Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Arthritis Katatapos ko lamang basahin ang artikulong “Kung Paano Mapagtitiisan ang Arthritis.” (Hunyo 8, 1992) Ako’y pinahirapan ng arthritis sa loob ng 20 taon. Yamang walang ganap na lunas para rito, at ako’y natatakot sa masamang mga epekto ng gamot, wala akong ginawa tungkol dito. Sa kasalukuyan, ako’y nakararanas ng kirot sa buong santaon, at maraming gabi na ako’y di makatulog. Gayunman, nakagugugol ako ng 60 oras bawat buwan sa Kristiyanong gawaing pag-eebanghelyo bilang isang auxiliary payunir. Gayunman, samantalang ang aking karamdaman ay patuloy na lumalala at naninigas ang aking mga kasu-kasuan, susundin ko ang inyong mungkahi na hangga’t maaari ay mag-ehersisyo sa sukdulang antas.
T. N., Hapón
Nakaligtas sa Kampong Piitan Kababasa ko pa lamang ng artikulong “Malayo sa Aming Tahanan, Ako’y Nangakong Maglingkod sa Diyos.” (Pebrero 22, 1992) Bagaman ako’y nasisiyahan na mabasa ang maligayang kinahinatnan ni Gerd Fechner, kailangan pa ba nating malaman nang detalyado ang tungkol sa kalupitan ng tao sa kapuwa?
C. T., Estados Unidos
Nauunawaan namin na ang ilan sa mga karanasang inilahad tungkol sa buhay ni Gerd Fechner sa mga kampong piitan ng Ruso ay maaaring makabahala sa ilang mambabasa. Sa gayon isang pagsisikap ang ginawa upang iwasan na maging lubhang detalyado ang materyal. Gayumpaman, inaakala namin na ang ilang katotohanan ay kailangan upang maitatag kung ano ang nag-udyok kay Gerd Fechner na hanapin ang Diyos. Ang malupit na mga karanasan ni Fechner ay nagdiin pa sa katotohanan na “dominado ng tao ang kaniyang kapuwa sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9)—ED.
Mga Kawikaan sa Zulu Ako’y 15-taóng-gulang na batang babae na palaging nagbabasa ng Gumising! at sa palagay ko’y napakagaling nito! Sasabihin ko na talagang mahusay gumuhit ang inyong mga pintor. Nang makita ko ang iginuhit na larawan ng isang nakakatawang-tingnan na “baka” sa artikulong “Mga Kawikaan sa Zulu” (Marso 8, 1992), hindi ako matigil sa katatawa. Hindi ko maintindihan kung bakit napakaraming tao ang ayaw magbasa ng Gumising!
J. N., Alemanya
Mga Hormone Hindi ko maipahayag sa mga salita ang aking nadama nang matanggap ko ang artikulong “Mga Hormone—Ang Kamangha-manghang mga Mensahero ng Katawan.” (Abril 22, 1992) Noong Disyembre 1990, ako’y narikunusi na may bukol sa pituitary. Dahil sa talagang wala akong kaalam-alam tungkol sa glandulang ito, ako mismo ang nagsaliksik. Ako’y higit na naliwanagan ng inyong kamakailang artikulo at pinahintulutan ako na higit na maunawaan ang aking suliranin.
L. M., Timog Aprika
Mga Nuno Ako po ay walong taóng gulang at nais ko kayong pasalamatan sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Pumisan sa Amin ang Aming mga Nuno?” (Hulyo 8, 1992) Simula nang pumisan sa amin si Lola, sa tuwing ako’y magsasanay sa aking keyboard harmonica, sinasabi sa akin ni Lola na ako’y gumagawa lamang ng ingay. Subalit kung minsan ako’y kaniya ring pinupuri, gaya nang bigyan ko siya ng isang tasang tsa at sabi niya, “Salamat.” Nang mabasa ko ang artikulo, nabatid ko na kailangan kong maging mabait kay Lola sa paano man.
S. T., Hapón
Pagiging Kaliwete Binasa ko na may matinding interes ang artikulong “Pagiging Kaliwete—Disbentaha o Bentaha?” (Hunyo 8, 1992) Ako’y kaliwete, at yamang walang sinuman noong ako’y bata pa ang sumira ng aking loob na gamitin ko ang aking kaliwang kamay, mahirap kung minsan makibagay. Halimbawa, mahirap matutuhang gamitin ang gunting. Ngayon ako’y may limang anak, at ang aking bunsong anak na lalaki ay kaliwete. Mga isang taon na ang nakalipas, tinanong ko siya kung aling kamay ang kaniyang ginagamit sa paghagis ng bola. “Ito po, Tatay,” sagot niya, itinataas ang kaniyang kaliwang kamay. Pagkatapos ay nagtanong siya: “Tatay, bakit ginagamit ng lahat ang maling kamay?” Ako’y natatawa pa rin pagka naaalaala ko ang natatanging sandaling iyon.
D. C., Estados Unidos