Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mapaminsalang mga Sakit
“Sa 50 milyong kamatayan [sa buong mundo] sa bawat taon, 46.5 milyon ang dahil sa sakit,” sabi ng magasing Newsweek. “Ang nakahahawa at mga sakit dahil sa parasito ay ang pangunahing mga pumapatay (17.5 milyon), sinusundan ng sakit sa puso, atake serebral at iba pang mga sakit sa pagdaloy ng dugo (11 milyon) at kanser (5.1 milyon).” Sa katunayan, sabi ng isang report mula sa World Health Organization, mahigit sa isang bilyon katao sa buong mundo—o 1 sa 5—ay nagdurusa sa sakit sa anumang itinakdang panahon. Marami pa, bagaman hindi gaanong maysakit, ay nahawa ng potensiyal na mga karamdaman. Kalakip sa mga ito ang 2 bilyon katao na may virus ng hepatitis B, 30 milyon hanggang 40 milyon na may HIV, at 1.7 milyon na may baktirya ng tuberkulosis.
Ipinahayag ng Papa na “Yahweh” ang Tanging Diyos
“Isinisiwalat ng Diyos ang Kaniyang Pangalan sa Sangkatauhan.” Gayon ang mababasa sa malaking-titik na ulong balita sa itaas ng pahina sa magasing L’Osservatore Romano ng Vatican. Sa ibaba nito ay ang mga pangungusap sa isang sermon na binigkas ni Papa John Paul II habang dumadalaw sa St. Leonard Murialdo Parish sa Roma. “Sa sipi mula sa Exodo, ipinaaalam sa atin ng Diyos ang kaniyang pangalan,” ang panimula ng papa. At, pagkatapos sipiin ang Exodo kabanata 3, mga talatang 13 at 14, kung saan sinabi ng Diyos kay Moises upang sabihin sa mga Israelita, “Sinugo ako sa inyo ni AKO NGA,” isinusog pa ng papa: “Ang salitang ito, ‘Ako nga’, na ipinahayag din sa salitang Yahweh, ay nagsasabi na ang Diyos ay siyang umiiral at kataas-taasang Isa . . . Mula rito ay ipinauunawa sa atin na si Yahweh ay walang iba kundi ang isa, ang tanging Diyos.”
Bilang ng Panghahalay sa E.U.
Nasumpungan sa kamakailang paglabas ng National Women’s Study sa Estados Unidos, na 683,000 babae ang hinalay noong 1990. Ang tantiya, salig sa mga panayam sa 4,000 babae, ay limang ulit na mas marami kaysa bilang na 130,000 tangka o naisagawang panghahalay na itinala sa taóng iyan ng National Crime Survey. Nasumpungan din na 16 na porsiyento lamang ng mga biktima ng panghahalay ang nagsumbong ng krimen sa pulisya, na nagpapatunay na 102,560 panghahalay lamang ang naipagbigay-alam noong 1990. Karamihan ng mga panghahalay ay ginawa ng mga taong kilala ng mga biktima—mga kamag-anak, kapitbahay, o kaibigan. Nasumpungan din ng surbey na 12.1 milyon babaing Amerikano ay naging mga biktima ng panghahalay ng hindi kukulanging minsan sa kanilang buhay. Ang karamihan, 62 porsiyento, ay nagsabi na ito’y naganap nang sila’y mga bata pa, na 29 na porsiyento ay wala pang 11 taóng gulang.
Walang Dahilan sa Pagtatangi ng Lahi
Sa tulong ng pinakabagong mga pagsulong sa henetiko, nagsimulang isiwalat ng mga siyentipiko ang matagal nang ikinukubling impormasyon sa loob ng genetic code ng tao. Ang kanilang natuklasan ay nag-alis sa dating mga idea hinggil sa lahi, sabi ng pahayagang Pranses na Le Figaro. Sa kabila ng waring walang-takdang pagkasari-sari sa sangkatauhan lakip ang lahat ng kanilang panlabas na mga pagkakaiba gaya ng taas, kulay ng balat, at iba pang mga katangian, ang mga dalubhasa sa henetiko ay sumasang-ayon ngayon na ang lahat ng tao sa mundo ay walang alinlangang nagmula sa iisang mga magulang at sa isang karaniwang lugar hindi pa natatagalan. “Ang lahat ng binalak na mga paliwanag sa pagtatanggol sa pagtatangi ng lahi ay nawalang-saysay,” banggit ng Le Figaro.
Nawalan ng Laman ang mga Simbahan sa Quebec Dahil sa Tahimik na Rebolusyon
Ang mga salitang “French Canadian” at “Katoliko” ay matagal nang magkasingkahulugan sa Quebec. Noon ang iglesya ang tanging anyo ng lupon sa lipunang French-Canadian, na kinakatawan ng kura paroko. Halos lahat ay nagsisimba. Subalit “dahil sa Tahimik na Rebolusyon, ang mga katutubo ng Quebec ay nagkaroon ng mapamintas na kaisipan sa iglesya,” sabi ng Le Journal de Montréal. “Wala pang 15 taon, naiwala ng iglesya sa Quebec ang naitayo nito sa loob halos ng 400 taon.” Samantalang ang simbahan ay nagkakasal pa rin sa 80 porsiyento ng populasyon at nagbibinyag sa 89 na porsiyento ng mga sanggol, sa pinakamarami ay 30 porsiyento lamang ng populasyon ang nagsisimba. “Ang mga tao ay hindi na obligadong isagawa ang [kanilang relihiyon] nang palagian,” ang pag-amin ng paring si André Lamoureux ng arkidiyosesis ng Montreal. Ang bagong bahaging ginagampanan ng iglesya, ulat ng Le Journal de Montréal, ay panlipunan lamang.
“Mata sa Mata”
Dahil sa karaniwan nang walang kabuluhan ang mga sentensiya sa bilangguan para sa pusakal na mga salarin, pinalitan ni Hukom Joe B. Brown ng Memphis, Tennessee, ang kaniyang patakaran pagka ang mga magnanakaw ay inihaharap sa kaniya upang sentensiyahan. Gaya ng iniulat sa The Wall Street Journal, “kaniyang inaanyayahan ang mga biktima na dumalaw sa bahay ng magnanakaw at ‘magnakaw’ ng isang bagay bilang kabayaran. Sa maraming kaso kamakailan, binigyan-kahulugan ng . . . hukom sa Korte ng Kriminal ang mata sa mata na nasa Bibliya sa mga bagay na gaya ng dalawang pangginaw para sa isang gintong Rolex, at mga ispiker ng stereo para sa isang pares ng bisikleta. Kung gagamitin ng magnanakaw ang kaniyang sariling kotse sa pagnanakaw, iyan ay maaaring makuha rin, kasama ng damit, alahas, at iba pang mamahaling ari-arian.” Pinahihintulutan ng kaniyang mga tuntunin ang
biktima na pumunta sa bahay ng magnanakaw nang madalas hanggang sa mabayaran ang utang at sa anumang oras, araw o gabi. Gayunman, may espesipikong mga pamantayan. At ang kinatawan ng sheriff ay sumasama upang masiguro na ang mga bagay na kinuha ay hindi mismo ninakaw mula sa iba.Kagandahan at Nutrisyon
“Ang nutrisyon at pagpapanatili sa balat na hindi tuyo ay depende sa uri ng kinakain ng mga tao. Ang pangunahing kosmetik ay ang wastong pagkain pa rin,” pahayag ni Ida Caramico, propesor ng siyensiya ng parmasyutika sa University of São Paulo, Brazil. Sang-ayon sa magasing Globo Ciência, ang polusyon, nakalalasong mga pagkain, mga suliranin sa emosyon, labis na sikat ng araw, at balintuna, maling paggamit ng mga kosmetik ay nagpapakulubot sa balat. Upang mapalambot at mapalitan muli ang balat, iminumungkahi ng magasin ang pag-inom ng hindi kukulanging walong baso ng tubig araw-araw, kasama ng pagkain na naglalakip ng sapat na dami ng mga prutas, gulay, at whole-grain cereal. Susog pa nito: “Ang lahat ng panlabas na pangangalaga ay maaaring gamitin upang mapabuti ang hitsura, subalit walang produkto—natural o artipisyal—ang makahihigit sa mga resulta ng mabuting pagkain.”
Umaakit sa Baliw
Ang matandang lunsod ng Jerusalem ay umaakit hindi lamang sa libu-libong turista kundi sa napakaraming taong baliw na naniniwala na sila ay mga tauhan sa Bibliya o kumbinsido na sila lamang ang tanging susi sa kapayapaan ng mundo at dapat na ihayag ito sa pader ng Jerusalem. “Ang mga Kristiyano ay malamang na itinutulad ang kanilang mga sarili bilang si Jesus o ang Birhen o, karaniwan na, si Juan Bautista, na kalimitang nagwawala sa mga lugar na may kaugnayan kay Jesus gaya ng Via Dolorosa at ng Garden Tomb,” sabi ng The New York Times. “Ang mga Judio ay malamang na itinutulad ang kanilang mga sarili bilang si Moises, Haring David at iba pang mga tauhan sa Matandang Tipan, at nagwawala sa Bundok ng Olibo o sa Kanluraning Pader.” Isang turista kamakailan ang naghuramentado sa Simbahan ng Sagradong Sepulkro, pinaghahatak ang isang krus, pinagbabasag ang mga ilawan, at pinagtangkaang durugin ang isang istatwa habang nagsisisigaw na huwag sambahin ang mga idolo. Sa bawat taon mula 50 hanggang 200 indibiduwal na dumaranas ng tinatawag ng mga saykayatris na Jerusalem syndrome ay dinadala sa Kfar Shaul, isang ospital para sa mga maysakit sa isip. Nahigitan ng mga maysakit sa isip yaong mga walang sakit sa isip ng 4 sa 1, at nakahihigit ang mga lalaki sa mga babae ng 2 sa 1.
Ginto sa Basura
Dahil sa makabagong teknolohiya, isang kompaniya sa Italya ang nakakukuha ngayon ng mahahalagang metal mula sa industriyal na basura. Sang-ayon sa Il Messaggero, isang planta sa lunsod ng Arezzo, Italya, ay tumatanggap ng mga basura sa iba’t ibang dako ng mundo at nakakukuha mula rito ng ginto, pilak, at iba pang mahahalagang elemento. Kabilang sa mga bagay na nagbibigay ng mahahalagang metal ay ang potograpikong papel, pambalot na palara, mga microchip, itinapong mga kamera, computer, at iba pang elektronikong mga gamit. Iniulat ng Il Messaggero na ito ang tanging planta sa Arezzo na nakakukuhang muli sa taun-taon ng katamtamang mga 120 toneladang ginto, 200 toneladang pilak, 4 na toneladang palladium, isang tonelada ng platinum, 100 kilo ng rhodium, at kaunting iridium at ruthenium.
Sa Tamang Kalagayan
Ang mga tao sa mga bansa kung saan mababa ang kita ay hindi naman talagang naghihirap. Iniulat ng The New York Times na sa Tsina ang kita ng bawat tao ay $350 lamang sa isang taon. Halimbawa, isang mag-asawa na nasa kalagitnaang-gulang sa Guiyang ay may pinagsamang sahod ng wala pang $42 sa isang buwan—ang babae ay isang guro at ang lalaki ay isang teknisyan sa pabrika. Gayunman, ang kanilang aktuwal na kita ay higit pa sa doble niyan, mga $85 isang buwan, dahil sa mga bonus at mga tulong na salapi ng gobyerno at suweldo sa pagkakaroon ng isa lamang anak. Bagaman ang kanilang kita ay mababa pa rin, gayundin naman ang kanilang mga gastusin. Wala silang mga binabayarang buwis o medisina. Ang kanilang upa sa apartment ay wala pang isang dolyar sa isang buwan, at ang kuryente ay libre. Ang mga presyo ng pagkain ay napakababa rin, umaabot ng hanggang $37 isang buwan mula sa kanilang badyet. Ang pangangailangan sa damit ay humihiling ng karagdagang $19. Ito’y nagpapangyari sa kanila na makapag-ipon ng $10 o higit pa sa isang buwan—waring isang mainam na halaga para sa darating na mga taon. Subalit wala silang pangamba na mawalan ng trabaho at batid nila na babayaran ang kanilang medikal na mga gastusin at may pensiyon na ipagkakaloob sa kanilang pagtanda.
Mga Estudyanteng Aktibo sa Sekso
Dahil sa nababahala sa pagdami ng mga sakit na naililipat ng pagtatalik at ang panganib ng AIDS sa mga kabataan, ginawa ng CDC (Centers for Disease Control ng E.U.) ang una nitong surbey tungkol sa mga kaugalian sa kalusugan ng mga estudyante sa high school sa mga baitang 9 hanggang 12 (mga edad 14 hanggang 18) sa lahat ng 50 estado, gayundin sa Puerto Rico at ang Virgin Islands. Ang mga resulta, na inilathala sa taóng ito, ay nagpapakita na 54 porsiyento ang nagsasabi na sila’y may mga karanasan na sa sekso. “Kami ay totoong nababahala sa pagtaas sa bawat baitang,” sabi ni Dr. Lloyd Kolbe, patnugot ng Division of Adolescent and School Health sa CDC. Sang-ayon sa surbey, 40 porsiyento ng mga estudyante sa ika-9 na baitang ay nakipagtalik na, 48 porsiyento sa ika-10 baitang, 57 porsiyento sa ika-11 baitang, at 72 porsiyento sa mga magtatapos sa high school. Isa sa bawat 25 estudyante ang umamin na mayroong sakit na naililipat ng pagtatalik.