Isang Araw sa Pinakamalaking Perya ng Hayop sa Asia
Isang Araw sa Pinakamalaking Perya ng Hayop sa Asia
Ng kabalitaan ng Gumising! sa India
MGA maharaja na nakasakay sa ibabaw ng mga elepanteng magandang nagagayakan o isang hamak na magsasakang kinukutsero ang isang pares ng torong may malalaking sungay—ang mga tanawing iyon ay karaniwang kinukunan ng litrato rito sa India. Subalit saan nakukuha ang gayong malalaki at mahahalagang hayop?
Upang malaman, sumama ka sa amin sa Sonepur sa estado ng Bihar, sa hilagang-silangang India. Doon ay maaari tayong dumalaw sa isang perya na malamang ay di-tulad ng anumang nakita mo noon. Ito ay iniulat na ang pinakamalaking perya ng hayop sa Asia, malamang pati na sa daigdig. Ito ay idinaraos sa loob halos ng dalawang linggo kung Oktubre at Nobyembre.
Isang Kahali-halinang Pangyayari
Ang dami ng tao! Ang mga babae ay nakasuot ng matitingkad-kulay na mga sari, na maraming alahas. Ang mga babaing may-asawa ay lalo nang makikilala na may pulang pulbos na ipinahid sa hati ng kanilang buhok. Karamihan sa kanila ay may tangang sanggol, at isa pa o dalawang bata ang nakakunyapit sa kanilang mga sari habang sila ay nagmamadali upang makasabay sa kani-kanilang asawa.
Sa gayon karaming tao, nagtataka kami kung paano nagagawa ng mga batang huwag mawala. Ang totoo ay, marami ang nawawala. Sa loob lamang ng isang linggo, nalaman namin, 50 bata ang nawala, at 17 lamang sa kanila ang natagpuan muli. Nanginginig kaming isipin kung ano ang nangyayari sa nawawalang mga bata, yamang nababalitaan namin na kadalasang sila’y sinusunggaban ng walang konsensiyang mga tao at pinipilit sila sa pamamalimos at sa imoral na mga gawain.
Ang mga tindahan sa tabi ng daan ay nakadaragdag pa sa pagiging siksikan ngunit kawili-wiling masdan. Sa isang tindahan, kapag isang barya ay iniaabuloy, isang munting ibon ang lumalabas sa hawla nito at kumukuha ng isang kard. Ang taong nangangasiwa ay binibigyan-kahulugan ang kinabukasan ng isa mula rito. Kailangan mo ba ng isang mabilis na pag-ahit? Kung gayon ay tumingkayad ka sa harap ng barbero, at ang kaniyang mahaba, matalim na labaha ay mahusay na tumatakbo sa iyong mukhang may bula ng sabon. Sa loob lamang ng tatlong minuto, ikaw ay inahit na halos nahahawig sa anumang maibibigay ng modernong kagamitan.
Ang mga tindahan ay nag-aalok ng iba’t ibang uri ng palamuting mga pulseras, na gustung-gustong isuot ng mga babaing taga-India sa bawat bisig, ang kulay ay itiniterno sa kanilang mga sari. Isinusuot ng may karanasang mangangalakal ang pulseras sa bisig ng mamimili hanggang sa masumpungan niya ang tamang laki at istilo. Sa bawat bisig ang isang tipikal na babaing Indian ay maaaring magsuot ng isang dosena o higit pang pulseras, yari sa kristal, metal, o plastik.
Ang mga tindahan ay nagbibili rin ng mga abubot para sa mga hayop. Tutal, ito ay isang perya ng hayop. Malakas dito ang kalakalan sapagkat ang mga taganayon ay mahilig gayakan ang kanilang mga hayop. Kasali sa mga panggayak ang mga abaloryo para sa mga leeg ng hayop gayundin ng makukulay na kuliling na iba-iba ang laki.
Sino ang sumisigaw na iyon? Aba, isang pulubi! Kulubot at puno ng alabok, siya’y gumagapang sa daan at itinutulak ang kaniyang mangkok na panlimos. Kung isasaalang-alang ang dami ng tao, nakapagtataka na siya’y hindi natatapakan! Kung panahon ng perya, ang mga tao ay bukas-palad sa mga pulubi, kaya ang mangkok na ito na panlimos ay halos nangangalahati na sa mga barya. Malapit sa templo ay daan-daang pulubi na nanghihingi ng limos—ang pilay, bulag, at ang ketongin. Ang ilan ay sinusumpa ang kanilang kapalaran, ang iba naman ay tinatawag ang mga pangalan ng mga diyos, at ang ilan ay pinauulanan ng pagpapala yaong mga naglilimos.
Patungo rin sa perya ang maraming klaseng hayop. Ang mga elepante ay pinintahan at masayang nagagayakan. Ang bawat isa ay may nakasakay sa ibabaw na nagbibigay ng maikling utos na lumakad o bumagal, ginagamit ang paminsan-minsang marahang tulak sa pamamagitan ng isang patpat sa likod ng tainga ng elepante. Ang mga kalabaw, na nakataas ang ulo, ay napakabagal kumilos, lubusang hindi alintana ang buhul-buhol na trapiko sa likuran nila.
Patungo roon ay nakita rin namin ang maraming baka at ilang kamelyo. Napakaraming unggoy, karamihan ay uring langur. Ito ay may makapal na kilay at may bungkos ng balahibo sa baba. Marami ring ibon, mula sa maadornong paboreal at mga loro hanggang sa mga parakeet at kalapati. Pawang nagtungo sa perya mula sa malayo at malapit.
Ilang Pantanging Atraksiyon
Ang katangi-tanging mga baka na galing sa Punjab ay kabilang sa pantanging atraksiyon. Ang ilan ay nakagagawa ng halos 25 litro ng gatas dalawang beses sa isang araw. Tunay, ang mga ito ay magagandang hayop! Maraming tao ang nagpupunta roon upang makita lamang ang mga ito, samantalang ang iba naman ay seryosong mga mamimili. Kailanma’t may naibenta, ang may-ari ay sisigaw, “Bolo Hariharnath Ki,” sa gayo’y tinatawag ang lokal na diyos, at ang mga tao ay tumutugon sa pagsang-ayon, “Jai.” Ang katamtamang halaga ng isang bakang Indian ay maaaring mula sa 3,000 hanggang 5,000 rupees, ngunit ang katangi-tanging mga lahing banyaga na ito ay ipinagbibili sa halagang 20,000 hanggang 40,000 rupees. a
Sa taóng ito 15 kamelyo lamang ang ipinagbibili sa palengke. Ang “mga bapor ng disyerto” na ito ay nagkakahalaga ng 5,000 rupees ang isa. Ang mga ito ay maaaring magtrabaho nang matagal at makakayanan nito ang init at lamig at uhaw at gutom. Ang mga kamelyo ay maaaring gamitin upang hilahin ang mga kariton at mga araro at paikutin ang mga gulong-ng-tubig, trabahong karaniwang ginagawa ng toro, o ng kapóng baka.
Ang pinakapopular na hayop ay ang mga toro. Halos imposibleng maglakbay sa mga lansangan sa India nang hindi nakakikita ng kailanma’y maaasahang toro na hila-hila ang kariton ng mga paninda at pamilya ng magsasaka tungo sa bayan. Isang negosyante ang naglagay ng isang karatula na nagsasabing “Superstar na mga Toro.” At ang mga ito nga ay mukhang mga superstar! Na baka ang sinuman ay magkaroon ng idea na dayain o pagnakawan siya, siya ay may nakahandang dalawang nagagayakang baril. Ang isang superstar ay nagkakahalaga ng 35,000 rupees.
Ang humahalinghing na mga kabayo ay sumunod na nakatawag ng aming pansin, at anong pagkagagandang mga hayop ito! Ang ilan ay sinasakyan
ng mga pulis o ng hukbo, samantalang ang iba naman ay nilayon para sa karera. Mabibili rin ang mga buriko para sakyan at panghila ng karwahe. Sa isang tindahan ay isang banda ang tumutugtog, sa kasiyahan ng isang sinanay na kabayo, na sumasayaw kasaliw ng musika.Nagtungo kami sa direksiyon ng malakas na tunog ng elepante. Doon, sa gitna ng taniman ng mangga, ay ang mga elepante, 250 lahat. Anong maharlikang mga kinapal! Ang mga ito’y galing sa lahat ng dako sa India at Nepal. Gayunman, ang mga ito ay waring di mapakali marahil dahil sa maraming tao gayundin sa pagkanaroroon ng napakaraming iba pa na kauri nila.
Dito ay nakita namin si Harihar Prasad, isang 25-anyos na lalaking elepante na malakas na nagtutrumpeta. Ang may-ari sa kaniya, si Gangabux Singh, ay kabebenta lamang sa kaniya sa halagang 70,000 rupees. Kung isasaalang-alang ang kasalukuyang bentahan na 130,000 rupees para sa isang magandang elepante, ang presyo ay medyo mababa. Subalit si Harihar ay medyo mahirap pangasiwaan.
Si Harihar ay lumakad ng 22 araw upang marating ang perya, at ngayon ang may-ari sa kaniya ay nalulungkot na humiwalay sa kaniya. Subalit ang negosyo ay negosyo, at ang emosyonal na mga kaugnayan ay kailangang putulin. Nag-iisip kami kung nalulungkot din kaya si Harihar na iwan ang kaniyang dating mahout (tagasanay). Nang subukin ng kaniyang bagong tagasanay na pangasiwaan siya, pinutol ni Harihar ang kaniyang tali, kaya siya ay nakatanikala.
Upang pakalmahin siya at magkaroon ng maayos na paglilipat, ang kaniyang dating tagasanay ay maglalakbay na kasama niya sa kaniyang bagong tirahan. Doon, ang dalawang tagasanay ay magtatrabahong magkasama hanggang sa masanay ang bagong tagasanay kay Harihar at sa kaniyang mga kalooban. Nalaman namin na ang bagong may-ari ay walang balak na alagaan si Harihar sa loob ng mahabang panahon. Kaya maaaring ito ay ibalik sa Sonepur at muling ipagbili sa susunod na taon.
Maaari namang si Harihar ay dalhin ng mga tao mula sa Rajasthan upang maging isang elepante sa templo sa ilang malalayong lugar. Pagkatapos siya ay lubusang gagayakan at gagamitin sa paghila ng karo ng templo. O maaari rin siyang magwakas sa paghila ng mga troso sa liblib na mga kagubatan ng Andaman at Nicobar Islands, sa gawi pa roon ng Bay of Bengal.
Isang Perya na May Mahabang Kasaysayan
Bagaman tila walang sinuman ang nakatitiyak kung kailan o paano nagsimula ang perya ng hayop sa Sonepur, waring ito ay napatanyag noong panahon ng paghahari ng Mogul na emperador na si ‘Alamgīr (1658-1707). Si Rajeshwar Prasad Singh, isang lokal na may-ari ng lupa, ay nagsasabi na ang kaniyang pamilya ay umuupa sa perya para sa pagbibili ng kabayo mula pa noong 1887. Mula noong ika-19 na siglo patuloy, ang mga tagapagtanim ng indigo ng Britanong Raj ay nagtitipon dito kung panahon ng perya upang maglaro ng polo, karera ng kabayo, at magsayaw.
Ang mga maharaja na nagtutungo sa perya na may kasamang maraming alalay at nakatira sa pantanging mga tolda ay nakadaragdag ng kabantugan sa perya noong sinaunang mga panahon. Gayunman, habang ang pangangailangan para sa mga hayop ay nagpapatuloy, ang perya sa Sonepur ay patuloy na gaganapin. Kami’y naliligayahang gumugol ng ilang panahon sa pagkalaki-laki’t naiibang perya na ito, kung saan ang lahat ng uri ng mga hayop ang pangunahing mga atraksiyon.
[Talababa]
a Ang isang libong rupees ay katumbas ng halos $60, U.S.
[Larawan sa pahina 23]
Nagagayakang kabayo na itinatanghal sa mga nagmamasid
[Larawan sa pahina 24]
Si Harihar Prasad pagkatapos na ito ay ipagbili