Bakit Hindi Nagpapakita ng Higit na Interes sa Akin ang Aking mga Magulang?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Hindi Nagpapakita ng Higit na Interes sa Akin ang Aking mga Magulang?
“Kailanman at hihingi ako sa aking ina ng limang minuto ng kaniyang panahon,” panangis ng isang babaing tin-edyer, “siya’y laging napakaabala.”
SI Christina ay 16-anyos—walang asawa at nagdadalang-tao. Bagaman siya ay taos na nagsisisi sa kaniyang kalagayan, masama rin ang loob niya. “Hindi kailanman ipinaliwanag sa akin ng aking ina ang mga bagay na ito,” hikbi niya. “Siya ay basta hindi kailanman nagkaroon ng panahon upang maging interesado sa kung ano ang aking ginagawa.”
Ganiyan ba ang nadarama mo kung minsan—na ang iyong mga magulang ay basta hindi interesado sa iyo? Maaaring hindi mo ipahayag ang iyong mga kabiguan sa paraan na gaya ng ginawa ni Christina. At alam mo na ang pagkakaroon ng pabayang mga magulang ay hindi maaaring ibigay na dahilan para sa maling paggawi. Gayunman, maaaring masamang-masama ang loob mo na ikaw ay pinababayaan nila. Bagaman malapit ka nang maging may sapat na gulang, maaari ka pa ring makadama ng matinding pangangailangan sa pag-ibig at alalay ng mga magulang. Ang ikaw ay waling-bahala ng iyong mga magulang ay maaaring magpadama sa iyo na ikaw ay pinabayaan. “Kailanman at hihingi ako sa aking ina ng limang minuto ng kaniyang panahon,” panangis ng isang babaing tin-edyer, “siya’y laging napakaabala.”
Hindi kataka-taka, kung gayon, na ayon sa isang surbey, 25 porsiyento ng mga kabataan “ang nakadarama na sila ay walang sapat na panahon na kasama ng kanilang mga magulang.” Isang kabataan ang nagsabi: “Sana’y maging malapit ako sa aking mga magulang at maipagtapat ko sa kanila ang aking mga niloloob.” Kahit na kung ang mga kabataan at ang mga magulang ay magkasama sa pisikal, sila ay maaaring emosyonal na magkalayo. Maaaring walang mahalagang pag-uusap.
Kung Bakit Waring Hindi Ka Nila Pinapansin
Isip-isipin: Maghapon kang naghintay upang ipakipag-usap sa iyong inay ang ilang problema. Subalit pagdating na pagdating niya ng bahay galing sa trabaho, siya’y sumasalampak sa isang silya at ibinibigay ang lahat niyang pansin sa panggabing balita sa TV. Kung susubukin mong kausapin siya, may pagkainis na itataboy ka niya, “Hindi mo ba nakikitang nagpapahingalay ako?”
Isang malamig, hindi mapagmahal na magulang? Hindi, bihirang mga magulang ang sadyang pinababayaan ang kanilang mga anak. Ngunit tayo ay nabubuhay sa “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-3) At maaaring nasusumpungan ng iyong mga magulang ang kanilang mga sarili na nasa ilalim ng kaigtingan na higit kaysa rati. Maaaring napakaigting nila, bigo, o pagod anupat maaaring wala na silang lakas upang gumugol ng panahon na kasama mo na nagbubunga ng mahalagang mga resulta. Ito ay maaaring totoo lalo na kung ikaw ay nakatira sa isang sambahayan ng nagsosolong-magulang. Kaya malibang ang iyong mga magulang ay makarinig ng reklamo mula sa iyo, maaaring inaakala nilang maayos naman ang lahat ng bagay.
Ang mga magulang ay maaaring abala rin sa iba pang bagay. Kung ang iyong ama ay isang aktibong Kristiyano, maaaring dala niya ang isang mabigat na pasan ng pananagutan sa kongregasyon. (Ihambing ang 2 Corinto 11:28, 29.) At bagaman maaaring bihira niyang banggitin ang tungkol dito, ang iyong ina ay maaaring naaabala ng dumaraming suliranin sa kalusugan. Ikaw ba’y may mga kapatid na lalaki at babae? Kung gayon ang iyong mga magulang ay maaaring abala rin sa pag-aasikaso sa kanilang mga pangangailangan.
Totoo, ang ilang magulang ay nakikipagbaka sa gayong mabibigat na problema na gaya ng alkoholismo at hindi nila natutugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak. Gayunman ang iba ay basta hindi alam kung paano magpapakita ng interes sa kanilang mga anak. Sa paano man, ang mga anak ay natututong magmahal mula sa kanilang mga magulang. (Ihambing ang 1 Juan 4:19.) At marahil ang inyong mga magulang ay pinalaki ng mga magulang na hindi nagpakita ng interes sa kanila.
At nariyan din ang bagay na talagang hindi iniintindi ng ilang kultura ang mga pangangailangan ng mga kabataan. Sa ilang bahagi ng Aprika, kaugalian nang ang mga ama, ina, at mga bata ay hindi sabay-sabay kung kumain. Taglay ang anong epekto? Gunita ni Collin, isang 14-anyos na kabataang Aprikano: “Mahirap na makadama ng malapit na damdamin sa aking mga magulang. Nadama kong para ba akong nangangapa sa buhay sa ganang sarili ko.”
Mga Patibong na Dapat Iwasan
Anuman ang dahilan ng waring pagpapabaya ng iyong mga magulang, maaari ka pa ring makadama ng sama ng loob at galit. Ang ilang kabataan ay tumutugon sa pamamagitan ng hindi pakikipagtulungan o hindi pagsunod. Ang iba naman ay nagpapasiyang ang paghihimagsik ang tanging paraan upang mapansin ang kanilang problema. Subalit gaya ni Christina, nabanggit sa simula, ang mapaghimagsik na mga kabataan ay kadalasang walang nagagawa kundi ang saktan ang kanilang sarili sa paggawa nito. “Ang paglilo ng mga walang karanasan ang papatay sa kanila,” babala ng Kawikaan 1:32.
Sa kabilang dako, kaunti ang nagagawa kung wawaling-bahala ang kalagayan—lalo na kung ito ay lubhang nakasasama ng loob mo. “Ikaw ba’y nanlulupaypay sa kaarawan ng kasakunaan?” tanong ng Kawikaan 24:10. Kung gayon, “ang iyong kalakasan ay munti.” Ang mga sugat ng damdamin ay maaaring mas tunay at kasingkirot ng pisikal na mga sugat. (Kawikaan 18:14) At kung ito ay hahayaang magpatuloy, ito ay maaaring magdulot ng kirot hanggang sa pagkakaedad. Isaalang-alang ang binatang nagngangalang Johan. “Nang ako ay lumalaki,” gunita ni Johan, “ang aking alkoholikong ama ay hindi ko makausap nang kailangang-kailangan ko siya.” Susog pa niya: “Abalang-abala siya sa kaniyang sariling mga problema upang mapansin ako.” Bilang isang adulto, si Johan ay dumanas ng mahahabang yugto ng panlulumo at pagkadama ng pagkakasala.
Sa tulong ng ilang mababait na kaibigan, muling naitayo ni Johan ang kaniyang pagpapahalaga-
sa-sarili. Gayumpaman, idiniriin ng kaniyang karanasan ang halaga ng pagsisikap na humanap ng positibong mga paraan upang malutas ang kalagayang nakakaharap mo sa tahanan.Linangin ang Interes Nila sa Iyo
Ipagpalagay nang si Itay o si Inay ay bihirang mauna sa pakikipag-usap sa iyo. Maaaring wakasan mo ang asiwang katahimikan sa pagpapakita ng interes sa kanila. (Mateo 7:12; Filipos 2:4) Magboluntaryong sumama sa kanila kung sila ay may pupuntahan upang kumuha ng isang bagay. Tanungin kung may maitutulong ka sa kanila sa ilang paraan, marahil sa paghahanda ng pagkain o sa paglilinis. Hindi magtatagal ay maaari mong sabihin ang iyong mga pagkabalisa, gaya ng kung ano ang nangyayari sa paaralan.
Gayunman, kung minsan ay maaaring may ilan kang malubhang mga problemang ipakikipag-usap. Maaaring maging hindi mabisa para sa iyo na lapitan si Itay kapag siya ay nakahiga sa sopá, nagpapahinga pagkatapos ng nakapapagod na maghapon sa trabaho. Sikaping hanapin ang “tamang panahon”—kapag siya ay relaks at masaya—upang pag-usapan ang mga bagay-bagay. (Kawikaan 15:23) Malamang na mas magpapakita siya ng interes sa iyong mga problema.
Gayunman, ano kung ang iyong mga magulang ay hindi tumugon sa iyong pinakamabuting mga pagsisikap? a Ang Kawikaan 15:22 ay nagpapaalaala sa atin na “kung saan walang pag-uusap ay nabibigo ang mga panukala.” Oo, maaaring kailangang sabihin mo sa iyong mga magulang (sa mabait at mataktikang paraan, mangyari pa) na inaakala mong hindi sila nagpapakita ng sapat na interes sa iyo at dahil dito ay nakadarama ka ng sama ng loob at hindi ka mahal. Marahil gusto mo lamang ng ilang komendasyon paminsan-minsan, o pahahalagahan mo ang ilang tulong sa iyong araling-bahay.
Ang iyong mga magulang ay baka magulat na malaman na ganito ang nadarama mo. Maaaring agad nilang tiyakin sa iyo ang kanilang pag-ibig at marahil ay hihingi pa nga ng paumanhin sa pagbibigay sa iyo ng maling impresyon. Kadalasan ang mga magulang ay gagawa ng tunay na pagsisikap na magbago minsang itawag-pansin sa kanila ang isang problema.
Sa kabilang dako naman, marahil isisiwalat ng iyong pakikipag-usap na may mga hindi pagkakaunawaan sa iyong bahagi. Marahil ay hindi mo lamang napansin ang iba’t ibang paraan na sila ay nagpakita ng interes sa iyo. Anuman ang kalagayan, ang pakikipag-usap ng mga bagay-bagay ay isang mahalagang hakbang upang mapabuti ang mga bagay sa tahanan.
Pagpuno sa Bakante
Ano kung hindi ka pa rin tumatanggap ng mabuting pagtugon mula sa iyong mga magulang? Nauunawaan naman, ito ay magiging lubhang masakit. Gayumpaman, may iba pang mapagpipiliang bukás sa iyo.
Halimbawa, sikaping humanap ng isa—mas maigi ang isang tao na mas matanda sa iyo—na makatutulong na punan ang bakanteng dako na iniwan ng iyong hindi nag-iintinding mga magulang. Gaya ng pagkakasabi rito ng Kawikaan, may isang kaibigan “na ipinanganganak ukol sa kasakunaan.” (Kawikaan 17:17) Hanapin ang gayong uri ng kaibigan. Subalit maging mapamili sa kung anong payo ang tatanggapin mo, tinitiyak na ito ay sa iyong pinakamabuting kapakanan at kasuwato ng Salita ng Diyos.
Ang isa pang pinagmumulan ng tulong at alalay ay ang lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Doon ay makasusumpong ka ng espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae, mga ama at ina na magpapakita ng tunay na interes sa iyo at tutulungan ka na lumaki sa espirituwal at emosyonal na paraan. (Marcos 10:30) Si Collin, ang kabataang Aprikano na nabanggit kanina, ay nakasumpong ng gayong mga kaibigan. Nakadaramang nangangailangan siya ng patnubay, nagsimula siyang dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Di-nagtagal ay kinaibigan siya ng mga miyembro ng kongregasyon at ipinadama sa kaniya na siya ay minamahal at kailangan. Nang maglaon ang kaniyang mga magulang at mga kapatid ay dumalo na rin sa mga pulong Kristiyano.
Malamang, ang iyong mga magulang ay nagmamalasakit sa iyo ngunit kailangan lamang nila na magkaroon ng higit na kabatiran tungkol sa iyong mga pangangailangan. Magkusa ka, at ipaalam mo sa kanila kung ano ang mga pangangailangang iyon! Anong malay mo? Marahil ay masusumpungan mo na sila ay higit na interesado sa iyo kaysa kailanma’y iyong maiisip.
[Talababa]
a Ang mga magulang na nakikipagbaka sa malubhang mga problemang iyon na gaya ng pagkasugapa sa droga o alkohol ay maaaring mangailangan ng propesyonal na tulong bago nila matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak.
[Larawan sa pahina 23]
Ang mga magulang ngayon ay kadalasang napakaigting at pagod na pagod upang pakitunguhan ang mga problema ng kanilang mga anak