Bayan ng mga Barungbarong—Panahon ng Kahirapan sa Kagubatan ng Lunsod
Bayan ng mga Barungbarong—Panahon ng Kahirapan sa Kagubatan ng Lunsod
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Aprika
ANG bata buhat sa bayan ng mga barungbarong ay nakatapak na lumalakad sa daan sa isang lunsod sa kanlurang Aprika. Sunung-sunong niya ang isang lapád, bilog na bandeha na naglalaman ng dalawang dosenang dalandan. Sa kaniyang payat na katawan ay nakasuot ang isang dilaw, pinaglumaang damit. Siya ay pinagpapawisan.
Nakikipagkompetensiya sa iba pang kabataan mula sa mahihirap na pamilya, siya ay nasa lansangan upang magtinda. “Bili na kayo [ng] dalandan!” ang karaniwang sigaw. Subalit ang batang ito ay tahimik; marahil siya ay gutom o maysakit o basta pagod.
Sa ibang direksiyon naman ay dumarating ang dalawang batang babaing mag-aaral na nakasuot ng royal-blue na uniporme ng paaralan. Ang bawat isa’y nakasuot ng puting medyas at puting sandalyas. Bawat isa’y may dalang bag na punô ng mga aklat. Ang mga batang babae ay mabilis na lumalakad, masayang nag-uusap. Hindi nila napapansin ang bata, subalit napapansin sila ng bata. Pinagmamasdan niya sila ng mga matang walang kabuhay-buhay.
Sa wakas ay narating ng mga batang babaing nag-aaral ang kani-kanilang maginhawa, tiwasay na mga tahanan. Subalit pag-uwi ng bata, sa kinagabihan, ito ay sa lubhang kakaibang daigdig. Ang tahanan para sa kaniya ay isang siksikang tirahan ng tagpi-tagping kahoy at lata.
Ang Bayan ng mga Barungbarong
Ang pangunahing lansangan dito ay isang landas ng matigas na lupa. Kung tag-ulan, ito ay nagiging
putik. Napakakipot nito para madaanan ng isang kotse. Sa kahabaan nito ay wala kang makikitang istasyon ng pulis, walang kagawaran ng pamatay-sunog, walang sentrong pangkalusugan, at wala ni isang punungkahoy. Walang mga linya ng kuryente o telepono sa itaas. Walang mga imburnal o mga tubo ng tubig sa ilalim.Punung-puno ng tao. Ang himpapawid ay punô ng pagkakaingay ng mga tinig. Mga usapan na may kasamang tawanan, pagtatalo, iyakan, at awit. Mga lalaking nakasuot ng puting-bata na nakaupo sa mahahabang bangko, nag-uusapan. Mga babaing hinahalo ang kanin na kumukulo sa mga palayok sa ibabaw ng gatong na kahoy. Mga bata sa lahat ng dako—naglalaro, natutulog, nagtatrabaho, nag-uusap, nagtitinda. Ang karamihan, gaya ng batang may dalang dalandan, ay hindi kailanman makadadalaw sa isang zoo, makasasakay ng isang bisikleta, o makakikita ng loob ng isang paaralan.
Sa isang bansa kung saan ang katamtamang haba ng buhay sa pagsilang ay 42 taon lamang, ang mga tao sa dakong ito ay maagang namamatay. Sa gulang na siyam ang bata ay nakaligtas na, bagaman ang posibilidad na makaligtas sa unang apat na taon ng buhay ay isa sa pinakamababa sa daigdig. Sa panahong iyon siya ay 40 hanggang 50 ulit na mas malamang na mamatay kaysa kung siya ay ipinanganak sa isang maunlad na bansa. Marami sa kaniyang mga kapanahon ay hindi nabuhay hanggang sa gulang na lima. Kung siya ay mabubuhay nang matagal, malamang na siya ay mamatay sa panahon ng pagdadalang-tao o ng panganganak kaysa isang babae sa Europa o Hilagang Amerika—malamang na 150 ulit.
Daan-daang angaw ang nakatira sa mabilis na lumalawak na mga slum at bayan ng mga barungbarong na gaya nito. Sang-ayon sa estadistika ng United Nations, 1.3 bilyon katao ang nagsisiksikan sa mga lunsod ng mahihirap na daigdig, at 50 milyon ang napadaragdag sa bawat taon.
Buhay sa Mahihirap na Bansa
Ang bahay ba ninyo ay may privacy, tubig sa gripo, palikuran? May nangungulekta ba ng inyong basura? Daan-daang milyong tao sa mahihirap na bansa ang hindi nagtatamasa ng mga bagay na ito.
Sa maraming lunsod ang mahihirap na lugar ay siksikan anupat karaniwan na sa isang pamilya ng sampu katao na magsama-sama sa isang silid. Kadalasan, ang lugar na tinitirhan ng mga tao ay wala pang isang metro kudrado. Sa ilang bahagi ng lunsod sa Oryente, kahit na ang maliliit na silid ay hinahati para marami ang makatira, na may mga bunk bed na napaliligiran ng alambre na parang hawla para sa privacy at proteksiyon laban sa mga magnanakaw. Sa isa pang bansa, isang sistema na “rilyebo sa kama” ang nagpapangyari sa mga tao na upahan ang mga kama por ora upang dalawa o tatlo katao ang maaaring matulog nang hali-halili sa bawat araw.
Sang-ayon sa 1991 na taunang report ng UNICEF (United Nations Children’s Fund), 1.2 bilyon katao sa buong daigdig ang may maruming suplay ng tubig. Milyun-milyon ang dapat bumili ng kanilang tubig sa mga nagtitinda o kunin ito mula sa mga sapa o iba pang bukas na suplay ng tubig. Kung may makukuhang tubig sa gripo, kung minsan mahigit na isang libo katao ang nagpupunyaging makisalo sa iisang tubo ng tubig.
Tinataya rin ng UNICEF na 1.7 bilyon katao ang walang malinis na paraan ng pagtatapon ng dumi ng tao. Karaniwan na sa 85 porsiyento ng mga residente sa bayan ng mga barungbarong na walang mga pasilidad na kasilyas. Sa karamihan ng mga lunsod sa Aprika at Asia, pati na ang marami na mahigit na isang milyon ang populasyon ay walang anumang sistema ng alkantarilya. Ang dumi ng tao ay nagtutungo sa mga sapa, ilog, bambang, at mga kanal.
Isa pang problema ang basura. Sa mga lunsod sa mahihirap na bansa, mula 30 hanggang 50 porsiyento ng basura ang hindi nakokolekta. Ang mahihirap na dako ang napababayaan nang husto. Ang isang dahilan ay sapagkat ang mahihirap ay hindi gaanong nagtatapon ng basura na mapakikinabangan o maaayos pa ng mga kolektor ng basura o ng mga negosyong nagreresiklo. Ang ikalawang dahilan ay na yamang maraming panirahanan ng mahihirap ay hindi kinikilalang legal ang pagkakatayo, ang mga ito’y pinagkakaitan ng mga pamahalaan ng mga serbisyo publiko. Ang ikatlong problema ay na ang lugar, at ang pagiging siksikan ng maraming mahihirap na dako, ay mahirap at magastos paglingkuran.
Ano ang nangyayari sa basura? Ito ay itinatambak upang mabulok sa mga kalye, sa nakatiwangwang na lupa, at sa mga ilog at lawa.
Mga Panganib sa Kalusugan
Ang suliranin ng mahihirap sa lunsod ay iba-iba sa dako at dako. Gayunman, tatlong salik ang halos ay pansansinukob. Ang una ay na ang kanilang mga tahanan ay hindi lamang di-komportable, ito ay peligroso. Ang aklat na The Poor Die Young ay nagsasabi:
“Hindi kukulangin sa 600 milyon kataong nakatira sa mga lunsod sa Third World ay nakatira sa matatawag nating mga tahanan at mga pook na nagbabanta sa buhay at kalusugan.”Sa anong paraan nagiging sanhi ng karamdaman ang di-sapat na pabahay? Ang siksikang mga kalagayan sa mahihirap na dako sa lunsod ay nakatutulong sa paglaganap ng mga sakit, na gaya ng tuberkulosis, trangkaso, at meninghitis. Ang pagsisiksikan ay nakadaragdag din sa panganib ng mga aksidente sa bahay.
Ang kakulangan ng sapat, malinis na tubig ay nakatutulong sa paghahatid ng mga sakit na dala ng tubig, gaya ng tipus, hepatitis, at disintirya. Nagdudulot din ito ng sakit na pagtatae na pumapatay sa isang bata sa mahihirap na bansa, sa katamtaman, tuwing 20 segundo. Dahil sa walang sapat na tubig para sa paghuhugas at pagpaligo, ang mga tao ay mas madaling tablan ng mga impeksiyon sa mata at mga sakit sa balat. At kung ang mahihirap na tao ay kailangang magbayad ng malaking halaga para sa tubig, kaunting pera na lamang ang matitira para sa pagkain.
Ang maruming tubig at pagkain ay nagdudulot ng fecal-oral na mga sakit at mga bulati, gaya ng mga hookworm, roundworm, at tapeworm. Ang hindi nakokolektang basura ay umaakit sa mga daga, langaw, at ipis. Ang tubig na hindi umaagos ay pamugaran ng mga lamok na nagdadala ng malaria at filariasis.
Ang Lusak ng Karukhaan
Ang ikalawang katangian ng buhay sa bayan ng mga barungbarong ay na napakahirap para sa mga residente nito na makaalpas dito. Karamihan ng mga nagpupunta sa lunsod ay mga dayuhan na itinaboy mula sa mga lalawigan dahil sa karukhaan. Palibhasa’y hindi kaya ang desenteng pabahay, basta lamang sa siyudad sila nakatira, sila’y nakatira sa mga bayan ng mga barungbarong, kadalasa’y duroon na sila sa natitirang buhay nila.
Marami sa mga tao ay masisipag at handang magpagal, subalit wala silang mapagpilian kundi ang tanggapin ang mga trabahong mahahaba ang oras ng trabaho at mababa ang sahod. Karaniwang pinagtatrabaho ng naghihikahos na mga magulang ang kanilang mga anak sa halip na papag-aralin, at ang mga batang walang gaanong pinag-aralan o walang pinag-aralan ay may kaunting pag-asa na makaahon sa kalagayan ng kanilang mga magulang. Bagaman ang mga kabataan ay kumikita ng napakakaunting pera, ang kinikita nila ay kadalasang napakahalaga sa kanilang mga pamilya. Kaya, para sa karamihan ng mahihirap sa lunsod, walang gaanong pag-asa na mapabuti pa ang kanilang kalagayan sa buhay; ang kanilang tunguhin ay makaraos sa araw-araw.
Walang Nagmamahal, Walang May Gusto
Ang ikatlong katangian ng buhay ay na ang paninirahan ay di-tiyak. Sa maraming pamahalaan, ang mga bayan ng mga barungbarong at mga slum ay isang kahihiyan. Sa halip na pagbutihin ang mga bayan ng mga barungbarong, na hindi laging praktikal, ang mga pamahalaan ay karaniwang nagpapadala ng mga buldoser upang alisin ang mga bayan ng mga barungbarong.
Maaaring bigyang-matuwid ng mga pamahalaan ang pag-aalis sa bayan ng mga barungbarong sa pagsasabing kailangan ito upang pagandahin ang lunsod, upang alisin ang mga kriminal, o upang muling paunlarin ang lupain. Anuman ang dahilan, ang mahihirap ang laging nagdurusa. Karaniwan nang wala silang mapuntahan at kaunti lamang o walang ibinibigay na kabayaran. Ngunit pagdating ng mga buldoser upang hawanin ang lugar, wala silang magawa kundi ang umalis.
Ang Bahagi ng Pamahalaan
Bakit hindi naglalaan ang mga pamahalaan ng sapat na pabahay na may paglilingkod ng tubig, alkantarilya, at pagtatapon-ng-basura para sa lahat? Ang aklat na Squatter Citizen ay sumasagot: “Maraming bansa sa Third World ang kulang sa mga yaman na iyon at walang gaanong tsansang paunlarin ang isang matatag at masaganang bahagi sa loob ng pamilihang pandaigdig anupat maaari nitong seryosong pagdudahan ang pag-iral nito bilang mga estadong-bansa. Mahirap parusahan ang isang gobyerno dahil sa hindi pagtuon ng pansin nito sa mga pangangailangan ng mga mamamayan nito kung ang buong bansa ay may di-sapat na yaman na, sa ilalim ng kasalukuyang mga kalagayan, may di-sapat na mga yaman upang matugunan ang pangunahing mga pangangailangan.”
Sa maraming bansa ang kalagayan ng ekonomiya ay humihina. Noong nakaraang taon, ang magreretirong panlahat-na-kalihim ng United Nations ay nag-ulat: “Ang katayuan ng karamihan ng mahihirap na bansa sa loob ng ekonomiyang pandaigdig ay humihina sa loob ng ilang panahon na. . . . Mahigit na 1 bilyon katao ngayon ang namumuhay sa ganap na karukhaan.”
Kumusta Naman ang Tulong ng Ibang Bansa?
Bakit hindi gumawa nang higit ang mayayamang bansa upang tumulong? Tinatalakay ang epekto ng tulong sa karukhaan, ang Development Report ng World Bank ay umaamin: “Ang tulong kung saan nakikinabang kapuwa ang bansang nagkaloob at ang bansang tumatanggap ng tulong [ipinalalagay na 64 porsiyento ng lahat ng tulong ng ibang bansa] . . . ay nagbibigay ng tulong sa maraming dahilan—pulitikal, estratehiko, komersiyal, at makatao. Ang pagbawas sa karukhaan ay isa lamang motibo, at karaniwan nang hindi siyang pinakamahalaga.”
Sa kabilang dako naman, kahit na kung ang mga pamahalaan ay may yaman upang pagbutihin ang kalagayan ng mahihirap, sa tuwina’y hindi nila ginagawa iyon. Ang problema sa maraming bansa ay na bagaman kailangang paglaanan ng lokal na pamahalaan ng pabahay at ng mga serbisyo publiko, ang lokal na pamahalaan ay hindi binibigyan ng mas nakatataas na mga antas ng gobyerno ng kapangyarihan o yaman upang gawin ito.
Mga Lunsod sa Hinaharap
Batay sa kausuhan sa nakalipas na mga dekada, inilalarawan ng mga dalubhasa ang isang malungkot na hinaharap para sa mahihirap sa lunsod sa mahihirap na bansa. Ang mabilis na paglago ng mga lunsod, sabi nila, ay magpapatuloy, at hindi makakayang tustusan ng mga pamahalaan ang karamihan ng mga maninirahan sa lunsod ng tubig sa gripo, mga imburnal, mga kanal, aspaltado o sementadong mga daan, pangangalaga sa kalusugan, at mga paglilingkod para sa biglang pangangailangan gaya ng pamatay-sunog, pulisya, at ambulansiya.
Parami nang paraming mga panirahanan ay itatayo sa mapanganib na mga lugar, gaya sa mga gilid ng burol, bahaing mga lugar, o maruming lupa. Parami nang paraming tao ang pahihirapan ng sakit bunga ng siksikan, hindi mabuti sa kalusugan na mga kalagayan. Parami nang parami sa mahihirap sa lunsod ang mamumuhay sa ilalim ng walang lubay na banta ng sapilitang pagpapalayas.
Ibig bang sabihin nito na wala nang pag-asa para sa mga residente sa bayan ng mga barungbarong gaya ng batang babae na may mga dalandan na inilarawan sa simula ng pagtalakay na ito? Hindi naman!
Ang Dumarating na Malaking Pagbabago
Ipinakikita ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, na malapit nang dumating ang isang malaking pagbabago sa ikabubuti—at hindi na ito magtatagal. Ang pagbabagong ito ay darating, hindi sa pamamagitan ng mga pagsisikap ng mga pamahalaan ng tao, kundi sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos, isang makalangit na pamahalaan na malapit nang mamahala sa buong lupa.—Mateo 6:10.
Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, sa halip na masilo sa maruruming slum at mga bayan ng mga barungbarong, ang maka-Diyos na mga sambahayan ay maninirahan sa isang paraiso. (Lucas 23:43) Sa halip na mamuhay sa walang lubay na takot ng pagpapalayas, sinasabi ng Bibliya na “sila’y aktuwal na mauupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos, at walang tatakot sa kanila.”—Mikas 4:4.
Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, sa halip na mamatay nang bata pa sa siksikang mga paupahang bahay, ang mga tao “ay magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan; at sila’y mag-uubasan at magsisikain ng bunga niyaon. . . . Sapagkat kung paano ang mga kaarawan ng punungkahoy ay magiging gayon ang mga kaarawan ng aking bayan.”—Isaias 65:21, 22.
Baka mahirap para sa iyo na maniwala sa mga pangakong ito, ngunit makatitiyak ka na mangyayari ito. Bakit? Sapagkat ang Diyos ay hindi nagsisinungaling, at “walang sinalita ang Diyos na di-matutupad.”—Lucas 1:37; Bilang 23:19.
[Larawan sa pahina 13]
Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, ang karukhaan at mga bayan ng mga barungbarong ay hahalinhan ng paraisong mga kalagayan