Sumailalim sa Presyon ng Hangin at Nagpupunyaging Mabuhay
Sumailalim sa Presyon ng Hangin at Nagpupunyaging Mabuhay
“HUMIKAB ka! Mahalagang humikab ka upang makabagay ang iyong tainga sa nagbagong presyon ng hangin!” Ito ang unang mga salitang narinig ko pagkatapos ng operasyon na nag-alis ng ilang bahagi ng aking colon (malaking bituka). Naisip ko: “Pambihira naman—ang tiyan ko ang inopera nila. Bakit apektado ang aking mga tainga?”
Ngunit unti-unti, habang nagkakamalay ako sa aking kapaligiran, natalos ko na ito ay hindi ordinaryong silid ng ospital. Ako’y nasa loob ng isang mahaba, makitid, hugis-torpedong silid—isang hyperbaric chamber.
Mga Komplikasyon Noong Panahon ng Operasyon
Natuklasan ko na ang aking operasyon ay mas malawak kaysa dating nilalayon. Ang kanser ay kumalat na sa aking atay at nagkaroon ako ng grabeng pagdurugo sa loob. Nang lisanin ko ang sala de operasyon ang antas ng hemoglobin sa dugo ko ay bumaba sa 3.6. (Ang normal na hemoglobin sa isang adulto ay halos 15 g/100 ml ng dugo.) Ang mga doktor ay nabahala at tinawag ang tatay ko sa ospital. Siya ay isa ring Saksi ni Jehova at tinanggihan niyang pawalang-bisa ang pasiya kong huwag magpasalin ng dugo.—Gawa 15:20, 29.
Kaagad na humingi ng pahintulot ang siruhano ko na gamitin ang hyperbaric chamber sa deep-sea diving complex sa bayan ng Dyce, malapit sa Aberdeen, Scotland. Maaari itong tumulong upang paikutin ang oksiheno sa kaunting dugo na natitira sa aking katawan. Ang pahintulot ay ipinagkaloob. Sinundan ito ng walong-kilometrong pagsugod ng ambulansiya mula sa Aberdeen tungo sa Dyce kung saan ako ay sumailalim ng presyon ng hangin na katumbas niyaong presyon ng hangin mga 15 metro sa ilalim ng antas ng dagat.
Ito ay isang bagong karanasan para sa lahat ng nasasangkot, yamang ang silid ay karaniwang ginagamit upang alisin ang presyon ng hangin sa mga maninisid na nagtatrabaho sa mga paghukay ng langis sa North Sea. Para sa unang gamit nito sa paggamot pagkaraan ng operasyon, dalawang narses at isang teknisyan, pawang nasa mga edad 20, ay sumama sa akin sa loob ng unit kung saan sila ay kailangang manatili hanggang sa ito ay maalisan ng presyon ng hangin. Sa labas, pinangangasiwaan ng mga espesyalista sa hyperbaric chamber ang mga kontrol sa complex.
Sumailalim sa Presyon ng Hangin
Habang ang hangin ay binobomba sa loob ng chamber, tumaas ang presyon sa loob. Ang paghinga sa pamamagitan ng isang maskara na dalawa at kalahating ulit na mataas kaysa normal na presyong atmosperiko ay nangangahulugan na pinupunô ko ang aking bagà nang dalawa at kalahating ulit ng karaniwang dami ng oksiheno. Ang pagpuwersa sa oksiheno na magtungo sa likidong bahagi ng aking dugo (ngayo’y pinararami ng mga volume expander) ang bumabawi sa kakulangan ng hemoglobin. a
Ang sumunod na ilang araw ay totoong mahirap. Ang mga bisita lamang na pumasa sa mahigpit na medikal na mga pagsubok ang maaaring pumasok sa katabing silid kung saan ang presyon ng hangin ay maaaring ibaba. Isang maliit na butas sa uluhang dulo ng torpedo ang nagpapangyaring makita ako ng ibang bisita, ngunit isang mata lamang ang nakikita ko!
Ang aking nakababatang kapatid na lalaki, na isa ring Saksi, ay dumalaw sa akin sa loob ng silid nang sandali. Iyan ay lubhang nakapagpasigla sa akin. Gayundin ang lahat ng kard na ipinadala ng marami kong kaibigan sa pagpapahayag ng kanilang pag-ibig at maka-Kasulatang mga kaisipan. Ang mga mensaheng ito ay para bang nagdatingan na lahat noong mga panahong ako’y lubhang nanghihina.
Noong ikalimang araw sa loob ng chamber, ang doktor na nangangasiwa sa unit ay lumapit sa akin. Maliwanag na siya’y nababahala at nagpaliwanag: “Napakarami na ngayong oksiheno sa iyong dugo.” Bunga nito, ang aking utak sa buto ay maliwanag na hindi na kumikilos. Sinabi niya na ang aking dugo ay lumabnaw, at inaasahang ang kaunting dugong natitira ay lalabas dahil sa ayaw mamuo ng dugo. (Nang panahong ito ang aking hemoglobin ay bumaba nang husto upang masukat ng mga instrumento. Ito ay halos 2.6.)
Ang mga narses ay nag-iyakan. Ginawa ko ang lahat ng magagawa upang aliwin sila at ipinaubaya ko na ang kahihinatnan sa mga kamay ni Jehova.
Pag-aalis sa Presyon ng Hangin—Tagumpay!
Sa utos ng doktor, ang proseso na pag-aalis ng presyon ng hangin ay agad na sinimulan. Ang mga narses ay kakikitaan na ngayon ng masamang epekto na nangyayari kapag sumailalim sa presyon ng hangin sa loob ng mahabang panahon; tatlong araw ang pinakamatagal para sa sinuman na nasa loob ng hyperbaric chamber noon. Ito na ang ikalimang araw para sa aming lahat! Ngayon ay kailangan naming maghintay ng dalawa pang araw upang ang presyon ng hangin ay unti-unting alisin.
Noong sumunod na panahong pumasok ang doktor, siya ay mukhang mas maligaya at ipinahayag niya: “Sa ilang di-maipaliwanag na dahilan, ang iyong antas ng hemoglobin ay tumaas nang bahagya.” Naniniwala siya na ang utak sa buto ay minsan pang nagsimulang kumilos. Ako’y labis na nagalak.
Isang linggo pagkatapos ng operasyon, ako sa wakas ay lumabas sa chamber na ang antas ng hemoglobin ay 4.6 at ako’y inilipat sa kalapit na silid upang hintayin ang ambulansiya na magdadala sa akin sa intensive care unit sa Aberdeen. Samantalang ako ay naroon, isa sa aming kapuwa mga Saksi ay dumating na may dalang mga magasin na tinanggap niya sa Kingdom Hall noong nagdaang gabi. Ang pabalat na artikulong “Mga Pasiya sa Pagpapagamot—Sino ang Dapat Gumawa Nito?” (Gumising! Disyembre 8, 1984) ay tamang-tama ang dating! Ginamit ko ito upang ipakita ang dahilan ng paninindigang kinuha ko.
Ang aking hemoglobin ay unti-unting tumaas na higit sa 5, at ako’y inalis sa talaan ng mga taong nasa kritikal na kalagayan. Wala na akong tinatanggap na paggamot maliban sa masustansiyang pagkain. Ang katawan ko ngayon ay lubhang kumikilos sa ganang sarili. Sapagkat ang aking antas ng hemoglobin ay 7.8, ako’y pinalabas sa ospital nang sumunod na araw.
Dahil sa haba ng panahon na karaniwang kinakailangan upang makabawi mula sa ganitong uri ng operasyon, ako’y pinagkalooban ng tatlong buwang bakasyon sa trabaho upang magpalakas. Ang aking hemoglobin sa dugo ngayon ay umabot na ng 15.3, at nakamit ko uli ang 9.5 kilos na nawala sa akin.
Gayon na lamang ang aking kasiyahan na bumuti ang aking kalagayan nitong nakalipas na mga taon upang patuloy na ibahagi ang aking pananampalataya sa iba! Ako’y lubos na nagpapasalamat kay Jehova, ang Tagasustini ng buhay, gayundin sa mababait na medikal na mga tauhan na nagbigay sa akin ng gayong makabagong paggamot na lubhang matagumpay.—Gaya ng inilahad ni Doreen Strachan.
[Talababa]
a Sa teoriya, ang paghahalili sa mga likido ng katawan sa pamamagitan ng saline, dextrose, o mga dextrant solution kasabay ng hyperbaric na oksiheno ay makatotohanang paraan sa kagyat na paggagamot na pangkagipitan sa grabeng pagkawala ng dugo dahil sa anemia. Ngunit, gaya ng anumang anyo ng medikal na paggagamot, maaaring magkaroon ng mga komplikasyon, at ang ligtas na operasyon ng hyperbaric unit ay nangangailangan ng maraming kasanayan at pangangalaga.—Tingnan ang artikulong pinamagatang “Isang Bagong Paraan ng Paggamot na Nagliligtas-Buhay,” sa Gumising! ng Setyembre 22, 1979.
[Larawan sa pahina 21]
Si Doreen, isang linggo pagkalabas sa ospital
[Picture Credit Line sa pahina 20]
Sa kagandahang-loob ng Grampian Health Board