Isang Liham kay Inay at kay Itay
Isang Liham kay Inay at kay Itay
GAANO kahalaga ang mababait na magulang? Ang sumusunod na liham buhat sa isang maygulang nang anak na lalaki sa kaniyang ina at ama ay nagpapakita sa kanilang halaga:
“Mahal kong Inay at Itay:
“Mahigit nang 16 na taon mula nang umalis ako ng bahay, kaya maaaring medyo kakatwa para sa inyo na makatanggap ng ganitong uri ng sulat buhat sa akin ngayon. Ngunit pagkatapos ng maraming pag-iisip ay inaakala kong kailangan kong isulat ito. Mga taon na ang nakalipas, nang lisanin ko ang inyong tahanan, kinuha ko ang maraming bagay mula sa inyo nang hindi nagpapaalam sa inyo. Maaaring hindi pa nga ninyo napansin na nawala ito. Sa katunayan, palihim kong tinangay ang mga ito nang hindi ko natatalos na taglay ko ang mga ito hanggang makalipas ang ilang taon. Inilista ko ang bawat isa na gaya ng sumusunod:
“Pag-ibig sa kung ano ang tama: Oh, anong laking proteksiyon ito sa akin!
“Pag-ibig sa mga tao: Hindi mahalaga ang laki, hugis, at kulay. Ang mahalaga ay kung ano ang nasa loob.
“Katapatan: Kung ano ang akin ay akin, lalong mabuti kung gagamitin upang ibahagi sa iba. Huwag pakialaman ang pag-aari ng iba.
“Determinasyon: Sa aking pinakamahirap na mga panahon, ito ang nakatulong sa akin.
“Pagtitiis: Napakabait at maibigin at matiisin ninyo sa akin. Kailanman ay hindi kayo sumuko sa akin.
“Disiplina: Kayo ay hindi kailanman naging masyadong malupit o masyadong maluwag. Subalit hindi ko nalalaman ito noon. Mapatatawad ba ninyo ako?
“Kalayaan: Kalayaan buhat sa kirot na kinalakhan ng maraming ibang bata—kirot na dala ng pisikal, mental, at emosyonal na pagpapahirap ng mapagmalupit na mga magulang. Nasa isipan ninyo ang pinakamabuti para sa akin, at iningatan ninyo ako mula sa panganib. Hinding-hindi ko malilimutan ang ginawa ninyo sa akin.
“Pag-ibig sa simpleng mga bagay: Mga bundok, ilog, bughaw na langit, paglalakad, pagkakamping. Ginawa ninyong totoong nakatutuwa ang buhay. Walang dalawang magulang ang makagagawa nang higit sa ginawa ninyo. At wari bang hindi ninyo ito itinuturing na kaabalahan.
“Pag-iingat: Huwag maging napakadaling maniwala sa lahat ng naririnig mo. Subalit kapag pinaniwalaan mo ito, manatili ka rito, anuman ang mangyari.
“Ang Katotohanan buhat sa Salita ng Diyos: Pinakamahalaga sa lahat. Ito ang mana ko. Walang salapi, bangka, tahanan, o ari-arian ang maihahambing dito. Ito ang magbibigay sa akin ng pinakamahalaga sa lahat—buhay na walang-hanggan.
“Ang mga bagay na nabanggit ay mahirap presyuhan. Ang mga ito ay di mabibili ng salapi. Ginamit ko ito nang husto. At nais kong patuloy na gamitin ito kung hindi ko na kailangang isauli ito. Inaasahan ko po, kung hindi kayo tumututol, na patuloy na ibigay ito sa aking mga kabataang anak na lalaki. Alam kong ang mga ito ay pakikinabangan ng aking mga anak na lalaki kung paanong ito’y pinakinabangan ko. At lagi kong ipaaalam sa aking mga anak kung saan ko kinuha ito—mula kay Lola at Lolo.
“Ang inyong anak,”
(Ang pangalan ay hindi inilagay sa kahilingan.)