Bakit Ako Pa ang Naging Bunso?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Ako Pa ang Naging Bunso?
Ang bunsong anak ay malamang na ituring na ang “sanggol” ng pamilya.
“Ako’y namumuhi sa bagay na pinagbabayaran ko ang mga pagkakamaling ginawa ng aking nakatatandang mga kapatid na babae.”
“Ako’y binubugbog ng aking kuya pagka siya’y nagkakaroon ng mga problema.”
‘AKO ang bunso sa limang magkakapatid,’ sulat ni Lilia. ‘At hindi ito nakatutuwa. Ako’y malimit na iniiwan sapagkat walang may nais na magambala ng “sanggol.” Ang aking mga kapatid na lalaki at babae ay talagang nasusuyang mag-alaga sa akin. Lagi kong nadarama na para bang ako’y pabigat. Kung minsan inaakala ko na para bang ako lamang ang nag-iisang anak sapagkat kailangan kong gumugol ng maraming panahon sa paglilibang na mag-isa.’
Si Faye ang bunso sa apat na magkakapatid. Kaniyang nagugunita: “Ang aking mga magulang ay mas naniniwala sa sinasabi ng nakatatandang mga kapatid ko kaysa sa akin. At ang nakatatandang mga kapatid kong ito ay may kani-kaniyang mga kaibigan. Ako’y naging mapag-isa.”
Ikaw ba ang bunso sa inyong pamilya? Kung gayon ikaw ay maaaring may katulad na mga hinanakit. Ang iba naman ay maaaring natutuwang malaman na ikaw ang “sanggol” ng pamilya. Subalit kung ikaw ang tatanungin, ang pagiging bunso ay waring hindi nakatutuwa.
Ang mga Disbentaha ng Pagiging Bunso
Halimbawa, nadarama mo ba na ang iyong nakatatandang kapatid na lalaki o babae ay tumatanggap ng lahat ng mabuting pagtrato? Ikaw ay maaaring may dahilan na makadama ng ganito. Noong panahon ng Bibliya ang panganay ay nagtamasa ng pambihirang kalagayan ng pagsang-ayon; ang bunso ay nahuhuli pagdating sa pantanging mga pribilehiyo at mga responsibilidad. (Ihambing ang Genesis 25:31; 43:33.) Sa ngayon, ang mga magulang ay mayroon pa ring labis na mga inaasahan sa kanilang panganay na anak. Hindi dahil sa siya’y mas mahal nila kaysa sa kanilang ibang mga anak, kundi dahil sa siya’y mas matanda, na maaari siyang bigyan ng responsibilidad ng pangangalaga sa kaniyang nakababatang mga kapatid. Siya ang panganay, at bilang resulta, kadalasang siya’y nabibigyan ng maraming nakaiinggit na mga pribilehiyo at kalayaan.
Gayunman, ang bunso ay malamang na ituring na “sanggol” ng pamilya at totoong pinupupog ng pagmamahal ng mga magulang! Isang babae na sinipi sa aklat na Sibling Rivalry, ni Seymour V. Reit, ay gumunita: “Ako ang bunso sa aming pamilya . . . Ako’y ginawang parang bata at sinunod ang layaw, maging ng aking nakatatandang mga kapatid. Mangyari pa ako ay nasisiyahan dito, subalit naiisip ko na ito’y pumigil sa akin nang bahagya. Ito’y maaaring pumigil sa aking paglaki, sa pagharap sa mga hamon.”
Ang iyong mga magulang ay maaaring lumabis sa pagsisikap na ingatan ka. Maaari nilang payagan ang iyong nakatatandang mga kapatid na lumabas kasama ng kanilang mga kaibigan subalit maaaring igiit naman nila na ikaw ay manatili sa bahay—o na bumalik ka nang napakaaga anupat iyong nadarama na para ano pa at ikaw ay lumabas!
Bilang bunso, maaaring ikaw ay maging tampulan din ng di-makatarungang paghahambing. “Pagka talagang galit sa akin ang aking mga magulang o gumawa ako ng kalokohan sa loob ng bahay,” himutok ng 16-taóng-gulang na si Karl, “kanilang sasabihin, ‘Hindi iyan ginagawa ni Alan’ o, ‘Bakit hindi mo linisin ang iyong silid tulad ni Alan?’ ” At kung ang
iyong nakatatandang kapatid ay nagkaroon ng rebeldeng paggawi noong kasinggulang mo, mag-ingat ka! Maaaring sikaping mabuti ng iyong mga magulang na huwag nang maulit ang nangyari noon. “Ako’y namumuhi sa bagay na pinagbabayaran ko ang mga pagkakamaling ginawa ng aking nakatatandang mga kapatid na babae,” reklamo ng isang batang babae. “Dahil sa hiniram ng aking kapatid na babae ang kotse at nagpunta sa kung saan na hindi niya dapat puntahan, ay hindi na ako makahihiram ng kotse!”Ang Away ng Magkakapatid
Gayunman, ang iyong pinakamabigat na reklamo ay maaaring ang paraan ng pakikitungo sa iyo ng iyong mga kapatid. Sila’y maaaring magpakita ng bahagyang paggalang sa iyong pagsasarili o sa iyong personal na mga gamit. Maaari ka nilang gawing tampulan ng madalas na panunukso o isisi sa iyo ang kanilang mga kabiguan. “Ako’y binubugbog ng aking kuya pagka siya’y nagkakaroon ng mga problema,” ang reklamo ng isang kabataang lalaki.
Binabanggit ng kabataang si Susannah kung ano ang kalimitang dahilan ng gayong away ng magkakapatid. Siya’y nagsasabi: “Sa palagay ko ang maraming away ay dahil lamang sa kapangyarihan at kung sino ang may karapatan sa mga bagay-bagay.” Natural lamang na hangarin ang pagmamahal, pagkilala, at pagsang-ayon ng isang magulang. At yamang halos imposible para sa mga magulang na pakitunguhan nang pare-pareho ang kanilang mga anak, maaaring magkaroon ng mga away at mga hinanakit. Ang patriyarkang si Jacob ay “minamahal si Jose ng higit kaysa lahat ng kaniyang mga anak.” Ang reaksiyon ng kaniyang mga kapatid? “Kanilang kinapootan siya, at hindi nila mapagsalitaan siya ng kapayapaan.” (Genesis 37:3, 4) Bilang bunsong anak, maaaring higit na atensiyon at pagmamahal ang nakukuha mo sa iyong mga magulang. Kung gayon, maaaring magalit sa iyo ang iyong mga kapatid. “Akala ko ay nakukuha ng aking nakababatang kapatid na babae ang lahat ng gusto niya,” sabi ng isang panganay na babaing tin-edyer na nagngangalang Roseanna. “Napagwari ko na ako pala’y nagseselos sa kaniya.”
Ang mga Bentaha
Gayumpaman, ang pagiging bunso ay maraming bentaha. Ang iyong mga magulang ay maaaring mas nakaluluwag na sa pinansiyal kaysa noong sila’y bagong mga magulang pa lamang. Sa gayon ikaw ay makapagtatamasa ng materyal na mga pakinabang, gaya ng pagkakaroon ng iyong sariling silid, na hindi natamo ng iyong mga kapatid noong sila’y kasinggulang mo. At samantalang ang ilang kabataan ay tumatangging magsuot ng mga gamit na bigay, ang mga damit na minana mula sa nakatatandang mga kapatid ay maaaring magbigay sa iyo ng mas maraming damit kaysa damit ng ilan sa iyong mga kasama!
Ang isa pang pakinabang ay ang tinamong karanasanHebreo 5:14.) Kaya naman, ‘sinanay sila’ ng iyong nakatatandang mga kapatid na lalaki at babae bilang mga magulang. Dahil sa pagkatuto mula sa kanilang nakaraang mga pagkakamali, ang iyong mga magulang ay maaaring mas palagay at tiwasay sa pagganap ng kani-kanilang mga bahagi, di-gaanong gumagawa ng di-makatuwirang mga kahilingan. Ikaw ay maaaring magkaroon ng ilang kalayaan na hindi tinamasa ng iyong mga kapatid noong sila’y kasinggulang mo.
ng iyong mga magulang sa pagpapalaki ng bata. (Ihambing angAng basta pagkakaroon ng nakatatandang mga kapatid na lalaki at babae ay isa pa ring bentaha. Kung isasaalang-alang ang pag-aaway na kalimitang ipinakikita ng magkakapatid sa isa’t isa, maaaring ito’y mahirap paniwalaan. Gayunman, bihira na talagang magkapootan sa isa’t isa ang magkakapatid. Sa katunayan, isang 13-taóng-gulang na babae ay umamin: “Lagi akong iniinis ng aking kuya. Subalit aking nadarama na siya’y talagang mahal na mahal ko.” Ang iyong nakatatandang mga kapatid na lalaki at babae ay maaaring pagmulan ng pagkakaibigan, pagsasamahan, at payo. Ang isang kapatid ay maaaring magsilbi pa man ding isang huwaran para sa iyo, lalo na kung siya’y maytakot sa Diyos. Ikaw ba ay pumapasok sa unang taon ng high (sekundarya) school? Ang iyong kuya ay maaari pa ngang tumulong sa iyong pakikibagay. Ikaw ba ay pinayagan na ng iyong mga magulang na mag-make-up? Marahil maipapakita ng ate mo sa iyo kung papaano mag-aplay niyaon.
Kawili-wili, ang aklat na Sibling Rivalry ay bumanggit pa: “Ang mga bunsong anak . . . ay malamang na mas palakaibigan at masayahin kaysa sa panganay o gitnang mga kapatid at popular sa ibang mga bata. Yamang sila ay sanay sa pakikisama at pakikisalamuha sa iba’t ibang edad, sila’y komportable sa kanilang mga kasamang di-kapamilya.”
Paggawa ng Pinakamainam sa Iyong Kalagayan
Ikaw ba’y nakadarama pa rin na ang bunso ay pinagkakaitan? Buweno, maaaring makainteres sa iyo na malamang ang panganay at gitnang mga anak ay kadalasang matinding dumaraing na ang kanilang kalagayan ang pinakamahirap! Kung gayon, hindi mahalaga kung saan ka angkop sa angkan, kundi kung anong pagsisikap ang iyong ginagawa upang maikapit ang mga simulain ng Bibliya.
Halimbawa, kung inaakala mong napakahigpit ng iyong mga magulang, ipakipag-usap ang mga bagay-bagay sa kanila sa isang maygulang na paraan. “Nabibigo ang mga plano kung saan walang may pagtitiwalang pag-uusap.” (Kawikaan 15:22) Sa pagiging ‘mapayapa at makatuwiran,’ maaari kang makipag-usap at makapagmungkahi ng kanais-nais na mga kasunduan—sa halip na magmaktol pagka hindi nangyari ang iyong nais. (Santiago 3:17, 18) Pagka ikaw ay hindi pinagkalooban ng pribilehiyo na ibinigay nila sa iyong nakatatandang mga kapatid, huwag magdabog. Patunayan mo na ikaw ay responsable at may kakayahang gawin ang pinakamainam sa anumang atas na ibinibigay sa iyo ng iyong mga magulang.—Ihambing ang Lucas 16:10.
Ang mga simulain sa Bibliya ay tutulong din sa iyo na makipagpayapaan sa iyong mga kapatid. Nais mo bang mapag-isa? Kung gayon ay ikapit ang Ginintuang Alituntunin at igalang ang kanilang pagsasarili at mga pag-aari. (Mateo 7:12) Ikaw ba ay naiinis pagka tinutukso? Kung gayon ay pakitunguhan na may “paggalang” ang iyong mga kapatid at iwasan na maunang mang-insulto. (Roma 12:10) Nayayamot ka ba sapagkat iyong nadarama na ikaw ay kanilang pinababayaan o iniiwanan? Huwag hayaang ikaw ay maging mapag-isa. ‘Ipaglaban mo ang iyong usapin’ sa kanila, tinatalakay ang mga bagay-bagay sa mahinahon, maygulang na paraan. (Kawikaan 25:9) Kadalasang ito ay basta pagkatuto na maging mapagpatawad. (Efeso 4:32; Colosas 3:13; 1 Pedro 4:8) Subalit kung inaakala mong ang isang kapatid ay nag-aabuso sa pisikal o sa salita, ipaalam sa iyong mga magulang kung ano ang nangyayari. Saka lamang nila magagawa ang kanilang tungkulin na pagbibigay ng ‘pangkaisipang patnubay’ sa kanilang mga anak.—Efeso 6:4.
Hindi, ang pagiging bunso ay hindi tiyak na magpapahamak sa iyo na maging isang “sanggol.” Ni ito man ay nagpapabagal sa iyong emosyonal o espirituwal na paglaki. Bilang bunso, maaari mong mapaunlad ang empatiya, di-kasakiman, kusang pagbibigay, ang kakayahan na makibagay sa iba—mga aral na iyong pakikinabangan sa mga panahong darating.
[Larawan sa pahina 23]
“Bakit ako napag-iiwanan sa lahat ng kasiyahan?”