Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kahali-halinang Daigdig ng Libangan

Ang Kahali-halinang Daigdig ng Libangan

Ang Kahali-halinang Daigdig ng Libangan

HOLLYWOOD! Saan ka man nakatira sa daigdig, ang pangalang iyan ay malamang na magpagunita sa iyo ng mga kaisipan tungkol sa mga pelikula at libangan. Tinatawag ng marami na kabisera ng libangan ng daigdig at Tinseltown, walang ibang lugar ang halos kasingkahulugan ng show business na gaya ng arabal na ito ng Los Angeles, California. Wari ngang ito ang sentro ng daigdig ng ningning at halina. Gaya ng sabi ng isang manunulat, “ang larawan ng Hollywood bilang ang tagagawa ng mga pantasiyang pelikula ay naging pambuong-daigdig.”

Libangan​—Malaking Negosyo

Ngunit hindi lamang ang larawan ng Hollywood ang lumaganap sa buong daigdig; ang “Hollywood” ay isang pagkalaki-laki, sumasakop-sa-daigdig na negosyong nagluluwas. Sa katunayan, ayon sa magasing Time, kasunod ng mga kagamitang pangkalawakan, ang libangan ang ikalawang pinakamalaking produktong iniluluwas ng Estados Unidos. Ang industriya ng libangan ay nagkakamal ng daan-daang bilyong dolyar taun-taon, at malaking bahagi​—mga 20 porsiyento—​ang nanggagaling sa ibang bansa.

Ang Estados Unidos ay kumikita mula sa 35 porsiyento ng pamilihan ng benta-ng-aklat ng daigdig, 50 porsiyento ng kita ng rekording, 55 porsiyento ng kita kapuwa ng pelikula at home video nito, at mula 75 hanggang 85 porsiyento ng kita nito sa TV.

Kapalit ng pagkalaki-laking kayamanang ito, nililibang ng Hollywood ang daigdig. Hindi naman sa ang daigdig ay laging naliligayahan dito​—mahigit sa isang bansa ang nagreklamo tungkol sa kultural na imperyalismo ng Amerika, sapagkat tinatalikdan ng kanilang mga kabataan ang lokal na kultura pabor sa maningning na mga idea at mga ugali na ipinakilala mula sa Amerika. Gayunman, hindi naman ibig sabihin niyan na ang libangan ay nanggagaling lamang sa Estados Unidos. Maraming bansa ang mayroong kanilang sariling industriya ng libangan​—mga pelikula, TV, mga rekording, aklat, isports, at iba pa.

Libangan​—Anong Dali Ngayon

Sinuman ang umaaliw o dapat umaliw sa daigdig, ang kapansin-pansing bagay ay na ang libangan mismo ay napakadaling makuha, napakasagana ngayon anupat kailangan nating pakitunguhan ang isang lubhang nagbagong kalagayan na maitutulad sa isang rebolusyon. Upang ilarawan: Kung ikaw ay nabuhay noong nakaraang dantaon, gaano kadalas ka kayang naaliw ng sanáy, may talinong mga tagapagtanghal? Kahit na kung ikaw ay nakatira sa pinakamayamang bansa, malamang na ikaw ay salat sa libangan sa paningin ng marami sa salinlahi ngayon. Halimbawa, mahihirapan ka pang maglakbay tungo sa isang opera o sa isang konsiyertong symphony. Ngayon tayo ay basta nakikinig sa nabibitbit na mga stereo na nagpapatugtog ng anumang uri ng musika na umiiral, o tayo’y nauupo sa upuan ng pamilya at, sa pagpindot sa isang buton, tayo ay nalilibang ng halos anumang uri ng maiisip na pagtatanghal.

Sa anumang maunlad na bansa, makasusumpong ka sa maraming tahanan ng hindi kukulanging isang TV, isang VCR, at isang CD (compact disc) o isang cassette player, gayundin ng iba pang elektronikong kagamitan. Ang ilang bata ay lumalaki na may mga TV monitor sa paligid ng bahay na halos parang karaniwang mga salamin. Sa hindi gaanong maunlad na mga bansa, maraming nayon at pook ang may lokal na sentro para sa TV kung saan nagtitipon ang mga tao kung gabi upang malibang. Ang sangkatauhan ay wala nang inisip kundi TV. Ang malayang mga oras ay punô ng parami nang paraming anyo ng libangan.

May masama ba riyan? May anuman bang panganib sa modernong libangan? O ang pagsagana ba ng libangan ngayon ay basta nangangahulugan ng isang paghiya sa mga kayamanan? Magkaroon tayo ng isang timbang na pangmalas sa kahali-halinang daigdig ng libangan.