Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Wala Akong Magawang Magaling?

Bakit Wala Akong Magawang Magaling?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Wala Akong Magawang Magaling?

“Nasumpungan kong napakahirap palugdan ang tatay ko nang ako’y magtrabaho sa kaniya. Ako ay 15 lamang, at ang trabaho ay masyadong masalimuot; kapag ako’y nagkakamali, siya’y mapamintas.”​—Randy.

“Ang nanay ko ay parang detektib​—laging hinahanap kung saan ako nagkamali. Bago ko pa matapos ang aking mga gawain sa bahay, iinspeksiyunin na niya ang gawa ko, hinahanap ang mga mali.”​—Craig.

“Lagi akong sinisermunan ng aking mga magulang tungkol sa isang bagay. Sabi nila na talagang hindi ko maorganisa ang aking buhay. Ang paaralan, tahanan, kongregasyon​—ayaw nila akong tigilan sa kasisermon.”​—James.

INAAKALA mo ba kung minsan na para bang wala kang magawang magaling upang palugdan ang iyong mga magulang? Inaakala mo bang ang bawat kilos mo ay nasa ilalim ng mikroskopyo, na ikaw ay laging binabantayan, laging pinipintasan, subalit hindi kailanman pumapasa sa pagsusuri? Kung gayon, maaaring madama mong ikaw ay nabubuhay sa ilalim ng isang ulap ng di pagsang-ayon ng magulang.

Ang iyong kalagayan ay hindi natatangi. Si Dr. Joyce L. Vedral ay nagsasabi: “Sang-ayon sa karamihan ng mga tin-edyer, ang mga magulang ay laging naninisi. . . . Lagi nilang inuulit-ulit ang lahat ng bagay mula sa pag-aayos ng iyong kuwarto hanggang sa paglalabas ng basura, mula sa paggamit ng banyo hanggang sa paraan ng iyong pananamit, mula sa pagpili mo ng mga kaibigan hanggang sa mga marka mo sa paaralan at mga araling-bahay.” Bagaman ito kung minsan ay nakaiinis sa iyo, hindi naman ito masama. Natural lamang sa mga magulang na disiplinahin at ituwid ang kanilang mga anak; isa itong paraan na ipinakikita nila ang pag-ibig nila sa kanila. Gaya ng pagkakasabi rito ng Bibliya, sasawayin ng isang ama “ang anak na kaniyang kinaluluguran.”​—Kawikaan 3:12.

Ngayon kung ikaw ay hindi kailanman tumanggap ng pagtutuwid mula sa iyong mga magulang, hindi ka ba mag-iisip kung sila kaya ay may malasakit sa iyo? (Kawikaan 13:24; ihambing ang Hebreo 12:8.) Kaya nga, makapagpapasalamat ka na ikaw ay may mga magulang na nagmamalasakit sa iyo upang ituwid ka! Sa paano man, ikaw ay bata at walang karanasan; kung minsan ay kailangan ang pagtutuwid. Kung walang patnubay, ikaw ay madaling madaraig ng “masasamang pita ng kabataan.”​—2 Timoteo 2:22.

Isaalang-alang ang ilan sa mga problema na maaaring idulot ng masasamang pitang iyon sa mga kabataan. Sabi ng manunulat na si Clayton Barbeau: “Ito’y isang mapanganib na daigdig para sa mga tin-edyer: bawat oras, isang kabataan ang namamatay sa isang banggaan ng kotse na nauugnay sa pag-inom ng nakalalasing na inumin; tinatayang labindalawang libong tin-edyer ang nagpapakamatay taun-taon; isang milyong mga babae sa isang taon ang nagbubuntis; tatlong milyong bata ngayon ang mga alkoholiko; ang mga sakit na naililipat ng pagtatalik ay laganap.” (How to Raise Parents) Hindi kataka-taka na ang iyong mga magulang ay determinadong ituwid ka sa tuwina! Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “ang taong may unawa ay makikinig at tatanggap ng higit na turo . . . Ang mga mangmang ay humahamak sa karunungan at disiplina.”​—Kawikaan 1:5, 7; ihambing ang Kawikaan 10:17.

Kung Bakit Napakasakit Nito

Isa pa, “walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakapagpapaligaya, kundi nakapagpapalungkot.” (Hebreo 12:11) Totoo ito lalo na kapag ikaw ay bata. Sa paano man, ang iyong personalidad ay hindi pa ganap na nalilinang; ikaw ay lumalaki pa at natutuklasan mo kung sino ka. Kaya ang pagpuna​—kahit na maingat na pinag-isipan at ipinahayag sa mabait na paraan—​ay maaaring pagmulan ng hinanakit. Ang aklat na How to Survive Your Adolescent’s Adolescence ay naghihinuha na ang mga tin-edyer ay “masyadong sensitibo sa pagpuna.” Gaya ng sabi ng isang kabataan, “nasasaktan ako sa pagpuna.”

Subalit kapag ang pagpuna ay nanggagaling sa inyong mga magulang, ang kirot ay maaaring maging totoong malalim. Sa kaniyang aklat na Helping Your Teenager Deal With Stress, ipinagugunita sa atin ni Dr. Bettie Youngs na sa pamamagitan ng “pagsang-ayon o di pagsang-ayon ng iba” ang isang kabataan “ay nagkakaroon ng opinyon tungkol sa kaniyang halaga-sa-sarili at halaga bilang isang tao.” Gayunman, ang mga magulang ang pinakamalaking salik sa pagtulong sa isang kabataan na magkaroon ng pagkilalang ito sa sarili. Kaya kapag itinutuwid ka ng isang magulang o nagrereklamo tungkol sa paggawa mo ng isang bagay, ito ay maaaring nakasisira ng loob, masakit.

Gayumpaman, dapat mo bang mahinuha na wala kang magawang magaling? O na ikaw ay isang ganap na kabiguan dahil lamang sa binanggit ng iyong mga magulang ang ilan sa iyong mga kapintasan? Totoo, lahat ng tao ay hindi nakaaabot sa kasakdalan. (Roma 3:23) At ang paggawa ng mga pagkakamali ay bahagi ng proseso ng pagkatuto. (Ihambing ang Job 6:24.) Ang problema ay, ang iyong mga magulang ay walang gaanong masabi kapag tama ang ginagawa mo​—at may nasasabi sila kapag ikaw ay nagkamali! Ito ay nakasasakit, ngunit hindi ito nangangahulugan na ikaw ay isang ganap na kabiguan. Matuto kang tanggapin nang mahinahon at makatuwiran ang pagpuna, hindi minamaliit ito o nalilipos nito.​—Ihambing ang Hebreo 12:5.

Hindi Makatuwirang Pagpuna

Kumusta naman kung ang pagpuna ay di-makatuwiran? Ang ilang magulang ay naglalagay ng di-makatuwirang matataas na pamantayan para sa kanilang mga anak. Maaaring iniinis nila ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng laging pagsisi sa kanila tungkol sa maliliit na bagay. At ang mga magulang na may matuwid na dahilan upang magreklamo ay maaaring igawad ang pagpuna sa isang malupit, humahamak na paraan. Sinasabi rin ni Dr. Bettie Youngs na ang “pagbabansag [ng magulang], pagsesermon, pagtuya, paghiya, pagsisi, at pagbanta” ay “nakasisirang huwaran ng pakikipagtalastasan, . . . na sumisira sa pagtitiwala-sa-sarili at pagkadama ng halaga ng bata.”

Nang ang matuwid na taong si Job ay atakihin ng sunud-sunod na di-makatuwirang pagpuna, siya’y nagsabi: “Hanggang kailan pahihirapan ninyo ang aking kaluluwa at babagabagin ako ng mga salita?” (Job 19:2) Sa gayunding paraan, ang laging paghiya ng isang magulang o ang di-makatotohanang pagsukat sa mataas na mga pamantayan ay maaaring makainis sa isang kabataan, pinangyayari siya na “masiraan ng loob.” (Colosas 3:21) Ang aklat na Coping With Teenage Depression, ni Kathleen McCoy, ay nagsasabi pa nga na “ang kawalan ng kayang mamuhay sa mataas na mga inaasahan ng mga magulang ay maaaring maging sanhi ng pagkawala ng pagpapahalaga-sa-sarili at pagmulan ng panlulumo ng mga tin-edyer.”

Oo, ang gayong hindi mabuting pagpuna ay kadalasang pinagmumulan ng masamang siklo: Ang iyong mga magulang ay laging nakikita ang pagkakamali mo. Ang reaksiyon mo tuloy ay naiinis ka sa iyong sarili. Dahil sa naiinis ka sa iyong sarili, hindi mahusay ang gawa mo kapag may hinihiling sa iyo ang iyong mga magulang na gawin mo. Ang resulta? Higit pang pagpuna!

Sa Likod ng Pagpuna

Paano mo ihihinto ang nakasisirang-loob na siklo? Una, sikapin mong unawain kung bakit gayon ang nadarama ng iyong mga magulang. Ang kanila bang laging pagsisi o madalas na pagpuna ay talagang may masamang hangarin? Hindi naman. Si Dr. Joyce L. Vedral ay nagtatanong: “Bakit sila laging naninisi? Sila’y laging naninisi sapagkat walang nakikinig, o sa paano man walang umaamin na sila ay nakikinig. Mientras nadarama nilang sila’y hindi pinapansin, lalo silang naninisi.” Kaya nga, ikaw ba ay talagang nagbibigay sa iyong mga magulang ng katibayan na ikaw ay tumutugon sa kanilang mga reklamo? O hindi mo ba pinakikinggan ang kanilang mga sinasabi? Kung gayon, huwag kang magtaka kung ang paghahanap nila ng pagkakamali ay dumadalas​—at tumitindi! Gayunman, ito kaya ay maaaring huminto kung basta ikakapit mo ang mga salita ng Kawikaan 19:20? Ang talatang iyan ay kababasahan: “Makinig ka sa payo at tumanggap ka ng disiplina, upang ikaw ay maging pantas sa iyong kinabukasan.”

Kung minsan ang isang magulang ay nagiging masyadong mapintasin, hindi dahil sa anumang partikular na pagkukulang sa bahagi mo, kundi dahil lamang sa hindi mabuti ang kalagayan niya. Ang iyong inay ba ay nagkaroon ng mahirap na maghapon sa trabaho? Kung gayon mas malamang na siya ay magsalita nang hindi kanais-nais sa iyo dahil sa magulo ang iyong silid. Ang iyong itay ba ay galit at bigo dahil sa humihinang pananalapi ng pamilya? Kung gayon, maaaring siya ay walang ingat na magsalita “na parang mga saliwan ng tabak.” (Kawikaan 12:18) Ipagpalagay na, ito ay di-makatarungan. Subalit “tayong lahat ay malimit natitisod. Kung sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal.” (Santiago 3:2) Kaya kung si Inay o si Itay ay tila maigting o balisa, ang pinakamatalinong bagay na dapat gawin ay sikaping kumilos nang maingat at iwasan ang pagpukaw ng anumang pagpuna.

Bilang di-sakdal na mga tao, ang mga magulang ay maaari ring pinahihirapan ng mga damdamin ng kakulangan. Ang kabiguan sa bahagi mo ay maaaring magpadama sa kanila na para bang sila ay bigo! Ganito ang paliwanag ni Dr. Vedral: “Maaaring mag-uwi ka ng isang hindi mabuting report card, at maaaring sabihin ng tatay mo, ‘Ano, tanga ka ba? Tanga ang anak ko.’ Mangyari pa ay hindi naman inaakala ng iyong ama na ikaw ay isang tanga. Ang ibig niyang sabihin ay, ‘Nangangamba akong hindi ko ginagampanan ang tungkulin ko sa pagganyak sa iyo na mag-aral.’”

Ang mga pangambang iyon ay maaari ring mag-udyok sa mga magulang na maglagay ng hindi makatotohanang mataas na mga pamantayan. Isang kabataang nagngangalang Jason ay nanangis: “Wala akong magawang magaling. Kung kakalaykayin ko ang mga dahon sa bakuran, nais malaman ni Itay kung nilinis ko ba ang garahe samantalang kinakalaykay ko ang mga dahon. Kung ‘A minus’ ang makuha kong marka sa paaralan, gustong malaman ng mga magulang ko kung bakit hindi ‘A’ ang nakuha ko at sasabihin sa akin na ako’y isang kabiguan.” Subalit isang tagapayo sa paaralan ang nakipag-usap sa mga magulang ni Jason at natuklasan ang bagay na ito: “Ang kanilang labis-labis na mataas na mga inaasahan sa kanilang anak ay nagpapabanaag ng kanila mismong mga damdamin ng kawalang-kaya at ng kanilang kabiguan sa kanila mismong napiling karera at pinansiyal na mga katayuan.”​—Coping With Teenage Depression.

Anuman ang iyong kalagayan sa tahanan, marahil lalo mong mapahahalagahan kung bakit kung minsan ang iyong mga magulang ay tila mapunahin. Subalit ano ang ilang paraan upang mapakitunguhan ang paghahanap ng mga kamalian ng mga magulang? May mga paraan ba upang makinabang mula sa kanilang pagpuna? Ang mga tanong na ito ay tatalakayin sa isang artikulo sa hinaharap.

[Larawan sa pahina 26]

Kapag ang isang magulang ay nagrereklamo tungkol sa paggawa mo ng isang bagay, ito ay maaaring nakasisira ng loob