng mga Romano, na pinangunahan ni Julius Caesar at ng iba pang kumander, ay lubhang nagpahina sa organisasyong militar ng mga Celt.
Mga Tagapagbago sa Larangan ng Sining
Sa iba’t ibang kadahilanan ang katibayan ng kanilang pag-iral na iniwan ng mga taong ito sa atin ay binubuo halos ng ginawang mga produkto, masusumpungan lalo na sa marami nilang mga libingan. Mga palamuti, iba’t ibang uri ng sisidlan, mga sandata, barya, at mga katulad nito, ‘maliwanag na mga gawa nila’ ayon sa mga eksperto, ay mga bagay na komersiyal na ipinagpapalit nila sa kalapit na mga bayan. Sa Norfolk, Inglatera, natuklasan kamakailan ang iba’t ibang bagay na ginto; kabilang dito ang ilang torques, matitigas na kuwintas. Gaya ng makikita sa mga larawan sa pahinang ito, ang mga panday-ginto na mga Celt ay may katangi-tanging kahusayan. “Wari ngang ang metal ang pinakamahusay na materyal ng mga Celt sa sining,” sabi ng isang iskolar. Upang mahubog ito na mas maigi, gumagamit sila ng mga hurno na lubhang maunlad noong panahong iyon.
Kawili-wili, di-gaya ng kapanahong sining na Greco-Romano, na sinisikap gayahin ang tunay, ang sining ng mga Celt ay pangunahin nang pampalamuti. Ang nabubuhay na mga anyo ay karaniwang ginagawan ng istilo, at sagana ang simbolikong mga elemento, kadalasan ay may makamahiko at relihiyosong layunin. Ganito ang sabi ng arkeologong si Sabatino Moscati: “Walang alinlangang nasa harap natin ang pinakamatanda, pinakamarami, at ang pinakamaningning na anyo ng ornamental na sining na kailanma’y nagkaroon ang Europa.”
Isang Pag-iral na Kontrolado ng Relihiyon
Ang mga tribo ng Celt ay karaniwang namumuhay ng simpleng buhay, kahit na sa oppida, ang kanilang nakukutaang mga lunsod. Ang mga tribo ay pinamumunuan ng aristokrasya, at ang mga karaniwang tao ay itinuturing na walang halaga. Dahil sa napakalamig na klima sa mga rehiyon na kanilang tinitirhan, ang buhay ay hindi madali. Marahil isang mahalagang dahilan ng kanilang paglipat patimog ay hindi lamang para sa kabuhayan kundi sa paghahanap ng mas banayad na lagay ng panahon.
Lubhang naimpluwensiyahan ng relihiyon ang araw-araw na buhay ng mga Celt. “Ang mga Gaul ay napakarelihiyosong tao,” sulat ni Julius Caesar. “Ang kanilang paniniwala sa kabilang buhay at sa
pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ay gayon na lamang,” sabi ng iskolar na si Carlo Carena, sinisipi ang isang mananalaysay na Latin, “anupat sila’y maligayang magpapautang, sumasang-ayon pa nga na ang pagbabayad ay gawin kahit na sa impiyerno.” Sa katunayan, bukod sa mga bangkay sa maraming libingan, nasumpungan din ang pagkain at inumin, maliwanag na inilalaan para sa ipinalalagay na paglalakbay sa ibang daigdig.Ang isa sa karaniwang tampok sa lahat ng tribo ng mga Celt ay ang makasaserdoteng sistema, isinaayos sa di-kukulanging tatlong kategorya: bards, vates, at Druids. Bagaman ang unang dalawang grupo ay hindi gaanong mahalaga ang gawain, yaong may pananagutan sa pagbibigay kapuwa ng sagrado at praktikal na kaalaman ay ang mga Druid, kung saan ang salitang ito ay malamang na nangangahulugang “napakatalino.” Ipinaliliwanag ng iskolar na si Jan de Vries na ang gayong “pagkasaserdote ay masyadong makapangyarihan, pinamumunuan ng isang punong druid, na ang pasiya ay dapat sundin ng lahat.” Ang mga Druid din ang sa itinakdang mga panahon ay magsasagawa ng ritwal na pagputol ng mistletoe sa “sagradong” kagubatan.
Hindi madaling maging isang Druid. Ang isang nobisyo ay kukuha ng halos 20 taon upang maisapuso ang relihiyosong sistema at teknikal na kaalaman. Ang mga Druid ay hinding-hindi sumusulat ng anumang bagay may kinalaman sa relihiyon. Ang kanilang mga tradisyon ay inililipat nang bibigan, na siyang dahilan kung bakit kakaunti lamang ang nalalaman natin tungkol sa mga Celt. Kung gayon, bakit ipinagbabawal ng mga Druid ang pagsulat? Binabanggit ni Jan de Vries na “ang paghahatid ng mga tradisyon nang bibigan ay binabago sa bawat salinlahi: Ang orihinal na nilalaman ay iniingatan at kasabay nito ay maaaring patuloy na ikapit upang bumagay sa nagbabagong mga kalagayan. Sa kadahilanang ito, ang mga Druid ay nakaaagapay sa kanilang progresibong kaalaman.” Ang manunulat na si Sergio Quinzio ay nagpapaliwanag: “Ang pagkasaserdote, bilang ang tanging tagapag-ingat ng sagradong kaalaman, ay lubhang makapangyarihan.” Kaya, ang mga Druid ay laging namamahala.
Walang gaanong nalalaman tungkol sa diyos ng mga Celt. Sa kabila ng bagay na maraming lilok at mga larawan nila ang natagpuan, halos lahat ay walang pangalan, kaya mahirap sabihin kung aling diyos o diyosa ang kinakatawan ng bawat larawan. Waring may lumilitaw na mga larawan ng ilan sa mga diyos na ito sa bantog na kalderong Gundestrup na nasumpungan sa Denmark. Ang mga pangalang Lugh, Esus, Cernunnos, Epona, Rosmerta, Teutates, at Sucellus ay walang gaanong kahulugan sa atin ngayon; gayumpaman, lubhang apektado ng mga diyos na ito ang araw-araw na buhay ng sinaunang mga Celt. Karaniwan na sa mga Celt na maghandog ng mga haing tao (kalimitan ay mga kaaway na natalo sa digmaan) sa karangalan ng kanilang mga diyos at diyosa. Kung minsan ang mga ulo ng mga biktima ay isinusuot bilang kalagim-lagim na mga palamuti, at kung minsan ang mga haing tao ay ginagawa na ang tanging layunin ay tipunin ang mga pangitain sa paraan ng pagkamatay ng mga biktima.
Ang kapansin-pansing katangian ng relihiyosong daigdig ng mga Celt ay ang tatluhang diyos. Sang-ayon sa Encyclopedia of Religion, “malamang na ang pinakamahalagang salik sa relihiyosong simbolismo ng mga Celt ay ang bilang na tatlo; ang mistikong kahulugan ng idea ng pagiging tatluhan ay pinatutunayan sa karamihang bahagi ng daigdig, subalit sa mga Celt waring may lalo nang malakas at patuloy na kabatiran tungkol dito.”
Sinasabi ng ilang iskolar na ang mag-isip tungkol sa isang diyos na tatluhan o may tatlong mukha ay para na ring pagkilala rito bilang nakikita-ang-lahat, nababatid ang lahat-lahat. Ang mga istatuwang tatlo-mukha ay inilalagay sa mga krus na daan ng mahahalagang ruta, marahil sa layuning “pangasiwaan” ang kalakalan. Kung minsan ang tatluhan, sabi ng mga iskolar, ay nagbibigay ng impresyon ng “pagkakaisa sa tatlong persona.” Ngayon, sa mismong rehiyon kung saan natuklasan ang mga lilok ng tatluhang diyos ng mga Celt, kinakatawan pa rin ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang Trinidad sa kahawig na paraan. Gayunman, hindi itinuturo ng Banal na Kasulatan na ang Diyos at si Jesus ay magkapantay at bahagi ng isang Trinidad.—Juan 14:28; 1 Corinto 11:3.
Oo, ang kasalukuyang buhay at kaisipan ng maraming tao ay naimpluwensiyahan ng mga Celt, marahil higit kaysa ating inaakala.
[Dayagram/Mapa sa pahina 18]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Paglaganap ng mga Celt
La Tène
Roma 390 B.C.E.
Delphi 279 B.C.E.
Galacia 276 B.C.E.
North Sea
Dagat Mediteraneo
Black Sea
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
1. Ambiorix, pinuno ng mga Eburones;
2. Kalderong Gundestrup;
3. Helmet na bakal;
4. Tanso, bakal, at gintong helmet;
5. Tansong pulseras;
6. Inistilong ulo na yari sa bato;
7. Pansinin ang tatlong-ulong diyos sa plorerang terra-cotta;
8. Gintong torque;
9. Gintong palamuti;
10. Gintong torque;
11. Tansong baboy-damo na palamuti sa helmet.
[Credit Lines]
Mga larawan 2-6, 8-11 Sa kagandahang-loob ng Palazzo Grassi, Venice; 7 Bibliothèque Nationale, Paris