Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nananabik ang Sangkatauhan sa Isang Bagong Sanlibutan

Nananabik ang Sangkatauhan sa Isang Bagong Sanlibutan

Nananabik ang Sangkatauhan sa Isang Bagong Sanlibutan

ANG pananabik para sa isang bagong sanlibutan ay mas matindi ngayon higit kailanman. Ang nakalipas na walong dekada ng mga digmaan, kaguluhan, taggutom, salot, krimen, at polusyon ay naging isang masamang panaginip. Nais gumising ng sangkatauhan sa isang bagong sanlibutan ng kapayapaan. Tinutugon ang hangad na ito, ang mga lider ng daigdig ay nagsimulang magsalita tungkol sa paglikha ng sanlibutang iyon.

Walang alinlangang narinig o nabasa mo ang mga talumpati ng kilalang mga tao na nagsasabing malapit na ang isang bagong sanlibutan. Sinabi ng pangulo ng E.U. na si George Bush sa isang talumpati noong Setyembre 1991: “Ngayong gabi, habang nakikita ko ang drama ng demokrasya na nakikita sa buong globo, marahil​—marahil ay mas malapit na tayo sa bagong sanlibutang iyan kaysa noon.”

Bilang katibayan na malapit na ang bagong sanlibutang iyon, binabanggit ng mga lider ng daigdig ang wakas ng Cold War sa pagitan ng mga bansa sa Silangang bloke at sa Kanlurang bloke. Oo, ang daigdig ay medyo nakadarama ng kaunting ginhawa habang ang mga programa tungkol sa pag-aalis ng armas ay ipinatutupad. Ang pagbabawas ng mga sandatang nuklear ay nagpapatibay sa pag-asa ng maraming tao para sa isang bagong sanlibutan ng kapayapaan at katiwasayan.

Noong Abril ng taóng ito, si George McGhee, pangalawang kalihim ng estado noong administrasyon ng yumaong pangulo ng E.U. na si John F. Kennedy, ay nagpahayag: “Mayroon na tayong tsansa ngayon​—oo, ang pangangailangan—​na gumawa ng plano para sa isang sistema ng bagong sanlibutan batay sa bagong mga ideang panseguridad.” Susog pa niya: “Ang totoong maaasahang pag-asa para sa isang matagumpay na sistema ng bagong sanlibutan ay nakasalalay, sa paniwala ko, sa pagpapatibay sa mga buklod ng internasyonal na pamayanan.”

Sinabi ni McGhee na ang pagpapatigil ng Pransiya sa mga pagsubok nuklear hanggang sa katapusan ng 1992 ay “isang alok upang himukin ang iba pang mga kapangyarihang nuklear na gawin din ang gayon.” Binanggit din niya ang “pagkukusa [ng Russia] na bawasan ang nuklear na mga arsenal at umalis sa paligsahan mula sa kritikal na posisyon ng pagiging handa para sa estratihikong mga puwersang nuklear.”

Isa pa, sa isang miting ng mga pinuno ng daigdig sa London noong Hulyo 1991, pito sa kanila ang nagpahayag na ang koalisyon noong digmaan sa Persian Gulf “ay nagpatunay sa kakayahan ng internasyonal na pamayanan na sama-samang kumilos ‘upang isauli ang internasyonal na kapayapaan at katiwasayan at upang lutasin ang labanan.’”

Anong Uri ng Bagong Sanlibutan?

Lahat ng ito ay waring nakapagpapatibay-loob. Ngunit tanungin ang iyong sarili, Anong uri ng bagong sanlibutan ang inaasahang gawin ng mga bansa? Ito ba ay isang daigdig na walang-sandata, walang-digmaan?

Si McGhee ay sumasagot: “Dapat panatilihin ng Amerika ang sapat na lakas ng sandata upang makatulong sa anumang nagkakaisang pagsisikap militar sa hinaharap, o magtagumpay kung hindi maiiwasan ang digmaan.” Kaya hindi itinataguyod ng mga lider ng daigdig ang ganap na pag-aalis ng sandata, ni inaalis man nila ang pagsisikap militar kung, gaya ng sabi ni McGhee, “hindi maiiwasan ang digmaan.” Ang mga pamahalaan ay basta hindi makapangako ng isang bagong sanlibutan na walang-digmaan. Makatotohanan, batid nila na hindi sila makagagawa ng gayong sanlibutan.

Halimbawa, tingnan kung ano na ang nangyari. Sa ilalim ng pamagat na “The New World Order” sa Mayo 17, 1992, New York Times, ang kolumnistang si Anthony Lewis ay sumulat: “Pinanonood ang mga larawan sa telebisyon ng mga panudlang naglalaman ng mga eksplosibo na bumabagsak sa [Sarajevo, Bosnia at Herzegovina,] at ang mga sibilyan na nagsisiksikan sa takot, inaakala kong ang sibilisasyon ay hindi na sumulong mula noong mahulog ang mga bomba ng Nazi sa Rotterdam. Isang uri daw ng bagong sanlibutan.”

Gayunman, bukod sa pag-aalis ng digmaan, maraming iba pang problema na kailangang lutasin upang magkaroon ng isang kasiya-siyang bagong sanlibutan. Isaalang-alang ang lihim na mapaminsalang polusyon na unti-unting sumisira sa ating hangin, lupa, at dagat; ang makapangyarihang mga sindikato ng krimen at ilegal na mga organisasyong nangangalakal ng droga na nagnanakaw sa pag-aari at kalusugan ng angaw-angaw; ang walang patumanggang pagwasak sa mga kagubatan na nakatutulong sa pag-agnas ng lupa at sa wakas ay humahantong sa mga baha na sumisira sa mga pananim.

Isa pa, naghihintay pa rin ng lunas ang katakut-takot na mga karamdaman sa katawan, kasali na ang sakit sa puso, kanser, AIDS, leukemia, at diabetes. At kumusta naman ang tungkol sa mga problema ng kahirapan, kawalang-tahanan, kakapusan ng pagkain at tubig, malnutrisyon, iliterasya, at pagkaubos ng ozone layer? Oo, ang talaan ay nagpapatuloy. Ang kritikal na mga problemang ito ay tulad ng isang tambak na tumitiktak na mga bomba. Kailangang mapawalang-bisa ng tao ang mga ito bago ito sumabog sa isang sunud-sunod na kawing ng kapahamakan na maaaring humantong sa kaniyang pagkalipol. Makagagawa ba siya ng isang bagong sanlibutan sa madaling panahon upang gawin ito?

Sa loob ng mga taon ang mga organisasyon at mga komperensiya ay nagpapagal upang lutasin ang mga problema ng mundo. Gayunman, hindi lamang dumami ang mga problema kundi nagkaroon pa ng mas bago at mas masalimuot na mga problema. Ang kawalang-kakayahan ba ng tao na lutasin ang mga ito ay nangangahulugan na ang pananabik ng sangkatauhan para sa isang mapayapa, matiwasay na bagong sanlibutan ay walang-saysay? Buong pagtitiwalang masasagot natin ito nang hindi! Pakisuyong isaalang-alang kung bakit namin sinasabi ito.