Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Mabalahibong Munting Prutas ng New Zealand

Ang Mabalahibong Munting Prutas ng New Zealand

Ang Mabalahibong Munting Prutas ng New Zealand

Ng kabalitaan ng Gumising! sa New Zealand

TINATAWAG ito ng mga kanluranin na Chinese gooseberry. Ngunit nang ito ay itanim sa New Zealand, sinamantala ng mga tagapagtaguyod ang pagkakahawig ng mabalahibong prutas na ito sa kilalang ibong kiwi ng New Zealand. Kaya, ito ay nakilala sa daigdig bilang kiwifruit.

Sa loob ng mga dekada ang kabuhayan ng lupaing ito sa Timog Pasipiko ay depende lamang sa lana, karne, at mga produktong galing sa gatas. Subalit ngayon ang kiwifruit ay lumitaw bilang isang pinagmumulan ng kita bilang ang pangunahing ani sa paghahalaman ng New Zealand. Ginawa nitong posible upang ang kiwifruit ay maging katakam-takam sa panlasa ng angaw-angaw. Ang kagalingan nito sa maraming bagay, natatakdaan lamang ng pagkamapanlikha ng tao, ay nagbunga ng iba’t ibang masasarap na pagkain.

Subalit ano ba itong mabalahibong munting prutas na ito? Ang kiwifruit (Actinidia chinensis) ay talagang isang berry na lumalaki sa isang baging. Tumutubo sa kainamang klima, ang kiwifruit ay orihinal na itinanim sa Yangtse Valley ng timugang Tsina. Gayunman, noong 1934 ang unang komersiyal na pagtatanim ay ginawa sa New Zealand sa Te Puke, isang bayan ng 5,500 mamamayan sa silangang baybayin ng North Island. Di-nagtagal ang pagtatanim ng kiwifruit ay naitatag sa ibang bahagi ng bansa. Subalit ang Te Puke, na may huwarang mga kalagayan sa klima, ang tinatawag na “kabisera ng kiwifruit sa daigdig.”

Ang pagtatanim ng kiwifruit ay isang mahirap na trabaho. Kumukuha ng tatlo hanggang limang taon upang mamunga ang bagong tanim na baging. Isa pa, ang palaging pagputol sa mga baging ay kinakailangan upang matiyak na sapat na liwanag ay nakararating sa prutas. Ang permanenteng tukod para sa mga baging​—baras na T o mga balag—​ay dapat itayo. At pagka nagsimula na ang panahon ng pag-ani, daan-daang may kasanayang mga manggagawa ang pipitas sa milyun-milyong piraso ng prutas na halos kasinlaki ng isang limon o ng isang maliit na kahel. Nangangailangan ng halos apat na malalaking kiwifruit sa isang libra, at sampu-sampung libong tonelada ng prutas ang inaani sa isang taon.

Ang lahat ng ito ay waring nagpapakita na mahirap magtanim ng isang prutas na minsa’y inilarawan ng The Wall Street Journal na halos gaya ng “isang lumang bola ng tenis.” Subalit huwag hayaang madaya ka ng hindi kaakit-akit na hitsura nito. “Hiwain mo ang kiwifruit,” patuloy ng Journal, “at ito’y nagkakaroon ng buhay. Walang anu-ano ang lahat ay matingkad na luntian ang kulay at mabango, na may kulay-ube na anilyo at dilaw na bahagi sa gitna na parang araw na napaliligiran ng silahis.” At tikman mo ito sa pagkutsara nito! Ang laman nito ay matamis, malaprutas na lasa. Karagdagan pa, ang munting prutas na ito ay masustansiya. Bukod sa pagkakaroon ng sapat na dami ng mga bitamina C at E, ang mga hibla ng malaking kiwifruit ay halos apat na ulit na mas marami kaysa isang tasa ng tinadtad na celery. Ang isang prutas ay mas maraming potasyum kaysa isang saging at maaaring magtustos ng mula 20 hanggang 70 porsiyento ng araw-araw na pangangailangan ng katawan sa kromyum.

Ang kiwifruit ay maraming-gamit din sa kusina at madaling ibagay sa maraming pagkain. Ipagpalagay nang mayroon nito sa inyong lugar, baka gusto mong subukin ang kalakip na resipe. Ikaw man ay maaaring maging mahilig sa mabalahibong munting prutas ng New Zealand!

[Picture Credit Line sa pahina 17]

New Zealand Kiwifruit Marketing Board

[Kahon/Larawan sa pahina 18]

Kiwifruit Ice Salad:

1 lata ng litsiyas (500 gramo o 1 libra) o ibang prutas

4 tinalupang kiwifruit

1 tasang asukal

1 lata ng mga liha ng mandarin (250 gramo o 1/2 libra)

1 kutsarang alak na kahel

1 kutsarang katas ng limon

2 tasang tubig

1. Ibuhos ang tubig at asukal sa kawali. Haluin hanggang matunaw ang asukal sa mahina lang na gatong. Pakuluin sa loob ng tatlong minuto. Palamigin.

2. Durugin ang kiwifruit sa blender.

3. Isama ang dinurog na kiwifruit, katas ng mandarin, katas ng limon, at alak sa asukal. Haluing mabuti. Palamigin ang halo sa isang malanday na bandeha. Kaskasin sa pamamagitan ng tinidor upang maging kinaskas na yelo.

4. Palamigin ang natitirang kiwifruit, at hiwain.

5. Lagyan ng laman ang mga litsiyas ng mga liha ng mandarin at, kasama ng hiniwang kiwifruit, ilagay sa katamtamang-laki na mga basong pang-brandy o sa mga platito.

6. Kutsarahin ang anumang natitirang katas ng litsiyas at mandarin at ilagay sa prutas.

7. Ibudbod ang inihandang kinaskas na yelo sa ibabaw ng prutas kapag handa nang ihain.

Para sa 4-6 katao.