Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Lumalawak ang Agwat ng Mayaman-Maralita

Ang agwat sa pagitan ng mahirap at maralita ay dumoble sa nakalipas na 30 taon, sabi ng Human Development Report 1992, inilathala para sa United Nations Development Programme. Salig sa pambansang mga promedyo, noong 1960 ang 20 porsiyentong pinakamayaman sa populasyon ng daigdig ay 30 ulit na mas nakaririwasa kaysa 20 porsiyentong pinakamahirap. Noong 1989 halos sila ay 60 ulit na mas mayaman. Sa indibiduwal na saligan, ang isang bilyong mayayamang tao ay humigit-kumulang 150 ulit na nakaririwasa kaysa bilyong mahihirap.

Nagtatrabahong mga Ina

Ano ang pinakamalaki at pinakamabilis-lumagong bahagi sa pangkat ng nagtatrabahong babae sa Estados Unidos? Ang mga babaing may mga anak na wala pang 18 ang edad, sabi ng National Association of Working Women. Ang mga inang may mga anak na kasama sa tahanan ay kumakatawan sa dalawang katlo ng namamasukang mga babae. Ang kanilang kabuuan ay 21 milyon, isang paglago mula 6.6 milyon noong 1960. Ang mga babaing may mga anak na wala pang dalawang taon ang bumubuo ng pinakamabilis-lumagong pangkat. Mula noong 1970 sila’y lumago ng 129 porsiyento, hanggang 3.1 milyon. Ano ang magiging kalagayan sa hinaharap? Tinataya ng samahan na sa kalagitnaang dekada ng 1990, 65 porsiyento ng kababaihan na may mga anak na hindi pa nag-aaral at 77 porsiyento ng mga may anak na nag-aaral na ay magiging mga inang nagtatrabaho.

Binilang ng Nigeria ang Populasyon Nito

Noong Marso 20, 1992, lahat ng pangunahing pahayagan sa Nigeria ay nagpaulong-balita ng iisang bilang​—88.5 milyon. Ang bilang na ito, 88,514,501 na siyang eksakto, ay naghayag sa bansa ng kabuuang dami ng mga taong nabilang sa pambansang sensus ng Nigeria noong Nobyembre 1991. May dalawang nakagugulat na mga resulta ang sensus. Ang isa ay na di-tulad sa maraming bansa, mas bahagyang nakararami ang kalalakihan kaysa kababaihan. Ang ikalawa ay na ang kabuuang bilang ng mga taga-Nigeria ay mas kakaunti kaysa tinatayang mula 100 milyon hanggang 120 milyon batay sa mga pagtaya mula sa nakaraang sensus noong 1963. Samantalang ang kabuuan ay bumaba ng mahigit na 20 porsiyento sa karaniwang pagtaya, nanatiling pinakamataong bansa ang Nigeria sa kontinente ng Aprika.

Babala sa Huwad na Gamot

Bawat taon, bilyun-bilyong dolyar ang kinikita ng walang-konsiyensiyang mga negosyante sa huwad na gamot. Subalit di-gaya ng mga produktong huwad, “ang mga gamot na huwad ay lubhang makapipinsala sa kalusugan at makamamatay pa nga,” babala ng isang ulat ng World Health Organization. Marami, dahil sa kakaunti o walang bisa ang gamot, ay hindi nakatutulong sa taong nagdurusa sa malubhang sakit gaya ng malaria o diabetes. Ang ilan ay naglalaman pa nga ng di-awtorisado o nakalalasong sangkap. “Ang kamakailang iniulat na mga kamatayan ng mga batang taga-Nigeria pagkatapos uminom ng inaakalang gamot na laban sa ubo ay tiniyak ang kalunus-lunos na kalubhaan ng uri ng pangangalakal na ito,” sabi ng ulat. Ang suliranin ay lalo nang malubha sa taong mahihirap sa umuunlad na mga bansa, na nag-aakalang sila’y nakabibili sa murang halaga ng waring mabuting gamot na ginawa ng marangal na kompanya. Hindi ang etiketa ni ang pagpapakete ang tumitiyak na tunay ang gamot. Ang mga ito’y maaaring maging huwad din na gaya ng gamot mismo.

Bumagsak sa Isang Pagsubok ang Makabagong Sining

Ang daigdig ng sining ay nababahala sa nakagigitlang banta na nakakaharap ng maraming pinta ng kontemporaryong mga pintor​—ang mga ito’y naglalagpakan. Ang mga pinta ng mga pintor na gaya nina David Hockney, Jackson Pollock, at Mark Rothko ay pumupusyaw o nagbibitak-bitak, samantalang ang gawa ng iba ay natutuklap at nauukab mula sa kuwadro, ulat ng Sunday Times ng London. Ang pinturang acrylic na ginamit noong dekada ng 1960 ay pangunahin nang sinisisi. Bagaman ang makabagong mga materyal na kemikal ang sangkap ay pinuri nang ang mga ito’y unang limitaw sa pamilihan noong 1962, si Carol Stringari, kasamahang tagapangalaga sa Museum of Modern Art sa New York City, ay nagsabi: “Nang unang pagkakataon na subuking alisan ng alikabok ng isa ang pintang acrylic, nabatid nilang ito’y hindi naaalis. Hindi pa namin alam kung paano ito gagawin.”

Lindol sa Rhine

Noong nakaraang Abril ang lunas ng Lower Rhine sa Alemanya ay nakaranas ng pinakamalakas na lindol nito buhat noong 1756. Ang lindol, na may lakas na 5.5 hanggang 5.8 sa Richter scale, ay nakasakit ng mga tao at tinatayang nakapinsala ng milyun-milyong mark ng Alemanya. Ang mga pagyanig ay nagbunga pa nga ng bahagyang pagsasara sa isang kalapit na atomikong reactor. Sa istasyon pansismiko malapit sa Cologne, ang mga instrumento ay “alin sa nagkagulo o umugoy nang napakalakas anupat ang mga kamay nito ay bumaluktot at sumaboy ang tinta sa gilid ng papel,” ulat ng panlikas na siyensiyang magasing GEO. Ang lakas ng lindol ay nakabigla sa mga siyentipiko, na hindi pa rin makahula ng mga pagyanig na may sapat na katumpakan.

Mga Pag-aalinlangan ng mga Katolikong Pranses

Bagaman 84 porsiyento ng mga Pranses ang nagsasabi na sila’y mga Romanong Katoliko, ipinakikita ng mga pananaliksik na kakaunting bilang lamang ang aktibong nagsasagawa ng Katolisismo. Tanging 12 porsiyento ang nag-aangking regular na dumadalo sa Misa, samantalang ang 24 porsiyento naman ay nagsasabing sila’y manaka-nakang nagmi-Misa kung pista. Ang Pranses na magasing L’Express kamakailan ay nagsagawa ng isang surbey upang suriin kung ano talaga ang pinaniniwalaan ng minoryang mga Katoliko may kaugnayan sa ilang saligang turo ng iglesya. Ang mga resulta ay kapansin-pansin: 25 porsiyento ang hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo, 30 porsiyento ang nag-aalinlangan sa ulat ng Bibliya sa mga himalang ginawa ni Jesus, at 38 porsiyento ang hindi naniniwala sa Trinidad. Isa pa, 59 porsiyento ang hindi tumatanggap sa turo ng iglesya hinggil sa purgatoryo, 60 porsiyento ang hindi naniniwala sa impiyerno, at 62 porsiyento ang nag-aalinlangan sa pag-iral ni Satanas.

Nagiging Puntirya ang mga Simbahan

“Masasamang-loob Bumabaling sa ‘Sagradong’ mga Puntirya,” babala ng ulong-balita ng The Star ng Johannesburg, Timog Aprika. Ang kamakailang mga ulat ay nagpapahiwatig na ang mga simbahan at kawanggawang mga organisasyon ay pinupuntirya ng desperadong mga kriminal. Pagkatapos ng dalawang panloloob sa mga lugar ng pagsamba sa isang linggo, ang mga simbahan ay pinayuhan na “kumuha ng karagdagang panseguridad na mga hakbang na pag-iingat.” Sa isa sa mga panloloob, isang malaking halaga ng salapi ay sapilitang kinuha mula sa isang simbahan kung saan tinatanggap ng isang pangkat ng matatanda ang kanilang mga pensiyon. Isinisisi ng mga awtoridad ang paglagong ito sa lumalaganap na pagbagsak ng moral sa lipunan. Sinabi ng isang tagapagsalitang pulis: “Ang bagay na nagsisimulang manloob ang mga tao sa mga simbahan ay nagpapakita na may kalupitan nilang gagawin ang lahat upang makakuha lamang ng salapi.”

Makamamatay ang Dugo ng Pamilya

Ang Japan Red Cross Society ay “nanawagan sa mga doktor na gawin ang kanilang buong makakaya na iwasang magsalin ng dugo na ipinagkakaloob ng mga miyembro ng pamilya, lalo kung ang nagkakaloob ay magulang o anak ng tatanggap,” sabi ng Asahi Shimbun. Ang paggamit ng dugong ipinagkaloob ng mga kapamilya, sabi ng ulat ng Red Cross, ay maaaring maging dahilan ng GVHD (Graft-Versus-Host Disease), isang sakit na lumilitaw pagka ang mga lymphocyte sa naisaling dugo ay umaatake sa utak sa buto, atay, at balat ng tumatanggap. Ang sistemang imyunidad ng katawan ay apektado, at mataas ang bilang ng namamatay. Karagdagan pa, ang matinding babala laban sa paggamit ng sariwang dugo ay kalakip sa ulat dahil sa pagkatuklas na ang dugong ginamit na ipinagkaloob sa loob ng 72 oras ay maaaring maging sanhi ng GVHD. Ang ulat ay salig sa isang malawak na dalawang-taóng pagsusuri sa daan-daang pasyente na narekunusi na may GVHD at sa isang surbey sa 14,083 doktor. Kalahati sa mga doktor ang nag-akala na ang GVHD ay lumilitaw lamang pagka ang imyunidad ng katawan ay humina at na ang karamdaman ay walang kaugnayan sa pagsasalin ng dugo​—subalit sila ay nagkamali.

Natutunaw na mga Bola ng Golf

Ang golf, isang panlupang isport, ay kalimitang hindi itinuturing na panganib sa buhay dagat. Subalit ang larong golf ay naging popular na libangan sa mga paglalakbay-dagat sa mahabang panahon. “Hanggang noong 1989 ang mga naglalaro ng golf ay nakapaghampas ng halos kalahating milyong bola ng golf sa isang buwan sa labas ng mga kubyerta ng mga bapor,” pahayag ng magasing New Scientist, “at marami sa mga ito ay kinain ng mga pagong, balyena at mga dolphin.” Kaya nang ipagbawal ng MARPOL, ang pandaigdig na pangasiwaang ahensiya sa dagat, ang pagtatapon ng basurang plastik sa mga karagatan noong 1989, kasama rito ang mga bola ng golf. Magbuhat noon kinailangan nang gumamit ng net ang mga naglalaro ng golf sa bapor, nililimitahan ang distansiya ng kanilang hampas. Sa ngayon sa San Diego, California, nakapaglabas ang isang imbentor ng isang lubusang natutunaw na bola ng golf na katulad at naihahampas na gaya ng regular na bola ng golf. Subalit sa halip na plastik na nababalutan ng goma, ang balot nito ay papel, gulaman, o damong-dagat, na ang loob ay sodium bicarbonate at sodium citrate​—mga sangkap sa Alka-Seltzer.

Kakapusan sa Butil

Halos sampung milyong tonelada ng mais ang kailangang angkatin sa timugang Aprika sa susunod na taon, ulat ng Southern African Development Co-ordination Conference, isang panrehiyong pangkat na nagbabala nang patiuna. Ang pahayagan nito ay nagsasabi: “May labis na pagkabahala sa kakayahan ng makukuhang daungan, daang-bakal, kalsada at imbakang imprastraktura sa rehiyon upang pangasiwaan ang programa sa butil sa inaasahang lawak.” Bagaman ang ani sa nakalipas na taon ay mababa sa katamtaman, inaasahang ang ani ng mais sa taóng ito ay 40 porsiyentong mas mababa kaysa nagdaang taon. Ang tagtuyot ay marahil ang pinakamalubhang nakaapekto sa timugang Aprika sa siglong ito.

Nagbabalik ang Tuberkulosis

Ang WHO (World Health Organization) ay nag-uulat na ang matandang salot ng tuberkulosis ay pumapatay ng tatlong milyong buhay sa isang taon. Ang The Globe and Mail ng Toronto, Canada ay nagpapaliwanag pa na 96 porsiyento ng walong milyong bagong mga kaso sa bawat taon ay nangyayari sa umuunlad na mga bansa dahil sa kakulangan ng paggamot na pangangalaga at mga suplay. “Ang tuberkulosis ay nagiging panlipunan-kabuhayang sakit na labis na sumasalanta sa mga kapus-palad,” sabi ni Hiroshi Nakajima, pangkalahatang patnugot ng WHO. Sa mas mayayamang bansa, pangunahin nang dumarapo ito sa matatanda, minoridad, at sa mga mandarayuhan. Halimbawa, sa Estados Unidos, isang opisyal ng panggagamot ng WHO ang nagsabi na maraming kaso ay nagsasangkot ng mga maysakit na humina ang sistemang imyunidad dahil sa pag-abuso sa droga o AIDS.