Mga Kasuutang May Pangalan—Ito ba’y Para sa Akin?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Mga Kasuutang May Pangalan—Ito ba’y Para sa Akin?
“ANG pananamit ay kumakatawan sa isang tao. . . . Ang pananamit ay laging isang sagisag ng kung sino ka.” Gayon ang sabi ni Barbara Dickstein, isang espesyalista sa pananamit sa isang malaking museo. “Sinasabi nito ang iyong kalagayan, ang iyong bahagi sa buhay, ang iyong katayuan sa lipunan,” susog pa niya. Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang pananamit ay mahalaga sa karamihan ng mga tao—at kinahuhumalingan ng ilang kabataan.
Gayunman, sa maraming kabataan ang pagkabahala sa pananamit ay higit pa sa pagkabahala tungkol sa pagiging sunod sa moda. Marami rin ang nababahala sa tatak. Sa katunayan lahat ng bagay na bilhin nila—mula sa sneakers hanggang sa mga salamin sa mata—ay dapat na may tatak ng kilalang designer. Halimbawa, isinisiwalat ng isang surbey ng magasing Seventeen na 90 porsiyento ng mga babaing tin-edyer ang may palagay na ang tatak na pangalan ay mahalaga kapag bumibili ng kasuutang pang-isports.
Hindi ito kataka-taka, kung isasaalang-alang ang malakas na pagpapasigla na ibinibigay ng media sa mga kasuutang may pangalan nitong nakalipas na mga taon. Sa pamamagitan ng mga komersiyal sa TV, mga anunsiyo sa magasin at sa pahayagan, sa mga paskil, at sa mga pelikula, ang mga mámimili ay nalalantad sa isang tambak na propaganda ng mga designer. Ang layon ay ikondisyon ang isip ng publiko na maniwalang ang tatak ng isang designer ay halos parang madyik na binabago ang kasuutan—at ang may suot nito. Kung wala ang etiketa ng designer, ang mga pantalong maong ay basta mga pantalon lamang. Kung may tatak ng designer, ang mga pantalong maong ay biglang nagiging susi sa popularidad, katuwaan, at romansa!
Ang Pang-akit ng Etiketa
“Gaano kahalaga ang pangalan?” tanong ng isang tauhan sa isa sa mga dula ni Shakespeare. Pagdating sa pananamit, ang mga pangalan ay maaaring maging napakahalaga. Isang aklat-aralin na ang layon ay turuan ang propesyonal na mga magtitingì ay nagsasabi: “Maraming parokyano ang handang magbayad ng mas mataas na halaga para sa kilalang mga tatak . . . at may pangalang mga designer. Maraming tatak ang kilala sa mataas na pamantayan ng pag-iistilo, ayos, kalidad, at pagkakagawa. Ang mga kasuutang may pangalan ay kadalasang nagbibigay ng natatanging anyo.” (Know Your Merchandise, nina Wingate, Gillespie, at Barry) Binabanggit din ng isang artikulo sa The New York Times Magazine na “ang pagkakayari at tela ng mamahaling mga damit ay kadalasang ibang-iba” sa mas mumurahing kasuutan. Sa gayon ang mga kasuutang may pangalan ay waring tumatagal at mas maganda kaysa mumurahing tatak.
Gayunman, para sa maraming kabataan ang mga etiketang may pangalan ay hindi gaanong mga sagisag ng kalidad na gaya ng pagiging status symbol nito—mga sagisag ng karangalan. Gaya ng pagkakasabi rito ng 17-anyos na si Sam, “kung wala ka nito, hindi ka sunod sa uso!”
Ang Lakas ng Panggigipit ng mga Kasama
Hindi kataka-taka, kung gayon, na isang kabataang nagngangalang Casey ay nagsasabi: “Malakas
ang panggigipit na magsuot ng kasuutang may pangalan.” Ganito pa ang sabi ng 14-anyos na si Tennile: “Ang lahat ay laging nagtatanong, ‘Ano ang tatak ng sweater, jacket, o ng jeans mo?’ ” Ayon sa isang kabataan, ang panggigipit ay maaaring napakalakas anupat kung hindi ka aayon, “tutuksuhin at pag-uusapan ka ng mga tao, sasabihin nilang walang-pangalan ang sapatos na suot mo o na ikaw ay namimili sa [mga tindahang nagbibili ng mumurahing bagay].”Mangyari pa, natural lamang sa isang tao na magnais na siya’y makasama at tanggapin ng iba. Ganito ang sabi ng kinse-anyos na si Andy: “Walang sinuman ang may gustong mapaiba at maging kakatwa.” Subalit hanggang saan ka makikiayon? Ang katorse-anyos na si Joe ay nagsasabi: “Kung minsan pinipili mo ang mga damit na hindi mo gusto—para lamang ikaw ay tanggapin.”
Ngunit makatuwiran bang hayaang ang iba ang magpasiya para sa iyo, alisan ka ng iyong kakanyahan, o takutin ka na labagin ang iyong sariling kagustuhan, mga pamantayan, o sentido kumon? Ang Roma 6:16 ay nagsasabi: “Hindi baga ninyo nalalaman na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili na pinaka-alipin upang tumalima sa kaniya, kayo’y mga alipin niya sapagkat sa kaniya kayo tumatalima?” Sino ang nais na maging alipin ng isa? Subalit nagiging ganiyan ka kung hinahayaan mong ang mga kasama mo ang magpasiya kung ano ang iyong susuutin, o kung hahayaan mong ikaw ay ipadpad dito at doon ng hangin ng kausuhan.—Ihambing ang Efeso 4:14.
Ang Pagkuha sa Pangmalas ng Bibliya
Paano ka matututong mag-isip para sa iyong sarili? Alamin mo ang mga simulain sa Salita ng Diyos. Kung ang iyong pag-iisip ay nakahilig-sa-Bibliya, hindi ka madaling supilin o pamahalaan ng iba. (Kawikaan 1:4) Totoo, ang Bibliya ay hindi isang manwal sa kung ano ang uso. Subalit ito’y naglalaman ng mga simulain na makatutulong sa iyo na magpasiya kung ano ang susuutin. Isaalang-alang, halimbawa, ang mga salita ni apostol Pablo sa 1 Timoteo 2:9. Doon ay pinayuhan niya ang mga Kristiyano na “magsigayak ng maayos na damit, na may kahinhinan at katinuan ng isip, hindi ng . . . napakamamahaling kasuutan.”
Tiyak na hindi sinasabi ni Pablo na ikaw ay magdamit na parang pulubi o magsuot ng mga damit na kahiya-hiyang wala sa uso. Si Jesu-Kristo mismo ay maliwanag na nagmamay-ari ng hindi kukulanging isang kasuutang may mataas na uri. (Juan 19:23, 24) Bagkus, binabalaan ni Pablo ang mga Kristiyano laban sa pagkuha ng di-nararapat na pansin sa kanilang sarili sa paraan ng kanilang pananamit. Ang pagbili ng isang kasuutan dahil sa kalidad, kagandahan, o pagiging praktikal nito ay mabuti. Subalit ang pagsusuot ng isang bagay na may etiketa ng designer na ang tanging layon ay “ipagparangalan” o “sa pagpapaligsahan sa isa’t isa” ay kasakiman at kayabangan. (1 Juan 2:16; Galacia 5:26) Maaari mong pahangain ang ilang mababaw na tao, subalit maaari mo ring pukawin ang inggit, pananaghili, at hinanakit sa iba.
Sinabihan ni Pablo ang mga Kristiyano na magpakita ng katinuan ng isip, o mabuting pagpapasiya, sa paraan ng kanilang pananamit. Sa ilang dako, ang pagsusuot ng mga kasuutang may pangalan ay mapanganib. Ang kinse-anyos na si Michael Thomas, halimbawa, ay napatay dahil sa pagsusuot ng isang pares ng $100 na may pangalang atletik na sapatos. Nakursunadahan ng isang tin-edyer ang sapatos para sa kaniyang sarili. Iniulat ng The New York Times na sa maraming paaralan ng lunsod sa E.U., ang pagsusuot ng mamahaling mga bagay na may pangalan ay “maaaring sapat nang dahilan upang ikaw ay mapaaway at mapatay pa nga.” Kaya ang kabataang si Katherine ay nagsasabi: “Natuklasan kong isang proteksiyon ang hindi gaanong maimpluwensiyahan ng aking mga kasama sa paraan ng aking pananamit. Kung hindi, maaaring makatawag ako ng maling klase ng pansin sa aking sarili.”
Mangyari pa, hindi lahat ng kabataan ay makakayang bumili ng mga damit na may pangalan. Kung ikaw ay nasa gayong kalagayan, maaaring wala kang magagawa kundi ang matutong maging ‘kontento sa pagkain at pananamit’—kahit na kung ang pananamit ay hindi ang pinakabago o pinakamagaling. (1 Timoteo 6:8) Sa halip na maging biktima ng inggit, na nakasisira, gawin mo ang pinakamabuting magagawa mo sa iyong kalagayan. (Tito 3:3) Ang iyong mga damit ay maaaring walang magandang etiketa, subalit ito ay maaaring maging maayos, malinis, at presentable.
Matalinong Pamimili
Kung ano ang suot mo ay hindi kasinghalaga ng kung anong uri ka ng tao sa loob. (1 Pedro 3:3, 4) Gayumpaman, anuman ang iyong kalagayan, makatuwiran lamang na magdamit nang nababagay sa bawat okasyon. Bilang isang Kristiyano, may obligasyon ka rin na manamit sa paraan na nararapat sa isang kabataang ministro.—2 Corinto 6:3.
Sa kabutihang palad, ang Kristiyanong kahinhinan ay hindi naman nangangahulugan na ikaw ay kailangang maging makaluma. Maganda ang pagkakasabi rito ng kabataang si Tamaria nang sabihin niya: “Wala namang masama sa pagiging nasa uso—basta ba hindi ka nagpapakalabis dito.” Ni masama man ang magsuot ng mga damit na may mataas na kalidad. Sa katunayan, ayon sa aklat na Dressing Smart, ni Pamela Redmond Satran, ang mga eksperto ay “nagpapayo na bumili ng pinakamagaling na kasuutan na kaya mong bilhin at bigyan-pansin ang kalidad kaysa dami.” Nakakahawig nito ang Know Your Merchandise ay nagpapayo ng ganito: “Ang maliit na aparador ng mahusay ang kalidad, maingat na piniling mga kasuutan ay mas maigi kaysa isang malaking aparador ng mga kasuutang hindi nagtatagal at madaling nawawala sa uso.”
Maaaring hilingin nito na ikaw ay maging matalinong mámimili—gaya ng “may kakayahang asawang babae” na inilalarawan ng Bibliya sa Kawikaan 31:10, 14, 18. Siya’y maglalakbay sa “malayo” upang ‘mamili ng sulit.’ At ikaw man ay maaaring matutong ‘mamili ng sulit.’ Ganito ang mungkahi ng isang labas ng Ladies’ Home Journal: “Tanungin mo ang ibinabang presyo—kahit sa malalaking tindahan. . . . Magsaliksik ka. Saliksikin mo ang mga presyo sa ilang tindahan.” Maaari mo pa ngang tawaran ang presyo sa tindera, lalo na sa mas maliliit na tindahan.
Gayunman, ang magasing Consumer Reports ay nagpapaalaala sa atin na “ang presyo at prestihiyo ay hindi tamang giya sa kalidad.” Oo, natuklasan ng kanilang mga mananaliksik na ang ilang kasuutang kainaman ang presyo ay halos kasing-uri ng mamahaling damit na may pangalan. Ang aklat na Dressing Smart ay nagsasabi: “Kung minsan, ang mga damit ay napakamahal dahil lamang sa ito ay uso, may pangalan, o lakas ng loob.” Kung minsan ang mga etiketa ng designer ay ikinakabit sa huwad na mga paninda na mababang klase. At kahit na kung ang etiketa ay totoo, maaaring magkaroon ng mga pagkakamali sa paggawa.
Kaya huwag palinlang sa mga etiketa o sa mga presyo. Maging maingat. (Kawikaan 14:15) Maingat na suriin ang kasuutan—ang tela nito, pagkakagawa, pagkakatahi, at iba pa. Maganda ba ang bagsak nito? May sapat bang tela para sa mga pagbabago? Mayroon bang mga palatandaan ng kalidad, gaya ng aporo at pagtutop? Kumusta naman ang mga detalye, gaya ng simetriya at pagtutugma ng mga disenyo ng tela sa mga dugtong?
Sa pagiging matalino at mapanuri, maiiwasan mong ika’y maakit ng etiketa ng designer sa paggawa ng hindi mabuting pagpili. Ikaw ay maaaring magdamit nang mahusay, na hindi nagdadamit nang marangya.
[Blurb sa pahina 24]
Kung may tatak ng designer, ang mga pantalong maong ay biglang nagiging susi sa popularidad, katuwaan, at romansa!
[Larawan sa pahina 25]
Huwag palinlang sa isang etiketa. Maingat na suriin ang anumang kasuutan bago bilhin ito