Kung Paano Natutuhan ng Ilan na Supilin ang Negatibong mga Damdamin
Kung Paano Natutuhan ng Ilan na Supilin ang Negatibong mga Damdamin
KUNG minsan ang lahat ay may negatibong mga damdamin. Dahil sa matinding mga problema, gaya ng malubhang karamdaman, katandaan, o kamatayan ng mga mahal sa buhay, ang ilan ay maaaring may nag-uugat nang malalim na negatibong mga damdamin na maaaring lubhang makaapekto sa kanilang buhay.
Gayunman, kahit na sa mga taong ang negatibong mga damdamin ay nag-ugat nang malalim, may mga taong nasupil ang mga damdaming ito upang sila’y matagumpay na makapagpatuloy sa kanilang gawain sa araw-araw. Ang sumusunod ay mga halimbawa ng mga taong iyon, gaya ng kinapanayam ng magasing Gumising!
Si Janis ay tumatanggap ng medikal na paggamot dahil sa isang karamdaman na nakaaapekto sa kaniyang mga damdamin. Gayunman, sabi niya: “Nasumpungan ko na ang pinakamabisang paraan upang mapagtagumpayan ang problema ay supilin ang aking mga kaisipan. Ginagawa ko ito sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay para sa iba, gaya ng pagluluto sa hurno at pananahi. Sinisikap ko ring isipin ang kanais-nais na mga alaala at ang hinaharap na mga pangyayari na inaasam-asam ko. Dahil sa aking karamdaman, wala isa man nito ang madali. Kung minsan mas madali pa ang sumuko at malungkot. Ngunit ang mabubuting resulta ay sulit sa pagsisikap.”
Pagkalipas ng 45 taon ng pag-aasawa, ang asawa ni Ethel ay namatay. Bagaman hindi niya nilaktawan ang proseso ng pagdadalamhati, nagawa ni Ethel na supilin ang kaniyang mga damdamin. Sabi niya: “Ako’y naging abala sa paggawa ng mga bagay para sa iba. Halimbawa, nasisiyahan ako sa pagtuturo sa iba tungkol sa mga layunin ng Diyos na masusumpungan sa Bibliya. Isang dalagita ang tuwang-tuwa sa mabubuting bagay na natututuhan niya anupat ang pagpapahalaga niya ay nakatulong sa akin na lalong magalak. Habang pinag-iisipan ko ang positibong mga bagay sa Bibliya upang ituro sa iba, nakatulong ito upang alisin ang negatibong mga kaisipan sa aking isip. Gayundin, ang mga kadalagahan ay lalapit sa akin upang humingi ng tulong sa iba’t ibang problema, at ang pag-uusap tungkol sa positibong mga bagay na maaari nilang gawin sa kanilang buhay ay nakatulong din sa akin upang masupil ang negatibong mga damdamin.”
Sa loob ng maraming taon si Arthur ay namuhay ng isang abala, aktibong buhay. Pagkatapos, dahil sa isang malubhang karamdaman, kinailangan niyang huminto sa sekular na trabaho at takdaan ang lahat ng gawain sa labas ng bahay. Sa loob ng maraming buwan si Arthur ay nakadama na siya ay
walang silbi at nanlumo. Paano niya pinakitunguhan ang mga damdaming ito? “Inihinto ko ang pag-iisip sa mga bagay na hindi ko na magagawa. Sa halip, pinag-isipan ko ang mga bagay na magagawa ko upang tulungan ang ibang tao na mapabuti ang kanilang sarili at palakasin ang loob nila kapag sila ay nanlulumo. Palibhasa’y hindi ako makalabas ng bahay, madalas kong gamitin ang telepono. Sapagkat abala ako sa pagtulong at pagpapalakas-loob sa iba, kaunti ang panahon ko na maawa sa aking sarili.”Pagkatapos ng sunud-sunod na krisis, pati na ang kamatayan ng kaniyang asawa, mauunawaan kung bakit si Nita ay dumanas ng matinding kalungkutan at panlulumo. Nang maglaon natutuhan niyang supilin ang mga damdaming iyon: “Kapag ako’y nalulungkot, humahanap ako ng nakabubuting paglalabasan ng aking damdamin. Pinipilit ko ang aking sarili na maglakad, tawagan sa telepono ang isang mabait na kaibigan, makinig sa musika, o gumawa ng anumang bagay na mula sa karanasan ko ay batid kong makababawas ng panlulumo. Sinisikap kong tratuhin ang aking sarili nang may kahabagan gaya ng gagawin kong pagtrato sa isang mabuting kaibigan.”
Si Mary ay may malubhang medikal na problema sa loob ng 32 taon. Laging nasa silyang de gulong, siya’y umaalis lamang ng bahay kapag magpapatingin sa doktor. Paano nga naiingatan ni Mary ang sarili na malipos ng pagkasiphayo? Sabi niya: “Ang asawa ko ay totoong matulungin. Gayundin, madalas akong magbasa ng nakapagpapatibay na mga babasahin. Palagi kong tinatawagan ang aking mga kaibigan, at kadalasan ay inaanyayahan ko sila sa aking tahanan. Nasisiyahan ako sa kanilang mga pagdalaw at hindi ko ginagamit ang mga pagkakataong ito upang magreklamo o pagbigyan ang pagkaawa-sa-sarili. Hindi ko ginugugol ang panahon sa pag-iisip ng negatibong mga bagay sa aking buhay sapagkat napakaraming positibong bagay na pabor sa akin.”
Si Margaret ay likas na realistikong palaisip. “Kapag bumabangon ang negatibong mga damdamin,” sabi niya, “hinahanap ko ang pakikisama ng isang positibong palaisip—hindi isang idealista—kundi isa na nakikilala ako nang husto at magpapaalaala sa akin tungkol sa aking mga tagumpay at magpapalakas-loob sa akin.”
Si Rose Marie ay nagkaroon ng limang malalaking operasyon sa nakalipas na mga taon, at silang mag-asawa ay nagkaroon ng pitong kamatayan sa kanilang pamilya nitong nakalipas na isang taon at kalahati. Tiyak, ang bigat nito ay naging sanhi ng negatibong mga damdamin. Gayunman, hindi nila pinag-isipan ang mga bagay na iyon. Bilang mga Saksi ni Jehova, sila ay inalalayan ng positibo at nakaaaliw na pag-asa na ibinibigay ng Bibliya tungkol sa isang bagong sanlibutang kay lapit na kung saan “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati o ng pananambitan o ng hirap pa man.” Kahit na ang mga patay ay bubuhaying-muli, sapagkat sinabi ni Jesus, “dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig [sa tinig ng Anak ng Diyos] at magsisilabas.”—Apocalipsis 21:4; Juan 5:28, 29.
[Larawan sa pahina 9]
Sinusupil ni Janis ang kaniyang mga damdamin sa paggawa ng mga bagay para sa iba, sa pag-iisip ng kanais-nais na mga alaala, at sa pag-asam sa hinaharap na mga pangyayari