Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Di pa Naisisilang na mga Bata Ang artikulong “Ang Pagkatuto ay Nagsisimula sa Bahay-Bata” ay nagpagalak sa akin. (Enero 22, 1992) Ako ay isang doktor, at may nakilala ako kamakailan na isang mag-asawa na humingi ng payo sa akin hinggil sa aborsiyon. Sa pagbibigay ng aking mga komento, idinagdag ko ang mga argumento na ginawa sa inyong artikulo. Nagpasiya ang mag-asawa na huwag ipalaglag ang bata. Dahil sa inyo, isang sanggol ang magkakaroon ng pagkakataong mabuhay.
G. U., Ecuador
Motorsiklo Binasa ko ang inyong artikulong “Motorsiklo—Gaano Kapanganib Ito?” na taglay ang malaking interes. (Abril 8, 1992) Ako ngayon ay pumapasok na sa aking ika-55 taon sa negosyo ng motorsiklo at ako’y laging interesado sa pangkaligtasang mga bagay hinggil sa pagmomotorsiklo. Malimit kung nagkakaroon ng aksidente na kinasasangkutan ng isang motorsiklo at isang kotse, ang kotse ang may kasalanan; maraming beses na hindi nakikita ng mga tsuper ang motorsiklo. Ipagpatuloy ninyo ang mabuting gawa sa paghahatid sa amin ng gayong kawili-wiling mga paksa.
M. H., Estados Unidos
Aking masigasig na sinunod ang lahat ng paraan ng pag-iingat na inyong binanggit. Ngunit hindi pa rin maaalis nito ang pinakamapanganib na banta sa kaligtasan ng isang siklista: ANG IBANG TSUPER! Ako ay kamuntik nang masagasaan ng isang tao mga ilang taon na ang nakalipas na hindi man lamang huminto. Ako ay nahulog mula sa aking motorsiklo at, sa kabila ng pagkakaroon ng pananggalang na kasuutan, ako ay nagtamo ng malulubhang pinsala. Bilang isang asawa at isang ama ng dalawang magagandang bata, ako ay nagpasiya na makabubuting ipagbili ko ang aking motorsiklo.
J. B., Estados Unidos
Pinagsikapan naming makapagbigay ng timbang na paglalarawan ng kapuwa mga kaluguran at mga panganib ng pagsakay sa motorsiklo. Ang mga mambabasa ay hinimok na “timbangin ang mga aspekto ng pang-akit at kaligtasan nito” pagka kanilang isinasaalang-alang ang pagsakay sa motorsiklo. Hindi nakasalalay sa iba ang paghatol kung tungkol sa personal na desisyon.—ED.
Ang Sansinukob Katatapos ko pa lamang basahin kasama ng aking mga anak ang mga artikulo sa “Ang Pagtuklas sa mga Lihim ng Sansinukob.” (Marso 22, 1992) Ipinakita ng mga artikulong ito kung gaano kaakit-akit ang malawak na paglalang ni Jehova. Salamat sa malinaw at simpleng paraan ng inyong pagpapaliwanag sa iba’t ibang uri ng mga bagay sa kalawakan. Bawat paksa na inyong sinasaklaw ay natatalakay nang may kalinawan, kalaliman, at kakayahan.
N. B., Italya
Lagi kong isinasaisang tabi ang labas na ito ng Gumising! dahil hindi naman ako interesado sa paksang ito. Ngayon ay iba na ang nadarama ko. Inyong tinalakay ang para sa akin ay isang masalimuot na paksa at—gaya ng madalas ninyong gawin—ipinaliwanag ito sa paraan na maiintindihan ng iba. Ayaw ko nang matapos ang artikulo minsang nasimulan ko ang pagbasa nito!
S. J., Canada
Tagapagtuwid ng Pako Dahilan sa mahinang kalusugan, ako’y hindi nagkaroon ng tuwirang bahagi sa proyekto ng pagtatayo na nagaganap sa sangay ng Samahang Watch Tower sa Selters/ Taunus, Alemanya. Subalit ang artikulo tungkol sa matandang si Adams Akuetteh, tinaguriang “ang tagapagtuwid ng pako sa sangay ng Ghana” (Mayo 22, 1992), ay pinaluha ako!
T. R., Alemanya