Maraming-Gamit na Langis ng Olibo
Maraming-Gamit na Langis ng Olibo
MAGTATAKA ka bang malaman na ang langis ng olibo ay isang katas ng prutas? Kung ikaw ay nakatira sa isang bansa sa Mediteraneo, malamang na hindi ka magtaka. Tutal, tinatayang sa 800 milyong puno ng olibo na sinasaka sa daigdig, halos 98 porsiyento ay nasa rehiyon ng Mediteraneo. Dito, ang langis ng olibo ay gumanap ng isang mahalagang papel sa buhay ng mga tao sa loob ng libu-libong taon.
Sa simpleng pananalita, ang olibo ay bunga ng isang luntiang halaman, at ang langis ng olibo ay siyang napipiga mula sa olibo. Dahil sa mabagal na paglaki nito, ang punong olibo ay maaaring kumuha ng hanggang sampung taon o higit pa bago mamunga nang husto. Pagkatapos niyan, ang punungkahoy ay maaaring mamunga sa loob ng daan-daang taon. Sinasabing may mga puno ng olibo sa Palestina na mahigit nang isang libong taon!
Ang paggawa ng langis ng olibo ay nagsisimula sa pagdurog sa mga olibo sa ilalim ng gilingang bato. Ang pagdurog ay gumagawa ng isang masa na inilalagay sa ilalim ng haydrolikong mga pigaan upang pigain ang mga katas. Gayunman, hindi ito ordinaryong katas ng prutas. Ito sa katunayan ay isang halo ng tubig at langis. Pagkatapos maalis ang tubig, ang langis ay ginagrado, iniimbak, at isinasabote para gamitin.
Ang mga Gamit Nito sa Sinaunang Panahon
Ang maraming-gamit na langis ng olibo ay maliwanag lalo na sa sinaunang daigdig. Halimbawa, sa Ehipto ang langis ng olibo ay ginagamit bilang isang lubrikante sa pagkilos ng mabibigat na mga materyales sa pagtatayo. Karagdagan pa sa pagiging isang mahalagang pagkain, ang langis ng olibo ay ginagamit bilang isang kosmetik at bilang gatong para sa mga ilawan sa Gitnang Silangan.
Sang-ayon sa maraming ulat ng Bibliya, ang langis ng olibo, na hinaluan ng kaunting pabango, ay ginagamit bilang losyon sa balat. Ito ay karaniwang ipinapahid din sa balat bilang proteksiyon mula sa araw at pagkatapos maligo. (Ruth 3:3) Ang pahiran ng langis ang ulo ng isang panauhin ay itinuturing na isang akto ng pagiging mapagpatuloy. (Lucas 7:44-46) Ang langis ay nagsisilbi rin sa medisinal na layunin yamang ito ay ginagamit upang gamutin ang mga pasâ at sugat. (Isaias 1:6; Lucas 10:33, 34) At ang langis ng olibo ay malamang na isang sangkap na ginamit sa paghahanda sa isang tao para sa libing.—Marcos 14:8; Lucas 23:56.
Nang bigyan ng tagubilin ni Jehova si Moises na maghanda ng “banal na langis na pampahid,” anong uri ng langis ang ipinag-utos niya na kasama ng mga sangkap? Oo, ang pinakadalisay na langis ng olibo! Sa pamamagitan nito ay pinahiran din ni Moises ang tabernakulo, ang mga muwebles nito, ang banal na mga kasangkapan, at pati na ang kaban ng tipan. Si Aaron at ang kaniyang mga anak na lalaki ay pinahiran ng langis na ito upang pakabanalin sila bilang mga saserdote kay Jehova. (Exodo 30:22-30; Levitico 8:10-12) Sa katulad na paraan, ang mga hari ng Israel ay pinahiran din ng langis ng olibo na ibinuhos sa kanilang ulo.—1 Samuel 10:1; 1 Hari 1:39.
Ano ba ang karaniwang pinagniningas bilang gatong sa sinaunang mga ilawan? Masusumpungan mo ang sagot sa Exodo 27:20. Minsan pa, ito ay ang maraming-gamit na langis ng olibo! Sa templo ni Jehova, may sampung malalaking ginintuang kandelero na ginagatungan ng pinakamataas na uri ng langis ng olibo. Ang langis ay ginagamit din may kaugnayan sa mga handog na butil gayundin bilang “palaging handog na susunugin” na inihahandog kay Jehova.—Exodo 29:40, 42.
Ang langis ng olibo ay itinuturing na gayon kahalagang bagay anupat ito’y ginamit pa nga ni Solomon bilang bahagi ng kabayaran kay Haring Hiram ng Tiro para sa mga materyales sa pagtatayo ng templo. (1 Hari 5:10, 11) Kinikilala ngayon bilang isang pagkaing nagpapalakas at isa sa pinakamadaling tunawing taba, ang langis ng olibo ay nagsisilbi ring isang mahalagang bahagi ng pagkain ng Israelita.
Sa Modernong Panahon
Ang langis ng olibo ay maraming-gamit pa rin na gaya ng dati. Ang mga produkto ng langis ng olibo ay kasama sa mga kosmetik, detergent, medisina, at pati na sa mga tela. Subalit ang langis ay pangunahin nang nagsisilbi pa rin bilang pagkain. Bagaman ang popularidad nito sa Europa at sa Gitnang Silangan ay walang katulad, nitong nakalipas na mga taon ay palakas nang palakas din ang pangangailangan dito sa ibang mga bansa.
Halimbawa, sang-ayon sa Consumer Reports, ang benta ng langis ng olibo sa Estados Unidos ay “mahigit
pa sa doble sa pagitan ng 1985 at 1990.” Bakit? Ang isang dahilan ay sapagkat ang langis ng olibo ay sinasabing mainam na pinagmumulan ng bitamina E. Isinisiwalat din ng maraming pagsusuri kamakailan na ang paggamit ng monounsaturated na taba sa langis ng olibo ay maaaring pakinabangan ng puso nang walang negatibong mga epekto. Sinasabi pa ng isang pagsusuri na maaaring ibinababa ng langis ng olibo ang presyon ng dugo at binabawasan ang mga antas ng asukal sa dugo.Inirekomenda ng ilang eksperto ang pagkaing mayaman-sa-taba salig sa mga monounsaturate na gaya niyaong masusumpungan sa langis ng olibo. Binabanggit ng Consumer Reports na ang gayong rekomendasyon ay “naging sanhi ng labis na katuwaan at interes ng madla, sapagkat ang idea na ang anumang pagkaing mayaman-sa-taba ay maaaring mabuti para sa puso ay halos maling paniwala tungkol sa nutrisyon. Di-nagtagal ang mga monounsaturate ay nagtamo ng pansin ng mga mamamahayag, at ang benta ng langis ng olibo ay lumakas.”
Tinatanggap ba ang panlahat na mga pag-aangking ito? Waring may kaunting pagtatalo sa pag-aangkin na ang monounsaturated na taba na masusumpungan sa mga olibo, abokado, at sa ilang nuwes ay mas mabuti sa kalusugan kaysa polyunsaturated at saturated na mga taba na masusumpungan sa ibang pagkain. Gayunman, inaakala ng ilang eksperto na ang ibang pag-aangkin ay medyo labis. Halimbawa, ang Consumer Reports ay nagpapaliwanag: “Ipinagmamalaki ng ilang anunsiyo na ‘pinatunayan [na] ng siyensiya ng medisina na maaaring ibaba ng langis ng olibo ang kolesterol, presyon ng dugo at asukal sa dugo.’ Subalit sa mga pananalita ng isang mananaliksik, si Dr. Margo Denke, . . . ang pagkakaiba sa presyon ng dugo at sa asukal sa dugo ay napakaliit anupat ‘walang gaanong halaga sa paggamot ng mga pasyente.’ ”
Ganito ang payo na ibinigay ng isang pangkat ng mga mananaliksik: “Lahat ng langis ng olibo, ‘banayad’ o hindi, ay 100 porsiyentong taba at naglalaman ng halos 125 calories bawat kutsara. Sa kadahilanang iyan lamang, maaari lamang itong gumanap ng limitadong papel sa isang nakalulusog na pagkain. Ang potensiyal na mga pakinabang sa kalusugan ng langis ng olibo ay nanggagaling tangi na sa paggamit nito bilang isang kahalili ng mantikilya, margarina, at iba pang langis na galing sa gulay—at kahit na yaong binanggit na mga pakinabang ay kalabisan.” Taglay ang mabuting dahilan ay inilathala ng International Olive Oil Council ang babalang ito: “Bago kayo padala sa kasiglahan at dagdagan ng galun-galon na langis ng olibo ang inyong pagkain, marapat ang ilang pananalita ng pag-iingat. Ang paggamit ng maraming langis ng olibo ay maaaring magpanatili sa inyo na malusog, ngunit hindi nangangahulugan na kayo ay papayat.”
Sa ngayon, gaya noong sinaunang panahon, ang pagiging katamtaman ang susi sa kasiyahan pagdating sa pagkain at iba pang mga kaloob buhat kay Jehova. Taglay ito sa isipan, ikaw man ay nakatira sa rehiyon ng Mediteraneo o saanman, kamtin ang mga kaluguran at mga pakinabang ng maraming-gamit na langis ng olibo!
[Kahon/Larawan sa pahina 26]
Mga Klase ng Langis ng Olibo
O Ekstrang dalisay: Ang pinakamataas na klaseng langis ng olibo. Piniga mula sa mga olibo na mataas ang uri nang walang ginagamit na mga solvent. Kadalasang tinutukoy na “cold pressed” sapagkat ito ay kinuha sa temperatura ng silid. May kaunting halo na oleic acid. Ang fatty acid na ito ay maaaring makasira sa lasa ng langis ng olibo. Ang ekstrang dalisay na langis ng olibo ay nagbibigay ng pinakamaraming lasa at bango.
O Dalisay: Nakukuha sa katulad na paraan ng ekstrang dalisay na langis ng olibo, subalit ito ay mas maraming halo ng oleic acid.
O Langis ng olibo: Ang ilang “cold pressed” na langis ay hindi itinuturing na puwedeng kanin dahil sa nilalaman nitong asido o di-kanais-nais na lasa, kulay, o bango. Dinadalisay ng mga gumagawa ang klaseng ito ng langis sa paggamit ng mga solvent. Ang mga solvent ay saka inaalis sa pamamagitan ng init. Ito’y nagbubunga ng isang halos walang-kulay at walang-lasang langis. Ang langis na ito ay saka inihahalo sa mataas-na-klaseng dalisay na langis ng olibo. Ito’y dating ipinagbibili bilang “purong langis ng olibo,” subalit ang terminong iyan ay hindi na ginagamit sapol noong 1991. Ngayon ito ay basta tinutukoy na “langis ng olibo.”
O Langis ng sapal ng olibo: Ang sapal ang natitira pagkatapos alisin ng makina at ng kamay ang langis at tubig mula sa mga olibo. Ang karagdagang langis ay maaaring kunin mula sa sapal sa paggamit ng mga solvent. Ang langis na ito ay saka dinadalisay at inihahalo sa mas mataas na uri ng dalisay na langis ng olibo.
O Banayad na langis ng olibo: Hindi ito isang klase ng langis. Ito ay basta dinalisay na langis ng olibo na inihalo sa mas kaunting dalisay na langis ng olibo. Ang katagang “banayad” ay walang kaugnayan sa nilalamang taba ng langis, yamang lahat ng langis ay 100 porsiyentong taba. Bagkus, ito ay tumutukoy sa mas mababang tindi ng kulay, bango, at lasa nito.
[Kahon sa pahina 27]
Alam mo ba na . . . ?
O Ang sariwang mga olibo ay naglalaman ng oleuropein, isang mapait na bagay na gumagawa ritong hindi katakam-takam hanggang sa ito ay mabago sa ilang paraan. Ang magasing Natural History ay nagsasabi na bago kanin ang mga olibo, ito “ay maaaring iimpake sa asin; ito ay maaaring iburo sa asin; ito ay maaaring ibabad sa ilang palit ng tubig sa loob ng maraming araw; ito ay maaari pa ngang basta ibilad sa araw.” Gayunman, wala sa mga pamamaraang ito ang kinakailangan kung ang mga olibo ay pipigain para makuha ang langis.
O Hindi pare-pareho ang lasa ng lahat ng langis ng olibo. May iba’t ibang natural na lasa, kulay, at bango. Sang-ayon sa International Olive Oil Council, “karaniwang inuuri ng mga dalubhasa ang mga lasa ng langis ng olibo bilang suwabe (pino, banayad o ‘malamantikilya’); medyo-malaprutas (mas matindi, mas nalalasahan ang olibo); at malaprutas (langis na may lasa ng hinog na olibo).”
O Kapag ang langis ng olibo ay inilagay sa palamigan, ito ay nagiging maulap at malapot. Hindi ito palatandaan ng pagkasira; ito ay agad na lilinaw na muli sa normal na temperatura ng silid. Sa katunayan, ang langis ng olibo ay maaaring itago sa loob ng mga ilang buwan nang hindi inilalagay sa palamigan.