Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Anong Libangan ang Pipiliin Mo?

Anong Libangan ang Pipiliin Mo?

Anong Libangan ang Pipiliin Mo?

ANG pagkakaroon ng isang timbang na pangmalas sa libangan ay isang bagay. Ang pagiging timbang sa kung anong libangan ang ating pinipili ay ibang bagay naman. Napakadaling makita na ang libangan ay may kaniyang wastong dako, subalit karamihan nito ay mababang uri at walang kuwenta at isang pag-aaksaya lamang ng panahon. At, mayroon pa tayong pang-araw-araw na mga pasiyang dapat gawin​—at ang mga ito ay hindi laging madali.

Gaya ng nakita natin, hindi ginagawang mas madali ng industriya ng libangan ang pagpapasiya. Napakaraming mapagpipilian, subalit sa loob ng libu-libong taon, binigyan ng Bibliya ang tapat-pusong mga tao ng patnubay na kailangan nila. Hindi nagawang lipás na ng makabagong teknolohiya ang mga simulain ng Bibliya; sa halip, higit kailanman ang mga ito ay mas kapaki-pakinabang at kinakailangan sa maligalig na mga panahong ito. Kaya ating tingnan kung paano natin maikakapit ang mga simulaing iyon kung tungkol sa dalawang mapanganib na dako ng libangan​—ang nilalaman nito at ang panahon na kinukunsumo nito.

Ano ba ang mga Panuntunan ng Bibliya?

Isang kabataan ay nagpakamatay, at natuklasan na siya ay lubhang nasangkot sa musikang rock na heavy metal na humihimok ng pagpapatiwakal. Hinampas ng isang 14-anyos na babae ang kaniyang nanay sa kamatayan, at waring siya man ay nasangkot sa musikang heavy metal. Pinatay ng isang 15-anyos na lalaki ang isang babae, at sinasabi ng kaniyang abugado na siya ay naimpluwensiyahan ng mga pelikulang nagtatampok ng marahas na pagpapahirap sa layong manakot. Isang pelikula tungkol sa karahasan ng gang ang nagbubukas, at may marahas na mga labanan ng gang doon mismo sa loob ng mga sinehan at sa gitna ng mga pumipila sa pelikula.

Maliwanag, ang nilalaman ng libangan na ating pinipili ay may epekto sa atin. Maaaring pawalang-saysay ng ilang eksperto ang nabanggit na mga pangyayari bilang katibayan na batay sa hiwalay na mga pangyayari na hindi kapani-paniwala. Gayunman, ang mga simulain ng Bibliya ay tuwirang tumutukoy sa problema. Halimbawa, isaalang-alang ang maliwanag na mga salitang ito: “Siyang lumalakad na kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas, ngunit siyang nakikitungo sa mga mangmang ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Hindi ba ang ilang libangan ay ganiyan nga​—paglakad, o pakikisama, sa mga taong mangmang, o walang-muwang sa moral? Sa katulad na paraan, ang 1 Corinto 15:33 ay kababasahan ng ganito: “Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” Walang malabo o hindi tiyak na mga pananalita rito, walang mga eksperto na may magkasalungat na mga pangmalas na pinagtatalunan ang mga estadistika. Ito ay isang payak na batas ng kalikasan ng tao. Kung tayo ay regular na nakikisama sa mga taong may mababang moral, ang atin mismong ugali ay negatibong maaapektuhan.

Ang gayong mga simulain ay nakatutulong din pagdating sa pag-idolo sa mga bituin sa isports, pelikula, TV, at musika. Bagaman kadalasang niluluwalhati ng kilalang mga tagapagtanghal ang karahasan o imoralidad, kapuwa sa kanilang mga pagtatanghal at sa kanilang personal na mga buhay, ang kanilang mga tagahanga​—lalo na ang mga kabataan​—ay waring hinahangaan pa rin sila. Ganito ang sinabi ng pahayagang The European kamakailan: “Binabanggit ng mga sosyologo na sa isang lipunan na lubhang nagiging sekular maaaring tinutupad ng mga pop star ang papel na dating ginampanan ng relihiyon sa buhay ng maraming kabataan.” Subalit pansinin ang sinasabi ng Awit 146:3: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas.” At ang Kawikaan 3:31 ay nagsasabi: “Huwag kang managhili sa taong marahas, ni pumili ka man ng anuman sa kaniyang mga lakad.”

Isa pang mahalagang simulain: Kapag nagpapasiya, dapat isaalang-alang ng mga Kristiyano ang epekto hindi lamang sa kanilang sarili kundi ang epekto rin naman nito sa iba sa kongregasyong Kristiyano, pati na yaong mayroong mas sensitibong mga budhi. (1 Corinto 10:23-33) Sa positibong panig, tinutulungan din tayo ng mga simulain ng Bibliya na magtakda ng mga pamantayan para sa libangan na ligtas nating mapipili. Si apostol Pablo ay nagpapayo: “Sa wakas, mga kapatid, ano mang bagay ang totoo, ano mang bagay ang karapat-dapat pag-isipan, ano mang bagay ang matuwid, ano mang bagay ang malinis, ano mang bagay ang kaibig-ibig, ano mang bagay ang may mabuting ulat, kung may ano mang kagalingan at kung may ano mang kapurihan, patuloy na pag-isipan ninyo ang mga bagay na ito.”​—Filipos 4:8.

Ang mga simulaing ito ang pumatnubay sa bayan ng Diyos sa loob ng mga dantaon. Ang mga Kristiyano sa sinaunang Roma ay hindi nangailangan ng ilang maliwanag na kautusan na nagsasabi sa kanila na ang mga laro ng gladiator, taglay ang lahat ng pagpapatayan at sadismo nito, ay hindi wastong libangan. Basta ikinakapit nila ang mga simulain na nabanggit sa itaas at sa gayo’y naingatan nila ang kanilang mga sarili, ang kanilang mga pamilya, at ang kanilang mga kongregasyon.

Paano Pipili

Gayundin ang ginagawa ng tunay na mga Kristiyano sa ngayon. Kapag pumipili ng libangan, sinusuri muna nila ang moral na nilalaman nito. Paano? Buweno, bago bumili ng isang plaka, halimbawa, tinitingnan nila ang takip nito. Paano ba iniaanunsiyo ang musika? Itinataguyod ba nito ang mababang mga pamantayan? Pagkapoot? Paghihimagsik? Matinding galit? Sekso at pang-aakit sa masama? Kung minsan ang mga liriko ay maaaring suriin. Sa kahawig na paraan, ang mga pabalat ng aklat ay kadalasang nagtataglay ng mga buod ng nilalaman ng aklat, at kung minsan ay may makukuhang mga rebista. Sa mga pelikula rin naman ay kadalasang may mga rebista sa lokal na mga pahayagan at mga magasin. Ang ilang bansa ay nagbibigay ng mga sistema sa pag-uuri sa pelikula na maaaring tumulong upang maglaan ng mga panuntunan. Maliwanag, kung inaakala ng masamang sanlibutan sa ngayon ang ilang libangan na masyadong patungkol sa sekso, imoral, o marahas, mahirap isipin na ibaba ng isang Kristiyano ang kaniyang mga pamantayan at kusang ipapasok ito sa kaniyang isip at puso.

Sa kabilang dako naman, ang matalinong si Haring Solomon ay nagbabala minsan: “Huwag kang lubhang magpakamatuwid, ni huwag ka mang lubhang magpakapantas. Bakit sisirain mo ang iyong sarili?” (Eclesiastes 7:16) Ang pag-aakalang ikaw ay mas matuwid kaysa iba ay isang napakadaling silo kung saan maaaring mahulog ang isa kung ang pag-uusapan ay libangan. Maaaring kumbinsido tayo na tama ang ating napiling libangan, pagkatapos na maingat at may panalanging timbang-timbangin natin ang mga simulain ng Bibliya. Gayunman, maaaring masumpungan natin na ang iba na namumuhay sa gayunding mga simulain ay nagpasiya nang naiiba. Huwag hayaang mag-alis iyon sa iyo ng kagalakan. Ang bawat isa sa atin ay dapat managot sa kaniyang sariling mga pagpili.​—Galacia 6:4.

Gaano Karami ang Napakarami?

Ang sistema ng pamantayan ng daigdig ay maliwanag na hindi kasukat pagdating sa prayoridad na iniaatas nito sa malayang panahon. Halimbawa, tinawag kamakailan ng isang editoryal sa babasahing pangkalakal na Parks & Recreation ang dibersiyon na “ang diwa ng pamumuhay.” Sa katulad na paraan, ganito ang sabi ng The New York Times Magazine kamakailan tungkol sa gabi ng Sabado, isang popular na panahon para sa dibersiyon: “Kung tutuusin mo ito, mas maraming mga araw sa loob ng sanlinggo sa ating mga buhay kaysa mga gabi ng Sabado, subalit ang gabi ng Sabado ang gumagawa sa buhay na makabuluhan.” Ang ilang sosyologo ay nangangatuwiran pa nga na sa mas mayayamang bansa sa daigdig, ang lipunan ngayon ay nasasalig sa malayang panahon, na ang relihiyon mismo ay isa lamang gawain sa malayang-panahon.

Ang mga Kristiyano ay hindi nagtataka sa pilipit na mga prayoridad na ito. Malaon nang inihula ng Bibliya na sa mapanganib na “mga huling araw” na ito, ang mga tao ay magiging “maibigin sa kanilang sarili, . . . maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-4) Subalit tayo ay tinutulungan ng mga simulain ng Bibliya na ilagay sa wastong dako ang ating sariling mga prayoridad. Gaya ng sabi ni Jesus, “iibigin mo si Jehova mong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong isip mo at nang buong lakas mo.” (Marcos 12:30) Kaya nga, sa bayan ng Diyos, ang pag-ibig nila sa kaniya ang pangunahin sa buhay. Hindi inilalagay ang kanilang ministeryong Kristiyano sa isang gawain sa malayang-panahon, ito ang inuuna nila. Kahit na ang kanilang sekular na trabaho ay bilang panustos lamang sa mahalagang karerang iyon.​—Mateo 6:33.

Kaya pagdating sa libangan, dapat tayahin ng isang Kristiyano ang halaga, alamin kung gaanong panahon ang kukunin nito kung ihahambing sa kung sulit ba ang panahong gugugulin dito. (Lucas 14:28) Kung ang pagtataguyod ng anumang libangan ay mangangahulugan ng pagpapabaya sa mahahalagang bagay, gaya ng personal o pampamilyang pag-aaral ng Bibliya, ng panahon na kasama ng mga kapuwa kapananampalataya, ng ministeryong Kristiyano, o ng mahahalagang pananagutan sa pamilya, kung gayon hindi ito sulit sa halaga.

Kung Ano ang Isinisiwalat Tungkol sa Iyo ng Iyong Pinipili

Ang dami ng panahon na itinatalaga natin sa libangan ay magsisiwalat ng marami tungkol sa ating mga prayoridad, kung paanong isisiwalat ng nilalaman ng libangang ating pinipili ang maraming bagay tungkol sa ating moral at katapatan ng ating pag-aalay. Ang ating pinipili ay magsasabi sa mga tao sa pamayanan kung anong uri ng tao tayo, kung anong mga pamantayan ang ating itinataguyod. Ang ating mga pinipili ay magsasabi sa ating mga kaibigan, sa ating pamilya, at sa ating kongregasyon kung baga tayo ay timbang o mahigpit, walang pagbabago o paimbabaw, matuwid o nag-aakalang tayo’y matuwid kaysa iba.

Hayaang ang iyong mga pasiya ay kumatawan sa iyong mga paniwala at mga pamantayan at yaong sa iyong pamilya, yamang ikaw ay tumatayo sa harap ng Maylikha, na sumusuri sa mga puso at mga motibo nating lahat. Ang Hebreo 4:13 ay nagsasabi: “At walang ano mang nilalang na hindi nahahayag sa kaniyang paningin, kundi lahat ng bagay ay hubad at nakalantad sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.” Tanging ang Diyos lamang ang makakikita sa sagot sa tanong na nasa sentro ng paksang ito: Tayo ba ay talagang paaakay sa mga simulain niya sa bawat pitak ng ating buhay?

[Larawan sa pahina 8]

Ang libangang pinipili mo ay maraming isinisiwalat tungkol sa iyo at sa iyong pamilya

[Larawan sa pahina 9]

Maingat ka ba sa iyong pinanonood, pinakikinggan, at binabasa?