“Araw ng mga Saksi ni Jehova”
“Araw ng mga Saksi ni Jehova”
ANG mga Saksi ni Jehova ay nasisiyahang magtipong sama-sama sa malalaking bilang ng ilang beses sa isang taon. Sila’y nagtitipon upang matuto tungkol sa Diyos at sa kaniyang matuwid na mga simulain. Ang mga pulong na ito ay maiinam ding pagkakataon para sa nakapagpapatibay na pakikisama sa mga kapuwa Kristiyano.—Hebreo 10:24, 25.
Ano ang epekto ng malalaking grupo ng mga dumadalaw na mga Saksing ito sa napiling mga lunsod para sa mga asambleang ito? Mangyari pa, may pinansiyal na pakinabang sa lokal na ekonomiya. Subalit naroon din ang epekto ng “kanilang halimbawa ng espirituwal na dedikasyon at personal na magandang asal,” gaya ng sinasabi sa isang proklamasyon na inilabas ng alkalde ng lunsod ng Gainesville, Georgia, E.U.A.
Ang opisyal na dokumentong ito ay bumabanggit sa bahagi: “YAMANG, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtitipon sa Georgia Mountains Center sa katamtamang 14 na mga dulo ng sanlinggo taun-taon sa nakalipas na 11 taon, na ang katamtamang dumadalo sa bawat sesyon ay 2,200 katao; at . . . ang ‘makapal na ulap ng mga Saksi’ na ito ay tiyak na nagbigay ng nakapupukaw na patotoo ng pananampalataya at dedikasyon sa lahat ng nakakita nito:
“NGAYON, SA GAYONG DAHILAN, ako, si Emily D. Lawson, Alkalde ng Lunsod ng Gainesville, sa pamamagitan nito ay ipinahahayag ko ang Sabado, Nobyembre 23, 1991, bilang ‘ARAW NG MGA SAKSI NI JEHOVA’ sa Gainesville; nananawagan ako sa lahat ng mamamayan na kilalanin at magiliw na tanggapin ang mga bisitang ito, at sikaping tularan ang kanilang halimbawa ng espirituwal na dedikasyon at personal na magandang asal, sa bawat pagkakataon sa dulo ng sanlinggong ito at sa hinaharap.”