Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Pagsusugal Ang inyong mga seryeng “Pagsusugal​—Sulit Ba?” (Hunyo 8, 1992) ay napakahusay sa pagpapakita ng mga epekto ng pusakal na pagsusugal, subalit hindi ito timbang. Upang ilarawan: Ang paglalasing ay masama, subalit ang pag-inom sa ganang sarili ay hindi masama. Sa katulad na paraan, ang pagsusugal ay maaaring maging makatuwirang gawain pagka ito’y ginawa sa isang timbang na paraan. Ang manaka-nakang sugarol ay hindi naman tamad o naghahangad ng mapandayang pakinabang.

J. R., Estados Unidos

Kami’y hindi sumasang-ayon na ang manaka-nakang pagsusugal ay maihahalintulad sa katamtamang pag-inom. Ang huling banggit ay hindi hinahatulan ng Bibliya. Gayunman, ang Bibliya ay tiyak na humahatol kapuwa sa pag-iimbot at anumang pagsamo sa “diyos ng Kapalaran.” (Isaias 65:11; 1 Corinto 6:9, 10) Ang isang taong nagsusugal kahit paminsan-minsan ay maaaring nauudyukan pa rin ng sakim na mga hangarin na makuha ang isang bagay sa kapinsalaan ng iba. Oo, ipinakikita ng mga karanasan na ang pusakal na pagsusugal ay kalimitang nagpapasimula sa di-sinasadyang paglilibang. Kung gayon ang mga Kristiyano ay may katalinuhang umiiwas sa lahat ng anyo ng pagsusugal.​—ED.

Dowsing Nais kong sabihin ang aking pagpapasalamat sa napakahusay na artikulong “Dowsing​—Siyentipiko o Okulto?” (Abril 22, 1992) Ang aking ama ay paminsan-minsang nagsasagawa ng panggagaway ng tubig. Sa bawat kilos ng kaniyang tungkod ay nagpapahiwatig ng tubig na isang talampakan ang kabuuang lalim sa pinagmumulan ng tubig. Samantalang sa Timog Amerika, nasaksihan ko ang katulad na isinagawang dowsing. Gayunman, doon sa bawat kilos ay nagpahiwatig ng isang metro. Bakit naging metriko? Maliwanag, ang natatagong katalinuhan ay malamang na nagmula sa demonyo.

W. B., Estados Unidos

Mga Dayuhan Salamat sa inyong mga seryeng “Tulungan N’yo Kami!​—Kami’y mga Dayuhan.” (Mayo 8, 1992) Noong nakalipas na tatlong taon ako’y nagpasiyang lumipat sa Hapón subalit hindi ko naisagawa iyon. Lagi kong nadarama na pinakamainam sana kung ako’y natuloy na lumipat. Gayunman, pagkatapos na mabasa ang inyong artikulo, aking napagwari na ako’y hindi pa handa, kung ang pag-uusapan ay ang pagkatuto sa wika at kultura.

D. G. A., Brazil

Ang artikulo ay nagpagunita sa akin ng aking sariling karanasan. Bagaman ako’y tubo sa Estados Unidos, mga ilang taon na ang nakalipas ako’y lumipat sa isang lugar na nangangailangan ng mga ebanghelisador. Naranasan ko ang ilang suliraning dinaranas ng mga dayuhan sa pakikibagay. Natutuhan kong sumulong pa at huwag ihambing ang aking bagong tahanan sa aking kinalakhan. Natuto pa nga ako ng tungkol sa halaman at hayop doon. Ang artikulo ay naging isang malaking tulong para sa akin, at tiyak ko na ito’y nakabagbag sa damdamin ng marami pang iba.

K. H., Estados Unidos

Di-sumasampalatayang mga Magulang Ako’y napatibay-loob ng artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano kung Hindi Ako Itaguyod ng mga Magulang Ko sa Aking Pananampalataya?” (Enero 8, 1992) Ang aking mga magulang ay masisigasig na mananamba ng mga ninuno at nais akong pahintuin bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Ako’y kadalasang nasisiraan ng loob, subalit nang aking makita ang panimulang mga pananalita ng artikulo, nabatid kong hindi ako nag-iisa sa kalagayang ito.

Y. M., Hapón

Ang aking mga magulang ay Katoliko at hindi ako pinapayagang dumalo sa mga pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova. Ako’y pinagbantaan nilang palalayasin sa bahay. Kaya ako’y natuwa nang dalhin ng isang kaibigan ang artikulo sa paaralan upang aking mabasa. Ito’y nagbigay sa akin ng lakas upang magtiis, at ngayon ako’y nagtitiwala na ang aking pagsisikap ay hindi walang kabuluhan.

H. W., Estados Unidos

Ang artikulo ay dumating sa mas tamang panahon. Palibhasa’y ako lamang sa aking pamilya ang isa sa mga Saksi ni Jehova, ako’y nakaranas ng maraming pagsubok buhat sa aking mga magulang. Ang inyong artikulo ay tumulong sa akin na pahalagahan ang pagsuporta ng aking Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae at kung paanong ako’y natulungan nila upang mapanatili ang aking espirituwalidad.

D. H., Estados Unidos