Hindi Karaniwang Basura!
Hindi Karaniwang Basura!
NOONG Biyernes, Marso 24, 1989, ang tangker na Exxon Valdez ay tumama sa isang batuhán sa Prince William Sound ng Alaska. Bunga nito, 42 milyong litro ng langis na krudo ang bumulwak sa tubig. Isinapanganib ng aksidente ang kabuhayan ng mga mangingisda roon, dinumhan ang daan-daang kilometro ng tabing-dagat, at nilipol ang libu-libong ibon at mga mamal sa dagat.
Ang insidente ng Exxon Valdez ay patuloy na pumupukaw sa damdamin ng mga taong nababahala sa kapaligiran. Gayunman, isang mas traidor na “natapong langis” ang nangyayari araw-araw. At malamang na nangyayari ito sa inyo mismong lugar!
Sang-ayon sa Consumer Reports, ang mga taong personal na nagpapalit ng langis sa makina ng kanilang kotse ay nagtatapon sa pagitan ng 750 milyong litro at 1.5 bilyong litro ng maruming langis taun-taon. Iniulat, “tanging 10 hanggang 14 na porsiyento lamang ng langis na iyan ang wastong naitatapon.” Ang maliit na porsiyentong ito ng maruming langis ang nareresiklo, yamang iba pang mapakikinabangang mga produkto ang maaaring gawin mula rito. Subalit ano ang nangyayari sa iba pa? Malamang, ang mga may-ari ng kotse ay basta itinatapon ito bilang karaniwang basura.
Sa bawat taon milyun-milyong litro ng maruming langis ang itinatapon sa lupa, sa mga sapa, o sa mga imburnal. Kukuha ng di-kukulanging 25 natapong langis ng Exxon Valdez upang gumawa ng gayon karaming langis! Subalit ang gamít na langis, gayundin ang iba pang dumi ng kotse, gaya ng antifreeze, brake fluid, at langis sa transmisyon, ay hindi karaniwang basura. Ito ay masahol pa.
Binabanggit ng Consumer Reports na kung ang langis ay napupunta “sa iniinom na tubig, maaaring magkaroon ng malubhang mga resulta: Ang isang galon [litro] ng gamít na langis ay maaaring gumawa sa milyun-milyong galon [litro] ng sariwang tubig na hindi maiinom, at ang kalahating litro ng langis ay makagagawa ng slick na sasaklaw ng punto kuwatrong ektarya ng tubig.”