Kung Paano Iiwasan ang Pagkalason sa Tingga
Kung Paano Iiwasan ang Pagkalason sa Tingga
SA KABILA ng lahat ng masamang balita tungkol sa pagkalason sa tingga, ang kalagayan ay hindi naman ganap na mapanglaw. Di-gaya ng napakaraming sakit na hindi natin masupil, ito ay isang banta sa kalusugan na tungkol dito sinasabi ng mga opisyal ng kalusugan ay aktuwal na mayroon tayong magagawa.
“Ang pagkalason sa tingga ay lubusang maiiwasan,” ulat ng Newsweek na sinabi ng Kalihim ng Kalusugan at ng mga Paglilingkod na Pantao ng E.U. Ang panganib ng pagkalason sa tingga ay “maaaring alisin magpakailanman,” pahayag ng isang kilalang dalubhasa sa mga lason ng isang pamantasan. “Sapat na ang nalalaman ngayon tungkol sa mga pinagmumulan at mga dinaraanan ng pagkalantad sa tingga at tungkol sa mga paraan ng pag-iwas sa pagkalantad na ito upang simulan ang mga pagsisikap na permanenteng alisin ang sakit na ito,” sabi ng CDC (U.S. Centers for Disease Control). At sa wakas, idinagdag pa ng Kagawaran ng Kalusugan at ng mga Paglilingkod na Pantao ng E.U. ang opinyon nito: “Nauunawaan namin ang mga sanhi ng pagkalason sa tingga ng mga bata at, higit na mahalaga, kung paano maaalis ang mga ito. Ang sama-samang pagsisikap ng lipunan ay tunay na maaaring mag-alis sa sakit na ito sa loob ng 20 taon.”
Kung Ano ang Magagawa Mo
Paano maisasagawa ito? Sa simula, ang mga dalubhasa ay sumasang-ayon na ang pintura at tubig ang pangunahing mga tudlaan. Halimbawa, iginigiit ng dalubhasa sa lason na nabanggit kanina na ang pangunahing kahilingan upang alisin ang pagkalason sa tingga ay para sa mga may-ari ng bahay at mga kasero na gumawa kapagdaka ng mga hakbang upang palitan ang lumang pintura at instalasyon ng mga tubo. Samakatuwid maaaring gustong tiyakin ng mga may-ari ng bahay kung ang kanilang mga tahanan ay ligtas mula sa lason na tingga.
“Subalit huwag mataranta,” sulat ng magasing In Health. “Ang maayos na pintura ay hindi isang panganib, gayunman ang natutuklap na pintura at alabok ng pintura ay mapanganib. . . . Tingnan ang labas at loob ng inyong bahay kung may natutuklap na pintura, tingnan lalo na ang mga balangkas na kahoy sa pinto at bintana, kung saan maaaring ginigiling at tinutuklap ng panahon at pagkikiskisan ang mga ibabaw na may pintura.” Ang kagawaran ng kalusugan sa inyong bansa o estado ay maaaring makatulong sa inyo sa pagtiyak kung ang inyong tahanan ay nanganganib, marahil ay ituturo kayo sa mga laboratoryong sinanay sa pag-iinspeksiyon at pag-aalis ng tingga. Isang babala: Huwag subuking alisin ito sa ganang sarili. Ang mga bata ay maaaring malason sa tingga kapag kinaskas at niliha ng kanilang mga magulang ang lumang pintura sa mga dingding at trim, pinupuno ang hangin ng alabok na kargado-ng-tingga.
Tubig, Tubig sa Lahat ng Dako
Para sa mga sambahayan kung saan ang tubig ang salarin, ang problema ay maaaring nagmumula sa mga tubo na nag-uugnay sa bahay sa pinagmumulan ng tubig. Ang isang lumang bahay ay maaaring naglalaman ng mga tubong tingga, isang maliwanag na pinagmumulan ng lason. Kahit na ang mga tubong tanso o bakal ay maaaring idinugtong ng panghinang na tingga. Sa ilang bansa makatutulong na tingnan ang mga kodigo sa pagtatayo upang malaman ang tungkol sa mga pamantayan sa mga instalasyon ng tubo sa inyong lugar. Kung ikaw ay may katuwirang maniwala na ang iyong tubig ay may tingga, maaaring ipasiya mong ipasuri ito. Sa karamihan ng mga bansa ay may mga
laboratoryo na nasasangkapan upang gawin ito sa makatuwirang halaga.Ano kung ang inyong tubig ay may di-ligtas na antas ng tingga? Ano ang magagawa mo rito? Sa paano man, hindi lahat ay maaaring makagawa ng mahigpit na pagkilos, gaya ng pagkalas at pagpapalit sa instalasyon ng tubo. Ang mga opisyal ng kalusugan ay nagbibigay ng ilang simpleng pamamaraan upang bawasan ang antas ng tingga. Bago kumuha ng tubig sa gripo, hayaan munang dumaloy ang tubig sa loob ng isang minuto o dalawa, lalo na kung ang gripo ay nakasara sa loob ng mahigit na anim na oras. Tutulong ito upang itapon ang anumang tubig na may tingga. At huwag kailanman gamitin ang mainit na tubig mula sa gripo para sa inumin o pagluluto. Malamang na mas maraming tingga sa mainit na tubig sa gripo kaysa malamig na tubig mula sa gripo.
Kung ikaw ay umiinom sa de kuryenteng mga paunten ng tubig sa paaralan, opisina, o pagawaan, hayaan munang dumaloy ang tubig ng ilang segundo bago gamitin. Ang ilang paunten ay naglalaman ng mga tubo na ikinabit ng panghinang na tingga.
Tingga sa Pagkain at Inumin
Ang Food and Drug Administration (FDA) ng Amerika ay nagbigay ng mga rekomendasyon sa paggamit ng kristal na may halong tingga na mga baso. Ang magasing Good Housekeeping ay nag-uulat: “Bagaman walang nagmumungkahing dapat mong lubusang ihinto ang paggamit nito, iminumungkahi ng FDA na iwasan ang paggamit ng mga pinggan at lutuang kristal na may halong tingga upang itago ang mga pagkain at mga inumin sa loob ng mahabang panahon, lalo kapag itinatago ang maasidong mga pagkain (sarsa ng kamatis; katas ng kahel, kamatis, at iba pang prutas; alak; at suka) . . . Iminumungkahi rin ng FDA na ang mga sanggol at mga bata ay huwag na huwag pasusuhin mula sa mga boteng kristal na may halong tingga . . . o sa anumang iba pang bahilyang kristal na may halong tingga.”
Kumusta naman ang mga bote ng alak na ang ibabaw ay nababalot ng palarang may tingga? Inirerekomenda ng ilang dalubhasa sa kalusugan ang lubusang pag-aalis ng palara at, pagkatapos hilahin ang tapón, basain ang isang tela ng ilang patak ng alak at saka pahirin nito ang bibig ng bote.
Mga ina at mga maybahay, madalas ba ninyong ginagamit-muli ang plastik na mga supot ng tinapay para sa pagtatago ng pagkain? Nasumpungan ng mga mananaliksik ang mataas na antas ng tingga sa tintang ginamit upang tatakan ang mga supot, na maaaring tumagas sa iba pang pagkain. Ang tingga ay hindi nagtutungo sa tinapay sa loob sa pamamagitan ng plastik; gayunman, kapag binabaligtad ng gumagamit ang supot, ang tintang may halong tingga ay maaaring magpangyari ng pagkahawa. Kung ang supot ay gagamiting-muli, tiyakin na ang tatak ay hindi dadaiti sa pagkain.
Katapus-tapusan, ang magasing Discover ay nagbababala: “Ang mga naglalakbay sa ibang bansa, lalo na sa mga bansa sa Third World, ay dapat mag-ingat sa bahilyang seramik; ang pangkintab na may halong tingga nito ay maaaring hindi naihurno sa mataas na temperaturang hinihiling upang iwasan ang pagtuklap, pagtaliptip, at pagtagas ng mga partikulo ng tingga sa pagkain.”
Maging Makatuwiran
Ang isang mahalagang tuntunin na dapat tandaan kapag isinasaalang-alang ito o ang halos anumang nakababalisang problemang pangkapaligiran sa ngayon: Maging makatuwiran. Napakadaling mataranta, at ang mataranta ay hindi kailanman nakatutulong. Ang malungkot na bagay ay na ang ating kapaligiran ay nadumhan ng di-mabilang na mga pamparumi maliban sa tingga. Upang mabuhay ng isang buhay na walang lason, malamang na tayo ay kailangang lumipat sa isang lugar na liblib. Ngunit sino ang gustong mamuhay na parang ermitanyo upang maiwasan lamang ang polusyon? Ang tanging timbang na paglapit sa gayong mga problema ay gawin ang anumang makatuwirang mga pag-iingat na kinakailangan upang pangalagaan ang ating mga sarili at ang ating mga anak mula sa malubhang panganib. Ang ganap na proteksiyon mula sa maling paggamit ng tao sa mga yaman ng lupang ito ay dapat dumating sa dakong huli.
At tiyak na darating ang ganap na proteksiyon! Alam mo ba na ang Maylikha ng planetang ito ay nangangako ng isang panahon kapag ang sangkatauhan ay magsisikap na baguhin ito tungo sa isang paraiso? Hindi na ikakalat ng tao ang nakamamatay na polusyon at pagkalason saanman. Idinaragdag ng Isaias 11:9 ang pangakong ito: “Sila [ang sangkatauhan] ay hindi mananakit o lilikha ng ano mang pinsala sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay mapupuno nga ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.” Walang alinlangan na kasali sa “kaalaman tungkol kay Jehova” ang pagkaunawa sa kung paano gagamitin ang napakaraming yaman ng planetang ito sa isang paraan na hindi pipinsala sa mga bata o sa mga adulto—sabihin pa sa lahat.