Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Kasal o Pagsasama Nang Di-kasal?
Higit at higit na nagiging karaniwan sa ilang lupain ang pagsasama muna ng lalaki’t babae bago ang kasal o sa halip ng pagpapakasal. Anupat, nagbabala ang New Zealand Herald, na “magiging di na mahalaga ang pag-aasawa sa Europa.” Sa Sweden at Denmark, ulat ng pahayagan, ipinakikita ng estadistika na kalahati lamang sa kababaihan ang magpapakasal. At sa iba pang bahagi ng Europa, mga sangkatlo ang tinataya ngayon na mananatiling walang-asawa. Subalit, ipinakita ng mga pagsusuri na ang pagsasama bago ang kasal ay hindi tumitiyak sa isang mahusay na pag-aasawa, gaya ng inaakala noon. Nasumpungan ng kamakailang ulat sa Journal of Marriage and the Family na “ang mga mag-asawa na nagsama muna bago napakasal ay iniulat na may mas mababang uri ng pag-aasawa, higit na di-tapat sa sumpa ng institusyon ng pag-aasawa, . . . at mas malamang na magdiborsyo kaysa sa mga mag-asawang hindi nagsama bago pakasal.”
Mga Siyentipikong Naghihinala sa Kanilang mga Kasama
Gaano kalaganap ang pagdaraya sa siyensiya? Ang pinakamalaking pangkalahatang samahan ng mga siyentipiko sa daigdig, ang American Association for the Advancement of Science, ay nagpadala kamakailan ng mga surbey tungkol sa paksang ito sa 1,500 miyembro nito. Sa 469 siyentipiko na tumugon, 27 porsiyento ang “naniniwala na sila’y nakasumpong o nakasaksi ng kinatha, hinuwad, o ninanakaw na mga pananaliksik sa nakalipas na 10 taon,” ayon sa magasing Science. Tanging 2 porsiyento lamang ang naniniwala na ang pagdaraya ay umuunti; 37 porsiyento ang nag-aakala na iyon ay dumarami. Sa mga nakatagpo ng pagdaraya, 27 porsiyento ang nagsabi na wala silang nagawa ukol dito, at 2 porsiyento lamang ang lantarang naghamon sa impormasyon na kanilang pinaghihinalaang huwad. Tungkol sa mga dahilan ng lahat na pagdaraya, itinala ng mga siyentipiko ang maraming dahilan, gaya ng matinding kompetisyon na maunang maglathala ng mga tuklas at magtamo ng mga kaloob ng pamahalaan at pangmadlang pagkilala.
Pansindak sa Pating!
Isang mabisang pantaboy sa pating ang matagal nang tinutuklas. Ang mga lambat sa pating, maliban pa sa pagiging ekolohikal na nakapipinsala sa nanganganib na mga nilikha sa dagat gaya ng mga dolphin (lampasut) at mga pagong, ay nangangailangan ng pagmamantini, lalo na pagkatapos ng malalakas na bagyo. Gayunman, lumilitaw na isang pagsulong sa kaalaman ang nagawa sa anyo ng elektromagnetikong pantaboy sa pating. Si Norman Wynne ng Natal Sharks Board sa Timog Aprika ay nagsasabi: “Natuklasan namin na ang [mga pating] ay lubhang sensitibo sa larangan ng elektromagnetiko sa isang partikular na frequency.” Ipinakita ng mga pagsusuri na nagsasangkot ng 250 pagsagupa sa mga pating na sa bawat kaso ang mga pating ay naitaboy ng bagong pantaboy na ito. Lumilitaw na ang kagamitan ay di-nakapipinsala sa ibang anyo ng buhay sa dagat. Ang produkto, na malapit nang ilabas, ay maliit lamang upang maisuot sa sinturon o maikabit sa surfboard.
Kapaki-pakinabang na Tabako?
Kung isasaalang-alang ang lahat ng kamatayan na dulot ng maling paggamit nito, mayroon bang kapaki-pakinabang na gamit ang tabako? Sang-ayon sa isang artikulo na inilathala sa magasing Endangered Wildlife ng Timog Aprika, ay maaaring gayon nga. Maaaring gamitin ang tabako bilang isang natural na pestisidyo. Ang pinakuluang giniling na tabako at sabon na idinilig sa mga tanim ay pumapatay ng mga uod, langaw, at anay. Kung ikukuskos sa balat ng mga tupa, baka, at kambing, ang solusyon ay mabisang makatatanggal ng garapata. Gayunman, inihaharap ng artikulo ang mahalagang babala: “Ang solusyong ito ng tabako ay isang matapang na natural na lason. Hindi kailanman dapat inumin ito ng tao o ng mga hayop. Huwag magtago nang marami sa mga lugar na madaling abutin sa loob ng bahay. Ang mga tanim na dinilig ng solusyong ito ay hindi dapat anihin hanggang di-kukulanging 4 na araw pagkatapos na diligin at dapat na hugasang mabuti ng malinis na tubig bago kainin.”
Mga Pakinabang ng Pagsuso-sa-Ina
Ang maagang pag-awat ang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng sanggol sa umuunlad na bansa, ayon sa magasing Superinteressante ng Brazil. Kalahati sa mga ina sa Brazil ay huminto sa pagpapasuso sa ikalawang buwan sa halip na ipagpatuloy hanggang sa ikaanim na buwan. Isinusog pa ng magasin: “Kung walang minanang panlaban sa sakit at malantad sa mapanganib sa kalusugang mga kalagayan, ang mga bata ay namamatay sa mga sakit na maaari sanang napagtagumpayan nila kung sila lamang ay pinasuso-sa-ina.” Ang pediatrician na si José Martins Filho ay nagsasabi: “Tanging lima lamang sa isandaang kababaihan ang hindi makapagpapasuso dahil sa mga problema sa katawan.”
Paboritong mga Pasyente ng mga Doktor
Ang mga doktor sa Toyama, Hapón, ay gumawa ng isang listahan ng mga uri ng pasyenteng kanilang nasusumpungang mahirap gamutin. Ayaw nila ang mga pasyenteng ang pinagsasalita ay ang kasama ng mga ito, yaong mga humihingi ng di-kinakailangang tulong pagkatapos ng oras ng trabaho, yaong mga sumusuway sa mga tagubilin, yaong mga nasa prominenteng kalagayan sa lipunan na mayayabang at masusungit, yaong ang palagay ay mas marunong pa sila sa mga doktor, at yaong mga palipat-lipat ng doktor na walang sinumang pinagtitiwalaan. Sinipi ng The Daily Yomiuri si Dr. Hajime Oyama ng Toyama’s Saino Hospital na nagsasabi: “Ang mga doktor ay hindi mga diyos. Ang aming pinakamahusay na mga pasyente ay yaong mga humihikayat sa amin na gawin namin ang pinakamabuti para sa kanila, nagsasabi nang tapat at nakikipag-usap sa amin, at sumusunod sa aming mga tagubilin.”
Banta ng Malaria sa Cambodia
Iniwan ng dalawampung taóng digmaan ang mga lalawigan ng Cambodia na nakalatan ng milyun-milyong mina. Gayunman, ang mas matinding banta ay nagmumula sa bagong uri ng malaria na lumalaban sa karaniwang mga gamot. Sang-ayon sa ministri ng kalusugan sa Cambodia, ang malaria ay tinatayang pumapatay ng 15 hanggang 25 katao sa isang araw—sampung ulit ang dami sa mga biktima ng mina. Nangangamba ang World Health Organization na ang sakit ay maaaring lumaganap hindi lamang sa tropiko ng Timog-Silangang Asia kundi sa buong mundo rin. Halos 16,000 kawal na tagapag-ingat-kapayapaan ng UN ang naatasan sa lugar na iyon, at pinangangambahang sa kanilang pagbabalik, ang ilan ay magdadala ng bagong parasito sa kanilang dugo, na pagkatapos ay maililipat ng mga lamok sa higit pang mga biktima. Nanganganib din ang 360,000 takas sa Cambodia na magbabalik mula sa mga kampo sa Thailand. Ang pinakamabisa laban sa bagong uri ng malaria ay ang kinina at tetracycline. Subalit ang kapuwa mga gamot, pati na ang sinanay na mga tauhan at transporte, ay bihira sa Cambodia, at ang mga tao ay namamatay dahil sa kakulangan ng tamang paggamot.
Napinsala sa Halip na Nagamot
Halos 6,000 relihiyosong mga peregrino ang nagtipon sa isang Romano Katolikong dambana malapit sa Denver, Colorado, E.U.A., noong nakaraang Disyembre pagkatapos mag-ulat ang isang babae na nagpakita sa kaniya ang Birheng Maria roon. Ang ilang peregrino ay tuwirang tumitig sa araw sa pag-asang masilayan ang Birhen. Napakarami ang napinsala ang mata, at ang mga optalmologo ay nag-uulat na sa maraming kaso, ang pinsala ay malubha at permanente. Ang sabi ng isang babaing naapektuhan: “Nakarinig ka ba ng mga tao na pumupunta kay Jesus para sa isang himala at umuuwing napinsala?” Si Arsobispo J. Francis Stafford ng Denver ay humimok sa “Kristiyanong tapat” na huwag makibahagi sa hinaharap na mga pagtitipon may kaugnayan sa pribadong mga paghahayag. Siya’y nagbabala laban sa “panlabas na damdamin at walang-kabuluhang pagkamapaniwalain.”
Nagkompromisong mga Obispong Pranses?
Isang report na nag-aakusa sa “herarkiya ng Iglesya Katolika Romana ng Pransiya ng lubusang pagtataguyod sa pamahalaang pro-Nazi ng Vichy Pransiya” ang inihayag sa madla pagkaraan ng 48 taon, sabi ng International Herald Tribune ng Paris. Sinasabing ang report ay isinulat noong 1944 ng isang teologong Jesuita na noong dakong huli ay naging isang kardinal. Tinatawag nito na “isang iskandalo” ang mga ginawang kompromiso ng karamihan sa mga obispong Pranses noong panahon ng pananakop ng Nazi sa Pransiya. Ang report ay nagsasabi sa isang bahagi: “Ang iglesya ay waring nasisiyahan, sa kabila na ang katarungan ay nilalabag sa lahat ng dako, ang mga budhing pinahirapan at ang mga pamantayang Kristiyano ay nawala na. . . . Sa paningin ng lahat ang Iglesya sa Pransiya ay kasuklam-suklam na nakikinabang sa tingin ng lahat mula sa kasuklam-suklam na kalagayan.” Ang Tribune ay nagtapos: “Halos 50 taon pagkatapos ng digmaan, ngayon pa lamang inaaksiyunan ng Pransiya ang paggawi ng Iglesya noong panahon ng pananakop ng Aleman.”
Mga Anak sa Pagkakasala
Ang porsiyento ng mga batang isinilang sa mga magulang na di-kasal ay dumami ng higit sa doble sa Pransiya simula noong 1981, sabi ng isang ulat ng French National Institute of Statistics and Economic Studies. Sa ngayon, ang bawat ikatlong bata roon ay inianak sa pagkakasala. Ito, sang-ayon sa pahayagan sa Paris na Le Monde, ay naglalagay sa Pransiya na ikalawa sa may pinakamataas na persentahe ng mga anak sa pagkakasala sa European Community. Una ang Denmark, kung saan kalahati sa mga bata ay mga anak sa pagkakasala. Gayunman, di gaya noong nakaraang mga taon, parami nang paraming mga anak sa pagkakasala sa Pransiya ang tila bunga ng isinaplano sa halip na di-isinaplanong pagdadalang-tao. Si Brigitte Rabin, awtor ng ulat, ay nag-aakala na ang kausuhang ito ay nagpapakita na ang pagkakaroon ng mga anak sa pagkakasala ay tinatanggap na ng marami sa lipunan. Sa gayon, palibhasa’y inaalis ang dungis sa karangalan, parami nang paraming mga babae ang nananatiling walang-asawa—gayunma’y pinipiling magpamilya.
Pandaigdig na Gobyerno na Nakahihigit sa Lahat
Ang ilang sakunang pangkapaligiran, gaya ng nakalalasong ulap ng radyaktibo na ibinuga sa sakuna ng pagsabog ng reactor sa Chernobyl, ay bumigo sa mga pamahalaan dahilan sa ito’y kumalat sa ibayo ng pambansang mga hangganan, ginagawang imposible para sa anumang isang pamahalaan na supilin ito. Sa gayon, ayon sa pahayagan sa Italya na Il Sole-24 ore, ang ministro ng kapaligiran sa Italya ay nagmungkahi: “Ang isang pandaigdig na pamahalaan para sa kapaligiran ay hindi isang guniguning kalagayan, lalo na kung ang espisipikong mga responsibilidad . . . ay iniatas dito.”
Ang Edad at ang Pagkawala ng Memorya
Ang pagtanda ba ay kasingkahulugan ng pagkamakalilimutin? Maraming tao ang nag-aakalang gayon nga. Ang ideang ito ay hinamon ngayon ng isang pananaliksik na isinagawa sa Italya at binuod sa Corriere Salute. Nagsangkot ang mga pagsubok ng halos isang libo katao sa pagitan ng edad na 20 at 70. Ipinakita ng mga resulta na ang dahilan ng maliwanag na paghina ng memorya ay maaaring ang pagkawala ng pagtitiwala-sa-sarili ng mga may edad. Halimbawa, kung isang kabataan ang nakalimot, walang tumatawag pansin sa edad. Gayunman, kung isang may edad ang nakalimot, ang edad ang nagiging dahilan. Kaya, ang pagkamalilimutin ay maling iugnay sa pagtanda. Sa ibang salita, kalimitan “ang ating pagtantiya sa ating memorya ay malapit na naiuugnay sa ating kabalisahan, at sa katapusan, ang talagang kailangan natin ay basta mapalakas lamang ang loob.” Ang surbey ay naghinuha rin na bagaman ang isang nakatatandang tao ay hindi kasimbilis matuto ng isang kabataan, ang edad ay hindi hadlang sa paggunitang-muli sa mga paksang napag-aralan noon.