Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paggagalugad sa Kalawakan—Gaano na ang Naisulong ng Tao?

Paggagalugad sa Kalawakan—Gaano na ang Naisulong ng Tao?

Paggagalugad sa Kalawakan​—Gaano Na ang Naisulong ng Tao?

NOONG Abril 12, 1961, isang bagong Columbus ang pumasok sa mga rekord ng kasaysayan. Si Yuri Alekseyevich Gagarin, Rusong kosmonot, ang nagsagawa ng unang paglalakbay ng tao sa kalawakan sakay ng sasakyang pangkalawakang Vostok 1. Ang kaniyang paglalakbay ay tumagal nang 108 minuto at dinala siya ng 40,900 kilometro sa palibot ng lupa sa isang pag-ikot. Siya ang nagwagi sa unang raun sa malaking paligsahan sa kalawakan sa pagitan ng dating Unyong Sobyet at ng Estados Unidos.

Ang U.S.News & World Report ay nagsabi: “Ang totoo ay na . . . ang Amerika ay naibunsod sa kalawakan ng utos na daigin ang mga Ruso.” Sinikap ng Pangulong John F. Kennedy na alisin ang agwat sa pagitan ng mga tagumpay sa kalawakan ng Sobyet at ng Amerika. Si John Logsdon, patnugot ng Center for International Science and Technology Policy, ay sumulat sa Blueprint for Space: “Si Sorenson [tagapayo ni Kennedy] ay nagsasabi na ang saloobin ni Kennedy ay naimpluwensiyahan ng bagay [na] ‘ang mga Sobyet ay napabantog sa buong daigdig dahil sa paglalakbay ni Gagarin samantalang kasabay nito humina naman ang kabantugan natin dahil sa Bay of Pigs. a Idiniin nito ang katotohanan na ang kabantugan ay isang tunay, at hindi lamang ang kaugnayan sa publiko, na salik sa mga pangyayari sa daigdig.’”

Ang Pangulong Kennedy ay desidido na anuman ang halaga ang Estados Unidos ay kailangang gumawa ng isang bagay na kagila-gilalas upang maabutan ang mga Sobyet. Tanong niya: “May tsansa ba tayong madaig ang mga Sobyet sa paglalagay ng isang laboratoryo sa kalawakan, o sa paglalakbay sa palibot ng buwan, o sa paglalapag ng isang rocket sa buwan, o sa pagpapadala ng isang rocket patungo sa buwan at pabalik na may sakay na tao? May iba pa bang programang pangkalawakan na nangangako ng madulang mga resulta kung saan maaari tayong manalo?” Sa wakas ang mga siyentipiko ng E.U. ay may pulitikal na pangganyak upang suportahan ang kanilang mga ambisyon. Subalit kailangan nilang maghintay sa kanilang tagumpay.

Ang mga Ruso ay patuloy sa kanilang sunud-sunod na tagumpay noong 1963 nang si Valentina Vladimirovna Tereshkova ay naging kauna-unahang babae na nakalibot sa lupa, hindi minsan, kundi 48 ulit! Hinarap ng NASA (National Aeronautics and Space Administration) ang hamon na humabol sa paligsahan sa internasyonal na kabantugan sa kalawakan. Kaya, ano sa wakas ang nagawa nila?

Apollo at ang Buwan

Pinag-aaralan ng mga siyentipiko sa NASA ang posibilidad ng paglapag sa buwan sapol noong 1959. Sila’y humingi ng permiso na magtayo ng isang sasakyang pangkalawakan na tatawaging Apollo. Gayunman, “tinanggihan ng Pangulong Eisenhower ang kahilingang ito.” Bakit ang negatibong saloobing ito? Ang halaga, mula $34 bilyon tungo sa $46 bilyon, “ay hindi makagagawa ng sapat na siyentipikong kaalaman upang bigyang-matuwid ang puhunan. . . . Sinabi ni Eisenhower sa NASA na hindi niya sasang-ayunan ang anumang proyekto na naglalayong lumapag sa buwan.” (Blueprint for Space) Ang tanging pag-asa ng mga siyentipiko ay nasa bagong pangulo, si John F. Kennedy.

Inilagay niya ang tunguhin sa mga siyentipiko sa E.U. na paglalapag ng tao sa buwan bago ang katapusan ng dekada​—at bago gawin iyon ng mga Ruso! Si Wendell Marley, na dating inhinyero elektriko na nagtatrabaho sa sistema ng pamamatnubay at nabigasyon ng Apollo, ay nagsabi sa Gumising!: “Totoong may diwa ng pakikipagpaligsahan sa U.S.S.R., at ito rin ang pangganyak sa maraming inhinyero na nakasama ko sa trabaho. Ipinagmamalaki namin na gawin ang aming bahagi sa pagpapalapag ng tao sa buwan bago gawin iyon ng Russia. Marami sa amin ang nag-obertaym nang walang karagdagang sahod upang manatili sa iskedyul.”

Ang resulta ng lahat ng pagsisikap na iyon ay isa nang kasaysayan ngayon​—sina Neil Armstrong at Edwin “Buzz” Aldrin ay nag-iwan ng unang mga bakas ng tao sa buwan noong Hulyo 1969. Ang kamangha-manghang tagumpay ay may kabayaran. Noong Enero 27, 1967, tatlong astronot ang nasawi sa isang sunog sa loob ng command capsule (ang kinaroroonan ng tripulante) noong panahon ng pagsubok bago ang paglipad. Wala pang tatlong buwan pagkalipas, ang Rusong kosmonot na si Vladimir Komarov ay namatay samantalang nagsisikap bumalik sa lupa pagkaraan ng 18 pag-ikot sa lupa. Gayunman, sa loob ng daan-daang taon, kadalasan nang iyan ang halagang ibinayad ng mga lalaki’t babae para sa paggagalugad. Namatay sila sa kanilang paghahangad ng kaalaman at katanyagan.

Ngayon, bukod sa paglalakbay sa buwan, ano pang pagsulong ang nagawa na sa kalawakan?

Paghahanap sa mga Planeta

Ang NASA ay nagpadala ng maraming satelayt sa kalawakan, at ang mga ito ay nagbunga ng mahusay na mga resulta dahil sa dumaming kaalaman tungkol sa sansinukob. Iyan ang isa sa mga pakinabang na binabanggit ng mga siyentipiko upang bigyang-matuwid ang pagkalaki-laking gastos ng mga paglalakbay sa kalawakan na may tao at walang taong mga sasakyang pangkalawakan. Noong Marso 1992 ay nasaksihan ang ika-20 anibersaryo ng isa sa dakilang mga kuwento ng tagumpay sa paggagalugad sa kalawakan​—ang paglulunsad ng unang sasakyang pangkalawakan na lalampas sa ating sistema solar. Ang Pioneer 10, inilunsad noong 1972, ay binubuo ng isang sunud-sunod na maagang kabiguan sa mga nauna rito, mula pa noong 1958. Ang aktibong buhay ng sasakyang pangkalawakan ay inaasahang mga tatlong taon. Sa halip, dahil sa nuklear na lakas na pinagmumulan nito, ito ay nagpapadala pa rin ng impormasyon sa lupa. Si Nicholas Booth, sumusulat sa New Scientist, ay nagsasabi na “inaasahan ng mga opisyal ng NASA na matutunton ang sasakyang pangkalawakan hanggang sa taóng 2000. Ito ay mailalarawan bilang ang pinakamatagumpay na misyon sa ibang planeta kailanman.” Bakit lubhang natatangi ang Pioneer 10?

Ito ay iprinograma na magtutungo sa ating pinakamalaking kalapit na planeta, ang Jupiter, bago lumabas sa sistema solar. Ito’y nagsasangkot ng isang paglalakbay ng 779 milyong kilometro na kumuha ng halos dalawang taon. Dumating ito sa Jupiter noong Disyembre 1973. Patungo roon dinaanan nito ang Mars at dinaanan ang isang asteroid belt sa ibayo pa ng Mars. Nagtala ito ng 55 salpok mula sa maliliit na alabok. Gayunman, ang sasakyang pangkalawakan ay hindi napinsala. Sinukat ng iba pang instrumento ang radyasyon at magnetic fields sa palibot ng Jupiter.

Pagkatapos ay inilunsad ang Pioneer 11, at pagkatapos daanan ang Jupiter ito ay nagtungo sa Saturn. Nagtatayo sa pundasyon ng mga pakikipagsapalarang ito sa Pioneer, sinundan ito ng NASA ng sasakyang pangkalawakang Voyager 1 at 2. Ang mga ito, sa pananalita ni Nicholas Booth, ang nagpadala ng “isang tambak na impormasyon tungkol sa sistema Jovian [Jupiter] na nakahihigit sa mga resulta ng mga misyon ng Pioneer.” Paano naipadadala ng mga sasakyang pangkalawakang ito ang kanilang impormasyon sa lupa?

May tracking system na tinatawag na Deep Space Network, na binubuo ng pabilog na mga antena ng radyo, na 64 metro ang diyametro, na salit-salit na sumasagap ng mga hudyat habang umiikot ang lupa. Ang mga bilog na antenang ito ay nasa Espanya, Australia, at sa Estados Unidos. Ang mga ito ang susi sa wastong pagtanggap ng hudyat ng radyo ng sasakyang pangkalawakan.

May Buhay ba sa Mars?

Ang paggagalugad sa kalawakan ay tiyak na patuloy na uudyukan ng isang nakaiintrigang tanong na pumukaw sa pagkamausisa ng tao sa loob ng mga dantaon: Umiiral ba ang intelihenteng buhay roon sa malawak na sansinukob? Sa loob ng mahabang panahon ang mga astronomo at mga manunulat ay nag-isip-isip kung mayroon nga bang buhay sa pulang planeta ng Mars. Ano ang pinatunayan ng mga paglalakbay sa kalawakan kamakailan sa bagay na iyan?

Ang sunud-sunod na mga sasakyang pangkalawakan na Mariner noong 1960’s at 1970’s ay nagpadala ng mga larawan ng Mars. Pagkatapos, noong 1976, ang Viking 1 at 2 ay lumapag sa Mars at, di kapani-paniwala, ay nagpadala ng impormasyon tungkol sa bato at lupa. Paano ito nakuha? Sa paggamit ng isang awtomatikong kemikal at biyolohikal na laboratoryo sa lumapag na sasakyan. Ang lupa ay dinampot ng isang kamay na robot, dinala sa sasakyan, at sinuri sa robotikong laboratoryo. May bakas ba ng anumang buhay roon o may anumang pag-asa ba ng buhay? Ano ang isinisiwalat ng mga larawan at mga pagsusuri?

Ganito ang sabi ng manunulat tungkol sa siyensiyang pangkalawakan na si Bruce Murray: “Walang mga pulumpon, walang mga damo, walang mga bakas ng paa o iba pang palatandaan ng buhay ang humahalili sa pagkailang ng heolohikal na kahali-halinang lupang ito. . . . Sa kabila ng pinakamaingat na pagsusuri sa mga sampol ng lupa . . . , wala ni isa mang organikong molekula ang napansin . . . Ang lupa sa Mars ay di-hamak na payat kaysa anumang kapaligiran sa Lupa. . . . Ang Mars ay malamang na walang buhay sa di kukulanging nakalipas na ilang bilyong taon.”

Si Murray ay naghinuha mula sa lahat ng katibayan na dumarating buhat sa paggagalugad sa mga planeta: “Talagang tayo ay walang katulad sa Sistema Solar. Ang Lupa, ang tanging nagtatanghal ng matubig na ibabaw, ay siyang oasis ng buhay. Wala tayong malayong mga kamag-anak sa Mars o saanman sa Sistema Solar na ito.”

Ano ang Hitsura ng Venus?

Ang Venus, bagaman halos kasinlaki ng Lupa, ay nakatatakot na planeta para sa mga tao. Tinatawag ito ng astronomong si Carl Sagan na “isang lubusang napakasamang dako.” Ang itaas na ulap nito ay naglalaman ng asido sulpuriko, at ang atmospera nito ay pangunahin nang binubuo ng carbon dioxide. Ang presyong atmosperiko sa ibabaw ay 90 ulit kaysa Lupa; iyan ay katumbas ng bigat ng tubig na isang kilometro ang lalim.

Sa ano pang paraan naiiba ang Venus sa Lupa? Si Carl Sagan, sa kaniyang aklat na Cosmos, ay bumabanggit na ang Venus ay umiikot “nang pabalik, sa salungat na direksiyon sa lahat ng ibang planeta sa sistema solar na ito. Bunga nito, ang Araw ay sumisikat sa kanluran at lumulubog sa silangan, kumukuha ng 118 araw sa Lupa mula sa pagsikat ng araw hanggang sa pagsikat ng araw.” Ang temperatura sa ibabaw ay halos 480 digris Celsius, o, gaya ng sabi ni Sagan, “mas mainit kaysa pinakamainit na hurnong pambahay.” Sapol noong 1962, ang Venus ay ginalugad ng iba’t ibang sasakyang pangkalawakan na Mariner at Pioneer-Venus gayundin ng maraming sasakyang Sobyet na Venera.

Gayunman, para sa paggawa ng mapa ang pinakamagaling na resulta ay nanggaling sa sasakyang pangkalawakang Magellan, ang Venus radar na tagagawa ng mapa na pinangangasiwaan ng Jet Propulsion Laboratory ng NASA. Ito ay inilunsad mula sa space shuttle na Atlantis noong Mayo 4, 1989. Ang kahanga-hangang sasakyang pangkalawakang ito, ang Magellan, ay kumuha ng 15 buwan upang marating ang Venus, kung saan ito ngayon ay umiikot sa planeta tuwing ikatlong oras at 15 minuto habang kumukuha ito ng mga larawan sa pamamagitan ng radar at ipinadadala ito pabalik sa lupa. Si Stuart J. Goldman, sumusulat sa Sky & Telescope, ay nagsasabi: “Ang pagtawag sa produkto ng misyon ng sasakyang pangkalawakang Magellan na kahanga-hanga ay hindi sapat na paglalarawan dito. . . . Ginawan ng mapa ng robot na agrimensor na ito ang 84 porsiyento ng buong planeta kung saan ang isang bagay na kasinlaki ng isang football istadyum at mas malaki pa ay kitang-kita sa panahon ng unang 8 buwang pag-ikot nito. . . . Ang dami ng impormasyon na naipadala ng Magellan sa sabik na mga siyentipiko ay walang katulad. Sa pasimula ng 1992 ang sasakyang pangkalawakan ay nakapagpadala ng 2.8 trilyong piraso ng impormasyon. Ito ay tatlong ulit ng impormasyon mula sa lahat ng natipong impormasyon ng lahat ng pinagsama-samang naunang mga sasakyang pangkalawakan.”

Narito ang isang kaso kung saan ang pinagsamang paglalakbay sa kalawakan ng sasakyang pangkalawakan na may tao at isang robot ay nagbunga ng hindi kapani-paniwalang mga resulta. Ang pakinabang? Higit na kaalaman tungkol sa ating sistema solar. At lahat ng ito ay sa mababang halaga, yamang ang Magellan sa ilang lawak ay isang proyekto ng mga spare-part, ginagamit ang maraming natirang bahagi mula sa mga sasakyang pangkalawakang Voyager, Galileo, at Mariner.

NASA at ang mga Satelayt na Pang-espiya

Ang paghahanap ng siyentipikong kaalaman ay hindi siyang tanging motibo ng paggagalugad sa kalawakan. Ang isa pang pangganyak ay ang hangad na makamit ang pangunguna sa militar sa kaninumang potensiyal na kaaway. Sa nakalipas na mga taon, ang mga programa sa kalawakan ay ginamit kapuwa ng Estados Unidos at ng dating Unyong Sobyet bilang isang paraan upang palawakin ang kanilang kakayahang mag-espiya. Ganito ang sabi ni Bruce Murray sa kaniyang aklat na Journey Into Space: “Sa simula pa ang pag-ikot sa lupa ay isang arena para sa pagmamanman sa kilos ng kaaway at sa iba pang militar na gawain, isang larangan ng lubhang nakamamatay na estratihikong pagpapaligsahan sa pagitan ng Estados Unidos at ng Unyong Sobyet.”

Si Joseph J. Trento ay nag-uulat sa kaniyang aklat na Prescription for Disaster na “noong 1971 ang CIA at ang Hukbong Panghimpapawid ay nagsimulang magdisenyo ng Keyhole o KH na sunud-sunod na mga satelayt na pang-espiya. Noong Disyembre 19, 1976, inilunsad ang unang Keyhole.” Ang potograpikong mga satelayt na ito ay maaaring manatili sa pag-ikot sa loob ng dalawang taon at ipadala sa lupa ang kanilang impormasyon sa pamamagitan ng digital transmission. Gaano kabisa ang mga ito? Si Trento ay nagpapatuloy: “Ang kinalabasan nito ay napakahusay anupat ang mga numero ng plaka sa nakaparadang mga kotse ay malinaw na mababasa. Isa pa, ang mga satelayt ay ginamit upang kunan ng larawan ang umiikot na sasakyang pangkalawakang Sobyet at ang lumilipad na estratihikong mga eruplanong nagdadala ng bomba.”

Ang Masalimuot na mga Sasakyang Pangkalawakan

Nitong nakaraang mga taon ang daigdig ay tuwang-tuwang makita ang mga sasakyang pangkalawakang may sakay na tao na inilunsad sa kalawakan. Naisip mo na ba kung gaano kasalimuot ang buong operasyon? Kung gaano karaming bagay ang maaaring magkamali at humantong sa malaking sakuna? Halimbawa, ang mga inhinyero ay nakipagpunyagi sa mga problema na gaya ng kung paano pananatilihing malamig ang mga makina ng sasakyang pangkalawakan sa panahon ng pagtaas upang maiwasan ang pagkatunaw nito mula sa kanilang sariling init. “Noong unang mga taon ng pagsubok, sunud-sunod na makina ang natunaw at sumabog” sulat ni Trento. At, nariyan ang pangangailangan na pagningasin ang dalawang solid-fuel booster rockets nang sabay-sabay upang ang buong aparato ay huwag bumagsak sa pagkawasak. Ang mga salik na ito ay tiyak na nakaragdag sa gastos.

Ang unang matagumpay na paglunsad ay dumating noong Abril 12, 1981. Habang ang dalawa-kataong tripulante nina John Young at Robert Crippen ay nakaupong nakatali sa kanilang mga upuan, ang bawat isa sa tatlong makina ng sasakyang pangkalawakan ay lumikha ng 170,000 kilo na pagtulak. Sang-ayon kay Trento, ang ilan sa mga siyentipiko ay nagtanong: “Ito kaya’y magtagumpay o ito kaya’y mahulog sa mga latian ng Florida, sinisira ang kanilang pag-asa ukol sa tagumpay? Kung ang mga solidong gatong na nasa loob ng mga rocket ay hindi magdingas sa loob ng isang segundo sa isa’t isa magkakaroon ng malaking sunog sa plataporma 39A. . . . Sa bilang na sero ang mga solido ay nagdingas. Pinunô ng maputing singaw ang abot-tanaw at ang mga tornilyo ay nakalas. Naririnig ng tripulante ang ugong. Nadama nila ang imbay ng sasakyan at ang bugso ng enerhiya.” Sila’y nagtagumpay. “Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng E.U., ang mga Amerikano ay sumakay sa sistema ng rocket na aktuwal na hindi pa napatutunayang mabisa at pinalipad ito. . . . Ang pinakamasalimuot na sasakyan na kailanma’y nagawa ay gumana.” Isinilang ang bagong lahi ng mga Columbus. Subalit ito’y may mga panganib​—at may malaking halaga. Ang malaking sakuna ng Challenger noong 1986 na nagbunga ng pagkasawi ng pitong astronot ay patotoo ng bagay na iyan.

Sa unang matagumpay na paglalakbay na iyon sa kalawakan, ipinakita ng may kulay na mga larawan na ang mga baldosang hindi tinatablan ng init, mahalaga para sa pagpasok muli sa atmospera ng lupa sa temperatura na 1,100 digris Celsius, ay nawawala sa ilalim ng orbiter. Kailangang suriing mainam ng mga siyentipiko upang matasa ang pinsala. Walang kamera na base-sa-lupa ang may sapat na lakas ng lente upang kumuha ng malinaw na larawan ng napinsalang tiyan ng Columbia. Kaya, ano ang lunas? Ang KH-11 na satelayt na pang-espiya ay naroon at umiikot sa ibabaw ng sasakyang pangkalawakan. Ipinasiya na itaob ang umiikot na sasakyan may kaugnayan sa lupa upang ang pinaka-tiyan nito ay nakaharap sa satelayt. Tiniyak sa mga taong nagtatrabaho sa NASA ng mga resultang ipinadala sa lupa na walang malalaking bahagi ng baldosa ang nawawala. Ang misyon ay hindi nanganganib.

Programang Shuttle​—Para sa Digmaan o sa Kapayapaan?

Ang kasaysayan ng NASA ay isang kasaysayan ng salungatan sa pagitan niyaong nakikita ang ahensiya bilang isang paraan ng mapayapang paggagalugad sa kalawakan at niyaong nakikita ito bilang isang pagkakataon upang madaig ang mga Sobyet sa Cold War. Noong 1982 ang labanang ito ng mga interes ay binuod ni Harold C. Hollenbeck, miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan, nang sabihin niya sa House Science and Technology Committee: “Ang malungkot na pangyayari ay na walang kabatiran ang mga Amerikano tungkol sa pamumulitika at pagmimilitar ng sibilyan sa ahensiyang pangkalawakan. . . . Isang pangkat na pinatatakbo ng mga sibilyan ang naglagay sa atin sa buwan . . . ako, ay isa sa umaayaw sa magastos na programang pangkalawakan na bahagi ng planong magkaroon ng mga missile sa kalawakan na maaaring humarang at sumira sa mga missile ng kaaway. . . . Inaasahan ko na ang susunod na salinlahi ng mga Amerikano ay hindi lilingon sa atin na naririto ngayon bilang mga lider na nagsawalang-kibo habang binabago ng Amerika ang marangal na pagsisikap nito tungo sa isang makinang pandigma sa mga bituin.”

Nagpatuloy pa siya sa pamamagitan ng isang pangungusap na bumubuod sa kaguluhan na ginagawa ng tao sa kaniyang kinabukasan: “Tayo’y nagtungo sa kalawakan bilang isang bagong larangan at ngayon ating kinakaladkad ang kapootan at kapaitan ng lupa tungo sa langit na para bang may karapatan ang tao na makipagdigma saan man.” Sinisikap pangasiwaan ng malalaking negosyo at ng pulitikal at militar na interes ang NASA. Bilyun-bilyong dolyar at libu-libong trabaho (at boto) ang nakaugnay sa kinabukasang ito.

Ang makatuwirang tanong ngayon ay, Ano ang ilan sa mga pakinabang sa sangkatauhan ng paggagalugad sa kalawakan, at ano ang inilalaan ng kinabukasan?

[Talababa]

a Isang nabigong pagsalakay sa Cuba na naganap noong Abril 17, 1961.

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

1. Ang sasakyan sa buwan mula sa Apollo

2. Ang lunar module at ang astronot na si Edwin E. Aldrin, Jr., (Hulyo 20, 1969)

3. Vehicle Assembly Building, marahil ang pinakamalaking pagtatayo sa daigdig

4. Ang shuttle sa tagapaghatid patungo sa platapormang paglulunsaran

5. Ang satelayt na malapit nang ilunsad

6. Ang “ Challenger” shuttle na may nakikitang kamay na robot

7. Ang unang babae sa kalawakan, si Valentina Tereshkova

8. Ang unang lalaki sa kalawakan, Yuri A. Gagarin

9. Ang mga kamay na robot na kumukuha ng mga sampol sa Mars

[Credit Lines]

Mga larawan 1-6 NASA photo; 7, 8 Tass/Sovfoto; 9 Photo NASA/JPL