Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkalason sa Tingga—Isang Pangglobong Problema

Pagkalason sa Tingga—Isang Pangglobong Problema

Pagkalason sa Tingga​—Isang Pangglobong Problema

ANG ekspedisyon ni Sir John Franklin upang hanapin ang kilalang Northwest Passage ay nanganganib. Ang dalawa niyang bapor ay nahahadlangan ng yelo, at kasisimula pa lamang ng mahabang taglamig sa Artikó. Isang marino na ang namatay sa isang kakatwang paraan​—siya ay unti-unting naging magagalitin, naging isteriko, at sa wakas ay namatay. Pagkatapos ay kumalat ang kabaliwan. Higit pang mga lalaki ang namatay. Pagkatapos ang nasawi ay umabot ng dalawang dosena sa sumunod na dalawang taon, ang nakaligtas na mga miyembro ng ekspedisyon ay lubhang determinadong umalis sa kanilang bapor anupat sila’y naglakad patimog sa nagyeyelong ilang, hila-hila ang pagkalaki-laking paragos na may kargang maraming di-kinakailangang mga bagay, pati ng mga bagay na luho. Isa mang miyembro ng ekspedisyon ay walang nakaligtas. Iyan ay nangyari noong 1848. Sa loob halos ng 140 taon, ang sanhi ng kanilang kabaliwan ay isang misteryo. Subalit sa nakalipas na dekada, ang mga pagsubok sa buhok at sa mga bahagi ng buto ay nagsisiwalat ng isang mahalagang piraso sa palaisipan: tingga. Ang mga lalaki ay nakakain ng karneng isinalata at isinara sa pamamagitan ng panghinang na tingga. Sila’y nalason sa tingga!

Ang pagkalason sa tingga ay isang problema bago pa ang kaarawan ng tiyak na mapahamak na ekspedisyong iyon, at ito’y lumago tungo sa isang pangglobong banta sa kalusugan mula noon. Nitong nakalipas na mga taon mga resma ng papel ang naisulat tungkol sa mga panganib ng pagkalason sa tingga. Ang mga organisasyong pangkalusugan sa buong daigdig ay napoproblema kung paano pakikitunguhan ito. Lalo na sa mga bansa, gaya niyaong nasa Latin Amerika at Silangang Europa, kung saan may limitado lamang na pagsupil sa kapaligiran, ang pagkalason sa tingga ay naging isang lumalaking problema. Nababahala rin ang industriyalisadong mga bansa.

Isang dekada ang nakalipas, nangangamba dahil sa dumaraming katibayan na ang pagkalason sa tingga ay naging isang malawakang sakit, pinasimulan ng mga opisyal ng kalusugan sa Australia, Denmark, Alemanya, Mexico, Scotland, at Estados Unidos ang mga pagsusuri upang tiyakin kung gaano kapanganib kahit na ang napakababang antas ng tingga sa mga tao, lalo na sa mga bata.

Gaano Kapanganib?

Ang pagkalantad ba sa isang payak, karaniwang metal ay talagang napakapanganib? Si Dr. Richard Wedeen, awtor ng Poison in the Pot: The Legacy of Lead, ay naniniwala na ang tingga ay maaaring lubhang makasira sa bawat biyokemikal na gawain ng katawan ng tao. Kaya nga siya ay naghinuha na “ang tingga ay maaaring may koneksiyon sa mataas na presyon ng dugo, atake serebral, at mga atake sa puso gayundin sa sakit sa bató.” Si Wedeen ay naniniwala na ang ilang adulto na pinahihirapan ng grabeng pagkalason sa tingga ay maaari pa ngang maging mga alkoholiko at magwakas sa mental na mga institusyon.

Itinatala ng The World Book Encyclopedia ang iba pang mga sintoma, gaya ng anemya, pagkahilo, pulikat, panghihina, paralisis, mga kirot sa sikmura, at pagsusuka. “Ang pinsala sa utak, koma, at mga kombulsiyon ay nangyayari sa grabeng mga kaso, at ang sukdulang mga kaso ng pagkalason sa tingga ay naging dahilan ng kamatayan,” ulat ng ensayklopedia. At marami-raming proporsiyon din niyaong gumaling mula sa malubhang mga kaso ay dumanas ng pinsala sa utak, sulat ng isang kilalang doktor.

Ano nga ba ang ginagawa ng tingga upang gawin ang mga sintoma na iyon? Sa katunayan, napagkakamalan ng katawan ang tingga na kalsiyum, kaya hindi nito sinisikap na alisin ito. Gumagala sa daluyan ng dugo, sinisira ng tingga ang lahat halos ng bagay na puntahan nito. Sa dugo, hinahadlangan nito ang paggawa ng hemoglobin, sinisira ang kakayahan ng dugo na magdala ng oksiheno. Sa utak at sa sistema ng nerbiyo, ito ay kumakapit sa mahahalagang protina na tinatawag na mga enzyme at ginagawa itong walang silbi. Tinitipon naman ng buto ang tingga at iniimbak ito, kung minsan ay inilalabas ito sa dakong huli upang higit pang makapinsala.

Dalawang katangian ng pagkalason sa tingga ang gumagawa ritong totoong mapanganib. Una, ito ay maaaring maging tuso, unti-unting lumilitaw na uri ng karamdaman, mahirap mapansin. Ikalawa, pangunahin nang dahil sa industriyal na pagbabago, ang tingga ay nasa lahat ng dako sa ating kapaligiran.

Isang Malaganap na Metal

Sa ngayon, ang mga gamit ng tingga ay natatakdaan lamang ng guniguni ng tao. Halimbawa, mula noong dekada ng 1920 hanggang kamakailan, angaw-angaw na tonelada ng tingga ay idinagdag sa gasolina upang pagbutihin ang takbo ng makina. Ang tingga ay malawakang ginamit sa pintura, bagaman ang ilang bansa ay mahigpit nang tinatakdaan ngayon ang paggamit nito.

Subalit kahit na kung ikaw ay nakatira sa isang bansa kung saan ang tingga ay malaon nang ipinagbawal mula sa gamit nito sa pintura o gasolina, malamang na ikaw ay hindi lubusang ligtas sa pagkalantad sa tingga. Halimbawa, maaaring ikaw ay nakatira sa isang bahay o isang apartment na napinturahan bago nagkabisa ang mga kautusang iyon. O marahil kung saan ka nakatira, maraming mas matatandang modelo ng kotse ang maaaring nagsusunog pa rin ng gasolinang may tingga, na naglalabas pa rin ng mga usok na may tingga na nagpaparumi sa hangin at sa lupa sa palibot mo.

At, ang tingga ay malawakan ding ginagamit sa instalasyon ng mga tubo at panghinang. Ang pananggalang na materyal na yari sa tingga ay ginagamit upang pangalagaan ang mga teknisyan ng X-ray at ang mga manggagawa sa lakas-nuklear mula sa mapanganib na mga radyasyon. Ang mga paunten na inuman ng tubig na ang mga tangke ng tubig ay hininang ng tingga ay ginagamit pa rin, gayundin ang mga lata ng pagkain na ang mga gilid ay hinihinang ng tingga. Ang kristal na tingga ay popular sa mga baso at sisidlan ng alak. Kahit na ang ilang bote ng bata ay gawa sa kristal na tingga. May mga pohas na tingga rin sa mga batirya ng kotse. Ang mga balang tingga at mga bala ng shotgun ay ginagamit ng di-mabilang na angaw-angaw. Ang listahan ay tila ba walang katapusan.

Bagaman ang pagkalason sa tingga sa gitna ng mga adulto ay lubhang nakababahala sa medikal na propesyon, ang pinakamahinang mga biktima sa karamdamang ito ay ang mga bata. Bakit ang mga bata? At paano mo maiingatan sila at ang iyong sarili mula sa sakit na ito na nakapanghihina sa katawan at sa isipan?

[Blurb sa pahina 4]

Ang pagkalantad kaya sa isang karaniwang metal ay talagang napakapanganib?

[Blurb sa pahina 4]

Malayang gumala sa daluyan ng dugo, sinisira ng tingga ang lahat ng puntahan nito

[Blurb sa pahina 5]

“Ang tingga ay maaaring may koneksiyon sa mataas na presyon ng dugo, atake serebral, at atake sa puso gayundin sa sakit sa bató”

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Larawan: Guhit ni Thomas Smith, sa kagandahang-loob ng Maritime Museum, Greenwich, Inglatera