Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mga Makinang Panghadlang sa AIDS
Isang grupo ng mga dalubhasa tungkol sa AIDS ng pamahalaan ng Australia ang inutusang gumawa ng mga rekomendasyon sa pagpapabagal ng pagkalat ng sakit. Sinabi ng The Courier-Mail ng Brisbane na matinding inirekomenda na ang mga kabataan ay tumanggap ng mas mabuting pagkuha ng mga paraan sa pag-iwas sa AIDS yamang, gaya ng paliwanag ng tagapangulo, si Dr. Charles Watson, ang karamihan ng mga estudyanteng magtatapos sa high school ay aktibo sa sekso. Kabilang sa mga rekomendasyon ay ang pagkamadaling makuha ng mga condom sa pamamagitan ng mga vending machine sa high school. Si Dr. Watson ay hindi naniniwala na ang gayong paggamit ng mga condom-vending machine ay makahihimok sa nakababatang mga estudyante na makipagtalik nang mas maaga. Walang mga rekomendasyon para sa moral na pagbabawal na inilakip sa ulat.
Pansariling mga Helikopter?
Ikaw ba ay nabalisa na sa paghihintay ng ilang oras sa trapiko sa siyudad? Naisip mo na ba kung anong ganda na ikaw ay itaas sa himpapawid at ibaba sa iyong patutunguhan? Gusto mo ba ng isang pansariling helikopter? Ang pagkagawa ng unang napakagaan na helikopter ang pinakabagong bagay sa larangan ng abyasyon, ulat ng pahayagang Il Messaggero sa Italya. Ito ay tumitimbang lamang ng 230 kilo at may pinakamabilis na lipad na 150 kilometro bawat oras. Ikaw ay makabibili ng isa sa halagang $60,000 at halos $1 bawat milya sa pagpapalipad niyaon. Bagaman mas maliit kaysa malalaking modelo ng helikopter, maaari pa rin itong makalipad sa taas na 4,000 metro at sa layong 320 kilometro.
Panghahalay ng Militar
Noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, libu-libong batang babae at mga dalaga ang binihag ng militar na mga Hapones mula sa mga bansa sa Silangang Asia upang paglingkuran ang mga kawal na nasa larangan ng digmaan. May kagandahang tinatawag na “mga babaing taga-aliw,” ang mga hindi namatay sa sakit benereo ay pinabayaang mamatay nang ang mga hukbo ay umatras. Pagkalipas ng limampung taon hayagang inamin ng isang lalaki ang pagkasangkot niya rito at humingi ng tawad. Si Seiji Yoshida, 78, ay “hindi makalimutan ang mga alaala ng pagsipa sa naglalambitin, nag-iiyakang mga batang Koreano samantalang inilululan ng kaniyang mga tauhan sa mga trak ang kanilang bata pang mga ina upang gawing mga alipin sa sekso para sa Hukbo ng Imperyo ng Hapon” sabi ng Mainichi Daily News. Nang tanungin kung ano ang kaniyang nadama noong panahong iyon, iniulat ng pahayagan si Yoshida na nagsasabi: “Sumusunod lamang kami sa mga utos. Wala kami sa aming mga sarili. Iyon ay basta isang trabaho. Ang ibang ideolohiya ay hindi posible. Wala akong madama. Ako’y abala, ako’y nawalan ng pag-asa, ako’y sunud-sunuran.” Tinitiyak ng mga opisyal ng militar ng maraming bansa na ang kanilang mga kawal ay pinaglalaanan ng mga babae, bihag man o bayarang mga patutot.
Ang Mabuting Lupa—Naglalaho
Sang-ayon sa isang ulat sa magasing Science, ang lupang masasaka sa daigdig ay umuunti, “mabilis na natatangay o nagiging alabok na sumasama sa hangin.” Noong Marso, inilabas ng WRI (World Resources Institute) ng Washington, D.C., ang mga resulta ng tatlong taóng pag-aaral kung saan ang daan-daang dalubhasa ay nagsuri-muli kung paano nagbago ang mga kalagayan ng lupa sa buong daigdig simula noong Digmaang Pandaigdig II. Ang mga resulta? Dahil sa maling paggamit ng tao sa lupa—karamihan sa pamamagitan ng pagkalbo sa kagubatan, labis na panginginain ng mga hayop sa damuhan, at nakapipinsalang mga gawaing pang-agrikultura—ang dating matabang lupa na may kabuuang lawak na kasinlaki ng pinagsamang Tsina at India ay malubha ngayong napinsala. Ang kausuhang ito ay nagbabanta ng masama, yamang, gaya ng tinataya ng pangulo ng WRI na si Gus Speth, kailangang triplihin ng daigdig ang produksiyon ng pagkain sa susunod na kalahating siglo upang paglaanan ang lumalagong populasyon.
“Isinasapanganib Namin Kayong mga Bata”
Pag-abuso sa bata? Hindi sa pangkaraniwang diwa. Ang nabanggit ang sinabi ni David Goerlitz, isang aktor na gumanap sa patalastas ng sigarilyong Winston bilang isang umakyat sa batuhan na nagsisindi ng sigarilyo habang nasa mataas na dalisdis. Nag-uulat ang The Boston Globe na sina Goerlitz at Wayne McLaren (lalaking gumanap sa mga patalastas ng Marlboro) ay humaharap sa mga grupo ng mga batang mag-aaral upang kumbinsihin sila na huwag manigarilyo. “Pinaniniwala namin kayo na kung kayo ay maninigarilyo, magiging macho kayo,” paliwanag ni Goerlitz. “Ang aking buhay ay labis na umikli sapagkat pinili ko na manigarilyo,” malungkot na ipinagtapat ni McLaren, pagkatapos na maalis ang isang baga niya dahil sa kanser.
Pangunang Lunas sa Natanggal na mga Ngipin
“Ang ngiping natanggal ay maisasauli na muli kahit ilang araw na pagkatapos ng aksidente, kung ang mga ito ay naitago nang wasto,” ulat ng pahayagang Frankfurter Allgemeine Zeitung sa Alemanya. Isang kahon ng pangunang lunas ang nagawa kung saan mailalagay ang natanggal na ngipin. Ang kahon ay naglalaman ng isterilisadong tubig, at isang halo ng mga nutriyente at mga antibayotik, na itinabing nakabukod. Ang dalawang sangkap na ito ay maaaring paghaluin sa isang pindot ng buton. Ang kasangkapan ay mura lamang at maitatago na di pinalalamig ng mga tatlong taon. Ang gayong kahon ng pangunang lunas ay lalo nang kapaki-pakinabang sa mga lugar kung saan ang mga aksidenteng nagsasangkot ng ngipin ay malimit na nangyayari, gaya sa mga
swimming pool, lugar ng isports, at sa mga paaralan.Bakasyon na Maigting
Ang pagbabago ng ilang gawi ay maaaring higit na kapaki-pakinabang sa isang maigting na tao kaysa magbakasyon. Si Dr. Sergio Tufik, propesor ng School of Medicine sa Saõ Paulo, Brazil, ay sinipi sa Veja na nagsasabi: “Ang ating biyolohikal na ritmo ay nakaprograma na kumilos gaya ng orasan. Anumang pagbabago, maging isang linggong maluhong bakasyon sa Carribean, ay makapapagod sa organismo.” Ang trabaho man ay isang hamon o hindi, upang maiwasan ang nakapipinsalang kaigtingan, kaniyang inirerekomenda: “Maging kontento ka kung ano ang [iyong] ginagawa.” Sa halip na laging subuking gumawa ng ibang bagay na higit na maiigting kaysa pang-araw-araw na rutina, iminumungkahi ng doktor: “Marahil ang sekreto ay ‘magbakasyon’ araw-araw. Iyan ay, bukod sa trabaho, makibahagi sa sari-saring gawain na nagtataguyod ng kasiyahan.”
Kalunus-lunos na mga Donasyon ng Dugo
Mahigit sa isang libo katao sa Pransiya ang nahawa ng AIDS mula sa mga pagsasalin ng dugo. Bakit sila magkakaroon ng bilang na mula lima hanggang sampung beses na mataas kaysa karamihan sa ibang mga bansa sa Kanluraning Europa? Nagsasabi ang Le Monde na ang mga maykapangyarihan sa bilangguan ay patuloy na tumatanggap ng mga donasyon ng dugo mula sa mga preso hanggang noong 1985, tatlong taon pagkatapos na ang kalapit na mga bansa ay huminto sa paggawa niyaon. Sinabi pa ng ulat na ang mga donasyon ng dugo “ay matagal nang gawaing malawakang itinuturing na nagpapadali sa pagbabagong buhay ng bilanggo. Ang pagbibigay ng dugo ay nagpapahiwatig ng katubusan, at sa karagdagan ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga bilanggo . . . na uminom ng isang basong alak, at sa mga kaso ng mga sugapa sa droga ay upang masiyahan sa turok ng iniksiyon.” Ang donasyon ng dugo ay makatutulong din sa mga bilanggo na mabawasan ang kanilang sentensiya sa bilangguan.
Fashion Show sa Katedral
“Sa tunog ng awiting Gregorian, mga kulog at batingaw, sa isang kapaligiran ng halos pusikit na kadiliman, lumitaw ang anyo ng pitong madre, na may tumatakip na mahahabang manta sa kanilang mga mukha. Kapagdaka ang mga ilaw ay nagsindi, inalis ng mga madre ang mga manta, [at] sila’y naging mga modelo.” Sa ganitong mga pananalita ay inilalarawan ng Jornal da Tarde ang fashion show na ginanap sa silid sa ilalim ng lupa ng Metropolitan Cathedral ng Pôrto Alegre, Brazil. Sa mga nagsidalo, ang arsobispo ay sinipi na nagsasabi: “Lagi kong nasasaisip na ang lugar na ito ay dapat na maging isang bulwagan para sa pagsasaya at sosyal na mga pagdiriwang.” Bagaman ang pagtatanghal ay nakalikom ng pondo upang tulungan ang mga sugapa sa droga, di-sumasang-ayon ang obispo ng Novo Hamburgo sa ideyang iyon. Aniya: “Ang paraang ginamit ay hindi kanais-nais, kahit na natamo ang ninanais na mga resulta.”
Modernong Panunulisan sa Dagat
“Hindi katulad ng ika-17- at ika-18-siglong mga pirata, sila’y hindi gumagamit ng tapal sa mata ni ng mga sable. Sa ngayon, sila ay may mabibilis na lantsa at malalakas na sandata,” sabi ng pahayagang O Estado de S. Paulo ng Brazil. Hindi kukulangin sa 185 pag-atake ng mga pirata ang iniulat sa Rio de Janeiro sa nakaraang tatlong taon. Kamakailan, dinaluhong ng sampung pirata na may mga machine gun ang isang oil tanker, pinatay ang dalawang tripulante, at sinaktan ang dalawang iba pa bago ninakawan ng salapi at ari-arian. Nalalaman ng gayong organisadong pagkilos ng mga gang sa mabapor na mga daungan, gaya sa Santos at Rio de Janeiro, ang tungkol sa kargada ng barko at mga kaayusan ng seguridad mula sa patutot doon. Gaya ng pagtatapos ng pahayagan, ang pagdami ng panunulisan at ng pagnanakaw ng mga container ay “dahilan din ng pagkalugi sa pinansiyal ng kalakalang panlabas ng Brazil.”
Epidemiya ng Hijack
Ang pagha-hijack ng mga kotse ay maaaring isang internasyonal na problema, subalit sa Timog Aprika “ang pagha-hijack ng kotse ay umabot sa lawak ng epidemiya,” ayon sa Financial Mail ng Timog Aprika. Papaano mo mababawasan ang panganib na ma-hijack ang iyong kotse kung nakatira ka sa lugar na kung saan ito ay isang problema? Subuking ibahin ang iyong karaniwang pang-araw-araw na dinaraanan. Magdaan sa ibang mga ruta, o umalis nang mas maaga o mas huli. Ikandado ang mga pinto at isara ang mga bintana. Huwag isakay ang mga nakikisakay, at hangga’t maaari ay huwag maglakbay na mag-isa. Bago huminto sa isang halang sa daan, suriin mo kung ito nga ba’y tunay. Hanapin ang mga ilaw at bandera na ginagamit ng munisipyo na nagbababala sa mga tsuper sa isang halang sa daan, at bigyang pansin ang pananamit ng mga nagtatrabaho sa daan. Isang koronel na pulis ay nagpapayo sa isang tsuper na nasumpungan ang kaniyang sarili sa isang mapanganib na kalagayan: “Ibigay mo ang sasakyan kung ang iyong buhay ay nasa panganib. Walang kuwenta ang pagiging isang patay na bayani.”
Pisikal na Pag-abuso sa mga Magulang
Ang inilarawan bilang ang “natatagong sindak ng poot ng mga tin-edyer” na ipinababata sa mga magulang ay tumitindi sa Australia. Nag-ulat ang pulisya at mga pangkat ng nagkakawanggawa na ang bilang ng mga tin-edyer na gumugulpi sa kanilang mga magulang ay mabilis na dumarami sa bansang ito. At bagaman kalimitang mga ina ang mga biktima, maging ang mga ama at mga nuno ay may kalupitang sinasalakay. Sinipi ng pahayagang Sunday Telegraph sa Sydney ang patnugot ng isang organisasyon ng kawanggawa na nagsasabi: “Nagugulat ang mga tao na makabalita na ang mga bata na kasimbata ng 10 ay kayang gumawa ng pisikal na karahasan—tinatakot ang kanilang ina at ibang mga kapatid.” Isang nagkakawanggawang paglilingkod sa komunidad ay inulan ng mga tawag sa telepono mula sa inabusong mga magulang anupat ito’y nagpaplano ng isang pantanging programa para sa mga biktima at mga maysala.