Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tarawera—Malaking Kapahamakan ng Bulkan sa New Zealand

Tarawera—Malaking Kapahamakan ng Bulkan sa New Zealand

Tarawera​—Malaking Kapahamakan ng Bulkan sa New Zealand

Ng kabalitaan ng Gumising! sa New Zealand

MAGUGUNIGUNI mo ba kung ano ang katulad na ikaw ay gisingin sa madaling-araw ng tunog ng isang pinupunit na bundok? Ano ang madarama mo kung ikaw ay susungaw sa bintana at makita mo mga 30 kilometro ang layo ang nagtataasang apoy at isang patuloy na pag-ulan ng nagbabagang bato na pumapailanglang sa himpapawid? At pagkatapos ay naramdaman mo ang lupa sa ilalim ng iyong kama ay nagsimulang yumanig? Takot na takot, sabi mo? Buweno, ganiyan ang nangyari sa Rotorua, na masusumpungan sa gitnang rehiyon ng North Island ng New Zealand, noong ika–2:00 n.u. ng Hunyo 10, 1886, nang pumutok ang Bundok Tarawera. Pagkatapos ang nayon ng Te Wairoa ay naging Pompeii ng New Zealand, natabunan ng sarili nitong Vesuvius.

Doon sa mga nakatira sa lugar na iyon at nakaligtas, ito’y isang kasindak-sindak na karanasan. Isang nakasaksi mismo ay nagsabi: “Nakita namin ang isang tanawin na hindi kailanman malilimutan ng isang taong nakakita nito. . . . Ang bundok ay may tatlong bunganga, at mga ningas ng apoy ay pumapailanglang ng mga tatlong daang metro ang taas.” Isa pa, pagkatapos lumabas upang makita ang tanawin, ay nagsabi: “Ang hangin ay lumakas, at bahagya namin narating ang bahay nang ito’y magsimula, gaya ng akala namin, na umulan nang malakas. Ang mga bintana ay nabasag, at nasumpungan namin na ang inaakala naming ulan ay mga lava at bato. . . . Sa pagitan ng lindol at apoy ay natigilan kami at naghihintay ng kamatayan.”

Ang pagputok ng 19-na-kilometrong-haba na tagaytay ng bundok ay lumikha ng isang kawing ng siyam na malalalim na bunganga. Ang singaw na may kasamang lumilipad na abo ay nahulog na parang ulan. Ang mga nayon sa palibot ng lawa, pati na ang mga maninirahan nitong Maori at iba pa na nakatira roon, malamang na 155 sa kanila, ay natabunan, ang marami ay sa ilalim ng putik na mga ilang metro ang lalim!

Mga labing-anim na libong kilometro kudrado ng kakahuyan at bukirin ang natabunan ng putik, at nasabuyan ng mga labí buhat sa bulkan kahit na ang mga kubyerta ng bapor na mga isang daan at animnapung kilometro ang layo sa tabing-dagat. Ang walang kaparis na kababalaghan sa daigdig, ang Pink and White Terraces, “ang mga kababalaghan ng likas na arkitektura sa nagniningning na silica,” ay nawasak at nasa loob nito ang sagradong mga buto ng mga ninunong Maori. (Wild New Zealand, inedit ng Reader’s Digest) Ito ay isang kapahamakan sa pagkalaki-laking kasukat para sa tahimik na isla sa Timog Pasipiko.

Ang Buhay sa Nayon ng Maori

Sa sinaunang nayon ng Te Wairoa, labing-apat na kilometro mula sa Bundok Tarawera, ang buhay bago ang pagsabog ng bulkan ay tahimik at sagana. Nasa isang kakahuyan sa pampang ng isang malamig na lawa, ang Tarawera, wala itong gawain na nauugnay sa mainit na tubig sa mga nayon na mas malapit sa Rotorua. Kahit na sa malamig na mga araw, ang nayon ng Ohinemutu ay may mga lugar ng mainit na damo. Gayunman, kung isasaalang-alang kung kailan ito naitatag, ang Te Wairoa ay pambihira sa ibang paraan. Ito’y detalyadong iplinano na may mga lansangan. Ang mga bahay sa punto dos na ektaryang mga bloke ay indibiduwal na may nagmamay-ari at binakuran sa halip na sama-samang pagmamay-ari sa lupain ng tribo.

Maginhawang nakapuwesto malapit sa Lawa ng Tarawera, dalawang otel sa Te Wairoa ang naglalaan ng ginhawa para sa pagod na Europeong mga turista noong dekada ng 1880. Doon ay maaari silang magpahinga mula sa mga pagsakay sa mga karwahe na hila ng kabayo at sa lubak-lubak, hinampas ng panahong mga landas sa palumpon. Kinabukasan, suot ang kanilang pinakamagarang mga damit, gaya ng kaugalian, sila’y maglalakbay tungo sa Pink and White Terraces. Noong panahong iyon ay nakilala bilang isang kababalaghan sa daigdig, ang bai-baitang na lupa ay inilarawan bilang “malalaking puting mga lunas na palaki nang palaki . . . hanggang sa sukdulan at punô ng tubig na pinakamagandang kulay asul na napalalamutian sa paligid ng kumikinang na puti . . . at ang Pink Terraces na pawang matingkad na rosas, na may gayundin kagandang asul na tubig sa malalaki’t mababaw na mga lunas.” Ang mga batang Maori ay nagtatampisaw sa mainit na mga lawang mineral na nakakalat sa kahabaan ng mga baitang nito, at ang mga adulto’y naliligo upang paginhawahin ang kanilang pagod na mga katawan.

Sa ilalim ng bai-baitang na lupa, sa maputik na luntiang tubig na Lawa ng Rotomahana, ay bumubulubok ang mainit na mga bukal. Ang ilan ay tumataas na parang mga paunten mula sa ibabaw ng tubig at napakainit anupa’t nailuluto ng katutubong Maori ang kaniyang kumeras (katutubong patatas) o koura (ulang sa tubig-tabang) sa mga ito. Naiibigan ng mga turista ang pagtikim sa masasarap na pagkaing ito sa panahon ng mga piknik sa tabi ng lawa na kasama ng mga giyang Maori, gaya ni Kate at Sophia, na naghatid sa kanila sa bai-baitang na lupa sakay ng mga bangka na yari sa inukit na mga punungkahoy.

Babala ng Malaking Kapahamakan

Ang pagputok ng lahat ng tatlong taluktok ng Bundok Tarawera ay lubhang di-inaasahan. Ang mga pangalang Maori na Wahanga, Ruawahia, at Tarawera ay pawang nagpapahiwatig ng apoy, subalit walang bunganga ng bulkan sa bundok kung kaya walang pahiwatig ng panganib. Sa katunayan, sa loob ng mga dantaon ang dome ng Tarawera (gaya ng itinawag sa buong bundok) ay itinuturing na ligtas na libingan para sa mga ninunong Maori at ito ay tapu, o banal. Kaya malamang na ang mga pangalan ay tumutukoy sa mamula-mulang kulay ng lupa. Ilang hindi pangkaraniwan subalit hindi gaanong mahalagang mga pangyayari ang naganap, gaya nang maglakad si Sophia sampung araw bago nito tungo sa sapa kung saan iniiwan ang mga bangka, upang masumpungan lamang ang mga ito na sumadsad sa sapa. Habang siya ay nakatayo roon, isang biglang bugso ng tubig, tulad ng isang alon, ang nag-angat sa mga bangka at saka ibinunton ang mga ito pabalik sa sapa. Sa paggunita, ang tanging tunay na mga babala ay ang hindi pangkaraniwang madalas na mga pagyanig at ang pag-init ng tubig sa Lawa ng Rotomahana. Bagaman ito ay nagpangyari ng ilang pagkabahala, ang mga ito ay hindi nagpapahiwatig ng kasunod na pagkawasak.

Isang Madamdaming Pagdalaw

Ngayon, pagkalipas ng isang daang taon, ang mga turistang nagtutungo sa hinukay na dako ng Te Wairoa, ngayo’y tinatawag na Natabunang Nayon, sa simula ay walang gaanong empatiya sa kasindakan na dala ng gabing iyon.

Gayundin kami, habang sinusundan namin ang paliku-likong landas sa gitna ng mga labí ng mga whares (kubo) ng mga Maori, na nahukay mula noong dekada ng 1930. a Ang mga ibong fantail ay umiikot sa aming mga ulo habang ang aming mga hakbang ay nagpapakilos sa kanilang paboritong mga insekto. Mahirap paniwalaan ang karahasan at sindak na bumuhos sa mga tao na dating nakatira roon na parang ulan.

Kami’y humintong sandali sa pasukan ng isang malamlam na naiilawang whare at bumaba kami sa dating antas ng lupa. Nagunita namin ang sapatos ng sanggol na natatakpan ng putik at ang kinakalawang na ika-19 na siglong tiheras na nakita namin kanina na nakadispley. Ito kaya’y sa isang bata na nakatira sa munting bahay na ito? Siya kaya’y naglaro sa sahig na lupa na tinatayuan namin ngayon?

Kami’y naakit ng iba pang mga displey habang minamasdan namin ang isang bote ng alak na nahukay noong 1949 at tatlong bote ng inatsarang mga walnut na nahukay noong 1963, pawang natatakpang mahigpit. Ano kaya ang lasa ng sandaang-gulang na alak at mga walnut? tanong namin. Hindi kami naakit na tikman ito! Gayunman, kami’y nalungkot na mabasa sa lumang diyaryo na nakadispley ang tungkol sa mga ulat ng nakaligtas. Si Gng. Haszard, ina ng apat na anak, ay nahukay na buháy ng mga tagasagip upang masumpungan lamang ang tatlo sa kaniyang mga anak, isa sa magkabilang tabi niya at isa na nasa kaniyang mga bisig, na namatay dahil sa natabunan ng bumagsak na putik at abo. Sapagkat siya mismo ay nadaganan ng bigat ng putik at ng mga kilo ng bahay, wala siyang magawa upang saklolohan sila.

Ang Resulta

Walang anuman sa 50,000 mamamayan ng Rotorua ngayon na sila ay namumuhay sa anino ng gayong marahas na bundok. Ni nag-aalala man ang mahigit na 800,000 turista taun-taon na nakararanas sa maraming natatanging mga gawain at mga dako na iniaalok ng mainit na rehiyong ito. Mula sa ilalim ng lupa, kinukuha ng ilang taga-New Zealand sa pamamagitan ng tubo ang mainit na singaw at mineral na tubig upang initin ang kanilang mga pool sa loob at sa labas ng bahay. Gayunman, nananatili sa kanilang isipan, batid nila na ang napakainit na tubig na nakikita nilang bumubuga mula sa mga bitak sa lupa at dating natitipon sa kumukulong putik, maraming taon ang nakalipas, ay katibayan ng natatagong enerhiya na nagpasabog sa bundok na tinatawag na Tarawera at tumabon sa nayon ng Te Wairoa.

[Talababa]

a Ang “whare” ay binibigkas na “forry.”

[Larawan sa pahina 16, 17]

Ang Bundok Tarawera at ang anim na kilometrong siwang nito, at ang Lawa ng Tarawera sa malayo

[Mga larawan sa pahina 18]

Isang karaniwang whare, o kubong Maori, na natabunan ng abo mula sa bulkan

Loob ng isang nahukay na whare na Maori, ipinakikita ang apuyan at mga kagamitan

Mga labí ng pugon ng panaderya na nawasak noong 1886

[Credit Line]

Mga larawan sa itaas: Inilathala sa kapahintulutan ng The Buried Village