Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagsusugal Bagaman ang mga serye ng inyong artikulong “Pagsusugal—Sulit Ba?” (Hunyo 8, 1992) ay talagang nakapagtuturo at napapanahon, walang nabanggit hinggil sa pagpusta sa isports. Di-gaya ng mga baraha, loterya, slot machine, at iba pa, ang pagpusta sa isports ay maaaring gawin anumang oras, araw o gabi. Hindi mo na nga kailangang lisanin pa ang iyong trabaho. Inaakala ko na ang uri ng pagsusugal na ito ay mas palasak kaysa uri na tinalakay sa inyong artikulo. Ang pagpusta sa isports ay hindi lamang pag-aaksaya ng pera kundi ng mahalagang panahon din na maaaring gugulin ng isa sa pamilya. Ang gayong panahon ay ginagamit sa pagsubaybay sa mga iskor at sa labas ng mga laro. Sa gayon ang sugal sa isports ay isa pang malungkot na komentaryo sa sistemang ito ng mga bagay.
C. Y., Estados Unidos
Salamat sa pagbibigay sa amin ng matalinong unawa tungkol sa pusakal na sugarol. Tiniis ko ang mapait na karanasan na palakihin ng isang pusakal na sugarol. Si inay ay nagsosolong magulang na may limang anak. Siya’y nagbibingo ng anim na gabi sa sanlinggo, linggu-linggo, at nagpapatuloy hanggang ngayon. Laging pangunahin ang pagsusugal. Kami’y nakikiusap sa kaniya na gumugol ng panahon sa amin, maghanda ng pagkain para sa amin, subalit iyon ay walang kabuluhan. Kaniyang isinasakripisyo ang kaniyang mga anak sa pagbibingo. Salamat sa inyong pagtulong na mas maunawaan ko kung bakit siya ganiyan.
R. E., Estados Unidos
Mga Curfew Nais ko kayong pasalamatan sa inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Napakahigpit ng Curfew Ko?” (Mayo 22, 1992) Ako ay malapit nang mag-17, at inaakala kong di-makatuwirang ipatupad pa rin ng aking ina ang curfew na 11:00 n.g. Ilang gabi na ang nakalipas ako’y umuwi nang gabing-gabi na dahil sa aking kapabayaan, at ang aking ina ay galit na galit! Pinahahalagahan ko kung paano ninyo ipinaliwanag na ang mga magulang ay nag-aalala at nababahala, nangangamba sa aming kapakanan pagka kami’y di pa dumarating sa oras. Talagang sarili ko lamang ang aking iniisip sa pagdudulot ng gayong di-kinakailangang pagkabahala.
O. C., Estados Unidos
Mga Crossword Puzzle Nais ko kayong pasalamatan sa paglalathala ng mga crossword puzzle sa Gumising! Sana’y magkaroon pa ng mas marami nito. Ako’y nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova, subalit ang aking asawa ay hindi gaanong interesado. Siya’y hindi palabasa, at napakahirap na makasumpong ng pangganyak na gawin niya iyon. Subalit gusto niyang sagutan ang inyong mga crossword puzzle! Sa katunayan, kaming dalawa ang gumagawa niyaon, na nakabubuti naman sa amin. Salamat.
E. X. E., Brazil
Ang “Gumising!” ay patuloy na maglalathala ng mga crossword puzzle paminsan-minsan.—ED.
Kawalang Karanasan sa Sekso Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Mananatili na Walang Karanasan sa Sekso?” (Abril 22, 1992) ay naging malaking tulong para sa akin. Naiwala ko ang aking pagkadalaga bago ako nakapag-asawa. Bagaman sa panahong iyon ay hindi ko lubusang alam ang mga batas ni Jehova, labis nang nakaligalig ito sa aking budhi, at ako’y nagdusa sa emosyon. Ako’y napaiyak nang mabasa ko ang artikulo. Nakaaaliw na malaman na ako’y nilinis na sa paningin ng Diyos. Anong laking kapakinabangan kung mababasa ng mga kabataan ang artikulong ito at magpasiyang manatiling walang karanasan sa sekso! Sana’y nakapanatili akong walang karanasan sa sekso.
M. S., Puerto Rico
Sansinukob Anong pagkaliit-liit natin sa harap ng Diyos! Iyan ang ipinakita ninyo sa artikulong “Pagtuklas sa mga Lihim ng Sansinukob.” (Marso 22, 1992) Unti-unting isinisiwalat ng mga teleskopyo ng tao ang kawalang-hanggan ng sansinukob. Ang mga pagtuklas nito ay tumitiyak sa atin na isang nakahihigit at mas matalino kaysa atin ang lumikha ng misteryosong sansinukob na ito at ng mga batas na umuugit dito. Dapat nating kilalanin ito na may kapakumbabaan.
M. R. S., Brazil