Pananampalataya ni Wyndham—Kung Paano Naapektuhan Nito ang Iba
Pananampalataya ni Wyndham—Kung Paano Naapektuhan Nito ang Iba
ANG magasing Gumising! ng Agosto 22, 1991, ay naglathala ng isang artikulo tungkol sa katapatan ni Wyndham Cook sa kautusan ng Diyos na nag-uutos sa mga Kristiyano na umiwas sa dugo. (Gawa 15:20; 21:25) Si Wyndham ay may namamagang mga ugat sa kaniyang lalamunan, at siya ay bahagyang hemophiliac (mahirap umampat ang dugo). Iniulat ng artikulo na naligtasan niya ang ilang insidente ng pagdurugo, isa rito ang insidente kung saan ang bilang ng kaniyang hemoglobin sa dugo ay bumaba pa sa 2. Nakalulungkot naman, ganito ang sabi ng isang talababa sa artikulo: “Nang ang magasing ito ay ililimbag, si Wyndham ay namatay pagkatapos dumanas ng isa pang pagdurugo.”
Epekto sa Kapuwa mga Kabataan
Maraming kabataan sa Estados Unidos ang sumulat sa Gumising! na nagpapahayag ng pagpapahalaga sa artikulo at inilalarawan ang epekto nito sa kanila. Ang isa mula sa Clinton, Iowa, ay nagsabi: “Nang mabasa ko kung paano nanindigan ang 15-anyos na kabataang lalaking ito sa mga doktor at matiyagang ipinaliwanag sa kanila kung bakit niya tinatanggihan ang dugo, pinangyari nitong suriin ko ang aking sariling pananampalataya at tanungin ang aking sarili kung ano ang aking gagawin. Ang pananampalataya at pagtitiis ni Wyndham ay nagpangyari sa akin na maging determinado higit kailanman na kung ako ay nasa buhay-at-kamatayang kalagayan, gayunding paninindigan ang aking gagawin.”
Isang liham buhat sa isang 15-anyos mula sa Maiden, North Carolina, ang nagsabi: “Pagkatapos basahin ang tungkol sa mga paghihirap ni Wyndham at ang kaniyang pagtitiwala kay Jehova kahit sa kamatayan, ako’y naiyak. Tinanong ko ang aking sarili ng sumusuri-pusong tanong na iyon, ‘Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, ilalagay ko ba ang aking buhay sa mga kamay ng Diyos at maglalagak ng lubos na tiwala sa kaniya na alalahanin ako?’
“Maraming beses na binasa kong muli ang artikulo, at balak kong sangguniin ito kailanma’t ako’y nalulungkot dahil sa mapang-aping daigdig na ito. Ang pananampalataya ni Wyndham ay nagbibigay ng pampatibay-loob. Inaasam kong makita siya sa bagong sanlibutang ipinangako ni Jehova.”
Isa pang kabataan, buhat sa New York City, ay sumulat: “Madalas kong ginugunita ang aking sarili sa isang kalagayan na katulad ng kay Wyndham Cook at ako’y nag-iisip kung ano ang sasabihin ko kung sasabihin sa akin ng aking doktor na ako ay mamamatay kung hindi ako magpapasalin ng dugo. Ako’y laging napupunô ng tibay-loob at napalalakas ng mahuhusay na mga halimbawa, gaya ng halimbawa ni Wyndham, na gawin ang lahat ng magagawa ko sa paglilingkod kay Jehova.”
Isang kabataan mula sa Kent, Washington, ang nagsabi: “Kinuha ko ang magasin sa koreo kahapon at nabasa ko na ito bago pa ako umuwi ng bahay. Tinawagan ko ang maraming kaibigan sa
kongregasyon at inirekomenda ko ang artikulo. Nang gabing iyon ay pinag-aralan namin ito sa aming pampamilyang pag-aaral.” Napapansin ang epekto nito sa kaniya, aniya: “Hindi lamang ito nakapagpapatibay-loob at nakapagpapalakas ng pananampalataya kundi nagpangyari ito sa akin, sa gulang na 17, na tanungin ang aking sarili kung ako kaya ay makapaninindigan sa gayong pagsubok.”Isang kabataan buhat sa North Berwick, Maine, ang sumulat: “Nauunawaan ko si Wyndham sapagkat ako man ay 15 anyos. Hindi ko masabi kung paanong ang kaniyang pagtitiis at tibay ng loob ay nag-udyok sa akin na gawin ang lahat ng magagawa ko sa paglilingkod kay Jehova. Kung nagawa niya ang gayon upang palugdan ang Diyos kahit sa kaniyang mahinang kalagayan, kung gayon anong dahilan ko upang hindi gawin ang pinakamabuting magagawa ko?
“Nang matapos kong basahin ang magandang artikulo, ang aking mga mata ay tigmak ng luha. Pakiwari ko ba’y nakilala ko na si Wyndham ng buong buhay ko. Sana nga. Pagkatapos ay minasdan ko ang larawan niya at ng kaniyang mga magulang at naisip ko na pinananabikan kong makitang muli ang kaniyang magandang ngiti pagkatapos ng pagkabuhay-muli kung kailan hindi na siya daranas pa ng kirot.”
Nais ipaalam ng isa pang 15-anyos sa mga magulang ni Wyndham ang nadama niya tungkol sa artikulo. Siya’y sumulat: “Ang tibay-loob ni Wyndham ay tumulong sa akin na makita na kailangan kong maging handa upang manindigan sa aking mga paniwala. Sa anumang oras ay maaari akong malagay sa katulad na kalagayan. Sana nga lang kung dumating ang panahon na kailangan kong manindigan, ako ay magiging matibay ang loob at determinado na gaya ni Wyndham sa pagsunod sa kung ano ang sinasabi ng Bibliya.
“Hindi ko nakikilala si Wyndham, na tiyak kong isang kalugihan sa ganang sarili, subalit ako’y tumatanaw sa hinaharap na makilala siya pagdating ng bagong sanlibutan. Ang kaniyang kuwento ay nagbigay sa akin ng inspirasyon na gawin ang lahat ng magagawa ko sa paglilingkod kay Jehova at gawin ito hanggang sa wakas.”
Nakapagpapatibay ng Pananampalataya sa Lahat
Isang magulang buhat sa Newark, New Jersey, ay nagsabi: “Ako’y naging isa sa mga Saksi ni Jehova sa loob ng 22 taon subalit dumadalo na ako ng mga pulong bago niyan. Regular kong binabasa ang lahat ng aking mga magasin, subalit hinding-hindi pa ako nakabasa ng kuwento na mas makabagbag-damdamin at nakapagpapatibay-loob na gaya niyaong kay Wyndham Cook.
“Ngayon ang tanging magagawa ko ay patuloy na tuparin ang aking bigay-Diyos na papel bilang isang magulang sa pamamagitan ng pagtulong sa aking sampung-taóng-gulang na anak na babae na manindigang matatag at ipagtanggol ang pananampalataya na gaya ng ginawa ni Wyndham. Ito man ay tungkol sa isyu sa dugo, droga, sekso, o anumang bisyo na dinadala sa ating lahat ni Satanas, lalo na sa ating mga kabataan, dapat tayong manatiling matatag sa pamamagitan ng pagpapatibay sa ating pananampalataya.”
Isang Saksi mula sa Cadiz, Kentucky, ang nagpahayag ng kahawig na mga damdamin, na sumusulat: “Ito ang isa sa makabagbag-damdaming artikulo na kailanma’y nabasa ko. Si Wyndham ay isang mahusay na halimbawa na dapat tularan ng lahat ng mga kabataan. Naiyak ako habang binabasa ko kung ano ang naranasan ng magaling na kabataang Saksi na ito. Natanto ko na tayong lahat, bata’t matanda, ay dapat sumunod sa kaniyang magiting na paninindigan. Ang halimbawa ni Wyndham ay nagpangyari sa akin na suriing-muli ang aking sarili. Tinulungan pa nga ako nitong puspusang gumawa nang buong-puso para kay Jehova, laging sinisikap na magpakita ng mabuting halimbawa, tulad ni Wyndham, upang pakabanalin ang pangalan ni Jehova.”
Isa pang Saksi mula sa Palm Springs, California, ay sumulat: “Ang artikulo ay lalo nang nakaantig ng aking damdamin. Mayroon akong limang anak, at inaasahan at ipinananalangin kong kailanma’t mapaharap sila sa ganitong uri ng mahigpit na pagsubok, sila ay magkakaroon ng matibay na pananampalataya na taglay ni Wyndham. . . . Si Wyndham ay isang mainam na halimbawa para sa ating mga kabataan.”
Ang tunay na pananampalataya ay ang tiyak na pag-asa sa mga bagay na hinihintay kahit na hindi pa nakikita o nararanasan ng isa ang mga bagay na ito. (Hebreo 11:1) Si Wyndham ay may pananampalataya sa bagong sanlibutan ng Diyos at sa pagkabuhay-muli ng mga patay dahil sa tumpak na kaalaman tungkol sa mga pangako ng Bibliya. (Gawa 24:15; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4) Ang gayong pananampalataya, na ipinakikita kahit sa harap ng kamatayan, ay tiyak na nakapagpapatibay sa pambuong-daigdig na kapatiran.—1 Pedro 5:9.