Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Hormone Pinahalagahan ko ang artikulong “Mga Hormone—Ang Kamangha-manghang mga Mensahero ng Katawan.” (Abril 22, 1992) Kayo’y nagtagumpay sa paglalarawan ng isa sa pinakamahalaga at masalimuot sa lahat na mga gawain na nagsusustini-sa-buhay sa payak na mga termino. Ang pagkaalam sa mga bagay na ito ay nagpangyari na ako’y higit na magpahalaga sa Maylikha ng ating kamangha-manghang katawan!
L. F., Italya
Nasumpungan kong tunay na nakatutulong ang artikulo, yamang kasisimula ko pa lamang pag-aralan ang asignaturang ito sa paaralan. Ang artikulo ay buong husay na ginawa at iniharap sa isang paraan na madaling maunawaan ang gawain ng mga hormone. Ang Gumising! ay isang tunay na nakapagtuturong magasin.
D. A. J., Côte d’Ivoire
Ang aking kaibigan, na isa sa mga Saksi ni Jehova, ay regular na nagdadala sa akin ng inyong literatura. Ang inyong artikulo tungkol sa mga hormone ay pantanging nakainteres sa akin. Ako ay nasa aking ikalawang taon ng pagsasanay upang maging isang nars, at yamang sa kasalukuyan ay aming pinag-aaralan ang mga hormone, ako ay lalong nasiyahan na magkaroon ng inyong artikulo. Ako ay lubusang nagpapasalamat na makasumpong ng mga Saksi ni Jehova.
Y. L., Alemanya
Mga Curfew Ang inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Kailangan Kong Umuwi Nang Napakaaga?” ay may epekto sa akin. (Mayo 8, 1992) Ako ay nagpapagabi dati at nagtatangkang pumasok nang palihim sa bahay—upang masumpungan lamang ang aking ina na naghihintay sa akin sa balkon. Kung minsan ako’y kaniyang pinagagalitan na may luha sa kaniyang mga mata. Kung gugunitain ko ang nakaraan, pinagsisisihan ko ang pagiging masuwayin. Alam ko na ngayon na ang sinumang hindi nakikinig sa payo ni Jehova ay tiyak na makararanas ng kasakunaan.
T. A., Hapón
Kawalang Karanasan sa Sekso Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Normal ba Kung Walang Karanasan sa Sekso?” (Marso 22, 1992) Naaalaala ko na ako’y nililigalig ng aking mga kaklase, nagtatanong kung ako’y nagkaroon na ng karanasan sa sekso. Kahit ngayon, kinukutya ako ng aking mga katrabaho nang kanilang malaman na hinahatulan ng Bibliya ang pagtatalik bago ang kasal. Gayunman, ang handalapak na paggawi ay nagbubunga ng di-nagugustuhang pagdadalang-tao at mga sakit na naililipat ng pagtatalik. Ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya na umiwas sa pagtatalik bago ang kasal ay isang proteksiyon.
G. I. I. L., Brazil
Ako ay 17 taóng gulang at magiging isang ina na. Hindi ako nakinig sa payo ng Bibliya. Ang aking isipan ay totoong nabuksan nang mabasa ko ang inyong artikulo. Kailanman ay hindi ko minalas ang kawalang karanasan sa sekso bilang ‘isang sagisag ng karangalan.’ Sana’y nakinig ako sa payo ng Bibliya.
M. R., Estados Unidos
Maraming salamat sa inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Mananatili na Walang Karanasan sa Sekso?” (Abril 22, 1992) Sa napakamurang gulang, ako ay nagpalipat-lipat sa walang kabuluhang relasyon, naghahanap ng pag-ibig. Ako’y masaklap na nabigo sa maraming taon. Hindi ninyo maguguniguni ang bigat ng pagkadama ng pagkakasala, pagkahiya, at pagkabigo na aking dinadala sa lahat ng mga taóng iyon. Habang aking binabasa ang inyong talababa sa pahina 27 tungkol sa pagpapatawad ng Diyos, halos hindi ko mapigil ang nag-uumapaw na damdamin at pagpapasalamat sa Diyos mula sa aking puso.
A. M., Estados Unidos
Hindi Kapani-paniwalang mga Insekto Isang maikling sulat lamang upang ipahayag ang aking pagpapahalaga sa artikulong “Hindi Kapani-paniwalang mga Insekto Hinihiya ang mga Eruplano ng Tao.” (Mayo 22, 1992) Ako ay nagtatrabaho sa isang sangay ng pananaliksik sa isang makabagong kompaniya, at ang pagmamalaki ng tao sa kaniyang tagumpay ay totoong nakikita. Gayunman, ang mga kasalimuutan ng kalikasan ay bihirang kilanlin bilang gawa ng Maylikha. Minsan ay narinig ko ang pag-uusap ng dalawang siyentipiko tungkol sa kahanga-hangang kagandahan ng binhi ng punong eukalipto. Ang kanilang konklusyon? “Hindi ba’t kamangha-mangha ang Inang Kalikasan?” Ang kanilang mga isipan ay totoong nabubulagan.
P. G., Estados Unidos