Negatibong mga Damdamin—Maaari Mo bang Supilin Ito?
Negatibong mga Damdamin—Maaari Mo bang Supilin Ito?
“MANGYARI PA HINDI! Napakalakas ng negatibong mga damdamin. Wala akong magawa kundi ang magtiis hanggang sa lumipas ito.”
Ganiyan tumugon ang marami sa idea ng pagsupil sa mga damdamin na gaya ng pagkabalisa, takot, galit, kabiguan, pagkadama ng pagkakasala, pagkahabag-sa-sarili, at panlulumo. Ngunit ang mga damdaming iyan ay maaaring supilin. Sa halip na sumuko sa mga ito kailanma’t bumangon ito, maaari mong matutuhang bawasan ang tindi nito, marahil alisin pa nga ito.
Mangyari pa, may malaking kaibhan sa pagitan ng normal na negatibong mga damdamin na nararanasan ng lahat at ng malubhang panlulumo. Ang huling banggit ay maaaring mangailangan ng propesyonal na paggamot. Ang una ay hindi nangangailangan ng propesyonal na paggamot, at ang mga ito ay mga damdamin na matututuhan nating pagtagumpayan.
Sa katunayan, hindi lahat ng negatibong damdamin ay nakapipinsala. Halimbawa, kapag ikaw ay nakagawa ng isang malubhang pagkakamali, maaari kang magpahayag ng mataos na pagsisisi kasukat ng pagkakamali. Kung pinakikilos ka nito na ituwid ito at iwasan ang pag-ulit nito sa hinaharap, kung gayon ang damdamin ay nagkaroon ng positibong pangmatagalang epekto. O ang normal na pagkabalisa mo tungkol sa isang problema ay maaaring mag-udyok sa iyo na harapin ito nang buong sigasig at hanapin ang isang makatuwirang lunas. Iyan man ay isang mabuting pagtugon.
Gayunman, kumusta naman kung pagkatapos mong gawin ang makatuwirang magagawa mo upang ituwid ang isang pagkakamali, ay nakadarama ka pa rin ng pagkakasala o kawalang-halaga, marahil ay nananatili sa loob ng mahabang panahon pagkatapos? O kumusta kung pagkatapos mong malutas ang isang problema sa abot ng
makakaya mo, ay nag-aalala ka pa rin at tumitindi pa nga? Samakatuwid maaari kang gawing miserable ng iyong emosyonal na mga pagtugon. Kung gayon, paano mo masusupil ang emosyonal na mga pagtugon na iyon? Ang susi ay maaaring masumpungan sa pagsupil ng ating pag-iisip.Maaari Nating Supilin ang Ating Pag-iisip
Pinaninindigan ng marami na gumagawa sa larangan ng kalusugang pangkaisipan na ang ating mga damdamin ay pinangyayari ng ating mga kaisipan. Halimbawa, ganito ang sabi ni Dr. Wayne W. Dyer: “Hindi ka maaaring magkaroon ng damdamin (emosyon) nang hindi muna nag-iisip.” Ganito pa ang sabi ni Dr. David D. Burns: “Bawat masamang damdaming nadarama mo ay bunga ng iyong pangit na negatibong pag-iisip.”
Kawili-wili, ipinalalagay rin ng Bibliya na ang karamihan ng nadarama natin ay bunga ng ating iniisip, kaya idiniriin nito ang pangangailangan na supilin ang ating pag-iisip. Pansinin ang sumusunod na mga talata:
“Lahat ng araw sa nagdadalamhati ay masama; ngunit siyang may masayang puso ay may laging kapistahan.”—Kawikaan 15:15.
“At huwag na kayong lumakad na kaayon ng sistemang ito ng mga bagay, kundi mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kalugud-lugod at sakdal na kalooban ng Diyos.”—Roma 12:2.
“Binibihag namin ang bawat kaisipan upang gawing masunurin sa Kristo.”—2 Corinto 10:5.
“Inyong iwan ang dating pagkatao na naaayon sa inyong dating pag-uugali . . . ; kundi kayo’y mangagbago sa puwersang nagpapakilos ng inyong isip, at kayo’y magbihis ng bagong pagkatao na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at katapatan.”—Efeso 4:22-24.
“Ano mang bagay ang totoo, ano mang bagay ang karapat-dapat pag-isipan, ano mang bagay ang matuwid, ano mang bagay ang malinis, ano mang bagay ang kaibig-ibig, ano mang bagay ang may mabuting ulat, kung may ano mang kagalingan at kung may ano mang kapurihan, patuloy na pag-isipan ninyo ang mga bagay na ito.”—Filipos 4:8.
“Lagi ninyong ipako ang inyong mga isip sa mga bagay sa itaas, hindi sa mga bagay sa lupa.”—Colosas 3:2.
Yamang ang iyong mga damdamin ay pangunahin nang bunga ng iyong pag-iisip, ang susi upang masupil ang iyong negatibong mga damdamin ay supilin ang kaisipan na nagtataguyod nito. Taglay ang sapat na pagsisikap at panahon, matututuhan mong higit pang supilin ang iyong mga kaisipan. Ang makatuwirang resulta ay na magagawa mo rin iyan sa iyong mga damdamin.
Totoo, madaling sabihin na maaari nating masupil ang ating negatibong mga damdamin. Subalit ibang bagay naman ang aktuwal na paggawa nito. Kung gayon, paano natin mapagtatagumpayan ang mga damdaming ito na maaaring magdulot sa atin ng labis na kahirapan?
[Blurb sa pahina 4]
Hindi lahat ng negatibong damdamin ay nakapipinsala