Ang Walang Awang Pagpatay sa Luby’s Cafeteria
Ang Walang Awang Pagpatay sa Luby’s Cafeteria
MIYERKULES, Oktubre 16, 1991, ay nagsimula na gaya ng iba pang araw para sa amin ng asawa ko, si Paula. Ngayon ay ginugunita namin iyon na di-gaya ng anumang araw na kailanma’y nalalaman namin.
Nang hapong iyon kami ay nasa Luby’s Cafeteria sa Killeen, Texas, nang ibangga ng isang baliw na lalaki ang kaniyang trak sa salamin na bintana at nagsimulang bumaril. Napatay niya ang 22 at nasugatan ang mahigit na 20 iba pa, pagkatapos ay binaril ang sarili sa ulo. Ito ang pinakagrabeng sunud-sunod na pagbaril sa kasaysayan ng E.U.
Kami ni Paula ay buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova, at kami’y nagtungo sa Luby’s pagkatapos ng aming ministeryo noong umaga. Mas maaga rito mga 50 sa amin ang nagtipon sa aming dako ng pagsamba, sa Kingdom Hall, at tinalakay namin ang aming gawain sa umaga bago magsimula. Iminungkahi ng ilan na kami’y magkita-kita sa Luby’s para sa pananghalian, subalit ang lahat maliban kay Maria, kay Paula, at sa akin ay nagbago ng kanilang mga plano.
Dumating kami sa Luby’s noong ika–12:25 n.h. at kami’y pumila. Yamang ito ay kumikilos nang mabagal, si Maria, na may idaraos na pag-aaral sa Bibliya sa ganap na ala-una, ay nagpasiyang umalis. Si Paula ay nagtungo sa palikuran. Salamat naman, siya ay mabilis na bumalik—sapagkat pagkaraan ng ilang segundo, ang trak ay bumangga sa bintana na dinaanan niya.
Ang tunog ay parang mga tonelada ng pinggan na bumagsak. Ang salamin, mga mesa, at mga silya ay nagliparan sa lahat ng dako. Pagkatapos ay may tunog ng pagputok. Akala ko ang trak ang pumuputok. Naniniwala ang ilan na ang tsuper ay may problema sa kaniyang sasakyan at lumapit sila upang tulungan siya. Subalit binaril niya sila. May isang hindi makapaniwalang sumigaw: “Binabaril niya ang mga tao!” Nagpaputok na siya bago pa man siya lumabas sa trak.
Ang pila sa pagkain ay hugis U. Naroon kami mismo kung saan lumiliko ang U. Ang trak ay huminto sa simula ng U kung saan naroon ang puwesto ng kahera. Hinatak ni Paula ang kamay ko, na ang sabi: “Tayo nang lumabas.” Subalit hinatak ko siya sa sahig. Ang taong mámamaril ay patungo sa pila, bumabaril habang siya ay lumalapit. Noong panahong iyon, siya ay nagsisisigaw ng mga bagay na gaya ng, “Ang pang-aapi bang ginawa sa akin ay sulit sa mga resulta ngayon Bell County? Sulit ba ito lunsod ng Belton?” Ito ay sinasalitań ng malalaswang salita.
Nakarating siya ng mga ilang piye sa kinaroroonan namin, walang tigil sa pagbaril habang siya ay lumalakad. Hindi namin kailanman nakita ang kaniyang mukha, subalit napakalapit niya anupat nadarama namin ang pagyanig ng sahig habang tumatama ang mga bala. Kami kapuwa ni Paula ay tahimik na nananalangin kay Jehova. Kami’y hindi kumikilos; yaong mga kumilos ay binaril. Hawak-hawak ko ang sakong ng aking misis, hindi ko alam kung siya ay buhay o patay.
Pagkatapos ang lalaki ay umatras, nagbábabaril sa buong panahon. Nagtungo siya sa kabilang panig ng pila, humihinto malapit sa paa ko. Binaril niya ang babaing nasa likod ko mismo. “Heto ang sa iyo,” sabi niya habang pinapuputukan siya. Bago bumaril ang lalaki, sinabi ng babae sa akin: “Papunta siya sa atin.” Malamang na itinaas ng babae ang ulo niya.
Napakalakas ng putok anupat akala ko ako ay tinamaan. Pagkatapos ay narinig kong lumiko at nagtungo sa dakong kainan ang taong mámamaril, 15 o 20 metro ang layo. Alam ko na sa dakong
iyon, may isang dingding na bahagyang naghihiwalay sa amin mula sa kaniyang paningin. Kaya sa wakas ay bumangon ako upang alamin ang kalagayan ni Paula, at gayundin ang ginawa niya, na ang sabi, “Tayo na!”Nagmadali kami sa paglabas sa pintuan sa harap, at halos walo o sampung iba pa ang nagsilabas din. Isang may edad nang babae na hindi makalakad nang mabilis ang napunta sa unahan namin. Pinilit namin ang aming sarili na maging matiisin sa kabila ng aming pagkabalisa. Tumakbo kami sa isang bukás na dako na halos kasinlaki ng isang palaruan ng football at nanganlong kami sa isang apartment sa malapit. Tinawagan namin sa telepono ang isang kaibigan at hiniling namin sa kaniya na sunduin kami sa kalye.
Habang papaalis kami ng gusali, nakita naming papalapit ang mga pulis mula sa kabilang direksiyon. Nagdaratingan na ang mga helikopter upang dalhin ang mga nasugatan. Nininerbiyos pa rin kami, palibhasa’y hindi namin alam kung nasaan ang taong mámamaril. Nang dumating ang aming kaibigan, siya ay umiiyak. Narinig niya ang balita sa radyo.
Pakikitungo sa mga Epekto
Umuwi kami ng bahay, at ang mga kaibigan ay patuloy na dumadalaw sa amin. Anong laking kaaliwan ang kanilang pagkanaroroon! Kinabukasan, gaya ng aming nakagawian, sinimulan namin ang aming pangmadlang ministeryo. Sa daan, bumili ako ng isang pahayagan, at ang mga ulat ay maliwanag na nagpagunita sa buong pangyayari. Natanto namin na hindi pa kami emosyonal na handa upang humarap sa madla, kaya kami’y umuwi sa bahay.
Pagkalipas ng mga linggo, ang paglalakad sa mga dakong publiko ay nakapagpapanerbiyos sa amin. Minsan ay nagtungo kami sa isang restawran na nagbibili ng hamburger at may nagpaputok ng lobo. Talaga namang gayon na lamang ang nerbiyos namin! Sinasabi ng mga dalubhasa sa trauma na ang pinakamabuting paggamot sa mga nakaranas ng kalunus-lunos na pangyayaring naranasan namin ay ang malayang ipakipag-usap ito sa iba. Anong laki ng pasasalamat namin sa mga
dalaw ng mga kaibigan noong kasunod na mga araw, na nagpangyari sa amin na gawin ito!Isa sa aming mga kaibigan ang nagsabi kay Paula: “Pagagalingin ka ng ministeryo.” Tama siya. Bagaman si Paula ay bantulot na sumama sa aming pangmadlang ministeryo noong unang linggo na iyon, pagkatapos ay mabilis niyang nasimulang muli ang bahay-bahay na ministeryo at nakapagdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya.
Ang Bibliya ay talagang tama nang ito’y nagbabala na ang isa na ibinubukod ang sarili ay nagkakaroon ng mga problema. (Kawikaan 18:1) Napag-alaman namin na ang ilan, pati na ang mga taong wala naman sa restawran noong araw na iyon, ay ibinukod ang kanilang sarili. Bunga nito, kahit na mga buwan na ang nakalipas pagkatapos ng walang awang pagpatay, takot pa rin silang lumabas sa publiko.
Ang partikular na nakatulong sa amin upang maharap ang karanasang ito ay ang pagkaunawa sa mga hula ng Bibliya. Ang ating mga araw ay ipinakikilala sa Salita ng Diyos bilang “ang mga huling araw [kapag] darating ang mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Nakalulungkot sabihin, ang kalunus-lunos na pangyayari na gaya niyaong walang awang pagpatay sa Luby’s Cafeteria ay maaasahang mangyayari. Oo, binanggit ng isang kilalang dalubhasa, si Dr. James A. Fox, na sa sampung pinakamalaking lansakang pagpatay sa kasaysayan ng Amerika, ang walo ay nangyari mula noong 1980.
Si Jack Levin, isang propesor ng sosyolohiya at kasamang awtor ng aklat na Mass Murder, ay nagsabi na ipinababanaag ng lansakang mga pagpatay na ito ang pagkasira sa lipunan at sa kabuhayan. “Mas maraming lalaki na nasa kalagitnaang-gulang ang nag-aakalang sila’y nilampasan ng buhay,” sabi niya. “Sila’y nawalan ng trabaho o nagdiborsiyo. Ang mga sistemang umaalalay na dati’y naroroon ay naglalaho, tulad ng pamilya at ng simbahan.” Maliwanag na iyan ang kaso ng mamamatay-tao, ang 35-anyos na si George J. Hennard, na mula sa isang wasak na pamilya at na ang mga papeles na kailangan niya upang maging isang marino ay kinuha sa kaniya sapagkat siya ay pinaghihinalaang sugapa sa droga.
Oo, kailangan ng mga tao ang salig-Bibliyang pag-asa tungkol sa matuwid na bagong sanlibutan na ipinangangako ng Diyos. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4) Ang aming pag-asang ang lahat ng kalunus-lunos na mga pangyayari sa ngayon ay malapit nang maging isang malabong alaala na lamang ay nagbigay-lakas sa amin ni Paula sa mahirap na panahong ito. Tunay na kami’y inaliw ng Diyos, gaya ng ipinangangako ng kaniyang Salita. (2 Corinto 1:3, 4)—Gaya ng inilahad ni Sully Powers.
[Larawan sa pahina 23]
Sinisiyasat ng mga pulis ang loob ng Luby’s Cafeteria kung saan ibinangga ng isang taong mámamaril ang isang trak sa harap na bintana
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Killeen Daily Herald
[Larawan sa pahina 24]
Di-kilalang mga babae sa labas ng restawran kung saan pinatay ng isang taong mámamaril ang 23 katao pati ang kaniyang sarili
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Killeen Daily Herald
Kasama ng aking asawa, si Paula