Isang Timbang na Pangmalas sa Libangan
Isang Timbang na Pangmalas sa Libangan
“ANG buhay na puro trabaho at walang libangan ay nakababagot.” Ang pangungusap na iyan ay napakapamilyar sa ngayon anupat napakadaling makalimutan kung gaano katotoo ito. Sa katunayan, “ang buhay na puro trabaho at walang libangan” ay maaaring makagawa ng higit na pinsala kay Juan kaysa gawin lamang siyang hindi kawili-wili. Maaari itong gumawa sa kaniya na isang “workaholic,” isang masugid na manggagawa na hindi alintana ang lahat ng iba pang bagay.
Isaalang-alang, halimbawa, ang problemang bumangon sa Hapón, isang bansang kilala sa istriktong etika nito sa trabaho. Ang mga empleado ay kadalasang inaasahang magtrabaho ng obertaym gabi-gabi at sa mga dulo ng sanlinggo. Binanggit ng magasin sa Canada na Maclean’s, na ang karaniwang manggagawang Hapones ay gumugugol ng 2,088 oras sa trabaho sa isang taon, kung ihahambing sa 1,654 para sa karaniwang manggagawa sa Canada. Gayunman, binanggit ng magasin: “Ang mga kompaniyang Hapón ay kailangang makipaglaban sa ibang problema: mga empleadong pinahihirapan ng karoshi, o kamatayan dahil sa sobrang trabaho. Iniulat ng mga pahayagan ang mga kaso ng mga lalaki sa gulang na mga 40 na dumanas ng mga atake sa puso o atake serebral pagkatapos magtrabaho ng 100 araw nang walang isang araw na pahinga.” Kinailangan pa ngang maglunsad ng ministri sa paggawa ng Hapón ng isang kampaniya sa pag-aanunsiyo, na may nakatatawag-pansing awit, upang himukin ang mga tao na magbakasyon kung mga dulo ng sanlinggo at magpahingalay. Anong laking pagkakaiba naman sa ilang Kanluraning bansa, kung saan ang mga tao ay hinihimok na magtrabaho ng isang buong linggo!
Mga Pakinabang ng Laro
Angkop, kung gayon, pangkalahatang nakikita ng mga eksperto ang pagkasugapa sa trabaho bilang isang sakit, hindi isang kagalingan. Kailangan ni Juan na maglaro—at hindi lamang nang siya ay bata; taglay ng mga adulto gayundin ng mga bata ang iisang pangangailangang ito. Bakit? Ano ba ang nakukuha ng mga tao mula sa malayang panahon, o laro? Isang aklat-aralin tungkol sa paksang ito ay gumawa ng isang talaan: “Pagpapahayag-sa-sarili, pakikisama, pagkakaisa ng isip at katawan o ang kabuuan, kalusugan ng katawan, isang kinakailangang
paghahambing o ritmo sa iskedyul ng sapilitang-trabaho, pahinga at pagpapahingalay, isang pagkakataon na sumubok ng isang bagay na bago at magkaroon ng bagong mga kakilala, magtatag ng mga kaugnayan, buklurin ang pamilya, makilala at maunawaan ang kalikasan, . . . at makadama ng mabuti nang hindi na inaalam kung bakit. Lahat ng ito ay kabilang sa mga pakinabang na nasusumpungan ng mga tao sa kanilang malayang panahon.”Ang mga sosyologo ay nagtalaga ng maraming aklat tungkol sa paksa na may kaugnayan sa malayang panahon at laro, at sila’y sumasang-ayon na ang malayang panahon ay mahalaga kapuwa sa indibiduwal at sa lipunan. Gayunman, tiyak na walang higit na nakauunawa sa kalikasan ng tao kaysa Maylikha ng tao. Ano ang nadarama niya tungkol sa paksang ito?
Salungat sa maaaring isipin ng ilan, ang Bibliya ay hindi laban sa katuwaan at paglilibang. Sinasabi nito na si Jehova ay isang maligayang Diyos at na inaasahan niya ang kaniyang mga lingkod na maging maligaya rin. (Awit 144:15b; 1 Timoteo 1:11) Sa Eclesiastes 3:1-4, natutuhan natin na may “isang itinakdang panahon . . . ng pagtawa” at “isang panahon ng pagsayaw.” Ang salitang Hebreo para sa “pagtawa” rito ay nauugnay sa mga salitang nangangahulugang “laro.” Ang aklat ding iyon ng Bibliya ay nagsasabi sa atin na “walang lalong maigi sa tao kundi ang kumain at uminom nga at pagalaking mabuti ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang pinagpagalan.”—Eclesiastes 2:24.
Ngayon, isa sa mas popular na paraan upang masiyahan sa malayang panahon ay ang ikaw ay aliwin, magrelaks at masiyahan sa pagtatanghal ng mga talino ng iba. Iyan ay hindi isang bagong bagay. Ipinakikita ng Bibliya na sa loob ng mga milenyo ang mga tao ay nakasumpong ng kasiyahan sa panonood sa iba na sumayaw, umawit, tumugtog ng musikal na mga instrumento, o makipagpaligsahan sa isports.
Bilang isang anyo ng dibersiyon, ang libangan ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa atin. Sino ang hindi nakasusumpong ng kasiyahan sa kahanga-hangang gawa ng isang mahusay na manlalaro, sa magandang kilos ng isang baylarina, sa matinding pananabik sa isang maganda, kaaya-ayang pelikulang abentura, o sa masayang himig na nananatili sa isip pagkatapos huminto ng musika? At walang alinlangan na karamihan sa atin ay nasiyahang magpahingalay sa pagbabasa ng isang magandang aklat, binibilisan ang pagbuklat sa mga pahina habang tayo ay wiling-wili sa isang kuwentong mahusay ang pagkakalahad.
Ang gayong libangan ay maaaring magparelaks sa atin, at maaaring higit pa ang nagagawa nito. Maaari rin tayong ganyakin nito, pasiglahin, antigin ang ating puso, patawanin tayo—at maaari pa nga tayong turuan. Ang literatura, halimbawa, ay maaaring magturo sa atin ng maraming bagay tungkol sa kalikasan ng tao. Ang mga gawa ni Shakespeare ay isang malinaw na halimbawa niyan.
Ang mga Panganib ng Libangan
Gayunman, upang magkaroon ng isang timbang na pangmalas sa libangan ngayon dapat nating kilalanin ang mga panganib gayundin ang mga pakinabang nito. Marami ang sinasabi tungkol sa nakasisirang impluwensiya ng libangan, subalit sa pangkalahatan ang mga panganib ay maaaring hatiin sa dalawang malaking kategorya: dami at kalidad, ang dami ng libangang makukuha at ang nilalaman nito. Isaalang-alang muna natin ang kalidad.
Tayo’y nabubuhay sa madilim na mga panahon, na tinatawag ng Bibliya na “mapanganib na panahon na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Hindi kataka-taka, ipinababanaag ng libangan ngayon ang ating panahon, kadalasan sa pinakapangit na aspekto nito. Sadistikong karahasan, tahasang imoralidad, at ang pinakahamak na mga reaksiyon ng tao—gaya ng pagtatangi ng lahi—ay ipinakikilala sa popular na libangan, hinahawaan ito sa iba’t ibang antas. Sa sukdulang dulo ng larawan, kung ano ang dapat sana’y libangan ay wala kundi pornograpya at basura. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
Mga Pelikula: Sa pinakamataas na karangalan ng Hollywood, ang Oscars, tatlo sa mga lalaking nahirang sa “best actor” na kategorya sa taóng ito ay gumanap bilang saykopatik na mga mamamatay-tao, pawang napakaliwanag ang pagkakalarawan ng pagpatay na ginawa nila sa pelikula. Iniulat na kinakagat ng isang tauhan ang mukha ng isang babae samantalang hinahalay ito. Sa pinansiyal na paraan, isa sa pinakamatagumpay sa taóng ito ay ang pelikulang tinatawag na Basic Instinct. Kung pagbabatayan ang mga rebista, ang pamagat na ito ay medyo suwabe lamang. Ang pelikula ay nagsisimula sa isang detalyadong seksuwal na eksena kung saan paulit-ulit na sinaksak ng babae ang kaniyang nakataling mangingibig ng isang ice pick, isinasaboy ang dugo sa kaniyang sarili.
Musika: Kapuwa ang musikang rap at heavy metal ay sumailalim ng higit at higit na pagpuna dahil sa nahahawig na mga problema tungkol sa nilalaman nito. Niluluwalhati ng mga awit ang seksuwal na pagsamâ at pag-abuso sa mga babae, karahasan at pagkapoot sa iba’t ibang lahi at sa mga pulis, at ang Satanismo pa nga ay pawang nasumpungan sa mga plaka ng musikang rap at heavy metal. Sa ilang dako, ang mga plaka na may gayong malinaw na materyal ay dapat na may babalang etiketa. Subalit gaya ng iniulat na inamin ng rapper na si Ice-T, nilalapatan niya ng nakasisindak na liriko ang kaniyang mga awit upang magkaroon lamang ng gayong etiketa; garantisadong makaaakit ito sa mga usyoso. Ang bituin ng musikang rock na si Prince ay umawit ng mga papuri sa insestong ugnayan ng magkapatid na lalaki-babae. Kadalasan, ang mga musikang video ay basta nagbibigay ng karagdagang panoorin sa gayong imoralidad. Ang video ng kilalang bituin ng musikang pop na si Madonna na Justify My Love ay nagwagi sa kabantugan nito sa paglalarawan ng kasiyahang nakukuha sa pisikal o mental na pagpapahirap sa iba o sa sarili at homoseksuwal na gawain. Kahit ang MTV, isang channel ng TV sa E.U. na kung minsan ay kilala sa pagbobrodkast ng imoral na mga video, ay tumangging ibrodkast ang videong ito.
Mga Aklat: Isaalang-alang ang ilang halimbawa na hinalaw mula sa mga rebista ng aklat kamakailan. Detalyadong inilalarawan ng American Psycho ang kakila-kilabot na sunud-sunod na pagpatay ng isang tao na nagsasagawa ng ubod nang samang kalagim-lagim na mga bagay, kasali na ang kanibalismo, sa mga bangkay ng kaniyang mga biktima. Ang Vox ay nakasentro naman sa isang mahabang usapan sa telepono kung saan ang isang lalaki at isang babae na hindi pa kailanman nagkikita ay pinasisigla ang isa’t isa sa seksuwal na paraan sa pamamagitan ng erotikong pag-uusap. Sinusunod naman ng Raptor ang lisyang seksuwal na mga pakikipagsapalaran ng dalawang hermaphrodite noong ikaanim-na-siglo, mga taong nagtataglay ng katangian ng lalaki’t babae. Karaniwan nang itinataguyod at niluluwalhati ng mga nobelang romansa ang pangangalunya at pakikiapid. Ang mga komiks, dati-rati’y hindi nakapipinsala sa mga bata, ngayon ay kadalasang nagtatampok ng maliwanag na mga paksa tungkol sa sekso, karahasan, at okulto.
Isports: Ang mga panawagan na ipagbawal ang boksing ay nagpapatuloy. Sa kabila ng higit pang katibayan na ang bawat knockout na suntok ay nagdudulot ng di-mababaligtad na pinsala sa utak, ang pakinabang na salapi at ang angaw-angaw na mga manonood ay patuloy na umaakit sa mga boksingero sa ring. Literal na daan-daang boksingero ang nabugbog sa kamatayan sa ganitong paraan.
Gayunman, mas marami pa ang namamatay sa ibang isports. Karaniwan nang nababasa ang tungkol sa karahasan na nangyayari sa mga palaruan o sa gitna ng mga manonood. Mga kaguluhan na ginatungan ng nasyonalismo o maling “katapatan sa isang koponan sa isports” ay pumatay ng daan-daan sa mga istadyum sa buong daigdig. Ang torero, na tinatawag ng lingguhang babasahing Aleman na Die Zeit na “malamang ay siyang pinakahayop na laro na nanatili hanggang sa makabagong panahon,” ay lalo pang naging popular kamakailan sa Espanya at gawing timog ng Pransiya. Pagkatapos suwagin ng isang toro ang kilalang 21-anyos na matador na si José Cubero sa puso, ang namatay na bayani na nasa kaniyang kabaong ay nang maglaon iniligid sa isang arena sa Madrid na pinalakpakan ng 15,000 nagmamahal na mga tagahanga. Ang video rekording ng kaniyang kamatayan ay paulit-ulit na ipinalabas sa TV sa Espanya.
Ipagpalagay na, ang mga ito ay sukdulang mga kaso, at ito ay hindi nangangahulugan na lahat ng libangan sa ilan sa iba’t ibang kategoryang ito ay masama. Subalit dapat kilalanin ng isang timbang na pangmalas sa libangan na ang mga sukdulang ito ay umiiral at popular. Bakit? Buweno, napansin mo ba na kung ano sa wari ay sukdulan mga ilang taon lamang ang nakalipas ay waring hindi nakatutuwa at walang kabuhay-buhay sa mga tao sa ngayon? Ang sukdulan ay tila unti-unting tinatanggap
ng karamihan; ang mga tao ay nasasanay na rito. Ano ang makakasanayan mo?Ang Isyu Tungkol sa Dami
Kahit na kung ang lahat ng libangan ay lubusang malinis, sa paano man, nariyan pa rin ang isyu tungkol sa dami. Ang industriya ng libangan ay gumagawa ng napakaraming materyal. Sa Estados Unidos, halimbawa, mahigit na 110,000 iba’t ibang aklat ang inilathala noong 1991 lamang. Kung ikaw ay makababasa ng isang libro mula sa simula hanggang sa wakas bawat araw, ikaw ay gugugol ng mahigit na 300 taon upang mabasa lamang ang mga aklat na inilathala sa isang taon! Ang industriya ng pelikula ng E.U. ay gumagawa ng mahigit na 400 pelikula sa isang taon, at inaangkat ng maraming bansa ang mga ito at gumagawa rin sila ng kanilang sariling mga pelikula. Ang industriya ng pelikula sa India ay gumagawa ng daan-daang pelikulang Hindi sa isang taon. At sino ang makabibilang sa mga plaka ng musika, mga compact disc, at mga tape na lumalabas sa bawat taon? Nariyan din ang TV.
Sa ilang maunlad na mga bansa, napakaraming channel na makukuha sa TV—mga cable station, satelayt na mga channel, at regular na mga brodkast. Nangangahulugan iyan ng isang patuloy na daloy ng libangan ang maaaring dumaloy sa bahay 24 na oras sa isang araw. Isports, musika, drama, katatawanan, kathang-isip sa siyensiya, mga talk show, mga pelikula, pawang sa isang pindot lamang ng buton. Sa pamamagitan ng isang VCR libu-libong pelikula ay maaari ring mapanood, kasama na ang di-mabilang na mga video na nagpapaliwanag kung paano gagawin ang mga bagay-bagay, mga video sa musika, at pati ng nakapagtuturong mga tape tungkol sa kalikasan, kasaysayan, at siyensiya.
Subalit nasaan ang panahon para sa lahat ng libangang ito? Ang teknolohiya ay maaaring magdala sa atin ng himala ng kagyat na libangan—isip-isipin ang pagkasindak ni Mozart kung maririnig niya ang isa sa kaniyang mga symphony na pinatutugtog sa isang nabibitbit na stereo! Gayunman, hindi magagawa ng teknolohiya ang panahon na kinakailangan upang pagbigyan ang lahat ng kasiyahang iyon. Sa katunayan, sa ilang bansa kung saan lubhang maunlad ang teknolohiya, ang malayang panahon ay umuunti, sa halip na dumami.
Kaya kung hahayaan natin ito, maaaring ubusin ng libangan ang lahat ng ating malayang panahon. At dapat nating tandaan na ang libangan ay isa lamang anyo ng dibersiyon, karaniwang ang walang pagkilos na uri ng paglilibang. Karamihan sa atin ay kailangan ding lumabas ng bahay at gumawa ng isang bagay na mas aktibo, ang makibahagi sa halip na basta maupo at aliwin. Nariyan ang mga paglakad na dapat gawin, mabuting mga kasama na dapat tamasahin, mga larong dapat laruin.
Kung isang pagkakamali na hayaang ubusin ng libangan ang lahat ng ating malayang panahon, mas masahol pa kung hahayaan nating ubusin nito ang panahon na dapat italaga sa mas nakahihigit na mga tungkulin, gaya ng ating tungkulin sa ating Maylikha, sa ating sambahayan, sa ating trabaho, sa ating mga kaibigan! Mahalaga, kung gayon, na magkaroon ng isang timbang na pangmalas sa libangan! Paano tayo nagpapasiya kung anong libangan ang masama para sa atin, at kung gaano karami nito ang labis-labis?
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang ilang libangan ay maaaring umantig sa ating mga puso at turuan tayo