Chagas’ Disease—Isang Nakamamatay na Sakit
Chagas’ Disease—Isang Nakamamatay na Sakit
ISANG doktor na taga-Brazil, si Carlos Chagas, ang nagbigay ng kaniyang pangalan sa sakit na kilala sa medisina bilang South American trypanosomiasis. Natuklasan niya ito noong 1909 nang ibukod niya ang pagkaliit-liit na parasitong organismo na tinatawag na trypanosome. Ang sakit ay mahirap masuri sapagkat pagkatapos na ang isang-selulang mga parasitong ito ay makapasok sa daluyan ng dugo ng tao, karamihan sa kanila ay umaalis sa dugo at nagtatago sa mga selula ng katawan at hindi madaling matunton.
Minsang nasa loob ng selula, ang trypanosome ay mabilis na dumarami, subalit ang mga sintoma ng sakit ay iba-iba. Ang ilang biktima ay hindi pa nga nagpapahiwatig na sila ay nagdadala ng sakit, subalit sa iba ang di-mababagong pinsala ay agad na nangyayari sa lapay, sa atay, at sa mga kulani, at maging sa utak. Sa Timog Amerika ito rin ang pangunahing sanhi ng kamatayan dahil sa panghihina ng puso sa mga taong wala pang 40 taóng gulang. Wala pang gamot na mabibili upang gamutin ang sakit, subalit ang Imperial College ng London ay aktibong nagsasagawa ng molekular na pananaliksik upang makagawa ng isang gamot.
Iniuulat ng World Health Organization na 90 milyon katao ang nanganganib mula sa Chagas’ disease sa Gitna at Timog Amerika, na mga 18 milyon ang nahawahan na. Paano dinadala ang sakit? Ito’y maaaring dalhin sa tao ng mga aso at mga pusa subalit mas karaniwan nang sa pamamagitan ng vinchuca, isang insekto na kilala rin bilang ang salarin, o nanghahalik na surot, sapagkat sa gabi ito ay dumadapo sa biktima nito upang kumain sa malambot na laman ng mukha, karaniwan nang sa palibot ng leeg o mata.
Ang kagat ng insekto ay walang sakit. Pagkatapos mamagâ sa dugo, idinideposito ng insekto ang nahawahan nitong dumi sa biktima. Kapag ikinuskos sa bukas na sugat, ng insekto mismo o ng biktima, na maaaring kamutin ito nang hindi namamalayang siya ay nakagat, hinahawahan ng dumi ang daluyan ng dugo. Hindi kapani-paniwala, ang ilang Mexicano ay iniuulat na kinakain pa rin ang nanghahalik na mga surot bilang isang pampagana sa sekso at sa gayo’y nahawahan ng trypanosome bilang tuwirang resulta.
Tinatawag na sakit ng karukhaan, ang Chagas’ disease ay karaniwang limitado sa mahihirap na dako kung saan malayang nagpaparami ang mga surot sa mga bitak ng dingding ng mga kubong yari sa putik. Subalit nitong nakalipas na mga taon ito ay naging palasak sa maunlad na mga lunsod, gaya ng Rio de Janeiro. Bakit? Sapagkat ang mga tao buhat sa rural na mga dako na nahawahan ng sakit ay nagpupunta roon upang magkaloob ng dugo. Libu-libong bagong mga kaso ng Chagas’ disease ang iniuulat taun-taon sa Brazil, tuwirang matutunton sa pagsasalin ng nahawahang dugo. Ang mga manggagawang dayuhan mula sa Timog Amerika ay nakababahala ngayon sa Estados Unidos, kung saan ang ilang bangko ng dugo ay nahawahan na.
Ang kalinisan, mahusay na pabahay, at wastong sanitasyon ang pangunahing mga kahilingan upang masawata ang pagkalat ng populasyon ng nanghahalik-na-surot. At para sa mga Kristiyano ang utos na “umiwas . . . sa dugo” ay gayon nga ang ibig sabihin. Ang pagsunod dito ay nagliligtas-buhay.—Gawa 15:20.