Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Malaking Pagbabago Para sa UN?

“Ang United Nations ay maaaring hindi na kailanman maging gaya nang dati pagkatapos ng Earth Summit,” komento ni Charles Petit, isang manunulat sa siyensiya para sa San Francisco Chronicles. Isinusog niya: “Sa wakas ang lupong pandaigdig ay waring nagtatamo ng pagkilalang itinakda rito nang lagdaan ang karta nito 47 taon na ang nakalipas sa San Francisco.” Ang kapulungang taguyod-UN na Earth Summit, na ginanap noong Hunyo 1992 sa Rio de Janeiro, Brazil, ay nagsikap na harapin ang ilang suliraning pangkapaligiran na nakakaharap sa ngayon ng daigdig; marami ay maliwanag na napakalaki ang saklaw upang lutasin ng indibiduwal na mga bansa. Si Hilary French ng Worldwatch Institute ay nagsabi: “Kaya naman, ang mga bansa ay nagsusuko ng bahagi ng kanilang ganap na kapangyarihan sa internasyonal na pamayanan at nagpapasimulang lumikha ng isang bagong sistema ng internasyonal na pangkapaligirang pamahalaan.”

Mga Babae sa Lugar ng Trabaho

Parami nang paraming babae sa daigdig ang nagiging “aktibo sa kabuhayan,” o pumapasok sa trabaho, subalit nakakaharap pa rin nila ang napakalaking mga hadlang, ayon sa Finance & Development, isang magasing inilathala ng World Bank at ng International Monetary Fund. Tinataya ng magasin na mga 830 milyong babae sa buong daigdig ay aktibo sa kabuhayan, at na 70 porsiyento sa kanila ang naninirahan sa nagpapaunlad na mga bansa. Sa Aprika at sa ilang bahagi ng Asia, mas kakaunting mga batang babae kaysa mga batang lalaki ang nag-aaral sa paaralang sekundarya, kaya hindi kataka-taka na mga 75 porsiyento ng kababaihan na edad 25 at pataas ay hindi marunong bumasa at sumulat at na kalimitang mas mahirap para sa gayong mga babae ang makasumpong ng isang disenteng trabaho. Bagaman mas kakaunting mga babae kaysa mga lalaki ang aktibo sa kabuhayan, bahagyang ipinakikita nito kung ang mga babae nga ay nagtatrabaho yamang tinitiyak lamang ng istadistika ang pormal na trabaho at hindi ang mga gawaing ginagawa sa mga sambahayan o mga gawaing pinatatakbo-ng-pamilya. Ipinakita ng mga pagsusuri na sa Asia, Aprika, at sa Pasipiko, ang babae ay nagtatrabaho ng 12 o 13 oras na higit sa bawat linggo kaysa lalaki.

“Umiiral ang Impiyerno”?

“Ang impiyerno ay umiiral; ito ay walang-hanggan.” Gayon ang giit ng Italyanong mga Jesuita sa kanilang sinang-ayunan ng Vatican na pahayagang La Civiltà Cattolica. Maliwanag na sila’y nababahala tungkol sa kausuhan sa loob ng Iglesya Katolika na magsawalang-kibo sa ipinalalagay na katotohanan ng nag-aapoy na impiyerno at ang pagpapahirap nito. Halimbawa, kanilang binabatikos ang katekismo para sa mga kabataan na hindi naglalaan kahit man lamang isang pahina “sa misteryo ng pagpaparusa sa masama.” Iginigiit ng mga Jesuita na ang “apoy” ng impiyerno ay hindi basta “pagpapalayas sa harapan ng Diyos o ang taos na pagsisisi ng isinumpa” kundi, bagkus, ay nagsasangkot ng pahirap bilang kaparusahan sa makalupang mga kasalanan. Kanilang pinapayuhan ang mga teologo, mga pari, at mga katekista na magsalita tungkol sa impiyerno, lalo na sa mga kabataan. Hindi itinuturo ng Bibliya ang gayong doktrina, na sinasabing “hindi nalalaman [ng patay] ang anuman.”​—Eclesiastes 9:5.

Isinisi sa mga Komiks ang Seksuwal na mga Pagsalakay

Inakusahan kamakailan ng pulisya ng Tokyo, Hapón ang isang 16-na-taóng-gulang na estudyante sa high school ng 25 kaso ng seksuwal na pagsalakay. Ibinunton ng kabataan ang sisi sa malalaswang komiks. Sa isang pangyayari sinabi niyang siya’y nakabili sa isang tindahan ng isang komiks na detalyadong naglalarawan ng seksuwal na gawain at pagkatapos ay dinala sa palikuran ang isang sampung-taóng-gulang na batang babae at pinuwersa ang bata upang samahan siyang isagawa ang isa sa mahalay na mga larawan sa aklat. Inamin niya sa pulisya na naisagawa niya ang 24 na katulad na mga pagsalakay, at karamihan sa mga ito ay pinasigla ng malalaswang komiks. Ang The Daily Yomuiri ay nag-uulat: “Noong isang taon, 86 na krimen sa sekso na nagsasangkot ng mga bata na pinukaw ng malalaswang komiks ay iniulat sa Tokyo.”

Ang Pinakamatandang Panaderya?

Ang mga arkeologong gumagawa malapit sa mga piramide ng Ehipto ay nakatuklas ng malamang na pinakamatandang panaderya sa daigdig, ayon sa ulat ng Associated Press. Maliwanag na ang panaderya ay ginamit upang maglaan ng tinapay para sa mga nagtatayo ng mga piramide. Si Mark Lehner, isang nagsusuri sa sinaunang kapanahunan ng Ehipto at isa sa mga patnugot sa paghuhukay, ay nagsabi: “Sinasabi namin na may napakalaking panaderya rito, malamang na sapat upang pakanin ang 30,000 katao sa isang araw.” Inaakala ni Lehner na ang mga kalagayan sa paggawa sa panaderya ay maaaring nakatatakot, na may napakatinding init at napakakapal na itim na usok. “Ang mga silid na ito ay maaaring naging gaya ng kalangitan sa gabi na may kasamang ulan,” aniya. “Nadungkal namin ang 45 centimetro ng malapelus na itim, natipong abo.” Ipinalalagay na ang panaderya ay noon pang panahon ng pagtatayo ng piramide.

Pag-ulan ng Asido sa Hapón

Ang pag-ulan ng asido sa Hapón ay umabot sa mga antas na katulad nang masusumpungan sa Europa at Estados Unidos, ulat ng The Daily Yomiuri. Sinasabi ng pahayagan na pagka ang antas ng pH (sukat ng asido at alkalino) ng ulan ay bumaba sa 5.6, ang ulan ay maaaring ituring na asido. Isang komite ng pagsusuri na inatasan ng Japan’s Environment Agency ang sumukat sa karaniwang asido ng ulan sa nakalipas na mga taon at ang antas ay kasimbaba ng 4.3, napakababa sa antas ng asido. Bagaman hindi pa alam kung ang pag-ulan ng asido nga ang dahilan, nasumpungan sa ulat ng komite na maraming kagubatan ng sedro at pino sa Hapón ang napipinsala.

Mga Kagubatan at Pagsupil ng Atmospera

Ang ammonia ay isang mahalagang bahagi ng atmospera ng lupa. Isang kemikal na alkalino, maaari nitong gawing neutral ang asido sa pag-ulan ng asido. Subalit ang labis nito ay magiging dahilan ng mapanganib na kayumangging ulap ng polusyon sa maraming siyudad. Ang bagong mga pagsusuri ay nagpapahiwatig na ang mga kagubatan ay tumutulong sa atmospera upang mapanatili ang tamang timbang ng ammonia. Iniulat ng The Denver Post na sinukat ng mga siyentipiko ang dami ng ammonia sa hangin na ipinadpad sa mga kagubatan ng Colorado, E.U.A. Pagka mas kakaunting ammonia ang nasa hangin kaysa likas na antas sa mga selula ng dahon, ibinubuga ng mga halaman sa gubat ang kemikal sa hangin. Subalit pagka ang hangin ay nagtataglay ng mas mataas na antas ng ammonia, sinisipsip ng halaman ang ammonia sa halip na ibuga ito. Si Andrew Langford, isa sa mga siyentipiko na nagsagawa ng mga eksperimento, ay nagsabi: “Ang buong kagubatan ay may sapat na lakas upang supilin ang atmospera hangga’t hindi ito nadaraig ng (di-likas) na pinagmumulan ng polusyon.”

Natagpuan ang Libingan ni Caifas?

Ang waring libingan at mga labí ni Caifas, ang Judiong mataas na saserdote na may-kinalaman sa kamatayan ni Jesu-Kristo, ay natagpuan sa Jerusalem, ulat ng The Star, isang pahayagan sa Johannesburg, Timog Aprika. Ang natagpuan ay kinabilangan ng ossuary, o lalagyan ng mga buto, na may inskripsiyong “Yehosef bar Caiapha.” Si Caifas ay naging mataas na saserdote noong mga 18 C.E. at hindi lamang si Kristo ang pinag-usig kundi ang mga tagasunod din ni Kristo. Siya’y tinanggal sa kaniyang tungkulin noong mga 36 C.E. Binanggit din ng Judiong mananalaysay na si Josephus, si Caifas ay isa sa iilang sinaunang mga tao na ang mga labí ay dokumentado. Sinipi ng The Star ang isang arkeologo na nagsasabi: “Sa mahigit na isang libong mga ossuary na natagpuan sa Jerusalem, marahil lima lamang ang nakilala naming mga pangalan.”

Alkohol at Taba?

Hindi kaila na ang mga taong umiinom ng labis na inuming de alkohol ay malamang na tumaba. Pero bakit? Isang kamakailang pagsusuri sa University of Zurich, Switzerland, ay naglabas ng kawili-wiling posibilidad. Waring hindi lamang ang mga calorie sa alkohol ang nakakataba kundi kung paano rin nakaaapekto ang alkohol sa kakayahan ng katawan na gamitin ang taba. Matagal nang alam ng mga dalubhasa sa nutrisyon na ang katawan ay mabagal pagdating sa pagsunog ng taba, malamang na ito’y imbakin habang mas madaling kinukunsumo ang mga asukal at carbohydrate. Subalit ginagawa ng alkohol na mas mabagal na magsunog ng taba ang katawan. Sa isang eksperimento, ang mga lalaki ay inilagay sa isang diyeta na kabilang ang siyamnapung mililitro ng purong alkohol bawat araw​—halos katumbas ng anim na beer. Sa ganitong diyeta, ang mga lalaki ay nagsunog ng taba na halos ay wala pang sangkatlo kaysa dati. Mientras mas maraming taba sa diyeta, mas malamang na halata ang epekto nito.

“Isang Malungkot na Rekord”

Ang pahayagang Pranses na Le Figaro ay nag-uulat na ang 1991 ang pinakamalalang taon ng krimen sa kasaysayan ng Pransiya. Ang Pranses na mga ahensiya sa pagpapatupad ng batas ay nagsiwalat sa publiko ng pinakahuling istadistika sa krimen, nagpapakita na mahigit sa 3.7 milyon krimen ang iniulat sa Pransiya noong nakaraang taon​—isang pagdami na mas mataas ng 7 porsiyento kaysa noong 1990. Mahigit sa sangkapat ng mga krimeng ito ang naganap sa lugar ng Paris. May “kapasin-pansing pagdami sa halos lahat ng kategorya ng krimen,” mula sa “walang-katulad na karahasan sa mga arabal” hanggang sa “krimen na isinasagawa ng mga de opisina, lalo na sa gitna ng mga pulitiko,” sabi ng pahayagan. Ang pinakahuling mga bilang na ito ay nagsisiwalat na ang pagdami ng krimen sa Pransiya ay makapitong beses na mas mataas sa ngayon kaysa noong nakalipas na 40 taon. “Isang malungkot na rekord,” pagtatapos ng Le Figaro.

Habla sa Paglanghap ng Usok ng Sigarilyo

Ang New South Wales District Court sa Australia ay nagkaloob kamakailan ng malaking bayad-pinsala sa isang 64-anyos na babae na idinemanda ang kaniyang dating mga amo dahil sa malulubhang pinsala sa kalusugan na kaniyang sinasabi na dinanas niya pagkatapos makapagtrabaho sa isang kapaligirang puno ng usok sa loob ng maraming taon. Noong nakaraan, ang gayong mga kaso ay pinawawalang-bisa ng hukuman, subalit sa makasaysayang pasiyang ito, ang hukuman ay nagbigay ng $85,000 (Australian) sa naghabla. Iniulat ng pahayagang The Australian na ito ang kauna-unahang pagkakataon na ipinasiya ng hukuman na naisasapanganib ng naninigarilyo ang kalusugan ng mga di-naninigarilyo na nakalalanghap ng hanging punô ng usok. Inaakala ng ilan na ang pasiyang ito ay magkakaroon ng malaganap na epekto sa mga restauran, otel, nightclub, at iba pang lugar ng trabaho kung saan ang di-naninigarilyong mga empleado ay maaaring maghabla para sa malaking kabayaran kung hindi ilalaan sa kanila ang mga lugar ng trabaho na walang naninigarilyo.

Maagang Pagtatalik at Kaligaligan ng Isip

Ang pagtatalik ay maaaring maging dahilan ng maraming suliranin para sa mga kabataan maliban sa sakit benereo. Sang-ayon sa pahayagang La Stampa sa Italya, ang isang di-lubhang pinahahalagahang panganib ay na ang maagang pakikipagtalik ay magbibigay-daan sa “mga sakit sa isip na lilikha ng kaligaligan sa isip ng mga kabataan at sa kanilang personal na mga kaugnayan, hanggang sa sukdulang paglihis sa pamantayan ng paggawi, pag-abuso sa alak at droga, at krimen.” Sa isang kombensiyon na ginanap sa Roma, inorganisa ng Center for Psychosocial Studies at ng Italyanong Ministri ng Katarungan, pinagtibay na ang mga kabataan ay nagpapasimulang makipagtalik sa napakaagang edad. Ang karaniwang edad, ayon sa isang kasangguni, ay 17.