Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag Nagbalik ang Isang Isla

Kapag Nagbalik ang Isang Isla

Kapag Nagbalik ang Isang Isla

“NO MAN is an island,” sulat ng ika-17 siglong makata na si John Donne. Sa katunayan, bagaman totoo; kahit ang mga isla ay hindi laging nananatiling isla. Ang sinaunang lunsod ng Tiro ay isang halimbawa. Tinupad ni Alejandrong Dakila ang isang di pangkaraniwang hula sa Bibliya sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang daan patungo sa islang iyon at wasakin ang palalong lunsod nito. Sa nakalipas na mga siglo, ang daan ay napunô ng banlik; ang isla ay naging isang peninsula.

Sa Pransiya ang isla ng Mont-Saint-Michel ay nanganganib din na mawala ang katayuan nito bilang isang isla. Sa hangganan sa pagitan ng dalawang lalawigang Pranses ng Brittany at Normandy, ang Mont-Saint-Michel ay isang maliit na mabatong bundok na may isang nayon sa paanan nito at isang tulad-kutang monasteryo sa tuktok nito. Nanganganinag na parang isang piramide mula sa napakalaki, patag na lawak ng isang loók, na dala ng paglaki at pagliit ng tubig, inaakit nito ang mga dumadalaw sa loob ng mga dantaon. Mula nang sabihin ng isang obispo na nagkaroon siya ng isang pangitain ni “San” Miguel doon maaga noong ikawalong siglo C.E., ang mga peregrino ay nagdagsaan sa simbahan at pagkatapos ay sa monasteryo na itinayo sa lugar na iyon. Ang panahon ay hindi laging mabait sa lugar na iyon. Sa paglipas ng mga dantaon ito ay niwasak ng apoy, kinubkob sa mga digmaan, isinara noong panahon ng Rebolusyong Pranses, ginamit bilang isang bilangguan, at sa wakas ay isinauli sa dati noong huling dantaon, nang makuha nito ang tore at ang mga tulis ng tore nito.

Ang dagat ang waring siyang malaon nang pinakamapanganib na kaaway. Ang Bundok kung minsan ay tinatawag na Saint-Michel-at-the-Mercy-of-the-Sea. Sa nakalipas na mga dantaon, nararating lamang ito ng mga peregrino sa pamamagitan ng paglakad na tumatawid mula sa malaking isla kapag maliit ang tubig, nag-iingat sa magdarayang mga kumunoy. Ang mabilis-tumaas na tubig ay isa pang panganib​—sinasabi ng mga tao na ito ay maaaring dumaluyong sa bilis ng isang kumakaskas na kabayo!

Gayunman, ang pinakamahigpit na kaaway ng Mont-Saint-Michel ay ang lupa, hindi ang dagat. Noong dekada ng 1870 isang 900 metrong daan ang itinayo na sa wakas ay nag-ugnay ng isla sa kontinente. Mula noon, hindi na nililinis ng pagtaas at pagliit ng tubig ang loók na gaya ng dati, at dumarami ang buhangin sa palibot ng Bundok. Ngayon tanging ang pinakamataas na pagtaas lamang ng tubig ang humahampas sa mabatong kuta ng isla. Marami ang ginagawa upang salungahin ang di pangkaraniwang bagay na ito upang ang kilalang Bundok ay huwag maging isang peninsula na gaya ng Tiro​—o maging isang granito lamang na nakausli sa isang napakalawak, tuyong dalampasigan.