Negatibong mga Damdamin—Paano Ito Masusupil?
Negatibong mga Damdamin—Paano Ito Masusupil?
ANG unang hakbang sa pagsupil ng negatibong mga damdamin ay: Kilalanin ang negatibong mga kaisipan.
Ikalawa: Sikaping ituwid ang negatibong mga kaisipan. Halimbawa, kung ikaw ay nag-iisip, ‘Wala akong nagagawang tama,’ palitan mo ito ng, ‘Katulad lamang ako ng iba; marami akong nagagawang tama, subalit nagkakamali rin ako.’
Huwag mong asahan na bubuti kaagad ang iyong pakiramdam pagkatapos mong gawin ang pagtutuwid na ito (bagaman maaaring bumuti ang iyong pakiramdam), at huwag patuloy na pagtalunan sa isipan ang bagay na ito. Basta gawin lamang ang pagpapatunay at magtungo sa susunod na hakbang.
Ang ikatlong hakbang ay sikaping alisin ang nakayayamot na kaisipan sa iyong isip. Sikaping alisin ito nang buong lakas at pagtitiwala kung paanong aalisin mo sa isipan ang paggawa ng isang malubhang krimen. Bagaman magagawa mo ito
taglay ang malakas na mental na pagsisikap, malaking tulong sa paggawa nito ang ikaapat na hakbang: Maging abala sa isang bagay, isang bagay na nakapagpapatibay.Mahalaga ito sapagkat paulit-ulit na sisikaping bumalik sa iyong isip ang negatibong mga kaisipan. Ngunit taglay mo ang bentahang ito: Maaari ka lamang lubusang magtuon ng isip sa isang bagay sa isang panahon. Mapatutunayan mo ito sa iyong sarili sa pamamagitan ng pagsubok na ganap na magtuon ng pansin sa dalawang bagay sa isang panahon. Kung ang isip mo ay abala na sa isang bagay, mahirap para sa iyong negatibong mga kaisipan na magbalik.
Ang paraan kung paano maaaring palitan ang negatibong mga kaisipan ng positibong mga kaisipan ay inilarawan ni Dr. Maxwell Maltz, na nagsabi: “Kung ang iyong ponograpo ay nagpapatugtog ng musikang ayaw mo, hindi mo pinipilit na pagandahin ito. . . . Iyo lamang pinapalitan ang plaka na pinatutugtog at ang musika ay naiiba. Kung paanong maaari mong baguhin ang musika sa pamamagitan ng pagpapalit ng plaka, maaaring baguhin ng isa ang kaniyang kaisipan sa pamamagitan ng pagpapalit dito ng positibong kaisipan.”
Oo, ang negatibong mga kaisipan ay kadalasang napakalakas upang basta alisin. Ang mga ito ay dapat na pilit na alisin sa pamamagitan ng pagpapalit dito. Maglagay ng ibang “plaka,” isang positibong kaisipan. Lumipat sa iba, nakapagpapatibay na “channel,” sa ibang “istasyon,” at pagtuunan ito ng pansin.
Magiging Mahirap Ito
Ang nabanggit na apat na hakbang ay madaling sabihin, subalit anong hirap na sundin! Kaya nga, huwag kang magulat kung ang pagsupil sa negatibong mga kaisipan at damdamin ay mahirap para sa iyo sa umpisa. Asahan mo na ito ay magiging mahirap, subalit alamin mo na sa kalaunan ito ay magiging mas madali.
Kunin halimbawa si Cindy, isang guro na pinalaki ng isang alkoholikong ina. Sa loob ng mga taon si Cindy ay pinahirapan ng mga damdamin ng pagkakasala at kawalang kapanatagan. Pagkatapos ay nagpasiya siyang harapin ang problema. Ano ang ginawa niya?
Sabi ni Cindy: “Una’y sinikap kong kilalanin ang espesipikong mga kaisipan na pinagmumulan ng aking negatibong mga damdamin. Kailanma’t lilitaw ang mga kaisipang ito, pag-iisipan kong muli ang mga ito, sa makatuwirang paraan. Pagkatapos ay sisikapin kong sumagana ang positibong kaisipan. Pinipilit ko ang aking isip na pag-isipan ang aking mga estudyante at kung paano ko sila matutulungan. Unti-unti, ito ay naging mas madali, at nadarama kong nasusupil ko ang aking mga damdamin.”
Gayunman, maaaring magtanong ka . . .
Bakit Napakahirap Nito?
Ang mga bisyo ba, gaya ng sobrang kain o paninigarilyo, ay madaling alisin? Mangyari pa hindi! Ang mga ito ay nasusupil lamang sa pamamagitan ng kusa, determinadong pagsisikap sa isang yugto ng panahon. Para sa marami, ang negatibong pag-iisip ay isang bisyo, at gaya ng ibang bisyo, ito ay mahirap alisin.
Kung ugali mo na ang mag-isip ng negatibo, ang pagsupil dito ay malamang na mangailangan din ng determinasyon na gaya ng determinasyon ng isang taong nagdidiyeta o ng isa na nagpapasiyang huminto sa paninigarilyo.
Ang punto ay, huwag kang sumuko at magpasiyang manatiling nanlulumo sapagkat mas madali itong gawin. Manatili sa iyong pakikipagbaka laban sa negatibong pag-iisip, kahit na kung ito ay mangahulugan ng maraming buwan ng pagsubok at marahil ay pagbalik sa dati. Magpatuloy sa iyong pagsisikap na para bang ikaw ay nagsasanay para sa isang atletikong paligsahan. Tingnan ang pangmatagalang mga bunga sa halip na ang kagyat na kasiyahan.
Lubusan ba Itong Maaalis?
Maaari bang lubusang maalis ang negatibong mga damdamin? Buweno, kung inaasahan mong magtamo ng ganap na kaligayahan ngayon, makararanas ka ng pagkasiphayo at kabiguan. Ang kaligayahan sa panahong ito ay may pasubali at hindi ganap. Subalit iyan ay mas maigi kaysa ika’y makulong sa isang buhay ng walang lubay at nakapanghihinang negatibong mga damdamin.
Nangangahulugan ba ito na ang negatibong mga damdamin ay hindi kailanman masusupil? Hindi naman. Makatotohanang ipinaliliwanag ng Bibliya na ang di-sakdal na kalagayang ito ay mananatili pa sa atin sa sandaling panahon, subalit may takdang panahon upang ito ay alisin magpakailanman. Iyan ay malapit nang mangyari kapag ang Kaharian ng Diyos, ang kaniyang makalangit na pamahalaan sa mga kamay ni Jesu-Kristo, ay lubusan nang mamahala sa lahat ng mga bagay sa lupang ito at simulan ang proseso ng pag-angat sa sangkatauhan tungo sa kasakdalan ng tao. Tinawag ni Jesus ang prosesong ito na “ang muling-paglalang [o, ang “pagbabagong lahi,” talababa].”—Mateo 19:28; tingnan din ang Awit 37:29; Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:3-5.
Gayunman, ang pagtanggap sa ngayon sa ating mga limitasyon dahil sa di-kasakdalan ng tao ay gagawa sa iyo na mas maligaya. Sa halip na magpakalabis sa paghahanap ng sakdal na kalusugang pangkaisipan, ikaw ay magiging malayang hanapin ang iba pang mga bagay sa buhay. At ikaw ay makasusumpong ng higit na kapayapaan ng isip at kaligayahan sa pagkaalam na ang ultimong lunas sa negatibong mga damdamin ay nasa mahusay na mga kamay ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.
Ang mga mungkahi ba rito ay teoriya lamang? Talaga bang mabisa ito? Oo mabisa ito, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na tunay sa buhay na mga karanasan.
[Blurb sa pahina 6]
Maaari mong palitan ang negatibong mga kaisipan ng positibong mga kaisipan
[Blurb sa pahina 6]
Huwag kang sumuko at magpasiyang manatiling nanlulumo sapagkat mas madaling gawin ito
[Larawan sa pahina 7]
Tulad ng pagpapapayat, ang pag-aaral upang supilin ang ating mga damdamin ay nangangailangan ng panahon at tiyaga